OSCE—Ano ba Ito? Magtagumpay Kaya Ito?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Portugal
PAGKATAPOS ng Digmaang Pandaigdig II, isang matinding paglalabanan ang bumangon sa pagitan ng mga bansa sa Kanluraning demokratikong kapitalista at ng grupo ng Silanganing Komunistang Sobyet. Ang bawat grupo ay nagtatag ng sarili nitong organisasyon sa seguridad: ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Kanluran at ang Warsaw Pact sa Silangan.
Noong 1975 ang Cold War ay medyo isinaisantabi anupat napalagda ang 35 Estado, kasali na ang Estados Unidos at Russia, sa tinatawag na Helsinki Agreement. Naitatag ang Conference on Security and Cooperation in Europe (CSCE). Ito’y isang porum na kinabibilangan ng maraming bansa para sa pakikipagtalakayan at pakikipagnegosasyon sa pagitan ng dalawang grupo.
Sa Budapest Summit noong 1994, pinalitan ng CSCE ang pangalan nito tungo sa Organization for Security and Cooperation in Europe (OSCE). Sa ngayon, ito’y binubuo ng 54 na kalahok na mga Estado, kasali na ang Estados Unidos, Canada, at lahat ng bansa ng dating Unyong Sobyet.
Ang Layunin Nito
Ang layunin ng mga bansang miyembro ng OSCE ay tiyakin ang katiwasayan ng Europa gayundin ang pagtataguyod sa pagpapatupad ng mga karapatang pantao, pagbabawas ng sandatahang puwersa, demokratikong kalayaan at pag-aayos ng alitan sa mga rehiyon.
Isang summit miting ng OSCE ang ginanap sa Lisbon, Portugal, noong Disyembre 2-3, 1996. Noong una, ang pansin ay itinuon sa NATO, yamang ang ilang miyembro ng NATO, kasali na ang Estados Unidos, ay pabor sa pagpapalawak ng NATO upang maisali ang mas maraming bansa mula sa Gitna at Silangang Europa. Subalit sa halip na suportahan ang pagpapalawak ng NATO upang maisali ang dating mga kaanib ng Silangang grupo, ibig ng Russia at ng ilang dating kaanib nito sa Silangang grupo ang OSCE na maging ang tagapamagitan sa talakayan hinggil sa katiwasayan ng Europa.
Ang kataas-taasang ministro ng Russia, si Viktor Chernomyrdin, ay nagsabi ng ganito sa miting: “Kami’y sumasang-ayon sa pagtataguyod ng OSCE, na siyang nag-iisang tagapamagitan sa malayang talakayan sa Europa kung saan ang lahat ng Estado ay makagagawa nang magkakasama. Ito ang pinakamabuting tagapamagitan para sa pagtalakay sa katiwasayan at tanggulan.”
Ang nagniningning na araw sa hapon ay waring lumikha ng isang optimistikong kalagayan sa pangkalahatan sa pagtatapos ng summit, sa kabila ng mga komento ng press may kinalaman sa malabong mga resulta nito. Anumang tagumpay o kabiguan ang matamo ng OSCE, ang mga mangingibig ng kapayapaan saanman ay makatitiyak na ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay matatamo hindi na magtatagal sa buong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.—Awit 72:1, 7, 8.
[Larawan sa pahina 31]
Ang Cultural Center of Belém, sa Lisbon, Portugal, kung saan ginanap ang komperensiya