Pagmamasid sa Daigdig
De-kuryenteng mga Kotse at ang Kapaligiran
Ang German Automobile Company ay nagsagawa ng isang pag-aaral upang malaman kung ang mga kotseng pinaaandar ng batirya ay mas mabuti para sa kapaligiran kaysa mga sasakyang pinaaandar ng makinang de-gasolina. Ayon sa pahayagang Süddeutsche Zeitung, ang pag-aaral ay nagsangkot sa 100 tsuper na naglakbay ng 1.3 milyong kilometro sa pagitan ng 1992 at 1996. Ang mga kotseng de-kuryente ay nakitang may ilang bentaha, sa kabila ng mas maikling distansiyang natatakbo nito: Ang mga ito ay tahimik na tumatakbo, na walang nililikhang tuwirang pagbubuga saanman gamitin ang mga ito. Gayunman, ang mga bentahang ito ay maaaring mahigitan ng isang malaking problema. Ang pagkakarga ng batirya ay gagamit ng higit na pangunahing enerhiya kaysa ginagamit ng mga sasakyang pinatatakbo ng gasolina o krudo—mula 1.5 hanggang 4 na ulit na kahigitan, depende sa paggamit ng sasakyan—at kailangang may pagkunan ng enerhiyang iyon. Depende sa paraan ng pagkuha ng enerhiya, posible na ang “pinsala sa kapaligiran ay mas malaki kaysa mga awto na pinatatakbo ng gasolina,” wika ng pahayagan.
Babala: Tumatawid ang Colobus
Ang Kagubatan ng Diani, malapit sa baybayin sa gawing timog ng Kenya, ay isa sa iilang dako sa Silangang Aprika kung saan dumarami pa ang unggoy na colobus. Ang suliraning napapaharap sa mga hayop na ito ay kung paano tatawid nang ligtas sa abalang lansangan sa tabing-dagat. Ayon sa isang pagtaya, hindi kukulangin sa 12 unggoy ang napapatay ng mga kotse sa lansangan buwan-buwan, salig sa pag-uulat ng Swara, ang magasin ng East African Wild Life Society. Isang grupo ng nababahalang mga taga-Diani ang nagpasiyang kumilos upang bawasan ang madugong pagpatay. Bukod pa sa paghimok sa mga tsuper na maging higit na maingat, kamakailan ay gumawa sila ng isang tulay na lubid sa ibabaw ng lansangan. Dahilan sa natutuwang makita ang mga unggoy na gumagamit ng tulay, ang mga tagaroon ay nagpaplanong magtayo ng marami pang tulay.
Babala: Ang mga Telepono ay Maaaring Maging Mapanganib
Nagiging gayon kapag ginagamit habang nagmamaneho. Ang isang pag-aaral na inilathala sa New England Journal of Medicine ay nagpapakita na ang mga tsuper na gumagamit ng telepono sa kotse ay apat na ulit na malamang na masangkot sa mga aksidente kaysa sa mga tsuper na nakapako lamang ang pansin sa kalye. Maaaring ang paggamit ng telepono habang nagmamaneho ay maging halos kasimpanganib ng pagmamaneho na ang antas ng alkohol sa dugo ay 0.1 porsiyento. At ang mga tsuper na may mga speakerphone ay hindi nakalalamang doon sa mga hawak ang telepono. Ang mga mananaliksik ay mabilis sa pagsasabi na hindi ang mga telepono sa ganang sarili ang dahilan ng mga aksidente kundi ang mga ito ay nauugnay lamang dito, gaya nang kapag may naganap na pagtatalo at ang isang tao ay nakalingat. Bukod dito, 39 na porsiyento ng mga tsuper na nasangkot sa aksidente ang saka lamang gumamit ng kanilang telepono sa kotse upang humingi ng tulong. Iminumungkahi na yaong mga may telepono sa kotse ay umiwas sa lahat ng mga di-kailangang pagtawag habang nagmamaneho at gawing maikli lamang ang kanilang pag-uusap. Sa ilang mga bansa, gaya ng Brazil, Israel, at Switzerland, ay may mga batas na naghihigpit sa mga tsuper sa paggamit ng mga teleponong cellular.
Estratehiya ng Tabako
“Naisip na ba ninyo kung bakit ang industriya ng tabako ay hindi gumagamit ng impluwensiya nito sa pulitika upang palambutin ang Konggreso o alisin ang mga babala sa etiketa na hinihiling sa lahat ng anunsiyo at mga pakete ng sigarilyo [sa Estados Unidos]?” ang tanong ng The Christian Century. “Ang sagot ay simple: ang gayong babala hinggil sa mga panganib ng paninigarilyo ay nagsasanggalang sa industriya ng tabako laban sa paghahabla. Kung ikaw ay nagsimulang manigarilyo sa edad na 12 at humantong sa pagkakaroon ng kanser sa baga sa pagsapit ng 45, at ipinasiya mong idemanda ang kompanya na naging dahilan ng iyong pagkasugapa, kaagad na makasasagot ang industriya ng: ‘Kami’y nagbabala na sa inyo na ang paninigarilyo ay nagdadala ng panganib sa kalusugan.’” Ang isa sa pinakabagong estratehiya sa pagbebenta ay ang pagpapasigla sa pananabako sa pamamagitan ng pagkuha ng nakahahalinang mga personalidad sa pelikula at mga modelo upang itaguyod ang produkto. Gayunman, ang mga tabako ay higit na nagpaparumi kaysa mga sigarilyo at nagdudulot ng malalaking panganib sa kalusugan. “Ang pananabako ay walang naidudulot na pakinabang sa isang babae kundi ang palakihin lamang nito ang panganib niya sa nakamamatay na sakit, at alisin ang lakas at tibay na kailangan niya upang magtagumpay sa buhay,” ang wika ni Dr. Neil Schachter, ng Mount Sinai Medical Center sa New York City.
Isang Kabaliwan sa Milenyo
“Ang ika-20 siglo, na nagpasimula bilang ang Siglo ng Ganap na Digmaan at humantong sa pagiging Panahon ng Atomika, ay waring magtatapos bilang Panahon ng Paglilibang,” wika ng magasing Newsweek. “Ang mga otel sa palibot ng globo ay okupado nang lahat” para sa selebrasyon ng Bisperas ng Bagong Taon ng 1999. Gayunpaman, isang pagtatalo ang nagngangalit hinggil sa kung saan magaganap ang pagbubukang-liwayway ng milenyo. “Ang sigalot ay nagpasimula sa bansa ng Kiribati,” ayon sa U.S.News & World Report. “Ang international date line ay kalimitang dumaraan sa kawing-kawing na mga isla: Kapag Linggo sa dakong silangan ng Kiribati, Lunes naman sa dakong kanluran ng Kiribati.” Nilutas ng bansa ang suliranin sa pagsasabing mula sa Enero 1, 1995, pasulong, ang date line ay lilibot sa pinakasilangang isla nito, ang Caroline. Ito’y nangangahulugang ang Kiribati ay magiging siyang pinakaunang lupain na makakakita sa pasimula ng isang bagong araw. Gayunpaman, ang ibang mga bansa, gaya ng Tonga at New Zealand, ay naghahangad na maging “una.” Ayon sa Royal Greenwich Observatory, ang suliranin ay mahirap unawain. “Yamang ang araw ay sumisikat sa Polong Timog mula sa equinox ng Setyembre hanggang equinox ng Marso, unang nagbubukang-liwayway ang milenyo sa pinakailalim ng Lupa,” sabi ng ulat. Gayunpaman, dagdag ng Observatory, iyon ay hindi mangyayari kundi hanggang sa Enero 1, 2001—hindi sa taong 2000.
Mga Lindol na Hindi Mahulaan
Kamakailan, isang internasyonal na grupo ng mga eksperto sa lindol ang nagtagpo sa London upang pag-usapan ang paghula sa mga lindol sa makasiyentipikong paraan. Ang kanilang pagtaya? “Sa mahigit na 100 taon maraming siyentipiko tungkol sa Lupa ang naniniwala na ang [malalakas na lindol] ay dapat na may nakikita at nakikilalang mga tanda muna na magagamit bilang saligan sa pagpapalabas ng mga alarma,” ang isinulat ni Dr. Robert Geller, ng Unibersidad ng Tokyo, sa publikasyong Eos. Sa halip, isang napakahalagang pagbabago sa paniniwala ang kailangan yamang “lumilitaw na malamang na ang pagkakaroon ng bawat lindol ay likas na hindi mahuhulaan.” Bagaman ang tiyak na mga paghula ay maaaring hindi posible, maaaring tayahin ng mga siyentipiko ang posibleng lakas ng mga lindol sa mga lugar na may mga ulat ng malalakas na pagyanig. Halimbawa, ang isang bagong mapa na ginawa ng U.S. Geological Survey ay nagpapakita kung saan maaaring maganap ang malalakas na pagyanig sa kontinental na Estados Unidos sa susunod na 50 taon. Salig sa impormasyong ito, sinasabi ng mga ahensiya ng pamahalaan na ang mahigit sa 70 porsiyento ng populasyon ng California ay naninirahan sa mga lugar na maaaring maging mapanganib.
Ang mga Halaman ay Kumakain ng mga Pampasabog
Ang mga halamang sugar-beet at ang isang uri ng damo sa lawa ay may kakayahang sumipsip ng mga pampasabog mula sa lupa at tubig sa mga dating imbakan ng munisyon at paghiwa-hiwalayin iyon sa ligtas na paraan, ayon sa ulat ng magasing New Scientist. Ang mga siyentipiko sa Rice University, sa Houston, Texas, ay nagpakain ng TNT sa sitsirika at sa parrot feather, na isang karaniwang damo sa lawa. Sa loob ng isang linggo walang bakas ng pampasabog ang natira sa kanilang mga himaymay, at ang pagsunog sa mga halaman ay hindi lumikha ng pagsabog. Kasabay nito, ang mga mananaliksik sa University of Maryland ay nakatuklas na ang selula ng karaniwang sugar-beet at ang katas nito ay maaaring sumipsip at magpahina ng nitroglycerin. Inisterilisa ng dalawang grupo ng mga siyentipiko ang mga halaman upang patunayang hindi sila tumanggap ng anumang tulong mula sa pagkaliliit na mga organismo. “Sa kasalukuyan, kadalasang napakapanganib at napakamahal ng paglilinis ng mga dating imbakan ng mga munisyon para mapagtayuan ang mga ito, subalit madaling baguhin ito kung gagamitin ang mga pinatubong halaman sa pagsipsip sa mga pampasabog mula sa lupa at tubig at paghiwa-hiwalayin ang mga ito sa ligtas na paraan,” wika ng artikulo. May apurahang pangangailangan sapagkat “hindi na puwedeng magtapon ng mga basura ng munisyon sa dagat.”
Mapanganib na Pagsasayaw
Ang ilang ballroom dancing ay nagbago mula sa pagiging isang aristokratang sining “tungo sa pagiging walang taros na paligsahan upang magkamit ng kayamanan,” ulat ng The Times of London. Ang mabibilis na banggaan at matataas na sipa na sa di-sinasadya’y nakapananakit sa mga kalahok na mananayaw ay nagiging panganib sa lugar ng sayawan. Mas malubha pa, ang ilang mapanganib na pagsasayaw ay “talagang sinasadya,” ayon kay Harry Smith-Hampshire, isang pangunahing hurado sa sayawan. Ang mga kalahok na mananayaw ay nagpapasok ng “mga istilong gaya ng sa istadyum ng football at ruweda ng boksing,” ayon sa The Times. Dahilan sa pag-asang kikilalanin ng Olimpiyada ang ballroom dancing, ang mga propesyonal na tagapagsanay at mga hurado ay naglagay ng opisyal na “alituntunin sa paggawi” upang makontrol ang paligsahan.