Pagmamasid sa Daigdig
Ang AIDS at ang Asia
Bagaman nakita ng ilang bansa sa Kanluran ang bahagyang pagbaba sa bilang ng napatunayang mga kaso ng AIDS, ang epidemya ay lumalaganap sa maraming bahagi ng Asia. Ang bilang ng mga kaso sa India “ay dumami nang 71 ulit sa unang kalahati ng dekada ng 1990,” ayon sa isang ulat ng Asiaweek. Ang Thailand, na ika-57 sa buong daigdig sa bilang ng mga kaso noong 1990, ay nasa ika-5 dako na noong kalagitnaan ng dekada ng 1990. Ang Cambodia ay tumaas mula sa ika-173 tungo sa ika-59 na dako. At nagkaroon ang Pilipinas ng 131-porsiyentong pagdami sa yugto ring iyon ng panahon. Batid ng marami na ang umuunlad na industriya ng sekso sa mga bata sa marami sa mga bansang ito ang sa isang bahagi’y dapat sisihin, subalit binabanggit ng Asiaweek na ang ilang pulitiko na ang mga bansa ay “umaasang lubos sa mga dolyar ng turista . . . ay atubiling gumawa ng mabisang mga hakbang” laban dito.
Mga Alerdyi sa Alemanya
Isiniwalat ng isang pagsusuring inilathala ng German Federal Association of Company Health Insurance Schemes na 1 sa 4 na Aleman na mahigit sa 14 na taóng gulang ay pinahihirapan ng alerdyi. Ang pinakakaraniwang anyo ng alerdyi ay ang hay fever, na nakaaapekto sa halos anim na milyong tao roon. Halos 2.3 milyon ang apektado ng araw, at mahigit na 2 milyon ang alerdyik sa balahibo ng hayop, ang ulat ng Süddeutsche Zeitung. Mahigit na 40 porsiyento niyaong pinahihirapan ng alerdyi ay umiinom ng gamot dahil sa kanilang idinaraing, at 10 porsiyento ang nagsasabi na ang mga sintomas ay lubhang nakapipigil sa kanilang pang-araw-araw na rutin ng buhay. Isiniwalat din ng surbey na ang mga tao sa ilang “hanapbuhay at propesyon, gaya ng mga panadero, mga tagapaghugpong ng kahoy, nars, at mga doktor, ay mas nanganganib na magkaroon ng alerdyi.”
Hugasan ang Inyong Kamay!
“Ang paghuhugas ng kamay ang pinakamabisa, pinakasimple, at pinakamatipid na paraan upang maiwasan ang pagkalat ng maraming impeksiyon,” ang sabi ng pahayagan sa Italya na Corriere della Sera. Gayunman, “mahigit na 3 sa bawat 10 Italyano ang hindi naghuhugas ng kanilang kamay pagkatapos gumamit ng palikuran, kahit na sila’y kakain karaka-raka pagkatapos.” Ang mga resulta ng surbey na ito ay halos katulad niyaong nakuha sa kahawig na mga surbey sa ibang bansa. “Maaaring dalhin ng mga kamay sa pagkain ang mikrobyo at simulan ang kawing ng kontaminasyon,” ang paliwanag ng mikrobiyologong si Enrico Magliano. Paano maihihinto ang kawing? Hugasan ang inyong kamay—pati na ang ilalim ng mga kuko sa daliri—sa pamamagitan ng sabon at mainit o maligamgam na tubig sa loob ng hindi kukulanging 30 segundo (ang pinakamaikling panahong kinakailangan upang maalis ang baktirya). Kasali rito ang pagkukuskos sa mga ito sa loob ng 10 hanggang 15 segundo. Magbanlaw at patuyuing mabuti ang mga ito, mula sa iyong braso hanggang sa iyong mga daliri, sabi ng artikulo.
Pag-abuso sa Bata at ang Sistema ng Imyunidad
Ayon sa mga mananaliksik sa Mie University sa Hapón, kapag ang bata ay dumaranas ng matagal na pag-abuso, humihina ang kaniyang sistema ng imyunidad, anupat ang bata ay madaling tablan ng sakit. Pinag-aralan ng unibersidad ang mga bangkay ng 50 bata sa pagitan ng mga edad na isang buwan at siyam na taon na namatay dahil sa pagdurugo sa utak o sa iba pang kalagayan na sanhi ng pisikal na pag-abuso. Ang mga glandula ng thymus ng mga bata, “na siyang kumokontrol sa mga gawain ng sistema ng imyunidad, ay lumiit hanggang kalahati ng normal na timbang,” ang ulat ng Mainichi Daily News. Mientras mas matagal ang pag-abuso, lalo itong lumiliit. Sa katunayan, “ang glandula ng bata na inabuso nang mahigit na anim na buwan ay isang-ikalabing-anim ng timbang ng isang batang hindi inabuso,” ang sabi ng pahayagan. Nakita ng mga mananaliksik ang katulad na pagliit ng glandula sa mga bata na dumanas ng mental na pag-abuso o malnutrisyon dahil sa hindi paglalaan ng mga magulang ng pagkain.
Ang Kaugnayan ng Tsina sa Mesopotamia
Malaon nang inaakalang ang kabihasnan ng sinaunang Tsina ay nagmula sa Libis ng Hwang He sa Tsina, na hindi naimpluwensiyahan ng iba. Pagkaraan ng natuklasan ng arkeolohiya kamakailan, ang teoriyang ito ay pinag-aalinlanganan ngayon. Ang magasing Pranses na Courrier International ay nag-uulat na sa isang lugar na malapit sa Ch’eng-tu, sa Lalawigan ng Szechwan ng Tsina, isang pangkat ng mga arkeologo ang nakahukay ng mga bakas ng sa wari’y isang sinaunang templong itinayo sa loob ng isang napapaderang kulungan. Iniulat ng mga arkeologo na ang kayarian at hugis ng templo ay kahawig na kahawig ng mga ziggurat ng sinaunang Mesopotamia. Binanggit ni Propesor Ichiro Kominami, ng University of Kyoto na “posibleng ang [Szechwan] ang pinagmulan ng pambihirang sinaunang kabihasnang Tsino na may malapit na mga kaugnayan sa mga taga-Indus at Mesopotamia.”
Mga Namatay Dahil sa Hepatitis-B
Tinataya ng World Health Organization na mahigit sa isang milyong tao ang namamatay dahil sa hepatitis-B taun-taon. Ang pediatrician na si Jagdish Chinnappa ay nagsasabing halos 150,000 sa mga kamatayang ito ay sa India. Sa isang komperensiyang isinaayos ng isang multinasyonal na parmasiyutikong kompanya, ipinaliwanag niya na ang India ay may “35 hanggang 40 milyong mga tagapagdala ng HBV [hepatitis-B virus] na siyang bumubuo sa 10 porsiyento ng mga tagapagdala ng virus sa buong globo,” ang ulat ng The Times of India. Sinabi pa ng pahayagan na “isa sa dalawang kaso ng talamak na sakit sa atay at walo sa sampung kaso ng pangunahing kanser sa atay ay dahil sa impeksiyong Hepatitis B.”
Polusyon ng Hangin sa Loob ng Bahay
Ipinakikita ng isang pagsusuri kamakailan ng Tata Energy Research Institute (TERI) sa New Delhi, India, na 2.2 milyong taga-India ang namamatay sa bawat taon dahil sa mga sakit na nauugnay sa polusyon sa hangin. Ang The Indian Express ay nag-uulat na ayon sa pagsusuri, ang polusyon sa loob ng bahay ay isang pangunahing salik. Ang mga babaing nakatira sa mga slum na gumagamit ng panggatong na uling, kahoy, at dumi sa pagluluto ay lubhang nanganganib. Bagaman gumagawa ng mga hakbang upang sugpuin ang polusyon sa hangin sa labas ng bahay, inaakala ng mga dalubhasa na walang gaanong ginagawa upang bawasan ang panganib sa milyun-milyon sa loob ng kanila mismong mga tahanan. “May natatagong krisis na doo’y waring imposibleng malunasan agad,” ang sabi ng patnugot ng TERI, si R. K. Pachauri.
Mga Digmaan sa Tubig
Mga nagbabantang prediksiyon tungkol sa kinabukasan ng panustos na tubig ng daigdig ang ginawa sa unang World Forum on Water, na naganap sa Marrakech, Morocco, noong Marso 1997. Ang polusyon, tagtuyot, at lumalagong populasyon ay higit at higit na umuubos sa pinagkukunan ng tubig. Gaya ng iniuulat ng pahayagang Pranses na Le Monde, “ang pangangailangan sa tubig ay dalawang ulit na lumalaki kaysa sa populasyon ng daigdig.” Ayon sa World Meteorological Organization, sa taóng 2025, dalawang-katlo ng populasyon ng daigdig ang titira sa mga dako kung saan hindi masasapatan ng panustos ang pangangailangan. Malibang masumpungan ang isang marapat na lunas, ikinatatakot ng ilang awtoridad na ang tubig ang magiging sanhi ng digmaan sa ika-21 siglo. Ngayon pa lamang, “tinukoy na ng UN ang halos 300 potensiyal na mga dako ng alitan,” ang sabi ng Le Monde.
Marahas na Krimen sa Venezuela
Sa pagkakaroon ng populasyong 20,000,000 katao, ang Venezuela ay may katamtamang bilang ng mga 400 pagpaslang sa isang buwan, sabi ng pahayagang El Universal. Binabanggit ng isang pagsusuring ginawa ng isang organisasyon na ang pangunahing mga sanhi sa pagdami ng krimen ay hindi ang pangkabuhayan kundi, bagkus, ang pangsosyokultura. Sa ilalim ng pamagat na “Ang Karalitaan Ay Hindi ang Pangunahing Sanhi ng Delingkuwensiya,” sinabi ng pahayagan na ayon sa ulat, ang karahasan sa Venezuela ay mula sa kawalan ng kahalagahang pantao at pagsasanay ng magulang sa bahay. Upang bumuti ang kalagayan, iminungkahi ng mga dalubhasa ang pagtuturo ng responsableng pagkamagulang at paghimok sa mga tao na higit na mabahala sa pamilya.
Pagtataguyod ng Isang Nakapagpapalusog na Istilo ng Buhay
Sa kanilang World Health Report 1997, ang World Health Organization (WHO) ay nagbabala na ang sangkatauhan ay napapaharap sa dumaraming “krisis ng pagdurusa.” Taun-taon, ang kanser at sakit sa puso, pati na ang talamak na mga suliraning pangkalusugan, ay kumikitil ng mahigit sa 24 na milyon katao at nagbabantang dagdagan pa ang mga pasanin ng daan-daang milyong iba pa. Sa susunod na 25 taon, ang bilang ng mga kaso ng kanser sa karamihan ng mga bansa ay inaasahang madodoble. Ang sakit sa puso at atake serebral, na pangunahing mga mamamatay-tao sa mayayamang bansa, ay magiging pangkaraniwan sa mahihirap na bansa. Bilang tugon sa mga posibilidad na ito, ang WHO ay nananawagan para sa isang “pinatindi at pinalakas” na pambuong-daigdig na kampanya upang itaguyod ang nakapagpapalusog na mga istilo ng buhay at bawasan ang mga sanhi ng panganib—hindi mabuting pagkain, paninigarilyo, sobrang taba, at kawalan ng ehersisyo—na kadalasang nagbubunga ng nakamamatay na sakit.