Ano Na ang Nangyari sa “Apache”?
SINO ang sinasabing, “Ang pinakamabagsik na mukha na kailanma’y umiral”? Gayunman, sino ang nakilala sa kaniyang katangi-tanging lakas ng loob at determinasyon? Siya ang kahuli-hulihang lider na Apache na sumuko sa Hukbo ng Estados Unidos. Siya’y umabot ng 80 taóng gulang at namatay noong 1909 sa Oklahoma, na sinasabing naging isang Dutch Reformed Christian. Siya ay si Goyathlay (binibigkas na Goyahkla), na mas kilala bilang Geronimo, ang huling dakilang lider na Apache.
Sinasabing siya’y tinawag na Geronimo nang ang mga sundalong Mexicano ay tumawag kay “Saint” Jerome (Jerónimo) dahil sa takot nang salakayin sila ni Goyathlay. Noong mga taon ng 1850, pinatay ng mga kawal na Mexicano ang 25 babae at mga batang Apache na nagkampo sa labas ng Janos, Mexico. Kabilang sa mga ito ang ina ni Geronimo, ang kaniyang bata pang asawa, at ang kaniyang tatlong anak. Sinasabing “kinapootan ni Geronimo ang lahat ng Mexicano sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.” Udyok ng pagnanais na maghiganti, siya’y naging isa sa kinatatakutang pinuno ng Apache.
Subalit ano ba ang nalalaman natin tungkol sa mga Indian na Apache, na madalas ay itinatampok bilang mga kontrabida sa mga pelikula sa Hollywood? Umiiral pa ba sila? Kung gayon, paano sila nabubuhay at anong kinabukasan ang kinakaharap nila?
“Ang mga Pinakatigre sa Lahi ng Tao”
Ang Apachea (ang kanilang pangalan ay tila galing sa salitang Zuni na apachu, na nangangahulugang “kaaway”) ay kilala bilang walang-takot at mapamaraang mga mandirigma. Tinawag sila ng kilalang kalaban ng mga Indian noong ika-19 na siglo na si Heneral George Crook na “ang mga pinakatigre sa lahi ng tao.” Gayunman, isang awtoridad ang nagsasabi na “kung pagsasamahin ang lahat ng mga tribong Apache pagkaraan ng 1500, sila ay hindi hihigit sa anim na libong tao.” Subalit nahahadlangan ng ilang dosenang mandirigma ang operasyon ng buong hukbo ng kaaway sa pakikidigmang gerilya!
Gayunman, ganito ang sabi ng isang pinagmumulan ng impormasyong Apache: “Kabaligtaran ng popular na mga ideya na nilikha ng mga Kastila, Mexicano, at mga Amerikano, ang Apache ay hindi mga gererong uhaw sa dugo na mababagsik na tao. Kami’y sumasalakay lamang para sa pagkain kung panahon ng kakapusan. Ang mga digmaan ay ipinakipagbaka hindi bilang pasumalang pagkilos, kundi karaniwan nang naiplano nang husto na mga kampanya para sa paghihiganti laban sa mga kawalang-katarungang dinanas namin.” At tungkol sa mga kawalang-katarungan, napakarami nito!
Isang eksibit sa San Carlos Apache Cultural Center, sa Peridot, Arizona, ang nagpapaliwanag sa kasaysayan ng Apache mula sa kanilang pangmalas: “Ang pagdating ng mga tagalabas sa rehiyon ay nagdala ng pagkakapootan at pagbabago. Ang mga bagong dating ay walang pakundangan sa aming katutubong buklod sa lupain. Sa pagsisikap na pangalagaan ang aming mga tradisyon at kultura, ang aming mga ninuno’y nakipagbaka at nagwagi sa maraming digmaan laban sa mga sundalo at mga mamamayan ng Espanya, Mexico, at Estados Unidos. Subalit palibhasa’y nadaig ng mas marami at modernong teknolohiya, ang aming mga lolo at mga ninuno ay napilitan sa wakas na tanggapin ang mga kahilingan ng Pamahalaan ng Estados Unidos. Kami’y pinilit na isuko ang aming pagala-galang pamumuhay at manirahan sa mga reserbasyon.” Ang pariralang ‘pinilit na manirahan sa mga reserbasyon’ ay nagpapahiwatig ng matinding damdamin para sa mga kalahating milyong naninirahan sa reserbasyon (mula sa mahigit na dalawang milyong Katutubong Amerikano) sa 554 na tribo sa Estados Unidos at 633 pangkat sa ibayo ng Canada. Ang Apache ay may bilang na mga 50,000.b
Unang Pagkaligtas
Tinatanggap ng karamihan ng mga dalubhasa sa maagang kasaysayan ng Katutubong Amerikano ang teoriya na ang orihinal na mga tribo ay nanggaling sa Asia sa pamamagitan ng pagdaan sa Bering Strait at pagkatapos ay dahan-dahang kumalat patimog at pasilangan. Iniuugnay ng mga dalubwika ang wikang Apache sa mga tao sa Alaska at Canada na nagsasalita ng Athapaskan. Si Thomas Mails ay sumulat: “Ang panahon ng kanilang pagdating sa Timog-kanluran ng Amerika ay inilagay ng kasalukuyang mga pagtantiya sa pagitan ng A.D. 1000 at 1500. Ang eksaktong rutang sinundan nila at ang bilis ng kanilang pandarayuhan ay hindi pa napagkakasunduan ng mga antropologo.”—The People Called Apache.
Noong sinaunang mga dantaon ang Apache ay karaniwang nakaliligtas sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga pangkat na sasalakay sa kanilang kalapit na mga Kastila-Mexicano. Ganito ang sulat ni Thomas Mails: “Ang mga pagsalakay na ito ay nagpatuloy sa loob halos ng dalawang daang taon, simula noong mga 1690 at tumagal hanggang noong mga 1870. Ang mga pagsalakay ay hindi nakapagtataka, sapagkat ang Mexico ay napatunayang talaga namang sagana sa kinakailangang panustos.”
Sino ang Unang Nang-anit?
Bunga ng madalas na mga alitan sa pagitan ng Mexico at ng bansang Apache, ang pamahalaan ng Mexicanong Sonoran “ay nagbalik sa dating pamamaraang Kastila” na pagbibigay ng mga premyo kapalit ng mga anit. Hindi ito natatangi sa mga Kastila—sinunod ng mga Britano at ng mga Pranses ang kaugaliang ito noong mas maagang panahon.
Ang mga Mexicano ay nang-anit upang makakuha ng premyong salapi, at kung minsa’y hindi mahalaga kung ang anit ay sa Apache o hindi. Noong 1835 isang batas tungkol sa premyo para sa anit ang ipinasa sa Mexico na nagkakaloob ng 100 piso sa bawat anit ng mandirigma. Pagkalipas ng dalawang taon kabilang sa halaga ang 50 piso para sa anit ng babae at 25 para sa bata! Sa kaniyang aklat na The Conquest of Apacheria, si Dan Thrapp ay sumulat: “Sa katunayan ang patakaran ay naghahangad ng pagkalipol, na nagpapatunay na ang paglipol ng lahi ay may malaganap na pinagmulan at hindi isang makabagong imbensiyon ng isang bansa.” Siya’y nagpatuloy: “Ang Apache mismo ay hindi nang-anit.” Gayunman, sinabi ni Mails na may mga panahong nang-anit ang mga Chiricahua—subalit hindi madalas, “dahil sa takot nila sa mga patay at mga multo.” Sabi pa niya: “Ang pang-aanit ay ginagawa lamang bilang pagganti pagkatapos na simulan ng mga Mexicano ang taktikang ito.”
Sinabi ni Thrapp na ang mga minero ay “madalas na naggugrupu-grupo . . . at tinutugis ang mga Indian. Kapag nasukol nila ang mga ito, pinapatay nila ang lahat ng mga lalaki at, kung minsan, lahat din ng mga babae at mga bata. Natural lamang, ang mga Indian ay gumanti rin ng gayon sa mga puti at sa iba pang tribo.”
Ang pakikidigma sa Apache ay humantong sa punto kung saan ito’y naging kapaki-pakinabang sa estado ng Arizona, sabi ni Charles Lummis, yamang “ang pagpapatuloy ng mga digmaang Apache ay [nangangahulugan] na higit pa sa $2 milyon taun-taon [ang] ibinabayad ng Kagawaran ng Digmaan sa loob ng mga hangganan ng Arizona.” Ganito ang sabi ni Thrapp: “May makapangyarihan at walang konsiyensiyang tao na hindi nagnanais makipagpayapaan sa Apache, sapagkat kapag dumating ang kapayapaan, ang daloy ng mga pondong ginugugol ng militar ay matutuyo.”
Ang mga Reserbasyon ba ang Lunas?
Ang patuloy na labanan sa pagitan ng mga mananalakay na dayuhang puti at ng residenteng Apache ay humantong sa solusyon ng pamahalaang pederal na ikulong ang mga Indian sa mga reserbasyon—kadalasa’y tigang na mga sukat ng lupa kung saan sila’y inaasahang mabuhay. Noong 1871-72, nagtayo ng mga reserbasyon para sa Apache.
Mula noong 1872 hanggang 1876, ang Apache na Chiricahua ay may sariling reserbasyon. Ang pagala-galang mga taong ito ay parang nakulong. Bagaman mayroon silang 2,736,000 akre para sa 400 at 600 katao, ang halos tigang na teritoryong ito ay hindi naglalaan sa kanila ng sapat na lugar upang makakuha ng pagkain sa pamamagitan ng pangangaso at pagtitipon. Kailangang magrasyon ang pamahalaan tuwing 15 araw upang mapawi ang gutom.
Magkagayon man, ang mga dayuhang puti ay nag-akala na ang bukod na Reserbasyon ng Chiricahua ay isang pag-aaksaya ng lupa at na dapat na ilagay ang Apache sa isang reserbasyon. Tumindi ang sama ng loob ng mga dayuhang puti pagkamatay ng iginagalang na pinunong si Cochise noong 1874. Kailangan nila ng isang dahilan upang itaboy ang Apache na Chiricahua mula sa reserbasyon. Ano ang nangyari? “Noong 1876, isang pagpapanggap ang nangyari. Dalawang ilegal na mga nagtitinda ng wiski ang pinatay ng dalawang Chiricahua nang ang mga ito’y tumangging magbili ng higit pang [wiski]. Sa halip na arestuhin ang mga pinaghihinalaan, ang ahente ng [pamahalaan] para sa reserbasyon sa San Carlos ay dumating kasama ng nasasandatahang mga lalaki at sinamahan ang [tribo ng] Chiricahua patungo sa San Carlos. Ang Reserbasyon ng Chiricahua ay isinara.”
Gayunman, ang mga Indian ay pinahihintulutan pa rin na malayang gumala-gala sa labas ng mga hangganan ng reserbasyon. Hindi nagustuhan ng mga dayuhang puti ang patakarang ito. “Bilang tugon sa mga kahilingan ng mga dayuhan, inilipat ng pamahalaan ang Apache ng San Carlos, Puting Bundok, Cibecue, at Tonto, gayundin ang maraming grupo na bumubuo sa Apache na Chiricahua, sa ahensiya ng San Carlos.”—Creation’s Journey—Native American Identity and Belief.
Minsa’y libu-libong Yavapai, Chiricahua, at Apache sa Kanluran ang pinigil sa reserbasyon. Humantong ito sa tensiyon at paghihinala, yamang ang ilan sa mga tribong ito ay matagal nang magkakaaway. Ano ang reaksiyon nila sa mga paghihigpit sa reserbasyon? Ang sagot ng Apache ay, “Palibhasa’y pinagkaitan kami ng aming tradisyunal na pamumuhay, kami’y nagutom sa pisikal, emosyonal, at sa espirituwal na paraan. Inalis ang aming kalayaan.”
Gayunman, isang pangkat ng mga Chiricahua, na pinangunahan ng kilalang mandirigmang pinuno na si Geronimo, ang tumakas sa reserbasyon noong 1885 at nagtungo sa Mexico. Sila’y tinugis ni Heneral Nelson Miles na kasama ang halos 5,000 sundalo at 400 scout na Apache—pawang masikap na naghahanap noong panahong iyon, sa 16 na mandirigma, 12 babae, at 6 na mga bata lamang!
Sa wakas, noong Setyembre 4, 1886, sumuko si Geronimo. Handa siyang bumalik sa Reserbasyon ng San Carlos. Subalit hindi ito nangyari. Siya’y sinabihan na ang lahat ng Apache roon ay inilulan sa barko pasilangan, bilang mga bilanggo, tungo sa Florida, na pupuntahan din niya. Sinabi niya sa kaniyang wikang Apache: “Łahn dádzaayú nahikai łeh niʹ nyelíí k’ehge,” na nangangahulugang, “Dati’y malaya kaming kumikilos na gaya ng hangin.” Palibhasa’y isang bilanggo ngayon, hindi na malayang makakilos na gaya ng hangin ang mapagmapuri at tusong si Geronimo.
Sa dakong huli ay pinayagan siyang lumipat pakanluran, hanggang sa Fort Sill, Oklahoma, kung saan siya namatay noong 1909. Tulad ng maraming iba pang Katutubong Amerikanong mga lider, ang pinunong Apache na ito ay napilitang sumailalim sa mahirap na mga kalagayan ng buhay sa mga bilangguan at sa mga reserbasyon.
Anong mga Problema ang Kinakaharap Nila Ngayon?
Okupado ng Apache ang ilang reserbasyon sa Arizona at New Mexico. Dinalaw ng Gumising! ang Reserbasyon ng San Carlos at kinapanayam ang ilang lider na Apache. Narito ang ulat tungkol sa pagdalaw na ito.
Di-nagtagal pagkapasok sa reserbasyon sa isang mainit at tuyong araw noong Mayo, kami’y malugod na tinanggap ni Harrison Talgo at ng kaniyang maybahay. Si Harrison, isang matatas na tagapagsalita at mahigit sa anim na talampakan ang taas, na may makapal na bigote, ay isang miyembro ng konsehong pantribo ng San Carlos. Tinanong namin siya: “Ano ba ang ilan sa mga problemang nakaaapekto sa Apache sa ngayon?”
“Naiwawala namin ang aming tradisyunal na mga pamantayan. Ang TV ay may malaking negatibong impluwensiya, lalo na sa aming mga kabataan. Ang isang halimbawa ay na hindi na nila natututuhan ang aming wika. Isa pang malaking problema ang kawalan ng trabaho, na umaabot sa 60 porsiyento sa ilang lugar. Totoo, mayroon kaming mga pasugalan, subalit ang mga ito’y hindi nagbibigay ng trabaho sa marami sa aming mga mamamayan. At ang negatibong aspekto pa nito ay na marami sa aming sariling kababayan ang nagpupunta roon at isinusugal ang kanilang mga tseke para sa panlahat na tulong, na magsisilbi sanang kanilang pambayad ng upa at pagkain.”
Nang tanungin tungkol sa mga problemang pangkalusugan sa tribo, hindi nag-atubiling sumagot si Harrison. “Diyabetis,” ang sabi niya. “Mahigit sa 20 porsiyento ng aming mga kababayan ay may diyabetis. Sa ilang dako ito ay mahigit sa 50 porsiyento.” Inamin niya na isa pang malaking problema ang salot na dinala ng taong puti mahigit na 100 taon na ang nakalipas—ang alkohol. “Naaapektuhan din ng droga ang aming mga kababayan.” Ang mga tanda sa daan sa reserbasyon ay malinaw na nagpapatunay sa mga problemang ito, na nagsasabi: “Hayaang Magpuno ang Katinuan—Umiwas sa Droga” at, “Ingatan ang Ating Lupain. Ingatan ang Ating Kalusugan. Huwag Sirain ang Ating Kayamanan.”
Tinanong namin kung naapektuhan na ng AIDS ang tribo. Kitang-kita ang pagkasuklam, siya’y sumagot: “Ang panganib ay nasa homoseksuwalidad. Ang homoseksuwalidad ay unti-unting pumapasok sa reserbasyon. Ang TV at ang mga bisyo ng taong puti ay nagpapahina sa ilan sa aming mga kabataang Apache.”
Kami’y nagtanong kung paano nagbago ang mga kalagayan sa reserbasyon nitong nakalipas na mga taon. Ganito ang sagot ni Harrison: “Noong dekada ng 1950 ay ganito ang pagkakasunud-sunod ng mga priyoridad at impluwensiya: Una ay ang relihiyon; ikalawa, ang pamilya; ikatlo, ang edukasyon; ikaapat, panggigipit ng mga kasama; at, ang huli, ang TV. Ngayon ay nabaligtad na ang pagkakasunud-sunod, na ang TV ang nangungunang impluwensiya. Ang panggigipit ng kasama ang pangalawang pinakamalakas na impluwensiya—panggigipit na talikdan ang mga paraang Apache at sundin ang impluwensiya ng Amerika. Pangatlo pa rin ang edukasyon, at sinasamantala ng maraming Apache ang pagkakataong mag-aral sa kolehiyo at ang pagdami ng mga paaralan at mataas na paaralan sa mga reserbasyon.”
“Kumusta naman ang impluwensiya ng pamilya?” ang tanong namin.
“Nakalulungkot nga, ang pamilya ngayon ay nasa ikaapat na puwesto, at ang relihiyon ngayon ang huli—ito man ay ang aming tradisyunal na relihiyon o ang relihiyon ng mga taong puti.”
“Paano ninyo minamalas ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?”
“Hindi kami nasisiyahan sa pagsisikap ng mga simbahan na kumbertehin ang aming mga kababayan mula sa tradisyunal na mga paniniwala.c Ang mga Luterano at mga Katoliko ay nagkaroon na ng mga misyon dito sa loob ng mahigit na 100 taon. May mga grupo rin ng Pentecostal na umaakit sa emosyon.
“Kailangang maisauli namin ang aming pagkakakilanlang pangkultura sa pamamagitan ng pamilya at ibalik ang paggamit ng wikang Apache. Sa kasalukuyan, ito ay nawawala na.”
Ang Pagsulong sa Kabuhayan ng Apache
Dinalaw namin ang isa pang awtoridad na Apache, na may pagtitiwalang nagsalita tungkol sa mga pag-asang pangkabuhayan para sa Reserbasyon ng San Carlos. Gayunman, ipinaliwanag niya na hindi madaling kumuha ng mga mamumuhunan upang gumugol ng salapi sa mga proyekto roon. Ang isang mabuting palatandaan ay ang kasunduan sa isang malaking kompanya ng telepono upang mabuo ang San Carlos Apache Telecommunication Company. Ang Rural Economic Association ang namumuhunan dito at ito ay lilikha ng higit na mga trabaho para sa mga empleadong Apache at palalawakin at pagbubutihin din nito ang mahinang sistema ng telepono sa reserbasyon.
May pagmamapuring binanggit din ng opisyal na ito ang dialysis center na malapit nang italaga sa ospital sa reserbasyon, na magbibigay ng mas mainam at mas masusing pag-aasikaso sa panggagamot. Pagkatapos ay ipinakita niya sa amin ang mga plano para sa muling paggawa ng sentro ng komersiyo sa San Carlos, na malapit nang itayo. Punung-puno siya ng pag-asa tungkol sa hinaharap subalit idiniin niya na ang edukasyon ang dapat na maging saligan. ‘Ang edukasyon ay nangangahulugan ng mas mabuting sahod, na magdudulot ng mas mabuting pamantayan ng pamumuhay.’
Ang mga babaing Apache ay kilala sa kanilang mga kasanayan sa paglala ng basket. Isang giyang-aklat para sa turista ang nagsasabi na ang “pangangaso, pangingisda, pagrarantso, pagtotroso, pagmimina, libangan sa labas ng bahay at turismo” ang malalaking salik sa kabuhayan doon.
Sinisikap ng mga Apache na makaagapay sa daigdig sa labas, sa kabila ng malaking kalamangan laban sa kanila. Katulad ng maraming ibang tao, nais nila ng katarungan, paggalang, at isang disenteng buhay.
Kapag Umiral Na ang Tunay na Katarungan
Ang mga Saksi ni Jehova ay dumadalaw sa mga taong Apache upang sabihin sa kanila ang tungkol sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos na Jehova para sa ating lupa, na napakagandang inilarawan sa aklat ng Bibliya na Isaias: “Sapagkat narito ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man. At sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; at sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan.”—Isaias 65:17, 21, 23; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
Malapit na ang panahon na ang Diyos na Jehova ay kikilos upang alisin sa daigdig ang lahat ng kasakiman at katiwalian pati na ang pag-abuso sa lupa. (Tingnan ang Mateo 24; Marcos 13; Lucas 21.) Maaari nang pagpalain ng mga tao ng lahat ng bansa, pati na ang mga bansa ng Katutubong Amerikano, ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagbaling sa tunay na Diyos, si Jehova, sa pamamagitan ni Kristo Jesus. (Genesis 22:17, 18) Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng libreng edukasyon sa Bibliya para sa sinumang maamo na nagnanais magmana ng isang isinauling lupa at handang sumunod sa Diyos.—Awit 37:11, 19.
[Mga talababa]
a Bagaman ginagamit ng ilang manunulat ang “mga Apache” na pangmaramihan, sinusunod namin ang kaugalian na paggamit ng “Apache” para sa pang-isahan at pangmaramihan.
b Ang Apache ay nahahati sa iba’t ibang pangkat pantribo gaya ng Apache sa Kanluran, na kinabibilangan ng Hilaga at Timog Tonto, Mimbreño, at Coyotero. Ang Apache sa Silangan ay ang Apache na Chiricahua, Mescalero, Jicarilla, Lipan, at Kiowa. Ang iba pang hati ay ang Apache sa Puting Bundok at ang Apache sa San Carlos. Sa ngayon, ang mga tribong ito ay pangunahin nang nakatira sa timog-silangan ng Arizona at sa New Mexico.—Tingnan ang mapa sa pahina 15.
c Tatalakayin sa isang panghinaharap na labas ng Gumising! ang mga paniniwala at relihiyon ng Katutubong Amerikano.
[Mga mapa/Larawan sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
HILAGANG AMERIKA
Pinalaking sukat sa kanan
Mga Reserbasyon ng Apache
ARIZONA
NEW MEXICO
Jicarilla
Fort Apache (Puting Bundok)
San Carlos
Mescalero
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright© 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 13]
Geronimo
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Arizona Historical Society/Tucson, AHS#78167
[Mga larawan sa pahina 16]
Si Harrison Talgo, konsehal ng tribo
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang pinunong si Cochise ay inilibing sa kaniyang kuta sa Chiricahua
Inihahatid ng mga satellite dish ang TV sa reserbasyon
[Larawan sa pahina 18]
Sa mga libing ng Apache ang mga kamag-anak ay naglalagay ng mga bato sa palibot ng puntod. Ang mga laso sa hangin ay kumakatawan sa apat na pangunahing direksiyon