Ang Tubig at ang Iyong Kalusugan
“HINDI mo maaaring asahang ang pagkauhaw ang magsasabi sa iyo kung gaano karaming tubig ang kailangan ng iyong katawan,” ang sabi ng magasing Health. Gayunman, ang pag-inom ng maraming tubig ay napakahalaga sa ating pisikal at emosyonal na kalusugan, at maging sa ating hitsura. Patuloy na nababawasan ng tubig ang ating katawan dahil sa pamamawis, pagluha, at pag-ihi gayundin sa paghinga. Ang nawalang likidong ito ay kailangang palitan. Gaano karami ang kailangan? Iminumungkahi ng maraming awtoridad ang pag-inom ng di-kukulangin sa walong basong tubig—dalawang litro—araw-araw.
Bakit? Ang tubig ay kailangan sa paghahatid ng mga sustansiya sa loob ng ating katawan at sa pag-aalis ng mga dumi. Kailangan ito sa pagmamantini ng ating temperatura at pagpapadulas sa ating mga kasu-kasuan. “Kahit ang pinakakaunting kakulangan ay magpapadama sa iyo ng pagod . . . o sakit,” ang sabi ng Health. “Ang pagkatuyo ay isang karaniwang di-napapansing sanhi ng pagkapagod.” Ganito ang inirerekomenda ng magasin: “Huwag palilinlang sa likidong kaanyuan ng kape at tsa, may caffeine na mga softdrink, at alak; ang totoo ay nagiging sanhi ito ng kakulangan ng tubig sa katawan.” Ang caffeine at alak ay nagsisilbing pampaihi at nakababawas ng tubig sa katawan.
Bukod pa rito, “ang iyong balat ay nangangailangan ng tubig upang mapanatili itong malambot at malasutla.” Upang makatulong dito, maaari ring magpahid ng mga moisturizer sa balat. Subalit ang mga ito’y hindi nagdaragdag ng tubig. Sa halip, ito’y nag-iiwan ng nakapahid na proteksiyon sa balat na tumutulong upang mapanatili ang tubig na dati nang nasa balat. Ang pagpapanatili ng tubig na ito ay higit na nagiging mahalaga kapag ang isa ay nagkakaedad na, yamang naiwawala ng ating balat ang kakayahan nitong makapagpanatili ng tubig habang tayo’y tumatanda.
Nakalulungkot, nangangailangan ng malaking pagsisikap sa kalakhang bahagi ng daigdig upang makakuha ng sapat na dalisay at malinis na tubig. Subalit sulit naman ito. Huwag mag-atubiling uminom ng maraming tubig, at samantalahin ang simpleng paraang ito upang maging maganda ang iyong hitsura at pakiramdam!