Humahatol Ka Ba Ayon sa Hitsura?
HINAHATULAN mo ba ang isang aklat ayon sa pabalat nito? Baka malinlang ka. Upang maiwasan iyan, suriin mo muna ang nilalaman. Ito’y inilalarawan sa nangyari sa isang popular na tauhan ng Turkong alamat, si Nasreddin Hoja (Ang Turkong salitang hoja ay nangangahulugang “guro.”) Siya’y “kapuwa tuso at mapaniwalain, matalino at mangmang . . . Siya’y deboto, datapwat may mga pagkukulang bilang tao.” Siya ang “di-nagagaping biktima ng mga kabalintunaan sa buhay.”—Tales of the Hoja, ni John Noonan, Aramco World, Setyembre-Oktubre, 1997.
Isang kuwento ang isinaysay tungkol sa isang paglalakbay na ginawa niya upang dalawin ang isang opisyal na Ottoman at makisalo sa kaniya sa pagkain. “Sa paraang di-pormal, bumaba [si Nasreddin] at kumatok sa napakalaking pinto sa bukana. Nang ito’y buksan, nakita niyang nagsisimula na ang salu-salo. Subalit bago niya naipakilala ang kaniyang sarili, ang punong-abala, habang nakatingin sa kaniyang maruming kasuutan dahil sa paglalakbay, ay walang-galang na nagsabi sa kaniya na hindi sila tumatanggap ng mga pulubi.”
Umalis si Nasreddin, pumunta sa kinalalagyan ng kaniyang bag, at “nagbihis ng kaniyang pinakamagarang kasuutan: isang maringal na mahabang damit na seda na may gayak na balahibo, at isang napakalaking turbanteng seda. Sa gayong kagayakan, bumalik siya sa bukanang pinto at muling kumatok.
“Sa pagkakataong ito, buong-lugod na tinanggap siya ng punong-abala . . . Naglagay ang mga tagapagsilbi ng masasarap na pagkain sa harap niya. Ibinuhos ni Nasreddin Hoja ang isang mangkok ng sabaw sa isang bulsa ng kaniyang mahabang kasuutan. Sa labis na pagtataka ng ibang mga panauhin, isinuksok niya ang mga piraso ng inihaw na karne sa mga tupi ng kaniyang turbante. Pagkatapos, sa harap ng nagugulumihanang punong-abala, idinuldol niya ang mabalahibong panig ng kaniyang mahabang kasuutan sa isang pinggan ng sinaing na may sahog, habang bumubulong ng ‘Kain, mga balahibo, kain!’
“‘Ano’ng ibig sabihin nito?’ tanong ng punong-abala.
“‘Mahal kong ginoo,’ sagot ng Hoja, ‘Pinakakain ko po ang aking kasuutan. Ayon sa inyong ipinakitungo sa akin kaninang makalipas ang kalahating oras, maliwanag na ang aking kasuutan, at hindi ako, ang dahilan ng inyong mabuting pagtanggap!’”
Napakadalas nating humusga nang negatibo o positibo sa pamamagitan lamang ng hitsura! Nang ipalagay ng propetang si Samuel na ang kapatid ni David na si Eliab ang tiyak na pinili ni Jehova para siyang maging kasunod na hari ng Israel, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Huwag mong tingnan ang kaniyang hitsura at ang kaniyang taas, sapagkat siya’y aking tinanggihan. Sapagkat ang paraan ng pagtingin ng tao ay di-gaya ng sa Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Oo, humahatol si Jehova sa pamamagitan ng kalagayan ng puso, hindi sa pamamagitan ng hitsura. Paano ka humuhusga?
[Larawan sa pahina 31]
Binabalaan ni Jehova si Samuel na huwag palinlang sa hitsura