Magpatawad at Lumimot—Posible Ba Ito?
MAHIGIT na kalahating siglo na ang nakalipas mula nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, noong 1945. Ang pangglobong digmaang iyon ang pinakamalupit at pinakamagastos na digmaan sa buong kasaysayan ng tao.
Ang Digmaang Pandaigdig II ay tumagal nang anim na taon at nagbuwis ng buhay ng mga 50 milyon katao, pati ng mga sibilyan. Di-mabilang na iba pa ang napinsala sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Sa marami na nakaranas ng kapaha-pahamak na mga taóng iyon ng digmaan, hindi pa rin naghihilom ang mapait na alaala ng mga kalupitan at ng nasawing mga mahal sa buhay.
Nariyan ang alaala ng kalupitan ng mga Nazi sa Holocaust, na pumaslang ng milyun-milyong inosenteng biktima. Kapuwa sa Europa at Asia, maraming kalupitan ang ginawa ng lumulusob na mga hukbo, na pumatay, nanghalay, nagnakaw, at naghasik ng takot sa mga sibilyan. Nariyan din ang maraming tao na nabiktima ng pambobomba ng mga eroplano na nagwasak, puminsala, at pumatay sa napakaraming inosenteng kalalakihan, kababaihan, at mga bata. Mahihirap na karanasan ang tiniis din ng milyun-milyong mandirigma sa iba’t ibang labanan sa daigdig.
Mga Sugat sa Isip at Damdamin
Maraming sugat sa isip at damdamin na nilikha ng kakila-kilabot na mga pangyayari noong Digmaang Pandaigdig II ang namamalagi sa isip ng maraming tao na nabuhay sa panahong iyon at buháy pa rin sa ngayon. Ibig nilang burahin ang lahat ng pangit at mapapait na alaalang iyon. Ngunit hindi nila magawa iyon. Para sa ilan, bumabalik ang mga tagpo ng gayong mga kakilabutan anupat pinahihirapan sila na gaya ng isang paulit-ulit na masamang panaginip.
Subalit ang iba naman ay ayaw lumimot, alinman sapagkat ibig nilang maghiganti o dahil sa ibig nilang parangalan ang alaala ng mga nasawi. Karagdagan pa, malaganap ang palagay na ang mga kalupitan ng nagdaang panahon ay dapat panatilihing buháy sa alaala ng sangkatauhan sa pag-asang hindi na kailanman mauulit ang gayong mga kalupitan.
Ilang taon na ang nakalipas, noong 1994-95, ang damdaming nangibabaw sa mga paggunita sa ika-50 anibersaryo ng D day (ang mga paglapag ng mga Alyadong puwersa sa Normandy noong Hunyo 1944) at sa katapusan ng ikalawang digmaang pandaigdig (noong Mayo 1945) sa bahagi ng Europa ay nagpakita na para sa maraming nakasaksi sa mga pangyayaring iyon, napakahirap ang magpatawad at lumimot. Kalimitan, nahahadlangan ang anumang hakbang sa pagkakasundo ng dating magkakaaway. Kaya naman, tumanggi ang mga beteranong Britano na anyayahan ang mga kinatawang Aleman sa mga paggunita sa paglapag ng mga Alyadong puwersa sa Normandy.
Hinggil sa mga kalupitan ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II at sa suliranin ng pagpapatawad at paglimot, ipinahayag ng manunulat na si Vladimir Jankélévitch ang kaniyang sarili sa ganitong paraan: “Kaugnay ng gayong nakasusuklam na krimen, ang likas na pagtugon . . . ay ang magalit at paglabanan nang husto ang paglimot at ang tugisin ang mga kriminal—gaya ng ipinangako ng mga hukom ng alyadong Nuremberg Tribunal—hanggang sa mga dulo ng lupa.” Sinabi pa ng manunulat ding ito: “Malugod naming sasabihin, bilang kabaligtaran ng mga salita sa panalangin ni Jesus sa Diyos sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas: Panginoon, huwag mo silang patawarin, sapagkat alam nila kung ano ang kanilang ginagawa.”—Ihambing ang Lucas 23:34.
Nakalulungkot, mula noong 1945 patuloy, hanggang sa kasalukuyan, di-mabilang na iba pang kalupitan—sa Cambodia, Rwanda, Bosnia, upang banggitin lamang ang ilan—ang patuloy na nagiging sanhi ng pagdanak ng dugo sa lupa. Milyun-milyon ang namatay sa mga kalupitang ito, gayundin napakarami ang nabiyuda at naulila, nawasak na buhay, at ang nagkaroon ng nakapangingilabot na alaala.
Walang alinlangan, ang ika-20 siglong ito ay isang panahon ng di-mapantayang kalupitan. Iyon ay gaya ng wastong inihula ng Bibliya tungkol sa yugtong ito, matagal na panahon na ang nakalipas—ang mga tao ay napatunayang “mabangis” at “walang pag-ibig sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 6:4-8.
Ano ang Dapat Nating Gawin?
Kapag napapaharap sa gayong kalupitan, iba-iba ang reaksiyon ng mga tao. Pero kumusta naman tayo? Dapat ba tayong makaalaala? O dapat ba tayong lumimot? Ang pag-alaala ba ay nangangahulugan ng pagkikimkim ng mapait at malalim na sama ng loob sa dating mga kaaway ng isa, anupat tumatangging magpatawad? Sa kabilang panig, ang pagpapatawad ba ay nangangahulugan na ang isa ay makalilimot sa diwa ng lubusang pagbura sa isip ng gayong masasamang alaala?
Ano ba ang pangmalas ng Maylalang ng sangkatauhan, ang Diyos na Jehova, sa kakila-kilabot na mga krimen sa ating panahon at noong nakalipas? Patatawarin kaya niya ang mga nagkasala? At hindi ba napakahuli na para bigyang-katarungan ng Diyos ang mga biktima na namatay sa mga kalupitan? Mayroon kayang matibay na pag-asa na magwawakas pa ang mga kalupitan, yamang libu-libong taon nang nagaganap ang mga ito? Paano nga ba itutuwid sa dakong huli ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang komplikadong mga bagay na ito?
[Larawan sa pahina 4]
Mga anak ng mga biktima ng masaker na nagtipon sa kampo para sa mga nagsilikas
[Credit Line]
UN PHOTO 186797/J. Isaac
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Kuha ng U.S. Navy