Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/8 p. 5-7
  • Dapat Ba Nating Gunitain ang Nakaraan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat Ba Nating Gunitain ang Nakaraan?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglimot sa Pamamagitan ng Utos?
  • Yaong mga Nagnanais na Burahin ang Alaala
  • Hindi Sila Lumilimot
  • Bakit Aalalahanin?
  • Magpatawad at Lumimot—Posible Ba Ito?
    Gumising!—1998
  • Mga Kalupitan—Ano Ba ang Solusyon ng Diyos?
    Gumising!—1998
  • Ang Holocaust—Oo, Talagang Nangyari Ito!
    Gumising!—1989
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/8 p. 5-7

Dapat Ba Nating Gunitain ang Nakaraan?

“MALILIMUTAN ba ng mga Judio ang Holocaust?” Ang tanong na ito ay ibinangon ni Virgil Elizondo, presidente ng Mexican American Cultural Center sa San Antonio, Texas. Ipinaaalaala nito sa atin na ang mga kalupitang nasaksihan sa siglong ito ay maaaring mag-iwan ng namamalaging epekto sa alaala ng marami. Ang paglipol ng lahi ng mga Armeniano (1915-23) at ang lansakang pagpatay sa mga taga-Cambodia (1975-79) ay dapat ding ibilang sa mga kalupitan sa ika-20 siglo. Magkagayunman, hindi pa kumpleto ang talaan.

Sa pagtatangkang isulong ang pakikipagkasundo sa pagitan ng mga biktima at ng mga nagpahirap sa kanila, sa ilang okasyon ay hinimok ng mga lider ng relihiyon at pulitika ang mga tao na kalimutan na ang mga naranasang kalupitan. Halimbawa, nangyari ito sa Atenas, Gresya, noong 403 B.C.E. Katatapos lamang masaksihan ng lunsod ang wakas ng mapaniil na diktadura ng Tatlumpung Mapang-api, isang pamahalaan ng iilan na lumipol, maging sa pisikal na paraan, sa halos lahat ng kaaway nito. Sinikap ng mga bagong gobernador na muling itatag ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pag-uutos ng amnestiya (mula sa isang salitang Griego na nangangahulugang “pagkalimot” o “pagkamalilimutin”) para sa mga tagapagtaguyod ng nakaraang pang-aapi.

Paglimot sa Pamamagitan ng Utos?

Sa isang banda, maaaring madaling tangkain sa pamamagitan ng dekreto na burahin sa alaala ang mga kalupitang ginawa sa mga inosente. Maaaring ipasiya ng mga tagapamahala na gawin ito para sa pulitikal na kapakinabangan, gaya ng nangyari sa sinaunang Gresya at sa iba’t ibang bansa sa Europa sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Halimbawa, sa Italya noong 1946 ay itinalaga ang amnestiya para sa mahigit na 200,000 mamamayan na “nagkasala ng pakikibahagi, sa halos kaugnay na mga paraan, sa mga krimeng ginawa ng rehimeng Pasista,” sabi ng pahayagang La Repubblica.

Gayunman, isang bagay ang mga pasiya ng mga pamahalaan o mga pampublikong institusyon. Ibang bagay naman ang damdamin ng indibiduwal na mga miyembro ng pamayanan. Hindi posibleng sa pamamagitan ng pag-uutos ay pilitin ang indibiduwal na mga mamamayan​—marahil ang mga walang kalaban-labang mga biktima ng brutal ng mga alitan, masaker, o iba pang kalupitan​—na kalimutan na lamang ang pagdurusa noong nakaraan.

Mahigit sa isang daang milyon katao ang namatay sa mga digmaan sa siglong ito lamang, na ang marami sa mga ito ay matapos dumanas ng di-maubos-maisip na pagdurusa. Kung idaragdag natin ang lahat ng namatay sa mga masaker sa panahong walang digmaan, hindi mabibilang ang mga kalupitan. Maraming tao ang nagsisikap nang husto upang tiyaking hindi malilimutan ang mga ito.

Yaong mga Nagnanais na Burahin ang Alaala

Yaong mga humihimok sa mga biktima ng kalupitan o sa kanilang mga inapo na magpatawad at lumimot na lamang ay madalas na nagsasabing ang paggunita sa nakaraan ay pinagmumulan lamang ng pagkakabaha-bahagi, lalo na kung maraming dekada na ang nakalipas. Sinasabi nila na ang paglimot ay nagbubuklod, samantalang ang paggunita ay hindi makapagbabaligtad sa mga pahina ng kasaysayan, gaano man kalunus-lunos ang mga naging pagdurusa.

Subalit sa pagsisikap na udyukang lumimot ang mga tao, ang ilan ay umabot sa punto na itinatanggi na nila ang katotohanan ng karamihan ng mga nakasisindak na krimeng ginawa laban sa sangkatauhan. Halimbawa, palibhasa’y sinusuportahan ng mga mananalaysay na tinatawag ang kanilang sarili na mga rebisyonista (nagmumungkahi ng pagbabago), ang ilan ay nagsasabing hindi kailanman nagkaroon ng Holocaust.a Nagsaayos pa nga sila ng mga paglilibot sa mga kampong pinaglipulan noon, gaya ng Auschwitz o Treblinka, at nagsabi sa mga panauhin na hindi kailanman nagkaroon ng mga gas chamber sa mga lugar na iyon​—at ito’y sa kabila ng napakaraming saksi at gabundok na ebidensiya at dokumento.

Paano nangyari na tinatanggap ng ilang grupo ang gayong maling ideya ng mga rebisyonista? Sapagkat minamabuti ng ilan na kalimutan ang kanilang sariling pananagutan at niyaong sa kanilang sariling bayan. Bakit? Dahil sa nasyonalismo, sa kanilang sariling ideolohiya, o damdaming anti-Semitiko o iba pang gaya nito. Kapag nakalimutan na ang mga kalupitan, ang katuwiran ng mga rebisyonista, mawawala na raw ang pananagutan. Ngunit matinding sinasalungat ng maraming tao ang iresponsableng katuwiran ng mga rebisyonistang ito, na tinawag ng isang mananalaysay na Pranses bilang “mga pumapatay ng alaala.”

Hindi Sila Lumilimot

Maliwanag na napakahirap para sa mga nakaligtas na limutin ang mga minamahal na namatay sa digmaan o sa mga kalupitan. Gayunman, gayon ang ginawa ng karamihan sa mga ibig na gunitain ang mga masaker at paglipol ng lahi dahil umaasa sila na ang mga aral na makukuha mula sa kanilang sariling mga pagdurusa at sa pagdurusa ng kanilang mga minamahal ay magagamit upang maiwasang maulit ang gayong kalupitan.

Kaya naman ipinasiya ng pamahalaan ng Alemanya na gunitain ang anibersaryo ng pagkakatuklas sa mga kakilabutang ginawa ng mga Nazi sa kampong piitan sa Auschwitz. Ang layunin, ayon sa presidente ng Alemanya, ay upang “magsilbing babala sa mga susunod na salinlahi ang paggunita.”

Katulad nito, sa ika-50 anibersaryo ng katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, nagpahayag si Papa John Paul II: “Habang lumilipas ang mga taon, hindi dapat lumabo ang mga alaala ng Digmaan; sa halip, dapat itong maging isang mahigpit na aral para sa ating salinlahi at sa mga salinlahing darating.” Subalit, kailangang sabihin na ang Simbahang Katoliko ay hindi laging maaasahan sa paggunita sa mga kalupitan at sa mga biktima ng mga taóng iyon.

Upang ang mga bagong henerasyon ay makakuha rin ng aral at babala mula sa mga paglipol ng lahi sa siglong ito at sa iba pang siglo, maraming museo​—gaya ng Holocaust Memorial Museum sa Washington, D.C., at ang Beit Hashoah Museum of Tolerance sa Los Angeles​—ang naitatag na. Sa dahilan ding ito, gumawa na ng nakaantig-damdaming mga dokumentaryo at iba pang pelikula sa paksang ito. Ang lahat ng ito ay isang pagtatangka na hadlangan ang sangkatauhan na makalimot sa pagdurusa ng mga tao sa kamay ng ibang tao.

Bakit Aalalahanin?

“Yaong mga hindi makaalaala sa nakaraan ay nakatalagang umulit niyaon,” ang isinulat ng Kastila-Amerikanong pilosopo na si George Santayana. Nakalulungkot, waring sa paglipas ng mga milenyo, madaling nalilimutan ng sangkatauhan ang sarili nitong nakaraan, sa gayo’y itinatalaga ang sarili na gawin ang gayunding mapapait na pagkakamali nang paulit-ulit.

Ang mahaba at malupit na pagkakasunud-sunod ng mga lansakang pagpatay ng tao ay nagdiriin ng bagay na isang ganap na kabiguan ang pamumuno ng tao sa ibang tao. Bakit ganito? Sapagkat lagi nang inuulit ng tao ang isang saligang pagkakamali​—kanilang itinakwil ang Diyos at ang kaniyang mga batas. (Genesis 3:1-6; Eclesiastes 8:9) At ngayon, gaya ng inihula sa Bibliya, isang “pilipit na salinlahi” ang gumagawa rin nito at umaani ng mga bunga.​—Filipos 2:15; Awit 92:7; 2 Timoteo 3:1-5, 13.

Yamang isinangkot natin ang Maylalang, si Jehova, sa ating pagtalakay, ano ba ang kaniyang pangmalas? Ano ba ang kinalilimutan niya, at ano ang inaalaala niya? Mapagtatagumpayan pa kaya ang mapait na pamana ng mga kalupitang ginawa ng tao? ‘Magwawakas kaya ang kasamaan ng mga balakyot’?​—Awit 7:9.

[Talababa]

a Para sa impormasyon hinggil sa kasinungalingan ng mga argumento ng mga mananalaysay na rebisyonista, pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang Holocaust​—Oo, Talagang Nangyari Iyon!,” inilathala sa Gumising! ng Abril 8, 1989, pahina 4-8.

[Blurb/Mga Larawan sa pahina 7]

“Yaong mga hindi makaalaala sa nakaraan ay nakatalagang umulit niyaon.”​—George Santayana

Krematoryo at hurno sa kampong piitan sa Auschwitz

[Credit Line]

Oświȩcim Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share