Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/8 p. 8-11
  • Mga Kalupitan—Ano Ba ang Solusyon ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kalupitan—Ano Ba ang Solusyon ng Diyos?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapaimbabaw
  • Mga Aral na Itinuro ng Bibliya
  • Kung Ano ang Inaalaala ng Diyos at Kung Ano ang Kaniyang Nililimot
  • Ang Pangwakas na Hukom
  • Malapit Na ang Isang Bagong Daigdig!
  • Magpatawad at Lumimot—Posible Ba Ito?
    Gumising!—1998
  • Dapat Ba Nating Gunitain ang Nakaraan?
    Gumising!—1998
  • Ang Tunay na Diyos at ang Inyong Kinabukasan
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Isang Bagong Sanlibutang Wala Nang Paghihirap
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/8 p. 8-11

Mga Kalupitan​—Ano Ba ang Solusyon ng Diyos?

PAANO mapipigilan ang mga kalupitan? Ano ang solusyon? Kapag pinag-aaralan natin ang kasaysayan, nagiging malinaw na nabigo ang mga solusyon ng tao. Sa katunayan, may isang malaking pagkakasalungatan, kung hindi man tuwirang pagpapaimbabaw, sa paraan ng pagharap ng mga pinunong tao sa paksang ito.

Halimbawa, tingnan ang taóng 1995. Iyon ang ika-50 anibersaryo ng katapusan ng Nazi Holocaust, ng Digmaang Pandaigdig II, at ng pagsabog ng bomba atomika. Nang taóng iyon, ginanap sa maraming lugar sa daigdig ang mga seremonya ng paggunita na dinaluhan ng mga pinuno sa daigdig. Bakit? Upang ipahayag ang pagkasuklam sa mga kalupitang ito nang sa gayo’y hindi na kailanman maulit ang mga ito. Gayunman, napansin ng ilang tagamasid ang isang di-mabuting antas ng pagkakasalungatan sa gayong mga seremonya.

Pagpapaimbabaw

Sa lubhang napabalitang mga seremonyang ito, ibig ng lahat ng kinatawan ng mga relihiyon at pamahalaan na sila’y ituring na mga tagapagtaguyod o sa paano man ay iwasang ituring na manggagawa ng kasamaan. Subalit, ang mga bansa na tumuligsa sa mga kalupitan noong nakaraan ay nagtayo ng mga arsenal ng mga sandata, anupat naglalaan ng malalaking halaga ng salapi sa layuning ito. Kasabay nito, hindi nila nalutas ang pangunahing mga suliranin gaya ng kahirapan, pagbaba ng moral, at polusyon, anupat kadalasang sinasabi na hindi sapat ang kanilang pondo.

Hangad naman ng relihiyon ng daigdig na isulat ang kasaysayan na nagkukubli sa kaniyang mahabang katahimikan sa mga kalupitan ng mga diktadura at nagtatakip ng kaniyang pakikipagsabuwatan sa mga ito. Walang ginawa ang mga relihiyong ito upang pigilin ang pagpapatayan ng mga tao mula sa parehong relihiyon. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II, pumatay ng Katoliko ang mga Katoliko at pumatay ng Protestante ang mga Protestante dahil magkakaiba ang kanilang bansa at sila’y nasa magkasalungat na panig. Ang dalawang panig ay nag-aangking mga Kristiyano ngunit nagsasagawa ng ganap na salungat sa mga turo ni Jesus. (Mateo 26:52; Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:10-​12; 4:20, 21) Gayundin ang ginawa ng ibang relihiyon. Sa ngayon, sa iba’t ibang panig ng daigdig, gumagawa pa rin ng mga kalupitan ang mga miyembro ng mga relihiyong ito.

Noong panahon ni Jesus, ang mga lider ng relihiyon ay mapagpaimbabaw. Tinuligsa sila ni Jesus, na nagsabi: “Kaabahan sa inyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingang-dako ng mga propeta at pinapalamutihan ang mga alaalang libingan ng mga matuwid, at sinasabi ninyo, ‘Kung kami ay nasa mga araw ng ating mga ninuno, ay hindi kami magiging kabahagi nila sa dugo ng mga propeta.’ Samakatuwid kayo ay nagpapatotoo laban sa inyong mga sarili na kayo ay mga anak niyaong mga pumaslang sa mga propeta.” (Mateo 23:29-31) Ang mga lider na iyon ng relihiyon ay nag-aangking makadiyos ngunit sila’y mga mapagpaimbabaw na nang-usig kay Jesus at sa kaniyang mga alagad.

Mga Aral na Itinuro ng Bibliya

Maaaring makakuha ng mga aral mula sa sekular na kasaysayan, ngunit ang Bibliya ang siyang pinagmumulan ng pinakakapaki-pakinabang na mga aral. Hindi nito ipinagkakatiwala sa paghatol o opinyon ng tao ang gawain ng pagpapakahulugan sa kasaysayan. Ipinaliliwanag ng Bibliya ang kasaysayan at ang kinabukasan ayon sa paraan ng pag-iisip ng Diyos.​—Isaias 55:8, 9.

Bumabanggit ang Kasulatan ng tungkol sa mabubuti at masasamang pangyayari gayundin ng tungkol sa mabubuti at masasamang tao. Kadalasang isang matuwid na aral, isa na kasuwato ng kalooban ng Diyos, ang makukuha mula sa mga salaysay na ito. Pagkatapos banggitin ang ilang pangyayari sa kasaysayan ng sinaunang mga Israelita, sinabi ni apostol Pablo: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin.” (1 Corinto 10:11) Si Jesus mismo ay kumuha ng isang aral mula sa kasaysayan nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.”​—Lucas 17:32.

Kung Ano ang Inaalaala ng Diyos at Kung Ano ang Kaniyang Nililimot

Nalaman natin mula sa Bibliya na inaalaala o nililimot ng Diyos ang mga indibiduwal batay sa kanilang mga ginagawa. Yaong mga nagkakasala ngunit nagsisisi ay pinatatawad ng Diyos “nang sagana.” (Isaias 55:7) Kung ang isang balakyot ay magsisi at “tinalikdan niya ang kaniyang kasalanan at gumawa nang may katarungan at katuwiran, . . . wala sa kaniyang mga kasalanan . . . ang aalalahanin pa laban sa kaniya.”​—Ezekiel 33:14-​16.

Isinulat ni Pablo na “ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Kung gayon, gagantimpalaan ni Jehova yaong inaalaala niya nang may pagsang-ayon. Nanalangin ang tapat na si Job: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol [ang karaniwang libingan ng buong sangkatauhan], . . . na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon at iyong alalahanin ako!”​—Job 14:13.

Sa kabaligtaran, haharapin ng Diyos ang di-nagsisising manggagawa ng kasamaan kasuwato ng mga salitang sinabi Niya kay Moises: “Buburahin ko siya mula sa aking aklat.” (Exodo 32:33) Oo, ang mga balakyot ay kalilimutan ng Diyos magpakailanman.

Ang Pangwakas na Hukom

Ang Diyos ang siyang pangwakas na Hukom ng kasaysayan. (Genesis 18:25; Isaias 14:24, 27; 46:9-​11; 55:11) Ayon sa kaniyang nakahihigit na paghatol, hindi niya kalilimutan ang napakaraming kalupitan na ginawa laban sa sangkatauhan. Sa araw ng kaniyang matuwid na pagkapoot, hahatulan niya ang lahat ng tao at institusyon na dapat na managot.​—Apocalipsis, kabanata 18, 19.

Kabilang sa mga ito ang buong sistema ng huwad na relihiyon, na binigyan sa Kasulatan ng simbolikong pangalan na “Babilonyang Dakila.” Tungkol sa kaniya ay nasusulat: “Ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawa ng kawalang-katarungan.”​—Apocalipsis 18:2, 5.

Ang mga relihiyong ito ang dapat sanang nagturo sa mga tagasunod nito na gawin ang tama ngunit sila’y bigo. Kaya naman, ganito ang sabi ng Salita ng Diyos tungkol sa lahat ng makasanlibutang relihiyon: “Nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Dahil sa hindi pagtuturo sa kanilang mga miyembro na ibigin ang kanilang kapuwa tao at karelihiyon, pinaratangan ng pagkakasala sa dugo ang mga relihiyong ito.

Malapit Na ang Isang Bagong Daigdig!

Sa wakas ay malapit na ang araw ng pagpuksa sa masama. (Zefanias 2:1-3; Mateo 24:3, 7-​14) Kasunod ng araw na iyon, darating ang panahon na ‘hindi na magkakaroon ng pagdadalamhati, paghiyaw, at ng kirot’ para sa maliligayang residente ng lupa. (Apocalipsis 21:3-5) Hindi na muling magaganap ang mga kalupitan at masaker dahil ang pamamahala sa lupang ito ay aalisin sa mga tao at ibibigay sa makalangit na Kaharian ng Diyos sa kamay ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo.​—Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

Sa panahong iyon, lubusang matutupad ang hula sa Awit 46:9: “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” Mamamalagi magpakailanman ang kapayapaang iyon sapagkat, gaya ng inihula ng Isaias 2:4, “ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.” Kaya naman inihula ng Awit 37:11: “Ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Oo, kung gayo’y masasabi na “ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan, naging panatag. Ang bayan ay nagsaya na may mga sigaw ng kagalakan.”​—Isaias 14:7.

Ang lahat ng ito ay nangangahulugan na malapit na ang isang matuwid na bagong daigdig. At sa bagong daigdig na iyon, sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos, isa pang kagila-gilalas na pangyayari ang magaganap​—ang pagkabuhay-muli ng mga patay! Tinitiyak ng Salita ng Diyos: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—Gawa 24:15.

Samantalang nasa lupa, ipinakita ito ni Jesus sa pamamagitan ng pagbuhay ng mga patay. Halimbawa, nang buhayin niyang muli ang isang batang babae, sinabi ng ulat: “Kaagad-agad ang dalaga ay bumangon at nagpasimulang maglakad . . . At karaka-rakang halos mawala [yaong mga nagmamasid] sa kanilang mga sarili sa napakasidhing kagalakan.” (Marcos 5:42) Sa pagkabuhay-muli, yaong mga pinatay sa kalupitan pati na yaong matatagal nang patay ay bubuhaying-muli at bibigyan ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. (Lucas 23:43) At darating ang panahon na “ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.”​—Isaias 65:17.

Isang katalinuhan ang pagkuha mo ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at sa paggawa ng kaniyang kalooban. Kung magkagayo’y aalalahanin ka ng Diyos nang may pagsang-ayon kapag lulutasin na niya magpakailanman ang suliranin ng kalupitan at bubuhaying-muli ang mga biktima. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Gagawin ng Diyos na isang mapayapang paraiso ang lupang ito

[Mga larawan sa pahina 10]

Papawiin ng Diyos ang mga epekto ng kalupitan noong nakaraan sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share