Wala Nang Pagkautal!
SA LOOB na ng halos walong dekada, ang Gumising! ay nakatulong sa mga mambabasa nito na mapanagumpayan ang pang-araw-araw na mga suliranin. Sa ilang pagkakataon, ibinabalita nito sa kanila ang bagong mga pagsulong at mga pangmalas sa larangan ng medisina, na maaaring magkaroon ng matinding epekto sa kanilang buhay, tulad ng isinisiwalat ng sumusunod na kuwento.
Si Matthew ay ipinanganak noong 1989 sa hilaga ng Inglatera. Hanggang noong siya’y dalawang taon, siya’y isang normal na batang lalaki. Subalit biglang-bigla, samantalang nagbabakasyon, nagkaroon siya ng malalang pagkautal.
“Kumonsulta kami ng aking asawa sa aming lokal na klinika para sa pagsasalita (speech therapy unit),” ang paliwanag ni Margaret, ang ina ng bata, “at sinabihan kami na wala munang magagawa para sa kaniya hangga’t wala pa siyang pitong taong gulang sapagkat hangga’t hindi pa sumasapit ang mga bata sa gayong edad, hindi pa nila kayang kontrolin ang kanilang mga kuwerdas ng tinig (vocal cords). Subalit nang pumasok si Matthew sa paaralan, nahirapan siyang makitungo sa panunukso ng ibang bata, at lumala pa ang kaniyang pagkautal. Ayaw na niyang makihalubilo sa karamihan at siya’y naging mapag-isa. Kahit ang pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ay naging isang hamon.
“Pagkatapos, napansin namin ang ‘Pag-asa Para sa mga Utal,’ sa ‘Pagmamasid sa Daigdig,’ ng Abril 8, 1995, na isyu ng Gumising! Ipinaliwanag nito sa maikli ang gawain ng isang pangkat ng mga manggagamot sa pagsasalita (speech therapists) na nasa Sydney, Australia, na naging matagumpay sa pagpapagaling sa pagkautal ng mga maliit na bata.
“Kami’y sumulat sa University of Sydney at tumanggap ng mabait na tugon mula kay Dr. Mark Onslow, na nagmungkahing makipag-usap kami sa kaniya sa telepono. Yamang nakatira kami sa kabilang ibayo ng daigdig, pinagpasiyahan ng kaniyang pangkat ng mga manggagamot sa pagsasalita na subukan ang ‘malayuang paggamot’ (‘distance intervention’). Bilang mga magulang ni Matthew, tinuruan kami ng mga pamamaraan ng pangkat sa pamamagitan ng telepono, fax, at audiotape. Ang paggamot ay ibinagay sa personal na pangangailangan ni Matthew. Nauupo akong kasama niya at sa isang relaks at impormal na paraan, tinutulungan ko siya nang tuwiran upang maituwid ang mahirap bigkasin na mga salita. Madalas ko siyang papurihan at bigyan ng maliliit na gantimpala para sa ‘matatas’ na pagsasalita.
“Pagkalipas ng anim na buwan, si Matthew ay hindi na mapagsarili, na namumuhay sa sarili niyang maliit na daigdig, kundi isa na siyang normal, maligaya, at masayahing kabataan. Ngayon ay sumasagot na siya sa mga pulong ng kongregasyon at tuwang-tuwa na magkaroon ng mga bahagi sa pagbasa ng Bibliya sa Kingdom Hall. May malaking bahagi rin siya sa ministeryo sa bahay-bahay. Normal na ang kaniyang pagsasalita!
“Anong laking pasasalamat namin sa maikling balitang iyon sa Gumising!, na nagpabago sa buhay ng aming anak na lalaki!”—Inilahad.