Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 9/22 p. 10-13
  • Kung ano ang Magagawa ng mga Tagapag-aruga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung ano ang Magagawa ng mga Tagapag-aruga
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Panatilihing Simple ang Buhay
  • Kailangang Maging Aktibo
  • “Gusto Kong Gawin Iyon”
  • Ingatan ang Dignidad ng Pasyente
    Gumising!—1998
  • “Sadyang Isinulat ang Gumising! na Ito Para sa Amin”!
    Gumising!—1999
  • Pagharap sa Alzheimer’s Disease
    Gumising!—1998
  • Pangangalaga sa Tagapag-aruga—Kung Paano Makatutulong ang Iba
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 9/22 p. 10-13

Kung ano ang Magagawa ng mga Tagapag-aruga

“LAGI akong namamangha sa bagay na nagkakaiba ang [mga tao] sa kanilang kakayahang magtiis,” sabi ni Margaret, isang propesyonal na mediko sa Australia na maraming taon nang nakikitungo sa mga pasyenteng may Alzheimer’s at sa kanilang mga tagapag-aruga. “Nakakayanan ng ilang pamilya maging ang pinakamabibigat na kahilingan sa kanila,” patuloy niya, “samantalang ang iba naman ay halos walang kakayahang harapin ang situwasyon sa sandaling ang maysakit ay magpakita ng kahit bahagyang pagbabago sa kanilang personalidad.”​—Sinipi sa aklat na When I Grow Too Old to Dream.

Bakit may pagkakaiba? Ang isang dahilan ay maaaring ang uri ng ugnayan na umiral noon bago lumitaw ang karamdaman. Iyon ay madaling nakakayanan ng mga pamilyang malapit ang ugnayan at nagmamahalan sa isa’t isa. At kapag ang isang taong may Alzheimer’s disease (AD) ay naaalagaan nang husto, maaaring mas madaling makayanan ang karamdamang ito.

Sa kabila ng pagpurol ng isip, ang mga maysakit ay karaniwan nang tumutugon sa pagmamahal at kabaitan kahit hanggang sa mismong mga huling yugto ng karamdaman. “Hindi lamang mga salita,” sabi ng magasing Communication, na inilabas ng Alzheimer’s Disease Society of London, “ang paraan ng pakikipag-usap.” Kasali sa di-binibigkas na pag-uusap na mahalaga sa mga tagapag-aruga ang magiliw at palakaibigang ekspresyon ng mukha at ang banayad na tinig. Mahalaga rin na tumingin nang mata sa mata, gayundin ang malinaw at malumanay na pagsasalita​—at palaging paggamit sa pangalan ng pasyente.

“Ang patuloy na pakikipag-usap sa iyong minamahal ay hindi lamang posible,” sabi ni Kathy, na nabanggit sa naunang artikulo, “kundi mahalaga rin ito. Ang magiliw at mapagmahal na haplos, banayad na tinig at, sa katunayan, ang iyong pagkanaroroon ay pawang naglalaan ng kapanatagan at katiyakan sa iyong minamahal.” Bilang sumaryo, sinabi ng Alzheimer’s Disease Society of London: “Ang pagmamahal ay makatutulong sa inyo na manatiling malapit sa isa’t isa, lalo na kapag nagiging lalong mahirap ang pag-uusap. Ang paghawak sa kamay ng pasyente, pag-upo na nakaakbay sa kanila, pagsasalita sa mahinahong tinig o pagyakap sa kanila nang mahigpit ay pawang mga paraan upang ipakita na nagmamalasakit ka.”

Kapag may magiliw na ugnayan, kadalasang nakatatawa nang husto ang tagapag-aruga at pasyente kahit na may pagkakamali. Halimbawa, nagunita ng isang asawang lalaki kung paanong ang kaniyang nalilitong kabiyak ay nag-ayos ng higaan ngunit nagkamaling ilagay ang blangket sa pagitan ng mga sapin sa kama. Natuklasan nila ang pagkakamali nang mahiga sila nang gabing iyon. “Hay naku!” sabi niya, “tingnan mo naman itong ginawa ko.” At pareho silang tumawa nang tumawa.

Panatilihing Simple ang Buhay

Nakakakilos nang mas maayos ang mga may AD kapag nasa pamilyar na kapaligiran. Kailangan din nila ng regular na rutin sa araw-araw. Dahil dito, malaki ang maitutulong ng isang malaking kalendaryo na doo’y malinaw na nakasulat ang mga dapat gawin sa araw-araw. “Ang pag-aalis sa isa mula sa kapaligiran na nakasanayan na,” paliwanag ni Dr. Gerry Bennett, “ay maaaring magdulot ng nakatatakot na mga epekto. Mahalaga sa isang taong nalilito na hindi mabago ang kaniyang kapaligiran at magpatuloy ang kaniyang mga ginagawa.”

Habang lumalala ang sakit, ang mga may AD ay lalong nahihirapang sumunod sa mga tagubilin. Ang mga direksiyon ay kailangang ibigay nang simple at malinaw. Halimbawa, baka maging napakahirap para sa isang pasyente na sabihang siya’y magbihis. Baka kakailanganing ilatag ang isusuot ayon sa pagkakasunud-sunod at tulungan ang pasyente sa pagsusuot ng bawat isa.

Kailangang Maging Aktibo

Ang ilang may sakit na AD ay naglalakad-lakad o kaya’y napapalayo sa kanilang tahanan at naliligaw. Ang paglalakad ay isang mabuting ehersisyo para sa pasyente at maaaring makatulong para mabawasan ang tensiyon at makatulog na mabuti. Gayunman, maaaring maging mapanganib ang mapalayo sa tahanan. Ganito ang paliwanag ng aklat na Alzheimer’s​—Caring for Your Loved One, Caring for Yourself: “Kung mapalayo ang iyong minamahal, nakaharap ka sa isang gipit na kalagayan na madaling mauwi sa trahedya. Ang mga salitang dapat tandaan ay huwag kang mataranta. . . . Ang mga taong maghahanap ay nangangailangan ng larawan ng taong kanilang hinahanap. Maghanda sa bahay ng pinakabagong mga litratong may kulay.”a

Sa kabilang banda, ang ilang maysakit ay nagiging matamlay at maaaring gusto na lamang maupo sa maghapon. Udyukan silang gumawa ng isang bagay na pareho ninyong ikinasisiya. Ganyakin silang kumanta, sumipol, o tumugtog ng isang instrumentong pangmusika. Ang ilan ay gustung-gustong pumalakpak, magkikilos, o sumayaw sa paboritong tugtugin. Ganito ang paliwanag ni Dr. Carmel Sheridan: “Ang pinakamatagumpay na gawain para sa mga taong may A.D. ay karaniwan nang yaong may kasamang musika. Madalas sabihin ng mga pamilya na kahit matagal nang nakalimutan ang kahulugan ng ibang [bagay], nasisiyahan pa rin ang kanilang kamag-anak sa mga kilalang lumang awitin at himig.”

“Gusto Kong Gawin Iyon”

Nasiyahan ang isang maybahay sa Timog Aprika na gugulin ang bawat araw sa isang nursing home kasama ng kaniyang asawa na nasa mga huling yugto na ng AD. Gayunman, dahil dito ay pinupuna siya ng mga kamag-anak na may mabuti namang motibo. Marahil, para sa kanila, nag-aaksaya lamang siya ng kaniyang panahon, yamang waring hindi man lamang siya nakikilala ng kaniyang asawa at hindi ito kailanman nagsasalita. “Gayunpaman,” paliwanag niya pagkamatay ng kaniyang asawa, “ibig kong maupo sa tabi niya. Abalang-abala ang mga nars, kaya kapag dinumhan niya ang kaniyang sarili, nahuhugasan at nabibihisan ko siya. Nasisiyahan akong gawin iyon​—gusto kong gawin iyon. Minsan, nasaktan ang kaniyang paa habang itinutulak ko siya sakay ng silyang de gulong. Ang sabi ko, ‘Masakit ba?’ at sumagot siya, ‘Siyempre!’ Noon ko natanto na siya’y nakararamdam at nakapagsasalita pa rin.”

Kahit sa mga kaso na hindi maganda ang ugnayan ng pamilya bago may nagkasakit ng AD, nakapagtitiis pa rin ang mga tagapag-aruga.b Ang pagkabatid lamang na ang ginagawa nila ay tama at nakalulugod sa Diyos ay nakapagpapadama sa kanila ng matinding kasiyahan. Sinabi ng Bibliya, ‘Magpakita ka ng konsiderasyon sa isang matandang lalaki’ at, “Huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na.” (Levitico 19:32; Kawikaan 23:22) Isa pa, inutusan ang mga Kristiyano: “Kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, matuto muna ang mga ito na magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos. Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.”​—1 Timoteo 5:4, 8.

Sa tulong ng Diyos, kapuri-puri ang nagagawa ng maraming tagapag-aruga sa pag-aalaga sa may sakit na mga kamag-anak, pati na yaong mga may Alzheimer’s disease.

[Mga talababa]

a Kaya naman nasumpungan ng ilang tagapag-aruga na nakatutulong na paglaanan ang pasyente ng isang uri ng pagkakakilanlan, marahil gaya ng isang pulseras o kuwintas na naisusuot.

b Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pag-aaruga at kung paano makatutulong ang iba, pakisuyong tingnan ang serye ng “Pag-aaruga​—Pagharap sa Hamon,” sa pahina 3-13 ng Pebrero 8, 1997, na Gumising!

[Kahon sa pahina 11]

Ang Alzheimer’s Disease at ang Medikasyon

BAGAMAN mga 200 posibleng paggamot sa Alzheimer’s disease (AD) ang kasalukuyang sinusuri, wala pang lunas para sa AD. Ang ilang gamot ay iniulat na nakababawas sa pagkawala ng memorya sa loob ng sandaling panahon sa maagang mga yugto ng AD o nagpapabagal sa paglala ng sakit sa ilang pasyente. Gayunman, kailangang mag-ingat sapagkat ang mga gamot na ito ay hindi mabisa sa lahat ng pasyente, at ang ilan ay maaaring makapinsala. Subalit ang ibang medikasyon ay ginagamit kung minsan sa paggamot sa mga kalagayan na kadalasang kaakibat ng AD, gaya ng panlulumo, pagkabalisa, at di-pagkakatulog. Sa pagkonsulta sa doktor ng pasyente, maaaring pagtimbang-timbangin ng bawat pamilya ang mga kapakinabangan at panganib ng isang paggamot bago gumawa ng pasiya.

[Kahon sa pahina 11]

Kung Paano Makatutulong ang mga Panauhin

DAHIL sa pagpurol ng isip, yaong may Alzheimer’s disease (AD) ay karaniwan nang hindi nakababahagi sa malalim na pag-uusap tungkol sa kasalukuyang mga pangyayari sa daigdig. Subalit iba naman kung ang pag-uusapan ay ang nakaraan. Ang alaala tungkol sa matagal nang panahon ay maaaring hindi makalimutan, lalo na sa maagang yugto ng karamdaman. Tuwang-tuwang gunitain ng maraming may sakit na AD ang kanilang nakaraan. Kaya anyayahan silang maglahad ng ilan sa kanilang paboritong mga kuwento, kahit na maraming beses mo nang narinig ang mga ito. Sa gayo’y nakatutulong ka para maging maligaya ang pasyente. Kasabay nito, maaaring nabibigyan mo ang regular na tagapag-aruga ng lubhang kinakailangang pahinga. Sa katunayan, malaki ang magagawa ng pag-aalok na mag-alaga sa pasyente sa loob ng isang yugto ng panahon, marahil sa buong araw, upang maginhawahan ang regular na tagapag-aruga.

[Kahon sa pahina 12]

Pagharap sa Kawalang-Kakayahang Pigilin ang Pag-ihi at Pagdumi

BAGAMAN “waring malala na” kapag hindi na mapigil ng isa ang pag-ihi at pagdumi, sabi ng magasing Incontinence, “mayroon pang magagawa, alinman upang mapagaan ang suliranin mismo o gawin itong hindi gaanong maigting.” Tandaan na baka pansamantala lamang ang kawalang-kakayahan ng pasyente na pigilin ang kaniyang pag-ihi at pagdumi; maaaring nalito lamang siya o naging mabagal sa pagpunta sa banyo. Bukod dito, maaaring ang pasyente ay dumaranas lamang ng isang maaari pang gamuting kalagayan na nagpapangyaring sa pansamantala ay hindi niya mapigilan ang pag-ihi at pagdumi, kaya baka kailanganin mong sumangguni sa isang doktor.

Anuman ang sanhi, mas madaling mahaharap ang kawalang-kakayahang pigilin ang pag-ihi at pagdumi kung madaling isuot at hubarin ang panlabas na damit ng pasyente gayundin kung magsusuot ng ipinasadyang mga pantalon. Makatutulong din kung maglalagay ka ng mga sapin sa kama at sa mga upuan. Para hindi humapdi at mamaga ang balat, huwag hahayaang dumikit ang plastik sa balat ng pasyente. Gayundin, hugasang mabuti ang pasyente sa maligamgam at may sabon na tubig, at punasan siyang maigi bago bihisan. Alisin ang anumang maaaring makahadlang sa mabilis at ligtas na pagpunta ng pasyente sa banyo. Maaaring makatulong kung may isang ilaw na iiwang nakabukas sa gabi upang makita niya ang kaniyang daraanan. Dahil sa ang pasyente ay maaaring mabuway sa yugtong ito, magiging hindi gaanong mahirap para sa kaniya ang pagpunta sa banyo kung may isang metal na baras na maaari niyang hawakan.

“Kung makapagpapatawa ka rin,” mungkahi ng Alzheimer’s Disease Society of London, “maaaring maibsan nito ang tensiyon.” Paano mahaharap ng isang tagapag-aruga ang mga hamong ito? Ganito ang sagot ng isang makaranasang tagapag-aruga: “Ang pagtitiis, pagkamagiliw, kabaitan, at ang uri ng mahinahong paggalang na tutulong sa pasyente na maingatan ang kaniyang dignidad sa lahat ng panahon, nang hindi natatakot na mapahiya.”

[Kahon sa pahina 13]

Dapat Bang Ilipat ang Pasyente?

NAKALULUNGKOT, ang lumalalang kalagayan ng mga taong may Alzheimer’s disease (AD) ay maaaring mangailangan ng paglilipat sa kanila mula sa sarili nilang tahanan tungo sa tahanan ng isang kamag-anak o sa isang nursing home. Gayunpaman, bago ipasiya na ilipat ang isang pasyente mula sa isang pamilyar na kapaligiran, dapat munang isaalang-alang ang ilang mahahalagang bagay.

Ang paglipat ay maaaring magbunga ng matinding pagkalito. Binanggit ni Dr. Gerry Bennett ang halimbawa ng isang pasyente na laging napapalayo at kung minsa’y naliligaw. Sa kabila nito, nakaya pa rin niyang mamuhay nang mag-isa. Gayunman, ipinasiya ng kaniyang pamilya na ilipat siya sa isang apartment na mas malapit sa kanila upang siya’y higit na maasikaso nila.

“Nakapanghihinayang,” paliwanag ni Dr. Bennett, “hindi niya kailanman itinuring ang bagong lugar bilang isang tahanan. . . . Nakalulungkot na hindi niya kailanman nakasanayan iyon, at sa katunayan, lalo siyang umasa sa iba dahil sa hindi na niya kayang kumilos na mag-isa sa kaniyang bagong kapaligiran. Iba ang kusina, at hindi niya matandaan kung paano pumunta sa palikuran at sa gayo’y hindi na niya mapigil ang pag-ihi at pagdumi. Mula sa pinakamabubuting layunin ay naganap ang isang personal na kasakunaan at nang dakong huli ay kinailangan siyang dalhin sa isang institusyon.”​—Alzheimer’s Disease and Other Confusional States.

Subalit paano kung waring walang mapagpipilian kundi ang ilipat ang pasyente sa isang pasilidad para sa pangangalaga ng kalusugan? Tiyak na ito ay hindi isang madaling desisyon. Sa katunayan, ito ay inilarawan na “isa sa [mga desisyong] nakapagpapabigat ng kalooban” ng mga tagapag-aruga, anupat kadalasa’y inaakala nilang nabigo sila at kanilang pinabayaan ang kanilang mahal sa buhay.

“Ito ay normal na reaksiyon,” sabi ng isang nars na may malawak na karanasan sa paggamot sa mga pasyenteng may AD, “ngunit hindi kinakailangang sisihin ang sarili.” Bakit? “Sapagkat,” sagot niya, “ang pag-aaruga at kaligtasan [ng pasyente] ang siyang pinakamahalagang dapat isasaalang-alang.” Sumang-ayon sina Doktor Oliver at Bock: “Ang desisyon na sagad na ang isa at na ang sakit ay lumala na anupat hindi na sapat ang pag-aaruga sa bahay ang marahil siyang pinakamahirap na gawin.” Gayunpaman, matapos pag-isipan nang husto ang mga bagay-bagay may kinalaman sa kanilang partikular na kalagayan, makabubuti na ipasiya ng ilang tagapag-aruga na “ang pagdadala sa nursing home . . . ay para sa kapakanan ng pasyente.”​—Coping With Alzheimer’s: A Caregiver’s Emotional Survival Guide.

[Larawan sa pahina 10]

Tulungan ang pasyente na maunawaan kung ano ang nangyayari sa kaniyang paligid

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share