Paano Nagkaroon ng mga Eroplano?
PAANO sa wakas nagtagumpay ang mga disenyador sa paggawa ng mabigat-pa-sa-hangin na mga makinang lumilipad? Ibinaling nila ang kanilang pansin sa tunay na mga dalubhasa sa paglipad—ang mga ibon. Noong 1889, isang inhinyerong Aleman na nagngangalang Otto Lilienthal, palibhasa’y napukaw ang interes sa kaugalian sa paglipad ng mga siguana, ay naglathala ng “Paglipad ng Ibon Bilang Saligan ng Abyasyon.” Pagkaraan ng dalawang taon, binuo niya ang kaniyang unang simpleng glider. Noong 1896, pagkatapos ng mga 2,000 paglipad sa pamamagitan ng glider, si Lilienthal ay namatay habang nagsasanay sa isang monoplane. Ang disenyo ni Lilienthal ay pinalawak ni Octave Chanute, isang Amerikanong inhinyero na isinilang sa Pransiya, at bumuo siya ng isang glider na may dalawang pakpak na nagsilbi na namang isang malaking pagsulong sa disenyo ng mabigat-pa-sa-hangin na makinang lumilipad.
Dumating naman ang magkapatid na Wright. Bilang mga may-ari ng isang tindahan ng bisikleta sa Dayton, Ohio, E.U.A., sinimulan nina Orville at Wilbur Wright ang kanilang mga unang eksperimento sa glider noong 1900, na ginawang saligan ang mga tagumpay nina Lilienthal at Chanute. Unti-unti at sistematikong gumawa ang mga Wright sa loob ng sumunod na tatlong taon, anupat paulit-ulit na nag-eksperimento sa paglipad sa Kitty Hawk, North Carolina. Bumuo sila ng bagong mga disenyo sa tulong ng mga wind tunnel, na ang una nito ay ginawa nila mismo mula sa kahon ng almirol. Para sa kanilang may-makinang paglipad, gumawa sila ng sariling apat-na-silindro at 12-horsepower na makina at inilagay iyon sa mas mababang pakpak ng isang bagong eroplano. Ang makina ay nagpaandar sa dalawang elising yari sa kahoy, isa sa magkabilang gilid ng ugit na nasa gawing likuran ng eroplano.
Noong Disyembre 14, 1903, ang bagong imbensiyon ng mga Wright ay umangat sa kahoy na palunsaran nito sa kauna-unahang pagkakataon—at nanatiling nakaangat sa loob ng tatlo at kalahating segundo! Pagkaraan ng tatlong araw, muling pinalipad ng magkapatid ang makina. Nang dakong huli ay nanatili itong lumilipad sa loob ng halos isang buong minuto at sumaklaw sa distansiyang 260 metro. Naging isang tagumpay ang eroplano.a
Nakapagtataka, ang mahalagang tagumpay na ito ay hindi gaanong binigyang-pansin ng daigdig. Nang sa wakas ay maglabas ang The New York Times ng isang artikulo tungkol sa magkapatid na Wright noong Enero 1906, sinabi nito na ang kanilang “makinang lumilipad” ay mahigpit na binuo sa lihim at na ang magkapatid ay nagkaroon lamang ng “bahagyang tagumpay sa paglipad sa himpapawid” noong 1903. Ang totoo, nagpadala si Orville ng telegrama sa kaniyang ama noon mismong unang gabi ng makasaysayang paglipad na ito, anupat hinihimok siya na ipabatid ito sa pamahayagan. Gayunpaman, tatlong pahayagan lamang sa Estados Unidos ang nag-abalang maglathala noon ng pangyayaring ito.
Wala Nga Bang Komersiyal na Kinabukasan ang mga Makinang Lumilipad?
Ang daigdig sa pangkalahatan ay nag-alinlangan sa abyasyon sa mga unang taon nito. Kahit si Chanute, na isa sa mga kilalang nagpasimula ng abyasyon, ay humula noong 1910: “Sa palagay ng may-kakayahang mga eksperto, walang katuturan ang umasa ng komersiyal na kinabukasan para sa makinang lumilipad. Nariyan, at laging naririyan, ang limitasyon sa kakayahan nitong maglulan na siyang sagabal sa paggamit dito ng mga pasahero o kargada.”
Gayunpaman, ang teknolohiya sa abyasyon ay mabilis na sumulong sa mga taon pagkatapos ng mga unang pagpapalipad ng mga Wright. Sa loob ng limang taon, ang magkapatid ay nakagawa ng isang pandalawahang eroplano na may dalawang katawan na makalilipad sa bilis na 71 kilometro bawat oras at papailanlang sa taas na 43 metro. Noong 1911, ginawa ang unang pagtawid ng eroplano sa kontinente ng Estados Unidos; ang biyahe mula New York hanggang California ay umabot ng 49 na araw! Noong Digmaang Pandaigdig I, pinabilis ang mga eroplano mula sa 100 kilometro bawat oras hanggang sa mahigit sa 230 kilometro bawat oras. Di-nagtagal at naabot ang taas na 9,000 metro.
Patuloy na napapalagay sa mga ulo ng balita noong dekada ng 1920 ang tungkol sa mga tagumpay ng abyasyon. Dalawang Amerikanong opisyal ng hukbo ang gumawa ng unang walang-hintong paglipad patawid sa Estados Unidos noong 1923, anupat nilakbay ang magkabilang dalampasigan sa loob ng wala pang 27 oras. Pagkaraan ng apat na taon, biglang napabantog si Charles A. Lindbergh dahil sa paglipad nang walang hinto mula New York hanggang Paris sa loob ng 33 oras at 20 minuto.
Samantala, ang bagong komersiyal na mga kompanya ng eroplano ay nagsimulang umakit ng mga parokyano. Sa pagtatapos ng 1939, naging gayon na lamang kapopular ang paglalakbay sa himpapawid anupat ang mga kompanya ng eroplano sa Estados Unidos ay nagseserbisyo sa halos tatlong milyong pasahero taun-taon. Ang pamantayang eroplano noong mga huling taon ng 1930, ang DC-3, ay naglulan lamang ng 21 pasahero sa bilis na 270 kilometro bawat oras; ngunit matapos ang Digmaang Pandaigdig II, ang komersiyal na mga eroplano ay lalong lumaki at tumulin, anupat naabot ang bilis na 480 kilometro bawat oras. Ipinakilala ng mga Britano ang komersiyal na eroplanong turbojet noong 1952. At ang mga jumbo jet, gaya ng Boeing 747 na may 400 upuan, ay ipinakilala noong 1970.
Isa pang tagumpay ang dumating noong 1976 nang ipakilala ng isang pangkat ng mga inhinyerong Britano at Pranses ang Concorde, isang eroplanong jet na may hugis-tatsulok na pakpak na nakapaglululan ng 100 pasahero at ang bilis ay doble sa bilis ng tunog—mahigit sa 2,300 kilometro bawat oras. Subalit dahil sa mataas na halaga ng pagpapaandar, naging limitado ang malawakang paggamit ng komersiyal na mga eroplanong supersonic.
Epekto sa Daigdig
Kahit na hindi ka pa kailanman nakasakay sa eroplano, malamang na ang buhay mo ay naapektuhan ng mabilis na mga pagsulong na ito sa teknolohiya. Ang paghahatid ng mga kargada sa pamamagitan ng eroplano ay sumaklaw na sa buong globo; kadalasan, ang ating pagkain, pananamit, at ang mga makinang ginagamit natin sa trabaho o sa tahanan ay itinawid sa karagatan o sa isang kontinente sakay ng eroplano. Ang mga liham at mga pakete ay mabilis na inihahatid sa mga bansa sa pamamagitan ng koreong panghimpapawid. Umaasa nang husto ang mga negosyo sa serbisyo ng tagahatid na mga eroplano para sa mga transaksiyon sa araw-araw. Ang mga kalakal at serbisyo na nagagamit natin at ang presyo na ibinabayad natin sa mga ito ay pawang naimpluwensiyahan ng paghahatid dito ng eroplano.
Ang abyasyon ay nagdulot din ng malaking pagbabago sa lipunan. Walang alinlangan, lumiit ang daigdig, dahil sa abyasyon. Sa loob lamang ng ilang oras, maaari kang pumunta saanman sa daigdig—kung kaya mong magbayad. Mabilis makarating ang balita, at gayundin ang mga tao.
Ang Kapalit ng Pag-unlad
Subalit may kapalit ang gayong pag-unlad. Sa pagdami ng mga biyahe sa eroplano, nangangamba ang ilan na ang himpapawid ay nagiging lalong mapanganib. Taun-taon, maraming buhay ang nasasawi sa mga banggaan na kinasasangkutan ng pribado at komersiyal na mga eroplano. “Dahil sa kompetisyon, ipinagwawalang-bahala ng maraming kompanya ng eroplano ang mga karagdagang hakbang sa pag-iingat na karaniwan nilang isinasagawa kung maaari nilang singilin sa mga parokyano ang dagdag na halaga,” sabi ng magasing Fortune. Ang Federal Aviation Administration, na inatasang tumiyak sa kaligtasan ng paglalakbay sa himpapawid sa Estados Unidos, ay “kulang sa pondo, kulang sa tauhan, at di-mahusay ang pagpapatakbo,” ulat ng magasin.
Kasabay nito, dumaraming tagapagtanggol sa kapakanan ng kapaligiran ang nababahala sa paglubha ng polusyon sa hangin at ingay na bunga ng maraming eroplano. Ang pagharap sa mga suliranin sa ingay ay “isa sa higit na pinagtatalunang mga isyu sa daigdig ng abyasyon para sa mamamayan,” sabi ng magasing Aviation Week & Space Technology.
Ang mga suliraning ito ay pinalubha pa ng bagay na naluluma na ang mga plota ng eroplano: Noong 1990, 1 sa bawat 4 na eroplano sa Estados Unidos ang natuklasang mahigit nang 20 taon, at ang ikatlong bahagi sa bilang ng mga ito ay ginamit nang lampas pa sa itinakdang “haba ng panahon ng paggamit” sa mga ito gaya ng orihinal na itinakda ng mga gumawa.
Sa gayon, nakaharap ngayon ang mga inhinyero sa aeronautics sa napakalaking mga pagbabago. Kailangang bumuo sila ng mas ligtas at mas murang mga paraan sa paghahatid ng mas maraming pasahero, kahit na tumataas ang halaga at tumitindi ang pagkabahala sa kapaligiran.
Nagsisimula nang lumitaw ang ilang solusyon sa pagbabawas ng gastusin. Sinabi ni Jim Erickson, manunulat para sa Asiaweek, na ang Pranses-Britanong pangkat na Aerospatiale at British Aerospace ay may planong gumawa ng isang eroplano na makapaglululan ng 300 pasahero at may bilis na doble sa bilis ng tunog. Magiging mas mababa ang halaga at konsumo ng gasolina bawat pasahero. At bilang tugon sa lumulubhang kalagayan ng trapiko sa maraming paliparan, ang ilang palaisip sa industriya ay nagpanukala ng isang bagong henerasyon ng dambuhalang mga helikopter na pampasahero—na bawat isa ay makapaglululan ng 100 pasahero. Naniniwala sila na balang araw, magagamit ang mga sasakyang panghimpapawid na ito para sa maikling-distansiyang paglalakbay sa himpapawid na isinasagawa ngayon sa pamamagitan ng karaniwang eroplano.
Talaga kayang malulutas ng dambuhalang mga helikopter at mga eroplanong supersonic ang apurahang mga pangangailangan ng industriya ng eroplano sa darating na mga taon? Panahon lamang ang makapagsasabi habang nagpapatuloy ang tao sa kaniyang pagsisikap na ‘buksan ang himpapawid’ para sa paglipad ng tao.
[Talababa]
a Sinasabi ng ilan na noong 1901, pinalipad din ni Gustave Whitehead (Weisskopf), isang Alemang dayuhan na nakatira sa Connecticut, E.U.A., ang eroplanong kaniyang inimbento. Gayunman, walang mga larawan upang patunayan ang pag-aangking ito.
[Larawan sa pahina 6]
Si Otto Lilienthal, noong mga 1891
[Credit Line]
Library of Congress/Corbis
[Mga larawan sa pahina 6, 7]
Si Charles A. Lindbergh nang dumating sa London matapos ang kaniyang pagtawid sa atlantiko patungo sa Paris, noong 1927
[Credit Line]
Corbis-Bettmann
[Larawan sa pahina 7]
Sopwith Camel, noong 1917
[Credit Line]
Museum of Flight/Corbis
[Larawan sa pahina 7]
DC-3, noong 1935
[Credit Line]
Photograph courtesy of Boeing Aircraft Company
[Larawan sa pahina 7]
Lumilipad na bangkang Sikorsky S-43, noong 1937
[Larawan sa pahina 8]
Pansagip na helikopter ng Coast Guard
[Larawan sa pahina 8]
Ang sumisirkong Pitts, Samson replica
[Larawan sa pahina 8, 9]
Nagsimula ang itinakdang mga paglipad ng Concorde noong 1976
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ang Airbus A300
[Larawan sa pahina 9]
Sa muling pagpasok sa atmospera, ang space shuttle ay naging isang ubod-bilis na glider
[Larawan sa pahina 9]
Ang “Rutan VariEze,” 1978