Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 11/8 p. 19-20
  • Mga Nagpasimula Noon ng Abyasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Nagpasimula Noon ng Abyasyon
  • Gumising!—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Paano Nagkaroon ng mga Eroplano?
    Gumising!—1999
  • Ang Pangarap na Makalipad
    Gumising!—1999
  • Kung Bakit Ako Bumagsak at Muling Lumipad
    Gumising!—1991
  • Paglipad ng Tao
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 11/8 p. 19-20

Mga Nagpasimula Noon ng Abyasyon

“Bilang isang piloto ng eroplano, lubos akong nasiyahan sa Marso 8, 1999, na isyu ng ‘Gumising!’ hinggil sa paglipad. Gayunman, may isang tanong ako. Bakit hindi nabanggit si Alberto Santos-Dumont? Isa siya sa pinakaunang mga abyador.”​—C. B., Estados Unidos.

ANG Marso 8, 1999, na pabalat na serye ng Gumising!, na pinamagatang “Paglipad​—Paano Ito Nagsimula? Gaano Ito Kaligtas?” ay naglaan ng maikling sumaryo sa kasaysayan ng abyasyon. Bagaman ang karamihan sa materyal ay nagtuon ng pansin sa mga pambihirang nagawa ng mga Amerikanong sina Wilbur at Orville Wright, hindi lamang ang magkapatid na ito ang nag-eksperimento sa mabigat-pa-sa-hangin na mga makinang lumilipad sa pagpapasimula ng siglo. Isaalang-alang ang iba pang mga nagpasimula ng abyasyon.

• Si Alberto Santos-Dumont ay isinilang noong Hulyo 20, 1873, sa Minas Gerais, Brazil. Nang siya ay isang tin-edyer pa, ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Paris. Doon nag-aral si Santos-Dumont ng pisika, kimika, mekanika, at elektrika. Ang kaniyang ambisyon ay lumipad, at sa pagitan ng 1898 at 1905, siya ay bumuo at nakapagpalipad ng 11 sasakyang panghimpapawid.

Noong Oktubre ng taóng 1906, naabot din sa wakas ni Santos-Dumont ang kaniyang pangarap na lumipad sa isang sasakyan na mabigat-pa-sa-hangin. Kabaligtaran ng ibang sinaunang mga eroplano, na kailangan pang ilunsad sa pamamagitan ng isang catapult, ang sasakyang panghimpapawid ni Santos-Dumont, ang 14-bis, ay pumailanlang sa pamamagitan ng sarili nitong pagtulak. Ang 60-metrong layo ng paglipad ni Santos-Dumont sa 14-bis ay itinuturing bilang ang unang matagumpay na paglipad ng de-motor na mabigat-pa-sa-hanging sasakyan sa Europa.

Noong sumunod na mga taon, nalungkot si Santos-Dumont na makitang ang mga eroplano ay naging kasangkapan sa pagpuksa. Sa katunayan, iniulat na ang kaniyang pagkasira ng loob dahil sa paggamit ng eroplano sa digmaan ang naging dahilan ng kaniyang pagpapatiwakal noong 1932. Anuman ang nangyari, may malaking dako si Santos-Dumont sa kasaysayan ng eronautika.

• Si Gustave Whitehead ay ipinanganak sa Leutershausen, Alemanya, noong Enero 1, 1874. Dahilan sa kaniyang matinding interes sa abyasyon, binansagan siya ng kaniyang mga kamag-aral na ang manlilipad. Pagsapit ng edad 13, naulila na si Gustave, at bagaman siya ay nagpalipat-lipat nang sumunod na mga taon, hindi kailanman naglaho ang hilig niya sa paglipad. Sa maikling panahon, ang batang si Gustave ay nag-aral sa bantog na abyador na Aleman na si Otto Lilienthal. Pagkatapos, noong 1894, siya ay nanirahan sa Estados Unidos.

Gaya ng nabanggit sa Marso 8, 1999, na isyu ng Gumising!, sinasabi ng ilan na noong 1901, ginawa ni Whitehead ang kauna-unahan sa daigdig na kontrolado at inaalalayan na paglipad sa isang mabigat-pa-sa-hanging makina. Gayunman, walang mga larawan upang patunayan ang pag-aangking ito. Nakapagtataka, hindi agad naunawaan ng pamahayagan ang kahalagahan ng sinaunang mga pagsulong sa abyasyon, kahit pa noong lumipad na ang magkapatid na Wright. Sa katunayan, ayon sa babasahing Air Enthusiast, “noon lamang 1910 na talagang lumaki ang interes ng publiko sa ‘bagong teknolohiya’ at nagsimulang tanggapin ng madla na ang paglipad ng tao ay posible.”

• Si Samuel Pierpont Langley, isang kalihim ng Smithsonian Institution, sa Washington, D.C., ay isang astronomo at pisiko. Noong 1896 gumawa siya ng isang pinaaandar-ng-singaw na eroplano na lumipad nang walang piloto sa layong tatlong-kapat ng isang milya bago naubusan ng gasolina.

Siyempre pa, ang mga makinang pinaaandar ng singaw ay medyo mabigat, at nasumpungan na talagang hindi praktikal sa paglipad. Kaya ang katulong ni Langley, si Charles M. Manly, ay nagdisenyo ng isang 57 kilo, 53-horsepower na makinang mas angkop. Ang resulta ay isang mas mahusay na eroplano, na tinawag ni Langley na Aerodrome. Noong Oktubre 7, 1903, si Manly ang nasa kontrol samantalang inilulunsad ang eroplano ni Langley sa pamamagitan ng catapult mula sa isang gabara. Pagkatapos ay bumulusok ito sa Ilog Potomac. Ang isa pang pagsisikap pagkalipas ng dalawang buwan ay nabigo rin. Palibhasa’y nasiphayo, iniwan na ni Langley ang kaniyang proyekto.

Gayunman, sa kabila ng kaniyang mga kabiguan, nakagawa si Langley ng mahahalagang pagsulong sa larangan ng abyasyon. Noong 1914, walong taon pagkamatay niya, ilang pagbabago ang ginawa sa Aerodrome, at ito ay matagumpay na napalipad ni Glenn H. Curtiss sa Hammondsport, New York.

Ilan lamang ang mga ito sa maraming indibiduwal na nanguna sa larangan ng eronautika sa halos pagpapasimula ng ika-20 siglo. Ngayon, daan-daang libong eroplano na may iba’t ibang laki ang nagpapalamuti sa himpapawid. Utang ng lahat ng ito ang kanilang pag-iral​—at ang ilan sa kanilang tagumpay​—sa mga nagpasimula noon ng abyasyon.

[Mga larawan sa pahina 19]

Si Alberto Santos-Dumont at ang kaniyang eroplano na “14-bis”

[Credit Lines]

Culver Pictures

North Wind Picture Archives

[Mga larawan sa pahina 20]

Si Gustave Whitehead at isang replika ng kaniyang mabigat-pa-sa-hangin na makinang lumilipad

[Credit Line]

Flughistorische Forschungsgemeinschaft Gustav Weisskopf

[Mga larawan sa pahina 20]

Si Samuel P. Langley at ang kaniyang “Aerodrome”

[Credit Lines]

Dictionary of American Portraits/Dover

U.S. National Archives photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share