Ano ang Hinaharap ng Pagkontrol sa mga Armas?
SA NAKALIPAS na mga taon, tinalakay ng mga pamahalaan sa buong daigdig ang mga paraan upang labanan ang ilegal na kalakalan ng maliliit na armas. Ang paksang ito ay isinaalang-alang ng United Nations General Assembly. May mga report na inihanda, gumawa ng mga rekomendasyon, at nagtibay ng mga resolusyon. Gayunman, sinasabi ng mga kritiko na ang pagtutuon lamang ng pansin sa ilegal na kalakalan ay nangangahulugan na ang pinakamalalaking tagapagbenta ng armas—ang mga gobyerno mismo—ay malaya sa pagsisiyasat.
Sa katunayan ay malabo ang pagkakaiba sa pagitan ng legal at ilegal na pagbebenta ng mga sandata. Maraming ilegal na mga sandata ang dating ipinagbibili nang legal. Ang mga sandatang unang ipinagbili sa mga departamento ng militar o sa mga departamento ng pulisya ay madalas na ninanakaw at ipinagbibili sa ilegal na paraan. Karagdagan pa, karaniwan nang ang mga sandata ay muling ipinagbibili sa ikalawang partido nang walang kabatiran o pahintulot ang orihinal na nagbenta. Isang artikulo sa babasahing Arms Control Today ang nagsabi: “Ang mga pambansang pamahalaan lalo na ay kailangang gumawa ng higit pa kaysa sa basta pagsuporta sa pagsugpo sa ilegal na kalakalan ng magagaan na sandata at suriin ang kanilang sariling papel sa kasalukuyang legal na kalakalan ng sandata.” Bagaman marami ang umaasa na masusugpo rin ng mga bansa sa dakong huli ang kalakalan ng maliliit na armas, isang mamamahayag ang nagsabi: “Yamang ang limang permanenteng miyembro lamang ng konseho [ng United Nations ukol sa katiwasayan] ang siyang may pananagutan sa mahigit na 80% ng kalakalan ng armas sa daigdig, marahil ay hindi na tayo dapat umasa pa na may mangyayaring pagkilos.”
Dagdag pa sa suliranin sa pagkontrol sa daloy ng maliliit na armas at magagaan na mga sandata ay ang bagay na madali lamang gumawa ng gayong mga sandata. Bagaman ang paggawa ng makabagong mga sandata tulad ng mga tangke, eroplano, at bapor na pandigma ay limitado lamang sa halos isang dosenang bansa, mahigit na 300 pagawaan sa mga 50 bansa sa ngayon ang gumagawa ng magagaan na sandata. Pinalalago ng malaki at dumaraming bilang ng mga pagawaan ng baril hindi lamang ang pambansang mga arsenal kundi pinararami rin ang mga pagkakataon upang magsuplay ng mga armas sa mga milisya, mga grupong insurekto, at mga organisasyong kriminal.
Mga Isyu na Mainit na Pinagtatalunan
Hanggang sa puntong ito, ang kalakhang bahagi ng ating pansin ay nakasentro sa paggamit ng maliliit na armas sa mga bansang ginigiyagis ng digmaan. Gayunman, ang mga isyu tungkol sa pagkontrol sa mga baril ay mainit na pinagtatalunan sa maituturing na matatag na mga lupain kung saan walang digmaan. Iginigiit ng mga nagtataguyod ng mahihigpit na batas sa pagkontrol sa mga baril na ang mas maraming baril ay umaakay sa mas maraming pagpatay. Nangangatuwiran sila na sa Estados Unidos, kung saan maluwag ang kontrol at maraming baril, ay may mataas na porsiyento ng pagpatay, ngunit sa Inglatera, kung saan mahigpit ang pagkontrol sa mga baril, ay may mababang bilang ng pagpatay. Ang mga salungat sa pagsasabatas ng pagkontrol sa mga baril ay mabilis sa pagsagot na sa Switzerland ay madaling makakuha ng mga baril ang karamihan ng mga tao, ngunit ang bilang ng pagpaslang ay mababa.
Lalo pang naging komplikado ang mga bagay-bagay nang ipahiwatig ng mga pag-aaral na ang Estados Unidos ay may mas mataas na bilang ng pagpatay na hindi ginamitan ng baril kaysa sa kabuuang bilang ng pagpatay sa maraming bansa sa Europa. Gayunman, may ibang mga bansa na ang mga bilang ng pagpatay na hindi ginamitan ng baril ay mas mataas kaysa sa kabuuang bilang ng pagpatay sa Estados Unidos.
Karaniwan na ang paggamit—at ang maling paggamit—ng mga estadistika upang suportahan ang isang partikular na punto-de-vista. At sa paksa ng pagkontrol sa mga baril, waring sa bawat argumento ay may tila kapani-paniwalang kontra-argumento. Ang mga isyu ay masalimuot. Gayunman, sa pangkalahatan ay naniniwala ang mga dalubhasa na maraming salik, bukod pa sa pagmamay-ari ng baril, ang nakaiimpluwensiya sa bilang ng pagpaslang at krimen.
Ang makapangyarihang National Rifle Association sa Estados Unidos ay laging nagsasabi: “Ang mga baril ay hindi pumapatay ng mga tao; mga tao ang gumagawa nito.” Ayon sa pangmalas na ito, ang isang baril, bagaman dinisenyo upang pumatay, ay hindi pumapatay sa ganang sarili. Kailangang kalabitin ng isang tao ang gatilyo, sadya man o dahil sa aksidente. Sabihin pa, ang katuwiran ng ilan, pinadadali ng mga baril ang pagpatay ng tao sa kapuwa tao.
Pagpukpok sa mga Tabak Upang Maging mga Sudsod
Ayon sa Bibliya, ang suliranin ng pagpatay ng mga tao sa kapuwa tao ay hindi malulutas sa pamamagitan lamang ng pag-aalis ng mga baril mula sa mga kamay ng mga may-intensiyong pumatay. Ang krimen ay isang suliraning panlipunan at hindi lamang isang suliranin hinggil sa madaling pagkuha ng mga sandata. Kalakip sa tunay na solusyon ang pagbabago sa mga saloobin at ugali ng mga tao mismo. Si propeta Isaias ay kinasihan na sumulat: “[Ang Diyos] ay maggagawad ng kahatulan sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa maraming bayan. At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Hindi ito napakaimposible gaya ng inaakala ng iba. Ang hula ni Isaias ay natutupad na sa ngayon sa gitna ng tunay na mga Kristiyano sa buong daigdig. Ang kanilang simbolikong pagbabago sa mga sandata upang maging mga kasangkapan sa kapayapaan ay nagpapaaninaw ng isang masidhing panloob na pagnanais na palugdan ang Diyos at mamuhay na mapayapa kasama ng iba. Sa kalaunan, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, bawat isa sa lupa ay mabubuhay sa lubos na kapayapaan at katiwasayan. (Mikas 4:3, 4) Ang mga baril ay hindi papatay ng kapuwa tao. Ang mga tao ay hindi papatay ng mga tao. Ang mga instrumento ng kamatayan ay mawawala na.
[Mga larawan sa pahina 10]
“Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod”