Maililigtas Pa Kaya ang mga Uri ng Halaman at Hayop sa Lupa?
“MULA sa mga unggoy hanggang sa mga albatross hanggang sa mga tutubi, napakabilis na itinutulak ng mga tao ang ibang nilalang sa bingit ng pagkalipol anupat isinasapanganib natin ang atin mismong tsansang mabuhay,” sabi ng The Globe and Mail ng Canada. Ang mga komento ng pahayagan ay hinggil sa 2000 IUCN Red List of Threatened Species, na inilathala ng World Conservation Union (IUCN) sa Geneva, Switzerland. Nagbabala ang Red List na mahigit sa 11,000 uri ng mga halaman at hayop ang napapaharap sa malaking panganib na malipol. Ang mga mamal ang pinakananganganib. “Humigit-kumulang isa sa apat na uri ng mamal na nabubuhay sa Lupa sa ngayon—o 24 na porsiyento—ang nanganganib na malipol,” ulat ng Globe.
Ano ang dapat sisihin sa krisis na ito? Itinuturo ng mga siyentipiko ang internasyonal na kalakalan ng alagang hayop, pangingisda sa pamamagitan ng kitang, at ang pagkawala ng angkop na mga tirahan upang ipaliwanag ang bumibilis na pagkalipol ng mga uring ito. Karagdagan pa, habang parami nang paraming mga daanan sa pagtotroso ang ginagawa sa mga kagubatang hindi pa nagagalaw, “palaki nang palaki ang pagkakataon ng mga tao na makakuha ng maiilap na hayop na dati’y hindi nila nakikita. Pagkatapos ay kinakatay nila ang mga ito at kinakain. Kung lubusan itong gagawin, malilipol ang mga uri ng halaman at hayop.”
Nagbababala ang mga siyentipiko na ito’y nangangahulugan din ng panganib sa mga tao. “Pinakikialaman natin ang ating sistemang panustos-buhay habang itinutulak natin ang mga halaman at hayop sa pagkalipol,” sabi ni David Brackett, ang tsirman ng komisyon ng World Conservation Union para sa pagliligtas ng mga halaman at hayop. “Hindi mabubuhay ang globo kung ang lahat ng pagkasari-sari ng mga halaman at hayop ay nasa mga zoo lamang.”
Hinihimok ng ulat ng IUCN ang pandaigdig na komunidad na kumilos, sa pagsasabing ang “mga kayamanang pantao at pananalapi ay dapat gamitin nang may 10 hanggang 100 beses na kahigitan sa kasalukuyang antas upang malutas ang krisis na ito.” Gayunman, nakalulungkot na kadalasa’y nahahadlangan ng kasakiman ang taimtim na mga pagsisikap upang ingatan ang yaman ng ating planeta.
Maililigtas pa kaya ang mga uri ng halaman at hayop sa lupa? Ang unang mga tao at ang kanilang supling ay inatasang mangalaga sa sari-saring buhay sa ating planeta. “Kinuha ng Diyos na Jehova ang tao at inilagay siyaEden upang iyon ay sakahin,” sabi ng Bibliya, “at ingatan.” (Genesis 2:15) Bagaman nabibigo ang tao sa kaniyang obligasyon, ang layunin ng Diyos para sa lupa ay hindi nagbabago. Nagmamalasakit siya sa ating planeta, at hindi niya hahayaang masira ito dahil sa pagpapabaya o sa labis na kaimbutan. (Apocalipsis 11:18) Ipinangangako ng kaniyang Salita: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./J.D. Pittillo