Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 10/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Huwag Magbilang ng Tupa
  • Mga Kagubatang Nagtitipon ng mga Tubig sa Ulap
  • Hindi Pantay na Pagkonsumo
  • Matatalinong Uwang
  • Unang mga Palatandaan ng Anorexia
  • Lason Mula sa mga Termometro
  • Mag-ehersisyo Nang Katamtaman
  • Mga Truffle, Puno, at ang Potoroos
  • Ang Panganib ng Maiingay na Karagatan
  • “Ako’y Isang Tagahanap ng ‘Truffle’!”
    Gumising!—1987
  • Ang Nauubos na Yaman ng Lupa
    Gumising!—2005
  • Kung Saan Mas Malala ang Krisis
    Gumising!—1997
  • Kagubatan
    Gumising!—2023
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 10/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Huwag Magbilang ng Tupa

Ang palaging pagkadi-makatulog ay isang problema sa buong daigdig na nakaaapekto sa 1 sa 10 katao, ang ulat ng magasing New Scientist. Tinataya ng mga siyentipiko na ang kawalang-tulog sa Estados Unidos lamang ay ikinalulugi ng ekonomiya na umaabot ng $35 bilyon sa isang taon dahil sa pagkakasakit at mga aksidente. Ano ang magagawa ng mga taong may insomniya upang matulungan ang kanilang sarili na makatulog? Hiniling ng mga mananaliksik sa Oxford University sa isang grupo ng mga taong may insomniya na mag-isip ng kasiya-siya at nakarerelaks na tagpo, gaya ng isang talon o isang paboritong bakasyunan. Ang ikalawang grupo naman ay hinilingang magbilang ng tupa, samantalang ipinaubaya sa ikatlong grupo ang gusto nilang gawin. Ang ikalawa at ikatlong grupo ay medyo mas matagal na nakatulog kaysa sa pangkaraniwang pagtulog, subalit ang unang grupo ay mas nauna nang 20 minuto sa pagtulog, sa katamtaman, kaysa sa pangkaraniwan. Sinabi ni Allison Harvey, isang miyembro ng pangkat ng mananaliksik, na hindi mabisa ang pagbibilang ng tupa sapagkat ito “ay labis na nakababagot para mabisang maalis ang mga alalahanin.”

Mga Kagubatang Nagtitipon ng mga Tubig sa Ulap

Ang basâ at tropikal na maulang kagubatan na tumataas hanggang 900 metro ay makapagtitipon ng “mas maraming tubig na hanggang 40 porsiyento mula sa ulap kaysa sa tinatayang ulan,” ang sabi ng mga siyentipikong Australiano na sina Dr. Paul Reddell at David McJannet. Ayon sa Commonwealth Scientific and Industrial Research Organisation, “ang mababang ulap at manipis na ulap ay patuloy na tinatangay sa kagubatan, anupat nagiging likido ito sa mga puno at dumadaloy o tumutulo sa mga ito hanggang sa lupa,” sa gayo’y nadaragdagan ng milyun-milyong galon ng tubig na umaagos ang tropikal na mga ilog. Gayunman, “kapag kinalbo ang mga maulang kagubatan, napakalaki ng nababawas sa dami ng halumigmig na nakaaabot sa lupa.”

Hindi Pantay na Pagkonsumo

Ginagamit ng 20 porsiyento ng populasyon sa lupa sa ngayon ang 86 na porsiyento ng mga produkto at mga serbisyo sa daigdig, ang ulat ng The State of World Population 2001. Nagbabala ang report, na ginawa ng United Nations Population Fund, tungkol sa “napakalaking ‘pagkakaiba sa pagkonsumo’ ” ng mga naninirahan sa mauunlad na bansa at ng mga naninirahan sa papaunlad na mga bansa. Halimbawa, “ang isang batang isinilang sa ngayon sa isang maunlad na bansa ay mas maraming bagay ang makokonsumo at makadaragdag sa polusyon sa buong buhay niya kaysa sa 30 hanggang 50 batang isinilang sa papaunlad na mga bansa. Sa kasalukuyan, ang sangkalima ng mga tao sa daigdig na naninirahan sa mauunlad na bansa ang may pananagutan sa kalahati ng ibinubugang carbon dioxide sa atmospera, samantalang 3 porsiyento lamang ang nagagawa ng sangkalima ng pinakamahihirap na tao,” ang sabi ng report. Isa pa, ang lawak ng kapaki-pakinabang na lupa o dagat na kinakailangan upang matustusan ang istilo ng pamumuhay ng isang indibiduwal sa mayayamang bansa ay mas malaki nang halos apat na beses kaysa sa kinakailangan upang matustusan ang mga indibiduwal na naninirahan sa papaunlad na mga bansa.

Matatalinong Uwang

Natuklasan kamakailan ng mga mananaliksik kung paano nakakakuha ng maiinom na tubig ang mga uri ng uwang na Stenocara sa Disyerto ng Namib, sa timog-kanlurang Aprika. Para mabuhay sa disyerto, na isang sentimetro lamang ang dami ng bumabagsak na ulan taun-taon, tinitipon ng mga uwang ang maiinom na tubig mula sa makapal na ulap na tinatangay tungo sa lugar na malayo sa aplaya mula sa Karagatang Atlantiko. Paano nila ito ginagawa? Ayon sa magasing Natural History, “ang likod ng mga uwang ay punô ng mga umbok,” na “nakakatulad ng isang tanawing may mga tuktok ng bundok at libis,” kapag sinilip sa mikroskopyo. Ang waring mga tuktok ng bundok ang nagtitipon ng tubig, samantalang hindi naman pinatatagos ng waring mga libis na pinahiran ng pagkit ang tubig. “Palibhasa’y nakaharap sa hangin, itinataas ng mga uwang ang kanilang mga likuran habang natitipon sa mga umbok ang halumigmig na mula sa ulap. Kapag bumigat na ang natipong patak ng tubig, tumutulo ito sa bibig ng insekto,” ang sabi ng magasin.

Unang mga Palatandaan ng Anorexia

“Maaaring mahalata ng mga magulang sa kanilang mga anak ang unang mga yugto ng anorexia o bulimia mula sa ugali nila sa pagkain,” ang ulat ng The Times ng London. Inilathala ng Eating Disorders Association (EDA) ang isang giya na makatutulong sa mga magulang at tagapag-alaga upang mahalata ang mga problema sa pagkain bago lumala ang mga ito. Maaaring kasali sa unang mga palatandaan ang labis-labis na paghiwa nang pagkaliliit sa pagkain o paghinto na kasintagal ng limang minuto bago sumubo. Ang ilang may sakit na nauugnay sa pagkain ay nanlilinlang, gaya ng pagsusuot ng maluluwang na damit upang itago roon ang di-kinaing pagkain. Baka hilingin din nilang itago ang mga larawan nila na doo’y mukha silang malusog at normal ang timbang. Ipinapayo ng giya ng EDA sa mga magulang na huwag ipagwalang-bahala ang mga palatandaang ito at maging prangka tungkol sa kanilang naobserbahan.

Lason Mula sa mga Termometro

“Maaaring parumihin ng asoge ng isa lamang termometro ang 11-ektaryang lawa, at dinaragdagan pa ng mga nabasag na termometro ng 17 tonelada ng asoge ang drenahe ng maruming tubig sa Estados Unidos,” ang sabi ng magasing National Geographic. Nakakain ng isda ang asoge, at nakakain naman ng mga taong kumakain ng isda ang metal, na maaaring maging sanhi ng pinsala sa utak. Ang mga termometrong may asoge ay ipinagbawal na sa maraming lunsod kasali na ang Boston, kung saan pinapalitan ng ilang tindahan ang mga termometrong may asoge ng digital na mga termometro at ng iba pang hindi delikadong mga kagamitan.

Mag-ehersisyo Nang Katamtaman

“Kapaki-pakinabang na magsanay sa gawaing nakapagpapalakas (pagdya-jogging, pagbibisikleta, o paglangoy) nang tatlong beses sa isang linggo sa loob ng 30 minuto o isang oras,” ang sabi ng magasing pambalita na L’Express ng Pransiya. Subalit para maiwasan mo ang malulubhang sakit, hindi dapat magmalabis sa pag-eehersisyo. Ang pagiging labis sa atletikong mga gawain ay makapagpapahina sa mga kasu-kasuan, makasisira sa mga kartilago, magiging sanhi ng slipped disk, mga bali dahil sa sobrang puwersa, mataas na presyon ng dugo, problema sa panunaw, maagang paghina at pagrupok ng buto, at maging ng atake sa puso. “Taun-taon sa Pransiya, ang gawaing pisikal ang nagiging sanhi ng biglaang pagkamatay ng 1,500 isportsman na napakalulusog,” ang ulat ng L’Express. Si Dr. Stéphane Cascua, isang espesyalista sa sports medicine sa ospital ng Pitié-Salpêtrière sa Pransiya, ay nagpayo ng ganito sa maraming “isportsman na naglalaro kung dulo lamang ng sanlinggo” na sa bandang huli ay nagpapagaling sa ospital: Mag-ehersisyo nang regular, subalit hanggang 75 porsiyento lamang ng sukdulang kakayahan ng iyong puso.

Mga Truffle, Puno, at ang Potoroos

Ang potoroos​—pambihira at tulad-dagang mga marsupial​—ay pinaniniwalaan ngayon na di-tuwirang dahilan ng pagkakaroon ng ilan sa pinakamagagandang kagubatan ng eukalipto sa Australia, ang ulat ng magasing pambalita na The Bulletin ng Sydney. Ang potoroos ay nakatira sa nagtataasang mga kagubatan ng Gippsland sa Victoria. Kalakip sa humigit-kumulang 90 porsiyento ng pagkain ng mga marsupial ay ang katutubong mga fungal truffle, na tumutubo sa ilalim ng lupa. Ang mga halamang singaw na namumunga ng truffle ay katuwang ng nakapaligid na mga puno sa paggawa ng mga takupis na bumabalot sa mga ugat nito at sa pagpaparami sa lupa ng kawing ng mahahaba at maninipis na selula na nagtitipon ng tubig at mga sustansiya. Bilang kapalit, tinutustusan naman ng mga puno ang mga halamang singaw ng asukal na nalilikha ng potosintesis. Ano ang bahaging ginagampanan ng potoroos? Pagkatapos lamunin ang masangsang na mga truffle, ikinakalat ng mga hayop ang di-natunaw na mga spore ng mga halamang singaw sa pinakasahig ng kagubatan kapag dumumi ang mga ito. Sa gayon, patuloy na nabubuhay ang mga truffle, puno, at potoroos.

Ang Panganib ng Maiingay na Karagatan

“Tumitindi ang pagkatakot hinggil sa bagay na ang mga karagatan ay nagiging maingay, maugong at magulong lugar para sa mga balyena, lampasot at iba pang mga mamal sa dagat,” ang ulat ng pahayagang The Independent ng London. Natuklasan ng mga mananaliksik na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng anim na balyena at isang lampasot na napadpad sa dalampasigan ng Bahamas na namatay ang mga ito dahil sa labis na pagdurugo sa loob ng utak, na pinaghihinalaang sanhi ng mga sonar na transmisyon mula sa kalapit na mga barko ng hukbong pandagat. Ang komersiyal na sasakyang pandagat, konstruksiyon sa laot, mga bangkang de-motor, at mga jet ski ay kabilang sa iba pang salik na nakaliligalig sa mga mamal sa dagat, na naaapektuhan ng napakarami at sari-saring tunog bukod pa sa nagagawa ng tao. “Kapag sumisisid ang mga balyena at lampasot, sapilitang pumapasok ang hangin mula sa kanilang baga tungo sa mga butas ng kanilang katawan,” ang paliwanag ng artikulo. “Maaaring palakasin ng nakulong na bula ang mga tunog ng hanggang 25 beses kaysa sa inaakala noon, na humahantong sa . . . pagkasira ng maraming himaymay kahit na mas mababa ang antas ng tunog at nasa mas malawak na lugar sa dagat.” Ang mga ingay sa karagatan ay “nakababawas din sa lawak ng naaabot ng pakikipagtalastasan at nangangahulugan ito na kailangang sumigaw nang mas malakas ang mga balyena at mga lampasot,” ang sabi ng mananaliksik na si Doug Nowacek. “Mahahadlangan nito ang kanilang pagtatagpo at pagpaparami, at kung hindi na makarinig ang mga ito, hindi na sila makapaglalayag.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share