“Ako’y Isang Tagahanap ng ‘Truffle’!”
“ITO ang buhay ng aso!” Ang aking buhay ay buhay nga ng isang aso—nakatali sa maghapon sa pinakamaruming sulok ng bakuran. Tinatahol ko ang mga estranghero sapagkat ito ang karapat-dapat gawin, bilang isang aso. Subalit anuman ang gawin kong pagsisikap, hindi ko matakot kahit na nga ang mga manok.
Kung hindi makalimutan ng aking amo, ako’y dinadalhan ng pagkain minsan isang araw, na may isa o dalawang babahagyang buto na inihahagis sa loob ng mga ilang araw. Imposibleng gunigunihin ang higit pa sa isang buhay ng aso kaysa akin.
Pagkatapos ay dumating ang isang malaking pagbabago. Ito’y nang matuklasan ko ang natatagong kayamanang iyon—ang truffles!
‘Subalit ano ba ang truffles?’ maitatanong mo. ‘At paano nito mababago ang buhay ng isang aso?’ Ang isang truffle ay isang nakakaing fungus o halamang-singaw, na nasusumpungan sa ilalim ng lupa at lubhang itinatangi sa ilang bansa bilang isang piling pagkain. Ang mga ito ay iba-iba ang laki mula sa kasinlaki ng isang gisantes hanggang sa kasinlaki ng dalandan. Subalit ang pangunahing problema ay ang paghanap sa mga ito—at diyan ako pumapasok sa istorya.
Isang Sinanay na Tagaamoy ng “Truffle”
Sa katunayan, ang bunsong anak ng aking amo, si Giovanni, ang unang nagkaroon ng ideya na sanayin ako upang maging isang asong tagahanap ng truffle. Maliwanag, kung wala nang anumang bagay na mas mabuti, kahit na ang isang bantay-aso, na ipinanganak at pinalaki sa isang nayon ng Langhe dito sa Italya, ay pupuwede na rin. Sa kabutihang palad ko, ang bahaging iyon ng Piedmont ay siyang kinaroroonan ng pinakamagandang lupa para sa Italyanong truffle. At isa pang punto: Ang mga tao ay nahihirapan sa paghanap sa lugar kung saan tumutubo ang mga truffle.
Nang panahong iyon ako ay isang pitong-buwang-gulang na tuta, tamang-tamang gulang para sa pagsasanay. Kaya sinimulan akong turuan ng aking amo na hukayin ang anumang bagay na nakatago sa ilalim ng pang-ibabaw ng lupa. Kay-dali kong mahukay ang mga butong itinago niya para sa akin. Marahil nakatulong dito ang aking dating mga araw ng gutom. Pagkatapos ay binago niya ito mula sa mga buto tungo sa mga piraso ng kesong Gorgonzola. Ang masangsang na amoy ng keso ay naghanda sa akin upang masumpungan ko ang amoy ng itim na mga truffle.
Maliwanag na mahusay ang aking nagawa. Tuwing makakasumpong ako nito, mayroon akong ekstrang pagkain at palakaibigang tapik. Kaya ibinuhos ko ang aking sarili sa gawaing ito, puso at kaluluwa. Samantala, ang aking katayuan bilang isang aso ay nagkaroon ng malaking pagbabago. Ngayon mayroon na akong sariling kulungan sa gulayan. Hindi na ako nakatali sa bunton ng mga dumi upang hamakin ng mga manok at mga kuneho.
Ang aking Kauna-unahang “Truffle”
Noong taglagas ako’y handa na upang maghanap ng mga truffle. Sa katunayan ang pinakamagandang mga truffle ay masusumpungan mula sa Oktubre hanggang sa Enero. Tinungo ko ang kahabaan ng isang landas na kasama ng aking amo na hawak-hawak ang tali. Nagtungo kami sa kalapit na kagubatan ng mga punong encina (oak) sa tabi ng burol. Habang kami ay papalapit, napansin ko ang hindi mapagkakamaliang amoy na iyon—parang bawang gayunma’y kaaya-ayang naiiba. Huminto ako sa aking paglakad, inamoy ang hangin, at nagpupumiglas ako habang tumitindi ang amoy. Tuwang-tuwa ako, at gayundin ang aking amo—ito ang aking kauna-unahang pagkatuklas ng tunay na truffle! “Hanapin mo ito Flik, sige na . . . hanapin mo ito!” giit ng aking amo.
Huminto ako sa paanan ng isang batang puno ng encina, ganap na nakatitiyak sa aking sarili. Ang truffle ay nasa ilalim ng aking mga paa—naroroon nga! Sinimulan kong kutkutin ang lupa, subalit halos karakaraka ay pinatabi ako ng aking amo at nagsimula siyang maghukay sa pamamagitan ng kaniyang maikli-tatangnan na pala. Ayaw niya akong pagurin. Itinutok ko ang aking mga mata sa butas na iyon habang palalim nang palalim ang paghuhukay ng aking amo. Subalit wala pa ring makitang truffle.
Pagkaraan ng ilang sandali siya ay tumayo at may panunumbat na tumingin sa akin, para bang sinasabing, “Flik, niloloko mo yata ako ah!” Subalit alam kong hindi ako maaaring dayain ng aking pang-amoy. Lumukso ako sa butas at humukay pa nang kaunti. Isang maabu-abong bagay ang lumitaw. Pagkatapos ng mga ilan pang pagpala, naroon ang aking unang magandang truffle! Ito ay tumimbang ng isang libra (0.5 kg) at bilugan at pipi ang hugis, parang patatas. Bagaman ito ay mga ilang pulgada sa ilalim ng lupa, naamoy ko ito.
Iyan ang pasimula ng isang magandang karera bilang isang tagahanap ng truffle. Pagkaraan ng apat na taon, ipinalalagay ko ang aking sarili na isang eksperto sa masarap, hugis-patatas na halamang-singaw na ito. At dahil diyan, ako ay pinakakain at inaalagaan nang mas mabuti kaysa kailanman. Mayroon bang nagnanais ng buhay ng isang aso?
[Kahon sa pahina 19]
“Truffles”—Piliin at Ihain
ANG mga truffle ay isang uri ng halamang-singaw na tumutubo sa ilalim ng lupa sa pakikipagtulungang-buhay sa mga ugat ng ilang punungkahoy, gaya ng mga punong haya, álamo, sause, encina, at nuwes. Subalit ang lupa ang nagpapasiyang salik, at iyan ang dahilan kung bakit ang mga truffle ay hindi masusumpungan saanman. Ang ideyal na kapaligiran nito ay sa lupang calcareo o batóng-apog.
Ang pinakabantog at lubhang naiibigang truffle sa Italya ay ang puti, o Alba, na truffle (Tuber magnatum). Naiibigan ito ng mga Italyano dahilan sa masarap na amoy nito. Ang isa pang klase, subalit mas mababang klase, ay ang truffle na Tuber Borchii. Iba-iba ang hugis nito, na may mamuti-muti, mabalahibong anyo at hindi na hihigit pa sa dalawa o tatlong pulgada (5 hanggang 8 cm) sa diyametro. Ito ay isang piling pagkain sa taglamig na tumutubo sa mas malawak na dako sa Italya, at maging sa Sicily.
Ang ikatlong klase ay ang mamahaling itim na truffle (Tuber melanosporum) o, gaya ng tawag dito ng mga Pranses, Truffe du Périgord. Bagaman mas mababang uri kaysa puting truffle, mas angkop itong isalata at mabili.
Kahit na sa tulong ng isang mahusay na tagahanap na aso o baboy, (oo, ang mga baboy ay magaling din sa pag-amoy ng mga truffle), hindi ka laging makasusumpong ng mga ito. Baka ang makuha mo ay isang medyo nakalalason na truffle, kung minsan ay tinatawag na truffle ng baboy. Madali itong makilala. Kapag magulang na ito ay makinis, mapusyaw na kayumanggi ang kulay na natatakpan ng puti-puting marka at mayroong hindi kaaya-ayang matapang na amoy na gumagawa ritong natatangi sa nakakaing uri ng truffle. Kung sakaling magkamali kang makakain ng isa nito, ang resulta ay hindi naman nakamamatay. Sasakit ang tiyan mo o, mas malala pa, ikaw ay magsusuka. Subalit mas mabuting talasan ang iyong paningin at ang iyong pang-amoy!
Isang Mamahaling Masarap na Pagkain
Bagaman ang mga truffle ay mayroong napakababang pinagmulan, napakamahal ng halaga nito. Subalit paano ba inihahanda ang mga ito? Ito ay karaniwang ginagamit na hilaw, ginagayat nang maninipis, o kinukudkod sa ibabaw ng mga pagkain na gaya ng macaroni, risotto, at inihaw na karne.
Kung kaya mong bilhin ang mga ito, ang mga ito ay magiging isang karagdagan sa sari-saring resipi. Halimbawa, nais mo bang subukan ang Truffes à la Provençal? Kung gayon maglagay ng ilang hiwa ng bacon sa isang kawali at haluan ng ilang patak ng puting alak at isang ulo ng bawang. Ihalo ang hiniwang truffles at lutuin ito. Pagkatapos hanguin ang kawali sa apoy at buhusan ng kaunting mataas-na-uring langis na oliva ang mga truffle. Dagdagan ng mga ilang patak ng katas ng lemon o kalamansi, ihain na mainit, at gaya ng sinasabi namin sa Italya . . . buon appetito!
[Pinagmulan ng Larawan sa pahina 18]
Agnelli photo, Alba, Italya
Agnelli photo, Alba, Italya