Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 12/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Para sa Mas Mabuting Kalusugan​—Tumawa Ka!
  • Nangungunang Mamamatay-Tao
  • Ang mga Magulang at mga Tin-edyer
  • Ang Pangangailangan Para sa Haplos
  • Nanganganib ang mga Lawa sa Daigdig
  • “Nag-uumapaw ang Puso​—Pero Wala Namang Laman ang Ulo”
  • Kalusugan at Pagbabakasyon ng Empleadong Nagkasakit
  • Ingatan Mo ang Iyong Likod!
  • “Mga Doktor” na Hayop
  • Lake Victoria—Malaking Loobang Dagat ng Aprika
    Gumising!—1998
  • Pinahihirapan Ka ba ng Kirot sa Likod?
    Gumising!—1994
  • Gaano ba Tayo Kalusog?
    Gumising!—1989
  • Lawa ng Apoy
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 12/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Para sa Mas Mabuting Kalusugan​—Tumawa Ka!

Higit pa ang nagagawa ng masayang pagtawa kaysa sa basta pagandahin ang araw ng isang tao. Ayon sa ilang doktor na Hapones, ginagawa rin nitong normal ang pagiging di-timbang ng mga sistema ng endocrine, nerbiyo, at imyunidad, pinagiging normal ang pintig ng puso at paghinga, at pansamantalang pinagiginhawa ang mga pinahihirapan ng rayuma. Pinagagana ng pagtawa ang sympathetic nervous system, sa gayon ay pinagaganda ang daloy ng dugo sa mga kalamnan at ginagawang aktibo ang utak. Kapag bigay na bigay ang ating pagtawa, naeehersisyo rin natin ang ating mga kalamnan. Sa isang pagsubok na binanggit sa pahayagang IHT Asahi Shimbun, ang mga kalamnan sa tiyan ng isang taong tumatawa ay “nakakatulad ng mga kalamnan kapag ang isa ay nagsi-sit-up.” Pinuri ng saykayatris sa Osaka na si Michio Tanaka ang magandang epekto ng pagtawa. Ayon kay Tanaka, “ito ay tulad ng isang mabisang gamot na walang masasamang epekto.”

Nangungunang Mamamatay-Tao

“Lalampasan ng AIDS ang Black Death sa pagiging pinakamalala at pinakamalaganap na epidemya sa kasaysayan,” ang sabi ng New Scientist. “Noong ika-14 na siglo, kumalat ang Black Death sa buong Europa at Asia, anupat pumatay nang halos 40 milyon katao. Sa ngayon, pagkalipas ng halos 700 taon, nangyayari itong muli.” Ayon sa ulat ng British Medical Journal, mga 65 milyong buhay ang makikitil dahil sa HIV sa pagtatapos ng dekada. Bagaman mas maraming tao ang dinapuan ng tuberkulosis at malarya sa kasalukuyan, ang epekto ng mga sakit na ito sa ekonomiya at lipunan ay sinasabing hindi gaanong malaki kaysa sa AIDS.

Ang mga Magulang at mga Tin-edyer

Ayon sa isang ulat ng The Times ng London, mas naaapektuhan sa emosyon at sikolohikal na paraan ang mga magulang kapag may alitan sa pamilya kaysa sa kanilang tin-edyer na mga anak. Sinabi ng ulat na ang mga magulang ay hindi dapat “kumilos na parang nakatuntong sa numero kapag nakikitungo sa kanilang sumpunging mga anak na nagdadalaga o nagbibinata sa takot na masaktan ang kanilang damdamin.” Sa halip, “kailangang bigyan ng proteksiyon ng mga magulang ang kanilang sarili . . . sa pamamagitan ng pagpapakita ng higit na awtoridad sa pagiging magulang.” Isang mananaliksik tungkol sa mga kabataang nagdadalaga o nagbibinata, si Propesor Laurence Steinberg ng Temple University, Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A., ang nagsabi na ang mga anak ay nagiging higit na matatag kaysa sa inaakala ng mga tao. Pagkatapos na pag-aralan ang libu-libong magulang sa loob ng mahigit na sampung taon, sinabi ni Propesor Steinberg: “Ang magulang na nagpapakita ng awtoridad ay mapagmahal at mapagmalasakit, subalit istrikto at hindi pabagu-bago sa pagtatatag at pagpapatupad ng mga alituntunin, hangganan at mga inaasahan.” Ang mga kabataang pinalaki sa gayong mga tahanan ay mas matagumpay sa buhay, mas maligaya, at sa gayon ay malamang na mas malayong masangkot sa paggawi at krimen na laban sa lipunan, ang sabi ng ulat.

Ang Pangangailangan Para sa Haplos

“Kailangan natin ang haplos kung paanong kailangan natin ang sikat ng araw, tubig, at pagkain,” ang sabi ng lingguhang magasin na Polityka ng Poland. Tayong lahat ay nagtataglay sa ilalim ng ating balat ng kawing-kawing na pandamdam na sensitibo sa lahat ng uri ng paghipo. Kapag may humaplos sa atin, “nakikilala ito ng ating utak, nauunawaan ito, at pinangyayari nito na ngumiti ang isa, magkaroon ng mabuting pakiramdam, o kumilos nang palakaibigan.” Ang mga bata ang partikular na nangangailangang haplusin, lalo sa panahon ng kanilang pagkabata. Nakalulungkot, nahahawakan lamang ng maraming magulang ang kanilang mga anak kapag kanilang binibihisan, hinuhugasan, pinakakain, o kinakastigo ang mga bata. Subalit sinabi ng maraming pag-aaral na ang mga batang kinakarga, niyayapos, hinahagkan, at hinahaplos ay nagiging mas malusog at mas malaki at nagiging mas matalino kaysa sa mga “kulang sa haplos ng pagmamahal,” sabi ng Polityka.

Nanganganib ang mga Lawa sa Daigdig

“Wala nang natitirang lawa sa planeta na hindi pa nagagalaw ng tao,” ang sabi ni William Cosgrove, pangalawang pangulo ng World Water Council. “Sinisira natin ang mga lawa, at mapanganib iyan para sa mga komunidad ng tao na nakadepende sa mga ito.” Ang pagdumi nito ay nagmumula sa mga pabrika, kabukiran, at alkantarilya; at maaaring napinsala na nang malubha ang isang lawa kahit na ito’y mukhang malinis at malinaw, ang sabi ni Cosgrove, na ang sabi pa: “Pagkatapos ay may nangyayari​—tulad ng pagbabago sa temperatura ng tubig​—at walang anu-ano ay maaaring lubusang magbago ang lawa. Minsang magsimula ang proseso, mahirap na itong huminto.” Ang Lake Victoria, ang pinakamalaking lawa sa Aprika, ay isang halimbawa. Sa nakalipas na dalawang dekada, ilang uri ng isda sa lawa ang namatay na dahil sa polusyon kasali na rito ang polusyon sa alkantarilya na hindi dumaan sa proseso. Ang isa pang malubhang nanganganib ay ang Lake Tai Hu sa Tsina. “Sinasabi ng mga eksperto na maaari kang maglakad sa ibabaw nito dahil sa santambak na basura,” ang pahayag ng World Water Council. Ayon sa ulat ng Reuters, mga 90 porsiyento ng malinis na tubig na ginagamit ng tao ay nagmumula sa mga lawa.

“Nag-uumapaw ang Puso​—Pero Wala Namang Laman ang Ulo”

Ang mga liham ng pag-ibig na isinulat ng propesyonal na mga manunulat ay kailangang-kailangan, ayon sa lingguhang babasahin na Die Woche ng Alemanya. Para sa mga hindi makapagbuhos ng kanilang damdamin sa mga salita, ilang taong nagsusulat para sa iba ang nag-aalok ng tulong na may bayad. Ang mga salita ay maaaring madamdamin o medyo pormal, ayon sa gusto ng nagpapagawa. Mayroon ding mga tula na ang presyo ay mapag-uusapan. Lubhang sari-sari ang paraan ng paglikha ng mga liham na ito ng pag-ibig na isinusulat ng iba. Bagaman propesyonal na mga manunulat at mga peryodista ang ilang nagsusulat para sa iba, ang iba naman ay sumusulat ng mga liham ng pag-ibig bilang libangan. Naglaan pa ang ilan ng kuwestiyonaryo na nasa computer kung saan makagagawa ang computer ng isang sulat. Sa paanuman, hindi nito magagarantiyahan ang tagumpay. Pagkalipas ng tatlong taon ng “madamdaming mga alok ng pagpapakasal at mga pangako” na nilikha ng isang nagsusulat para sa iba, ang nobya ng kaniyang suki ay hindi pa rin sumasagot ng oo sa kaniyang mga alok ng pagpapakasal.

Kalusugan at Pagbabakasyon ng Empleadong Nagkasakit

Binabawasan ng ehersisyo ang mga pagbabakasyon ng empleadong nagkasakit, ayon sa isang pag-aaral ng Finnish Fitness Association. Upang mapanatiling nagtatrabaho ang kanilang mga empleado, ikinakapit ng maraming may patrabaho ang kaalamang ito. “Kalahati sa mga nagtatrabahong taga-Finland ay namamasukan sa mga kompanyang may mga programa para sa pag-eehersisyo ng empleado,” ang ulat ng Finnfacts, isang publikasyon ng Confederation of Finnish Industry and Employers. “Ang mga kompanya ay nag-aalok ng mga kurso kung paano maihihinto ang paninigarilyo at mababawasan ang timbang at iba’t ibang uri ng panggrupong mga gawain na nagpapalakas ng katawan.” Namumuhunan nang mahigit sa $67,000,000 taun-taon ang mga kompanya sa Finland sa gayong mga programa, anupat nababatid nila na makikinabang naman sila nang higit kapag nabawasan ang pagliban.

Ingatan Mo ang Iyong Likod!

“Unti-unting makapipinsala sa ating gulugod ang maling tindig, pagiging sobra sa timbang, at hindi sapat na pag-eehersisyo,” ang sabi ng pahayagang El País Semanal ng Espanya. Tinataya na 80 porsiyento ng mga tao sa mauunlad na bansa ay may mga problema sa likod sa isang yugto ng panahon ng kanilang buhay. Inirerekomenda ng Kovacs Clinic sa Espanya, na nagpakadalubhasa sa mga sakit sa gulugod, na pag-aralan nating ayusin ang ating pagtayo o pag-upo upang maiwasan at mabawasan ang pananakit ng likod. Ang ilang simpleng inirerekomenda ay: Matulog nang patagilid na tuwid ang gulugod. Kapag nakaupo, isandal ang iyong likod sa likuran ng upuan. Kapag nasa harap ng computer, panatilihing nasa normal na posisyon ang iyong mga balikat. Kung kailangan mong yumuko, ibaluktot ang iyong mga tuhod sa halip na ang likod mo. At kung kailangan mong tumayo nang mahabang oras, dapat na nasa isang binti ang bigat ng iyong katawan samantalang nakapatong naman ang isa mong paa sa isang bangkito o patungan ng paa.

“Mga Doktor” na Hayop

“Ipinapalagay ngayon ng dumaraming dalubhasang nag-aaral ng mga ugali ng hayop na kayang mapangalagaan ng mga hayop sa iláng ang kanilang medikal na mga pangangailangan,” ang sabi ng The Economist ng London. Napupurga ng mga chimpanzee sa Tanzania ang mga bulati sa kanilang bituka sa pamamagitan ng pagkain ng ubod ng isang halaman na nagtataglay ng kemikal na nakamamatay sa gayong mga bulati. At ang mga chimp sa buong Aprika ay kumakain ng mga dahon na punô ng pagkaliliit na mistulang kalawit na kumakayod sa mga bulati sa kanilang bituka. Ang mga ibong macaw na kumakain ng mga buto na may nakalalasong alkaloid ay kumakain din ng luwad, diumano’y nag-aalis ng lason sa kanilang mapanganib na pagkain. Ang kulay-kapeng mga oso ng Alaska, ang mga snow goose ng Canada, at mga lobo ay pawang kumakain ng pananim upang maiwasan nila ang mga parasito sa bituka. Ipinakikita ng mga pagsusuri sa dugo ng iba’t ibang mga hayop sa iláng na sa kanilang likas na tirahan, marami ang nakaligtas sa malulubhang impeksiyon na dulot ng virus at baktirya na malimit na nakamamatay sa nakakulong na mga hayop. “Ang gayong mga obserbasyon,” ang sabi ng The Economist, “ay nagpapahiwatig na ang mga hayop sa iláng ay may magagawa upang mapanatiling malusog ang kanilang mga sarili na hindi kayang gawin ng nakakulong na mga hayop.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share