Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 12/09 p. 24-27
  • Kung Bakit Nawala ang Pagkahibang Ko sa Digmaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit Nawala ang Pagkahibang Ko sa Digmaan
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naakit sa Digmaan
  • Sumabak sa Digmaan
  • Pagkahibang sa Digmaan
  • Isang Mas Makabuluhang Layunin sa Buhay
  • Isang Labanan na Bumago sa Aking Buhay
    Gumising!—2005
  • Digmaan—Pagharap sa Suliraning Bunga Nito
    Gumising!—1989
  • Niluluwalhati ang Kapayapaan sa Halip na Digmaan
    Gumising!—2001
  • Wala Akong Patutunguhan Noon Ngunit Nasumpungan Ko ang Layunin sa Buhay
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2009
g 12/09 p. 24-27

Kung Bakit Nawala ang Pagkahibang Ko sa Digmaan

Ayon sa salaysay ni Thomas Stubenvoll

IPINANGANAK ako noong Nobyembre 8, 1944 sa New York City. Lumaki ako sa South Bronx, na noong panahong iyon ay iba-ibang lahi ang nakatira at bawat isa’y may kani-kaniyang teritoryo. Bata pa lang ako, laman na ako ng kalsada at natutuhan kong huwag pasukin ang teritoryo ng iba’t ibang ethnic gang. Kinatatakutan ang mga gang na iyon dahil sa pagiging marahas at sa paggawa ng krimen.

Dose anyos pa lang ako, kasali na ako sa isang gang. Binansagan namin ang aming gang bilang The Skulls. Nagnanakaw kami ng kahon-kahong peanut butter at iba pang pagkain sa mga container van ng mga tren. Pero mas masahol ang mga gang ng mga nakatatanda sa amin. Laging may madugong engkuwentro sa pagitan nila. Sa isang pagkakataon, kitang-kita kong pinatay sa saksak ang isa kong kaibigan.

Naakit sa Digmaan

Hindi ako kontento sa basta pagsali sa gang. Kaya nang maglaon, umalis ako sa lunsod. May tiyuhin ako na naglingkod sa Marine Corps, isang sangay ng militar ng Estados Unidos. Sumabak siya sa Korean War. Hangang-hanga ako sa mga Marine dahil sa kuwento ni Tiyo Eddie. Sinabi niyang lahat ng Marine ay listo, matapang na sundalo, at disiplinadong lider. Ang motto ng Marine Corps ay Semper fidelis, pananalitang Latin na nangangahulugang “laging tapat.” Ipinakikita nito na mahigpit sila pagdating sa katapatan sa kanilang sumpa. Di-nagtagal, wala na akong ibang pinangarap kundi ang maging isang mahusay na Marine.

Noong Nobyembre 8, 1961, pagtuntong ko ng 17, nagpatala ako para maging isang Marine. Pagkalipas ng halos apat na buwan, natapos ko ang saligang pagsasanay sa pagiging Marine. Ito ang umpisa ng 11-taóng serbisyo ko sa militar.

Nang sumali ako sa militar, wala pang labanan. Pero tuloy pa rin ang pagsasanay namin bilang Marine. Una, ipinadala ako sa Oahu, Hawaii, kung saan dalawang taon akong tumanggap ng matinding pagsasanay sa taktika ng pakikipaglaban at kung paano aktuwal na makikipaglaban sa mga rebelde. Naging mahusay ako sa pagbaril. Sa katunayan, kaya kong tamaan ang isang target sa layong 457 metro. Sinanay ako sa martial arts, paggamit ng mga pampasabog, pagbasa ng mapa, demolisyon, at komunikasyon. Gustung-gusto ko ang ginagawa ko.

Pagkatapos, ipinadala ako sa Hapon. Sa loob ng anim na buwan, nagbantay ako ng mga sandata sa Atsugi Naval Air Station. Di-nagtagal, tumindi ang alitan sa pagitan ng Estados Unidos at Hilagang Vietnam. Isinama ako sa isang grupo ng mga Marine na nakabase sa aircraft carrier na USS Ranger. Mula sa Gulpo ng Tonkin, ang mga eroplano ng barko namin ay sumali sa pagbomba sa Hilagang Vietnam. Aktuwal na digmaan na ito. Pero palibhasa’y nasa barko lang ako, hindi ko maramdamang kasali ako sa tunay na labanan.

Sumabak sa Digmaan

Noong tagsibol ng 1966, habang nasa Ranger, natapos ko ang apat-na-taóng serbisyo ko. Puwede na sana akong umalis sa militar. Kung ibang sundalo siguro ang nasa kalagayan ko, siguradong gugustuhin na nilang umuwi para hindi na mapasabak sa napipintong madugong labanan. Pero itinalaga ko na ang buhay ko sa pagiging isang Marine, isang propesyonal na mandirigma. Wala akong planong iwan ang buhay na ito. Kaya nagpatala uli ako.

Gusto kong makipaglaban. Sayang naman ang pagsasanay ko. Kaya nagboluntaryo akong sumali sa infantry. Hindi na mahalaga kung saan ako ipadala. Ang mahalaga’y isa na akong infantryman ng Marine Corps. Tunguhin kong maging isang mahusay na Marine, at nagiging diyos ko na ang digmaan.

Noong Oktubre 1967, ipinadala ako sa Vietnam. Magkahalong nerbiyos at pananabik ang nadama ko nang ipadala agad ako sa lalawigan ng Quang Tri. Kinabukasan, sumabak ako sa madugong labanan. Nagkalat ang mga bangkay at napakaraming sugatán. Pinauulanan kami ng bala. Halos wala kaming mapagtaguan. Nagpaputok na lang ako nang nagpaputok. Grabe, akala ko mamamatay na ako. Sa wakas, natapos ang labanan. Buti na lang at nakaligtas ako. Pero marami sa mga kasama ko ang namatay.

Sa loob ng sumunod na 20 buwan, maghapo’t magdamag akong sumasabak sa pinakamatitinding sagupaan sa Vietnam War. Kung hindi kami ang namamaril, kami ang binabaril; kung hindi kami ang nang-a-ambush, kami ang ina-ambush. Madalas na nakikipagpalitan ako ng putok sa mga kaaway habang nasa mga hukay na nagpuputik kapag umuulan. Doon na rin ako kumakain at natutulog. Napakahirap ng kalagayan ko, lalo na kapag malamig ang panahon.

Madalas na sa mainit na gubat nagaganap ang mga labanan. Kailangan naming maging alisto dahil may mga nagtatagong kaaway na bigla na lang sumusulpot. Kung minsan, kabi-kabila rin ang pambobomba na inaabot nang maraming oras. Sa isang sagupaan malapit sa Khe Sanh, maraming namatay at nasugatan sa aming platoon​—13 lang kaming natira na hindi sugatán.

Makalipas ang mahigit isang taon, sa isang kampo noong Enero 30, 1968, naranasan ko ulit matulog sa isang tolda. Ang sarap na sana ng tulog ko nang bigla akong magising sa nakabibinging pagsabog ng mortar. Tinamaan ako ng mga shrapnel sa likod at balikat. Nilulusob na pala kami ng mga kaaway.

Ginawaran ako ng medalyang Purple Heart dahil sa natamo kong mga sugat, pero hindi naging hadlang ang mga ito para huminto ako sa pakikipaglaban. Inalis agad ng mga medic ang mga shrapnel. Pagkatapos, pumunta agad ako sa lunsod ng Hue, kung saan nagaganap ang isa sa pinakamalaking sagupaan. Ang dami kong napatay, at bale-wala lang ito sa akin. Sa loob ng 32 araw, maghapon kong inisa-isa ang mga bahay para hanapin ang mga kaaway at patayin sila.

Ang alam ko noon, tama ang ginagawa ko. ‘Tutal,’ ang katuwiran ko, ‘libu-libong inosenteng lalaki, babae, at bata sa lunsod ng Hue ang pinapatay ng mga kaaway. Nagkalat ang mga bangkay sa mga kalsada at iskinita. Kahit saan, pati sa ilalim ng mga bangkay, may mga patibong na bomba. Laging may mga sniper na nag-aabang sa amin.’ Pero hindi man lang ako natigatig. Para sa akin, tama lang na patayin ko ang mga kaaway.

Pagkahibang sa Digmaan

Di-nagtagal, pagkatapos ng labanan sa Hue, natapos ko ang 13-buwan kong misyon. Pero kasagsagan ng digmaan at gusto ko pang makipaglaban. Kaya nagboluntaryo akong manatili sa Vietnam. Nang panahong iyon, isa na akong staff sergeant. Binigyan ako ng isang pantanging misyon​—pangungunahan ko ang mga grupo ng Marine sa maliliit na komunidad sa mga probinsiya. Tinuruan namin ang mga residente roon kung paano ipagtanggol ang kanilang pamayanan. Lagi kaming alerto dahil madalas na nakikihalo ang mga kaaway sa mga pangkaraniwang tao. Sa gabi, palihim naming hinahanap, hinuhuli, at pinapatay ang mga kaaway. Kahit napakaigting ng sitwasyon, lalo akong nahumaling sa digmaan.

Mabilis na natapos ang ikalawang misyon ko sa Vietnam. Muli, hiniling kong manatili sa labanan. Kaya lang, hindi ako pinayagan ng mga superyor ko dahil nahalata nila ang pagkahibang ko sa digmaan. Pero hindi diyan nagtapos ang buhay ko bilang isang Marine. Pinabalik ako sa Estados Unidos para maging tagapagsanay ng mga gustong maging Marine. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, nakapokus ako sa trabaho kong ito. Marami akong naituro sa aking mga estudyante. Pursigido akong sanayin sila para maging mahusay sa pakikipaglaban na gaya ko.

Isang Mas Makabuluhang Layunin sa Buhay

Kinaibigan ko ang isang kapuwa tagapagsanay, na iniwan ng asawa. Ang kapatid niyang si Christine Antisdel, na isang baguhang Saksi ni Jehova noon, ay lumipat sa kaniyang bahay para tulungan siyang alagaan ang dalawa niyang maliliit na anak. Iyon ang unang pagkakataon kong makarinig tungkol sa mga Saksi.

Lumaki akong Katoliko at nag-aral ako sa Catholic school sa loob ng walong taon. Naging sakristan pa nga ako. Pero halos wala akong alam sa Bibliya. Ibinahagi sa akin ni Christine ang mga katotohanan mula sa Bibliya na noon ko lang narinig. Nalaman ko kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya at kung ano ang hindi.

Halimbawa, natutuhan kong hindi pala itinuturo ng Bibliya na pinarurusahan ng Diyos ang mga tao sa maapoy na impiyerno pagkamatay nila. (Eclesiastes 9:5, 10) Hindi rin nito itinuturo na ang Diyos ay bahagi ng isang Trinidad. (Juan 14:28) Pero itinuturo ng Bibliya na aalisin ng Diyos ang kasamaan, kirot, at kamatayan at na ang mga masunurin ay mabubuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Awit 37:9-11; Apocalipsis 21:3, 4) Nalaman ko rin kung ano ang pamantayan ng Diyos sa moral. (1 Corinto 6:9, 10) Natutuhan ko rin na may pangalan pala ang Diyos​—Jehova. (Awit 83:18) Nagustuhan ko ang lahat ng natutuhan ko!

Noong Nobyembre 1972, inilipat ako sa isa pang kampo para turuan ng mga taktika sa pakikipaglaban ang di-komisyonadong mga opisyal. Doon ako nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Dumalo ako sa kanilang mga pulong, at hangang-hanga ako sa kapatiran ng mga Saksi at sa kanilang pagiging palakaibigan.

Pero habang dumarami ang natututuhan ko sa Bibliya, lalo naman akong binabagabag ng aking budhi. Kabaligtaran ng itinuturo ng Bibliya ang mga ginagawa ko​—puro karahasan at pakikipagdigma para sa bansa, mga bagay na kinamumuhian ng Diyos.

Natanto kong hindi ko puwedeng pagsabayin ang pagiging Marine at ang pagsamba sa Diyos na Jehova. Kaya naman nawala ang pagkahibang ko sa digmaan at nagbitiw ako sa militar. Matapos ang ilang buwang pag-aayos ng mga papeles, interbyu, at pagsusuri ng saykayatris, pinayagan akong magbitiw​—sa pagkakataong ito, dahil sa relihiyosong paniniwala. Dito nagtapos ang 11-taóng serbisyo ko sa Marine Corps.

Masasabi ko na ngayon kay Jehova ang pananalita sa Isaias 6:8: “Narito ako! Isugo mo ako.” Oo, handa na akong gamitin ang aking lakas at sigasig sa paglilingkod sa tunay na Diyos sa halip na sa Marine Corps. Nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova noong Hulyo 27, 1973. Makalipas ang limang buwan, pinakasalan ko si Christine Antisdel, ang kauna-unahang Saksing nakilala ko.

Ginugol namin ni Christine ang 36 na taon ng aming pagsasama sa pagtulong sa iba na mag-aral ng Bibliya at mapalapít sa Diyos. Walong taon kaming naglingkod bilang misyonero sa Dominican Republic. Sa ngayon, 18 taon na akong naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Dumadalaw kami sa daan-daang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na gumagamit ng wikang Kastila sa buong Estados Unidos.

Hanggang ngayon, wala akong iniindang anumang epekto ng pinagdaanan kong digmaan​—walang bangungot, war shock, o post-traumatic stress disorder. Gayunman, nang mapalapít ako sa Diyos na Jehova, sising-sisi ako na pumatay ako ng aking kapuwa noong panahon ng digmaan.

Napakalaki ng ipinagbago ko​—at napakasaya ko ngayon. Alam kong pinatawad na ako ng Diyos sa mga nagawa ko. Sa halip na pumatay, ang misyon ko ngayon ay mag-alok sa mga tao ng pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Noong ako’y isa pang Marine, nagawa ko ang mga ginawa ko dahil wala akong alam sa Bibliya at akala ko’y tama iyon. Ngayong ako’y isa nang Saksi ni Jehova at natutuhan ko na ang itinuturo ng Bibliya, ginagawa ko ang ginagawa ko dahil talagang kumbinsido ako na may isang tunay na Diyos na buháy at maibigin, at na sa dakong huli, tanging mabubuting bagay lamang ang mararanasan ng mga umiibig at sumusunod sa kaniya.

[Blurb sa pahina 25]

Kung hindi kami ang namamaril, kami ang binabaril; kung hindi kami ang nang-a-ambush, kami ang ina-ambush

[Blurb sa pahina 27]

Nang mapalapít ako sa Diyos na Jehova, sising-sisi ako na pumatay ako ng aking kapuwa noong panahon ng digmaan

[Mga larawan sa pahina 24]

Noong isa akong tagapagsanay (itaas) at isang infantryman sa Vietnam (kaliwa)

[Larawan sa pahina 25]

Ginawaran ako ng medalyang Purple Heart dahil sa natamo kong mga sugat, pero hindi naging hadlang ang mga ito para huminto ako sa pakikipaglaban

[Larawan sa pahina 26]

Ginugol namin ni Christine ang 36 na taon ng aming pagsasama sa pagtulong sa iba na mag-aral ng Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share