Ang Pagtasa ni Einstein sa Kaalaman ng Tao
“Ang pinakadakilang kaisa-isang tagumpay ng siyensiya,” ang sabi ng kilalang manunulat sa siyensiya na si Lewis Thomas sa isang sanaysay na inilathala sa The New York Times, “ay ang pagkatuklas na tayo’y totoong walang-alam.” Ang pangungusap bang ito’y isang kalabisan? Bagkus, sa isang liham sa Times, si Ely E. Pilchik ay sumulat: “Ako’y magpapasok ng ilang mga suporta [para sa sinabi ni Thomas] na galing sa isang medyo may kabigatang patotoo.” Kaniyang ipinaliwanag na noong Mayo 20, 1954, kaniyang ipinaabot ang ganitong pagtatanong kay Propesor Albert Einstein:
“Iniulat sa akin na noong nakalipas na buwan humigit-kumulang kayo ay may nakausap na isang panauhin na doo’y tinalakay ang paksa tungkol sa ating kaalaman sa mga batas ng sansinukob. Ipinakita ninyo na sa kabila ng lahat ng ating kamakailang pagsulong ang ating kaalaman ay nananatiling maliit pa rin. Inyong ipinaghalimbawa ito sa pamamagitan ng dalawang bagay: Una, ang ating pagsulong sa kaalaman ay maihahambing sa nakukuha ng isang tao, na interesado sa pagkatuto nang higit pa tungkol sa buwan, pagka siya’y umakyat sa bubong ng kaniyang bahay upang magmasid nang lalong malapit sa buwang iyan.
“Sang-ayon sa ulat, ang inyong pangalawang paghahalimbawa ng ating munting kaalaman tungkol sa sansinukob ay nakatutok sa sandaling natapos ninyo ang inyong pormularyo ng pangkalahatang theory of relativity. [Sa] sandaling iyon isang karaniwang langaw ang dumapo sa inyong papel. Inyong pinag-isipan na dito ay inyong isinulat ang lahat ng pangunahing pisikal na mga batas ng sansinukob, na para bagang ibig ninyong sabihin, narito ang pinaka-susi sa lahat ng lihim ng sansinukob, gayunman ang totoo’y hindi ninyo gaanong alam ang tungkol sa kalikasan ng munting langaw na iyon.
“Sa ganiyan din nakarating sa akin ang mga salitang ito. Ibig ko, kung inyong pahihintulutan, na banggitin ang mga iyan kung totoo nga ang mga iyan. Kung hindi naman, lubhang pahahalagahan ko kung inyong itutuwid ako.”
Ang nagtatanong ay tumanggap ng isang kasagutan na may petsang Mayo 21, 1954, na nagsasabi: “Ang deskripsiyon ng aking pakikipag-usap sa nagbalita nito sa inyo ay tama at puwede ninyong gamitin sa ganitong porma. May kagandahang-loob na pagpapahalaga, Taimtim na gumagalang, (pirmado) A. Einstein.”—New York Times, Setyembre 1, 1981.
Bagaman ang tao’y patuloy na nagpapasulong ng kaniyang kaalaman tungkol sa sansinukob, ito’y napakaliit pa rin kung ihahambing, kung kaya’t sumasaisip natin ang salita ni Job tungkol sa Diyos at sa kaniyang paglalang: “Narito! Ang mga ito ay mga gilid lamang ng kaniyang mga daan at anong pagkarahan-rahan ang bulong na narinig sa kaniya! Ngunit sino ang makauunawa ng pagkalakas-lakas na kulog ng kaniyang kapangyarihan?”—Job 26:14.