Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 2/15 p. 30-31
  • Mga Payunir sa Ika-20 Siglo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Payunir sa Ika-20 Siglo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Lahat ng Pagpapayunir ay Nagdudulot ng Kasiyahan
  • Ang Pagpapayunir na Nagdudulot ng Kasiyahan
  • Ang mga Payunir ay Nagkakaloob at Tumatanggap ng mga Pagpapala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • “Bagay Kang Payunir!”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
  • Ang mga Pagpapala sa Ministeryong Pagpapayunir
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Paglilingkurang Payunir—Ito ba’y Para sa Inyo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 2/15 p. 30-31

Mga Payunir sa Ika-20 Siglo

ANG salitang “payunir” ay kilala sa buong daigdig. Kadalasan ito’y tumutukoy sa isang tao na siyang unang naninirahan sa isang lugar, naihahanda ang daan para sa iba na darating pagtatagal-tagal. Ang pagsisikap ng nakalipas na mga payunir sa pagbubukas ng mga bagong teritoryo ay nagsilbing malaking paglilingkuran sa hinaharap na mga salinlahi ng tao.

Mayroon pa bagang mga bagong pook na kailangang magalugad? Oo. Hindi sa kalawakan sa labas, kundi dito mismo sa lupa. Kailangan natin ang mga payunir na magbubukas ng isang landas upang madaanan palabas sa kasalukuyang masalimuot na gusali ng moral, ng kabuhayan at ng pulitikal na pamamalakad na kusang sinuot ng tao. Isang munting grupo ng mga taong nagtalaga ng kanilang buhay ang nagtuturo ng daan upang makaahon doon nang may isandaang taon na. Ito ang mga tunay na payunir sa ika-20 siglo.

Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya bilang ang kanilang gabay sa pagtahak sa landas na iyan. (Awit 119:105) Ang nasusulat na Salita ng Diyos ang umaakay sa kanila tungo sa kaniyang Kaharian bilang tanging paraan upang malutas ang maselan na mga problemang kinababaunán ng mga pangulong tao. Hindi lamang aalisin ang kasalukuyang mga kahirapan kundi ang magagandang pangako ni Jehova ay higit pa riyan ang gagawin. Masasaksihan sa hinaharap ang isang lupang Paraiso. (Apocalipsis 21:1-4) Sa pamamagitan ng makalangit na pamahalaan ng Diyos, na si Kristo Jesus ang Hari, matutupad ito. Ang Isaias 9:7 ay nagsasabi: “Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang-takda. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.”

Tulad ng mga unang payunir, na sila’y mga lalaki, babae at mga kabataan na pawang may bahagi sa paghahanda ng isang bagong lupain, ang mga Saksi ni Jehova na may iba’t ibang edad at maging lalaki o babae man ay pawang nakikibahagi sa paghahayag ng mabuting balita buhat sa Bibliya. Ngunit, sa mga ito ay may mga kusang nangunguna, gumugugol ng buhat sa 60 hanggang 140 oras isang buwan sa gawaing pangangaral ng ebanghelyo. Angkop naman, ang buong-panahong mángangarál na ito ay tinatawag na mga payunir.a

Ang ganito kayang uri ng pagpapayunir ang pinakamagaling para sa iyo? O ikaw kaya ay pipili ng ibang uri ng ika-20 siglong pagpapayunir?

Hindi Lahat ng Pagpapayunir ay Nagdudulot ng Kasiyahan

Ang mga taong nagbukas ng daan para sa isang bagong sistema ng teknolohiya o isang panibagong istilo ng kaisipan ay mga payunir din. Subalit, ang pagpapayunir sa larangang makasanlibutan ay kalimitan humahantong sa kabiguan at kapaitan. Narito ang ilan sa kilalang mga halimbawa.

Isang payunir sa industriya ng bakal, si Andrew Carnegie, ay matagal nang hinahangaan ng marami. Isa siya sa pinakamayayaman noong kaniyang kapanahunan. Bilang isang pilantropo angaw-angaw ang kaniyang ibinigay sa kawanggawa. Siya ba ay maligaya? Minsan nang isang reporter ang nagsabi kay Mr. Carnegie kung gaanong siya’y inggit na inggit dito, ang reporter ay nagtaka sa ganitong isinagot niya: “Hindi ako dapat kainggitan. Papaano ba ako matutulungan ng aking kayamanan? Ako’y seisenta anyos, at hindi natutunawan ng aking pagkain. Ibibigay ko ang lahat ng aking milyun-milyon kung ako’y babalik sa kabataan at kalusugan.” Pagkatapos, sa tonong may kapaitan ay sinabi pa niya, “Malugod na ipagbibili ko ang anuman upang makapagpasimula uli sa aking buhay.”

Isa pang multi-milyunaryo, si J. Paul Getty, isang taong nasa langis ang kayamanan, ay nagpahayag ng ganoon ding kaisipan nang kaniyang sabihin: “Ang salapi ay hindi laging may kaugnayan sa kaligayahan. Marahil pa nga ay sa kalumbayan.”

Kumusta naman ang karera ng pagpapayunir sa larangan ng siyensiya? Pakinggan ang isa sa pinakarespetadong mga siyentipiko at mga payunir sa nuclear physics, si Albert Einstein, na minsan ay nagsabi tungkol sa modernong siyensiya: “Sa digmaan ito’y nagsisilbing kagamitan na magagamit natin upang lasunin at pagluray-lurayin ang isa’t isa. Sa panahong walang digmaan ay ginawa nito ang ating buhay na apurahan at walang kasiguruhan. . . . Ang mga tao’y ginawa nitong mga alipin ng makinarya na sa kalakhang bahagi tinatapos ang kanilang nakababagot na maghapong trabaho nang may pagkasuya.” Isa pa, sa isang liham sa isang kaibigan, ibinulalas ni Einstein ang kaniyang sama ng loob sa pagkakitang ang kaniyang kaalaman sa atomo ay ginagamit sa paggawa ng bomba atomika.

Ang isang karera kaya sa pulitika ay magiging higit na kasiya-siya? Kahit na kung magagawa natin ang magbalik sa panahon ng isang lipunan na hindi gaanong masalimuot, ang pagpapayunir sa larangan ng pulitika ay hindi makagagarantiya ng kasiyahan. Halimbawa, si Abraham Lincoln ay isa sa mga pulitikong numero unong hinahangaan. Siya’y nagsilbing pangulo sa kabisera ng bansa. Gayunman, pagkatapos na siya’y paslangin, ang kaniyang sariling anak, si Tad, ay nagsabi tungkol sa kaniya: “Kailanman ay hindi siya naging maligaya pagkatapos na siya’y pumarito. Ito’y hindi isang mabuting lugar para sa kaniya.”

Ang kayamanan, karunungan sa sanlibutan o katanyagan ay hindi makatitiyak na mabibigyan tayo ng kasiyahan. Marami ang nangangarap na manguna sa pagbubukas ng isang bagong landas sa larangan ng negosyo, isports, libangan, pulitika o siyensiya. Hinahabul-habol nila ang kanilang panaginip at, kung sakaling matupad na iyon, sasabihin naman nila nang para bagang sila’y nalugi: ‘Ganiyan na ba lamang?’

Ang Pagpapayunir na Nagdudulot ng Kasiyahan

Ang iba ay nagpasiya naman na tumahak sa isang naiibang landas bilang karera nila​—ang buong-panahong gawaing pangangaral. Ito’y isang tunay na pampasigla na makita kung ano ang matagumpay na naisagawa ng mga payunir na ito at kung ano ang kanilang damdamin tungkol sa kanilang gawain.

Nagsimula si Kathe B. Palm ng kaniyang karera bilang pambuong-panahong mángangarál noong 1931. Ang apatnapu’t anim sa mga taóng ito ay ginugol niya sa Chile, Timog Amerika, na nagpapatotoo mula sa isang dulo ng bansa hanggang sa kabilang dulo. Habang binubulay-bulay niya ang nakaraan niyang pagpapayunir, ang sabi niya: “Wala na akong masusumpungang iba pang gawain na nakapagdulot sa akin ng gayong kasiyahan o naging kapaki-pakinabang sa espirituwal na paraan . . . Nadama ko ang masigla, nasisiyahang damdamin habang nakikita ko ang maraming taong nakipag-aral sa akin ng Bibliya na inihahayag ang mabuting balita, na tinutulungan ang iba na lumapit sa tubig ng buhay. Inanyayahan ko silang uminom ng tubig ng katotohanan, at ngayon inaanyayahan naman nila ang iba.” Nang siya’y magsimula noong 1936, mayroon lamang 50 aktibong mga Saksi ni Jehova sa buong Chile. Ngayon ay mayroon nang mahigit na 18,000. Natikman mo na ba ang kasiyahan at espirituwal na kapakinabangan ng pagpapayunir?

Noong 1967 si Malinda Z. Keefer ay nagsabi: “Ang aking kaligayahan higit sa lahat ay nagmumula sa bagay na mahigit nang limampung taon na inihandog ko ang aking sarili bilang isang nakahandang boluntaryo sa pambuong-panahong paglilingkod.” Sa ngayon siya’y mahigit nang 75 taon bilang isang payunir! Noong Hunyo ng 1907 sinabi niya kay Brother Russell, pangulo ng Watch Tower Society, ang kaniyang pagnanais na pasukin ang pambuong-panahong paglilingkod yamang hindi siya nasisiyahan sa pagpapatotoo sa bahay-bahay kung Linggo ng umaga lamang. Gayunman, siya’y nag-alinlangan, na baka hindi pa sapat ang kaniyang kaalaman. Sinabi sa kaniya ni Brother Russell: “Kung ang gusto mo’y maghintay ka pa hanggang matutuhan mo ang lahat hindi ka kailanman makapagpapasimula, ngunit matututo ka habang patuloy na nag-aaral ka.” Nang sumunod na buwan pinasimulan niya ang kaniyang karera bilang payunir na nagdala sa kaniya sa 15 estado sa Estados Unidos. Habang tumutuntong si Malinda sa kaniyang ika-100 taon ng buhay, nananatili pa rin siyang aktibo sa ministeryo sa pagpapayunir.

Ang isang mabuting tuntungan sa karera ng pagpapayunir ay ang paglilingkod bilang auxiliary payunir. Ang paggugol ng 60 oras lamang isang buwan sa pangangaral ay maaaring maging isang kanais-nais na karanasan para sa iyo. Tayo’y inaanyayahan ni Jehova na “tikman at tingnan” na ang pagsamba sa kaniya ay mabuti. (Awit 34:8) Ang uring ito ng pagpapayunir ay isang ‘patikim’ ng kung ano ang katulad ng pambuong panahong pangangaral at pagtuturo. Kung hindi mo pa natitikman kailanman ang gawaing pagpapayunir sa ganitong paraan, hindi mo pa natutuklasan kung anong kagalakan at kasiyahan ang naidudulot ng pambuong panahong pag-eebanghelyo.

Naisaalang-alang mo na bang mabuti ang iyong karera? Matatanggap mo rin ba ang ganitong kahanga-hangang pamana ng gawaing pagpapayunir? Makikisama ka ba sa dumaraming hanay ng pambuong panahong tagapangaral at maging isang payunir sa ika-20 siglo?

[Talababa]

a Tingnan ang Webster’s Third New International Dictionary, pahina 1721.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share