Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 4/15 p. 4-8
  • Kaya Kayang Harapin ng Relihiyon ang Krisis?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaya Kayang Harapin ng Relihiyon ang Krisis?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maka-Diyos na Kabanalan​—Ano ba Ito?
  • Ano ang mga Katibayan?
  • Ano ang Magiging Resulta Nito?
  • Panibagong Sigla sa Relihiyon o Krisis sa Espirituwalidad?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Idagdag sa Iyong Pagbabata ang Makadiyos na Debosyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ugaliin ang Makadiyos na Debosyon Tulad ni Kristo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
  • Sundin ang Halimbawa ni Jesus ng Maka-Diyos na Debosyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 4/15 p. 4-8

Kaya Kayang Harapin ng Relihiyon ang Krisis?

ANG popular at panrelihiyon na mga magasin at mga pahayagan ay pawang mabibilis na magbalita tungkol sa kinakamit na “mga tagumpay” ng ilang relihiyon. Sila’y nagbabalita tungkol sa mga pagtitipon ukol sa mga pananalangin at pagpupuri na naglalapit sa mga tao sa Diyos. Kanilang ibinabalita na ang mga sermon sa mga ibang simbahan ay nagiging higit na espirituwal kaysa sosyal at politikal. Kanilang tinatalakay ang tungkol sa mga ministeryo sa mga dukha, mga masisiglang aktibidades ng relihiyon kung mga dulo-ng-sanlinggo, mga grupo sa pag-aaral sa Bibliya, panrelihiyong mga klase sa pagsasayaw, at ang tungkol sa mga taong handang gumanap ng tungkulin ng mga pare at mga madre sakaling may kakapusan ng mga ito. Lahat na ito ay ipinagpapalagay na isang tanda ng panibagong sigla sa relihiyon.

Sa pagtatalumpati sa National Association of Evangelicals noong nakaraang Marso, ganito ang sabi ng Pangulong Reagan ng Estados Unidos: “Nagsisimula na naman ang muling pagkagising ng Amerika sa espirituwalidad. Nagsasauli na ang pananampalataya at pag-asa. Ang mga Amerikano ay bumabalik na naman sa Diyos . . . At ako’y naniniwala na Kaniyang sinimulan nang pagalingin ang ating pinagpalang bansa.” Ang ganiyang pagpapakita ng pagtitiwala ay malaki ang nagagawa upang patibayin ang impresyon na sa wakas ang maraming suliranin na nakaharap sa namimighating sangkatauhan ngayon ay malulutas din sa pamamagitan ng muling pagkagising sa espirituwal.

Lahat na ito ay napakainam kung pakikinggan, subali’t ano ba ang naidulot na kabutihan ng “muling pagkagising sa espirituwal” o “panibagong sigla” na ito? Baka mabuti ang pagkakilala ng mga tao sa kanilang sarili, subali’t sila ba’y naging mas mabubuting Kristiyano? Baka inaakala ng mga tao na lalong mahusay ang kanilang espirituwalidad, subali’t sila ba’y higit na interesado sa espirituwal na mga bagay kaysa materyal na kayamanan? Kung ang hindi pagkilala sa Diyos ang sinasabing isang pangunahing sanhi ng krisis sa ngayon, kung gayo’y natulungan ba naman sila upang makitaan sila ng kabanalang maka-Diyos? Ang mga kasagutan dito ang pagbabatayan sa kung ang relihiyon ay may lakas o wala na humarap sa kasalukuyang krisis.

Maka-Diyos na Kabanalan​—Ano ba Ito?

Ang pagka-maka-Diyos, o maka-Diyos na kabanalan, ay may kahulugan na debosyon sa Diyos o pagiging palaisip sa Diyos. Kung gayon, ito’y hindi lamang panlabas na anyo ng kabanalan o pagkarelihiyoso. Ang taong may maka-Diyos na kabanalan ay lalong higit na palaisip, hindi sa pagbibigay-kasiyahan sa kaniyang sariling mga pangangailangan, kundi sa pagkaalam at paggawa sa kalooban ng Diyos, at pagkakaroon ng matalik na kaugnayan sa kaniya. Ang resulta nito’y ang pagbabagong-buhay ng isang tao tungo sa lalong mainam na buhay sapagka’t ang “maka-Diyos na kabanalan ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, yamang may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”​—1 Timoteo 4:8.

Ang mga tao bang bumabaling sa relihiyon nang dahil lamang sa kabiguan nila sa buhay ay nakatutugon sa kahilingang ito? O sila’y katulad ng mga taong tinukoy ni apostol Pablo na “may anyo ng maka-Diyos na kabanalan nguni’t tinatanggihan ang kapangyarihan niyaon”?​—2 Timoteo 3:5.

Kung ang isang tao’y bumabaling sa Diyos nang dahil lamang sa gusto niyang masapatan ang ano mang sariling pangangailangan niya at hindi upang matutuhan ang kalooban ng Diyos at makapaglingkod sa kaniya, ang sarili niya, at hindi ang Diyos, ang pinag-uukulan niya ng debosyon, hindi ba? Ang ganitong uri ng debosyon ay walang bisa at hindi nababago ang buhay ng isang tao upang buhat sa mapag-imbot na pamumuhay ay palitan niya ito ng isa na mapagsakripisyo at mapaglingkod sa Diyos.

Ang sinabi ni Pablo ay kasuwato ng tanyag na Sermon sa Bundok na binigkas ni Jesus. Binanggit niya na hindi lahat ng nag-aangking mga tagasunod niya ay kalugud-lugod sa kaniya, at ang sabi: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nagpalayas kami ng mga demonyo, at gumawa kami ng maraming makapangyarihang gawa sa iyong pangalan?” Gayunman ay tatapatin ko na sila: Hindi ko kayo nakilala kailanman! Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”​—Mateo 7:22, 23.

Kung gayon, ang mahalaga sa Diyos ay hindi ang paimbabaw na pagkarelihiyoso. Para ang isang tao’y tumanggap ng patnubay at pagpapala ng Diyos, kailangang siya’y handang tumanggap sa mga utos ng Diyos na nasa Bibliya at ikapit iyon sa kaniyang buhay. Gaya ng pagkasabi ng salmista: “Ang salita mo’y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Ang mga tao bang bumabaling sa relihiyon ngayon ay tinutulungan na matuto tungkol sa patnubay na iyan at sundin ito?

Ano ang mga Katibayan?

Nagsurbey kamakailan sa 10,000 aktibong mga Katoliko sa 60 parokya sa Estados Unidos at napag-alaman na 77 porciento sa kanila ang higit na nababahala tungkol sa kung ano ang mangyayari sa bansa, kung ihahambing sa 40 porciento lamang na nababahala tungkol sa “sariling kaligtasan.” Gayundin, isang Gallup surbey ang nagpatunay na sa lahat ng mga tanong na gusto ng mga tao na itanong sa Diyos, ang pinakapopular ay: “Magkakaroon pa kaya ng mananatiling kapayapaan ang daigdig?”

Oo, sa mapanganib na mga panahong ito ay walang masama kung tayo’y nababahala man tungkol sa ating kinabukasan. Subali’t ibang-iba ang ganiyang mga saloobin sa sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagka’t nalalapit na ang inyong kaligtasan.” (Lucas 21:28) Ipinakikita ng resulta ng surbey na sa kabila ng lahat ng usap-usapan tungkol sa panibagong sigla ng relihiyon, ang pagkabalisa tungkol sa kinabukasan ang nangingibabaw sa mga puso at isip ng mga tao sa ngayon. Walang gaanong nagawa ang kanilang relihiyon upang tulungan sila na harapin ang krisis sa panahong ito ng kagipitan.​—Tingnan ang Lucas 21:26.

Kung tungkol sa pagpapasulong sa espirituwalidad ng mga nagsisimba, isang editoryal sa magasing Ministry ng Adventista del Septimo Dia ang may hinanakit na nagsabing “malimit na sa estilo ng pamumuhay ng ating mga miyembro o sa atin kaya ay walang gaanong ipinagkakaiba sa ating mga kapuwa na hindi Kristiyano.” Bagkus, ang ibig sabihin, ang relihiyon ay nagbibigay sa kaniyang mga miyembro ng “katuwiran ukol sa pagsasama ng materyalismo at ng materyalistikong estilo ng pamumuhay” ng mga di-kapananampalataya sa pamamagitan ng paglalarawan sa Diyos bilang “yaong may ibig ng pinakamagaling para sa Kaniyang bayan at may layunin na kanilang kamtin iyon.”

Gayundin, pagkatapos na banggitin ng The Economist ng London na “may mga ilang tanda ng patuloy (at lumalago pa) na interes sa mga bagay tungkol sa relihiyon,” sinabi nito na “ang problema para sa Church of England ay kung paano tutulong sa mga ibig na makaalam tungkol sa pananampalataya gayong hindi natitiyak nito kung ano ang sinasampalatayanan niya.”

Komusta naman ang tungkol sa larangan ng pamilya at ng mga bagay na minamahalaga ng tao? Pinatibay ba ng mga relihiyon ang kanilang mga miyembro upang huwag makaladkad ng kasamaan at imoralidad ng sanlibutan? Sila ba’y nagbago tungo sa pagiging lalong mabubuting mga asawa, mga magulang at mga anak? Ang isang surbey kamakailan ng 8,000 mga kabataan at 10,000 mga magulang ng palasimbang mga pamilya sa 13 denominasyon ay nagsisiwalat ng bahagya tungkol sa kalagayang iyan.

Sang-ayon sa Christianity Today, sa pamamagitan ng pag-aaral na iyon 42 porciento ng mga kabataan ang nagpahayag na ang kani-kanilang mga pamilya ay hindi kailanman nag-uusap-usap ng tungkol sa relihiyon, at 40 porciento ang nagsabi na ibig nila ng higit na patnubay ng kani-kanilang mga magulang kung tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa sekso. Sa mga 15 anyos, 53 porciento ang gumamit ng mga inuming nakalalasing, 20 porciento ang gumamit ng marijuana. Sa isang mas naunang pag-aaral, na iniulat ng The Ann Arbor News, natuklasan na 59 porciento ng mga lalaki at 42 porciento ng mga babae ang nagpahayag na nakaranas na ng seksuwal na pakikipagtalik nang sila’y 18 anyos.

Katapus-tapusan, tinutulungan ba ng mga relihiyon ang kanilang mga miyembro na iwasan ang marahas na saloobin ng sanlibutan? Tunay, kung ibig na makatulong ang relihiyon kung panahong ito ng kagipitan, hindi baga natin maaasahan ito sa kanila? Subali’t, nakalulungkot sabihin, parami nang paraming mga tao ang nakahahalata na ang relihiyon, tuwiran man o hindi, ay may malaking bahagi sa karamihan ng mga digmaan at alitan na pumighati sa sangkatauhan. Banggitin mo ang mga lugar na tulad ng Ireland, Lebanon at Iran, at ano ang sasaisip? Sa kabila ng paglalabas ng mga liham na may kinalaman sa relihiyosong kawan (pastoral letters) at mga demonstrasyon may kaugnayan sa kapayapaan (peace marches), hindi baga ang mga pangunahing relihiyon ang kasangkot sa pinakamadudugong digmaan sa ngayon?

Kung gayon, ano ang masasabi natin tungkol sa umano’y muling pagkagising ng mga relihiyon? Marahil ay mahahalata na mayroong panibagong sigla ang mga relihiyoso, subali’t ito’y hindi matatawag na muling pagkagising ng espirituwalidad. Sa halip na mapatibay sa espirituwal, na makahaharap sa kagipitan ng panahong ito, karamihan ng mga taong bumabaling sa mga relihiyon ng sanlibutan ay napasusunod sa isang maginhawang ‘holding pattern,’ isang pormalismong uri ng pagsamba. Ito’y isang “anyo ng maka-Diyos na kabanalan nguni’t tinatanggihan ang kapangyarihan niyaon,” gaya ng inihula ni apostol Pablo. Ang artipisyal na “muling pagkagising” at “panibagong sigla” ay malinaw na may kaugnayan sa patuloy na sumásamańg mga kalagayan​—ang pagguho ng asal, ng pamilya, paglubha ng krimen at karahasan, at iba pa​—bilang tanda ng ating mapanganib na mga panahon.​—2 Timoteo 3:1-5.

Ano ang Magiging Resulta Nito?

Sa Bibliya, ang sinaunang relihiyosong lunsod ng Babilonya ay ginagamit na isang simbolo, at inilalarawan ang lubusang pagbagsak ng relihiyon ng sanlibutan. Inihula ng aklat ng Apocalipsis: “Isang malakas na anghel ang dumampot ng isang bato na gaya ng isang malaking gilingang-bato at inihagis sa dagat, na ang sabi: ‘Ganiyan na gaya ng isang pagkabilis-bilis na pagkahulog igigiba ang Babilonya na dakilang lunsod, at siya’y hindi na masusumpungan pa.’ ”​—Apocalipsis 18:21.

Bago dumating ang biglaang pagwawakas, gayumpaman, may pagkakataon na tumalima sa kinasihang babala sa Apocalipsis 18:4: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” Sa buong daigdig, sa 205 mga lupain, ang mga Saksi ni Jehova ay nakinig sa babalang iyan at nagsitakas sila tungo sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ukol sa sangkatauhan. (Mateo 24:14) Ikaw ba’y magiging isa sa libu-libo na sumasama sa kanila sa pagtakas na iyan at patungo sa kaligtasan? Nasa iyo ang magpasiya.

[Blurb sa pahina 6]

Bagaman may “pastoral letters” at “peace marches,” hindi ba ang mga pangunahing relihiyon ay kasangkot sa pinakamadudugong digmaan ngayon?

[Larawan sa pahina 5]

Marahil ay aakalain ng mga tao na sila’y lalong relihiyoso ngayon, nguni’t higit na interesado ba sila sa espirituwal na mga bagay?

[Larawan sa pahina 7]

Sa ngayon daan-daang libo ang tumutugon sa babala na sila’y magsilabas sa huwad na relihiyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share