Panibagong Sigla sa Relihiyon o Krisis sa Espirituwalidad?
“Ang dasal, pagmumunimuni, pagsamba at pag-aaral sa Bibliya ang humalili sa mga kilusang sosyal sa maraming relihiyon. . . . Sang-ayon sa mga tagapagmasid, ipinakikita nito na ang mga relihiyoso ay disidido na ‘hanapin ang sagrado’ sa isang lipunan na patuloy na lumalayo sa kinasasaligan ng relihiyon.”—U.S.News & World Report.
“Sa kalaparan ng Silangang Europa, may mga tanda ng isang panibagong sigla sa relihiyon. . . . Sa Hungary, Czechoslovakia, Silangang Alemanya at Poland, sinasabi ng mga klerigo at mga iskolar na parami nang paraming mga tao ang bumabaling—o bumabalik uli sa—mga relihiyon. . . . Ang mga kabataan ay nagtatanong, ‘Bakit ba tayo nabubuhay?’ ”—The New York Times.
ANG nasasaksihan ba natin ay ang muling pagkagising sa espirituwalidad, batay sa mga ulat na katulad nito? Bagaman ang pagsulong sa mga relihiyon ay mabagal kung ihahambing sa pagdami ng tao, mahahalata na bahagya lamang ang pagsulong sa lahat ng dako noong nakalipas na mga ilang taon. May mga klerigo na nagsasabing ang pag-urong ng mga relihiyon sapol noong mga taon ng 1960 ay tapos na, at humuhusay na ang mga bagay-bagay. Totoo man ito o hindi, ganito ang ating maitatanong: Bakit ang mga taong ito ay bumabaling sa mga relihiyon?
Bakit May “Panibagong Sigla”?
“Talagang nagugutom ang mga tao, sila’y nakakadama na mayroon silang kakapusan sa espirituwal,” ang sabi ng Amerikanong paring Episkopal na si Tilden Edwards. Sa madali’t-sabi, waring dumadami ang mga taong nagigising na sa kawalang-saysay ng materyalistiko at makasanlibutang paraan ng pamumuhay, at ang kanilang hinahanap ay yaong buhay na may kabuluhan at layunin. Ang iba, sa pangingilabot sa digmaang nuclear o sa krimen at karahasan, o dahil sa naranasan nilang kalunus-lunos na kasawian, ay bumabaling sa relihiyon para magkaroon ng kaaliwan.
Ang isang resulta nito ay ang pagkatatag at paglago ng Silanganing mga relihiyon sa Kanluran. Mga templo, simbahan, mosque, mga sentro sa pagmumunimuni, at iba pa, ang dumarami sa mga lunsod at mga lalawigan sa mga bansang Kanluran. Mayroon ding mga grupo na ang sinusunod na disiplina ay Yoga, transcendental meditation, Zen at Hare Krishna. Sa opinyon ng mga ibang klerigo, ang “kakatuwa” na mga paniniwalang ito ay waring nag-aalok ng talagang hinahanap ng marami sa mga taga-Kanluran: isang maykapangyarihang magsasabi sa kanila kung ano ang dapat paniwalaan, kung ano ang dapat sundin sa kanilang buhay, at kanilang madarama na sila’y bahagi ng isang grupo at sila’y may mapayapang kalooban o palaisip sa sarili.
Panibagong Sigla ba o Krisis?
Ngayong ang mga tao’y bumabaling sa relihiyon para sa kasagutan sa kanilang mga problema pagka napapaharap sila sa kagipitan at panganib, o naliligalig sila dahilan sa kawalang-saysay ng kanilang pamumuhay, ito’y patotoo lamang ng mahalagang katotohanan na sinalita ni Jesu-Kristo: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Ang pulos materyalistikong pamumuhay ay walang lakas at tiyaga na humarap sa maraming problema ngayon ng buhay.
Oo, ang ibang tagapagmasid ay naniniwala na ang kasalatang ito sa espirituwal ang isang dahilan ng marami sa mga suliranin ng lipunan sa ngayon. “Ang kabiguan ng tao, na walang makalangit na patnubay, ang isa sa pangunahing sanhi ng lahat ng malalaking krimen sa siglong ito,” ang sabi ng kilalang manunulat na Ruso, si Alexander Solzhenitsyn.
Sa harap ng krisis na ito sa espirituwalidad, ang tanong natin ay: Nasasapatan ba ng mga relihiyon ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga taong bumabaling sa kanila? Nasusumpungan ba ng mga taong ito ang espirituwal na patnubay at lakas na kanilang hinahanap? At tahasan, kaya kayang harapin ng relihiyon ang kasalukuyang krisis?