Nagbayad ang mga Kriminal
NANG ang gayong pagpatay ay mapabalita sa Kinshasa, ang mga maykapangyarihan sa pamahalaan ay gumawa ng hakbang upang ipatupad ang hustisya. Kaya naman ang mga maykapangyarihang iyon ay dapat na bigyan ng komendasyon.
Mga trak at mga sundalo ang isinugo sa lugar na iyon. At sa wakas, ang mga kriminal ay nahuli rin at iniharap para litisin sa pandistritong hukuman ng Kindu, Kivu.
Hindi madali na hatulan ang kasong iyon, sapagkat ang mga hukom ay patuloy na pinagbantaan at tinakot upang supilin ang hustisya. Sila’y inalukan ng malalaking suhol. Nang sila’y humatol laban sa mga kriminal, sila’y tumanggap ng liham na walang pirma at nagsasabi na maghihiganti sa kanila si Kimbilikiti.
Kahit na noong mga sandali ng paglilitis ang mga isinakdal ay nagpipilit na si Kimbilikiti ay isang espiritu at ang espiritu raw na ito ang nag-udyok sa kanila na pumatay. Sa panahon ng paglilitis, isinaayos ni Hukom Tumba na patunugin ang mga instrumento ni Kimbilikiti doon sa malapit lamang sa silid-hukuman. Kaniyang ikinatuwiran na kung si Kimbilikiti ay isang espiritu, ang tunog ng mga instrumento ay hindi magkakaroon ng epekto sa mga taong nasa silid-hukuman kung sila’y kabilang sa tribo ng Rega. Ang resulta? Nang ang mga instrumento’y patunugin at marinig ang nakapangingilabot na mga tunog, nagkaroon ng kaguluhan sa silid-hukuman. Ang mga babae ay nagsitakas dahilan sa sindak, palibhasa’y nangangamba sila na baka makita sila ni Kimbilikiti at sila’y pagpapatayin. Ang mga lalaki naman ay hiyang-hiya at nag-alisan na sa silid-hukuman, anupat ang naiwan lamang ay ang mga nakasakdal, ang mga empleado ng hukuman, at ang mga ibang tagapagmasid na hindi kabilang sa tribo ng Rega. Kaya minsang pang si Kimbilikiti ay napabilad bilang isang pamahiin at pandaraya na gumagapos sa mga nasa tribo ng Rega.
Sinintensiyahan ng hukuman ng Kindu ng sintensiyang kamatayan ang anim na mga lalaking tuwirang may kagagawan ng pagpatay na iyon. Mayroon pa ring iba na sinintensiyahang mabilanggo at magmulta. Isa pa, ang iba’y pinagbayad bilang katumbas ng pinsala sa naulilang mga biyuda. (Ang mga sintensiya ay idinulog sa isang nakatataas na hukuman sa Bukavu, Kivu.)
Ang ginawang iyon ng mga maykapangyarihan ay nagpapagunita ng mga sinabi ni apostol Pablo: “Ang mga nagpupuno ay dapat katakutan, hindi ng gumagawa ng mabuti, kundi ng masama. . . . [Ang autoridad] ay ministro ng Diyos, isang tagapaghiganti na magpapahayag ng galit sa isa na gumagawa ng masama.” (Roma 13:1-4) Kaya naman ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na “sumasamo, dumadalangin, namamagitan, naghahandog ng mga pasalamat . . . tungkol sa lahat ng uri ng mga tao, tungkol sa mga hari at lahat ng mga nasa matataas na katungkulan; upang tayo ay patuloy na mamuhay nang tahimik at walang gulo na taglay ang lubos na kabanalang maka-Diyos at kahinahunan.” Isinusog ni Pablo: “Ito ay mabuti at kalugud-lugod sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, na ang kalooban ay na lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:1-4.
Dahilan sa mga nangyaring ito sa Pangi, tayo’y kumbinsido na maraming taimtim na mga kabilang pa sa tribo ng Rega ang ‘magkakaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan’ at sa ganoo’y makakalaya sila sa pagkaalipin sa pandarayang likha ng pamahiin. Ang ganitong mga tao at ang iba pang tapat-puso sa buong lupa ay patuloy na hahanapin ng mga Saksi ni Jehova. Tayo’y nalulugod na kumilos nang may pananampalataya at ibahagi ang katotohanan ng Kaharian sa lahat ng umiibig sa katuwiran, kahit hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng Aprika.