Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 9/1 p. 8-10
  • Nananaig ang Katotohanan at Pananampalataya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nananaig ang Katotohanan at Pananampalataya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pananampalatayang May Gawa
  • Nanaig ang Pananampalataya at Katotohanan
  • Nagmartir sa Pananampalataya Nila!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Nagbayad ang mga Kriminal
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Paglutas sa Hiwaga ng Kimbilikiti
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Pinag-usig Dahil sa Pagsasabi ng Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 9/1 p. 8-10

Nananaig ang Katotohanan at Pananampalataya

DISIDIDO ang mga Saksi ni Jehova na sumamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Oo, dahilan sa pabalita ng Bibliya na kanilang ipinangangaral ay napapabilad ang kamalian, subalit tulad ni apostol Pablo sila’y nagtatanong: ‘Kami ba’y naging inyong mga kaaway dahilan sa sinasabi namin sa inyo ang katotohanan?’ (Galacia 4:16) Siempre hindi! Ang mga Kristiyanong ito ay umiibig sa kanilang kapuwa at nais nila na ang mga ito’y magtamo ng espirituwal na kalayaan na ang katotohanan lamang ang nagpapangyari.​—Juan 8:32.

Ang mga Saksi ay disidido rin na manatiling may matibay na pananampalataya, kahit na sila’y pinag-uusig dahilan sa pagsasabi ng katotohanan. Oo, ang pananampalataya ng mapagpakumbabang mga Kristiyano sa Pangi ay nagpapatunay na sa tulong ni Jehova ang kaniyang mga lingkod ay makapananatiling tapat sa kaniya hanggang sa wakas. Iyon ay baka ang wakas ng balakyot na sistemang ito na mga bagay o ang sariling kamatayan ng isang tao na namamatay nang may katapatan, marahil dahilan sa malupit na pag-uusig na ang may kagagawan ay mga taong relihiyoso.​—Mateo 24:13.

Ang Pananampalatayang May Gawa

Hindi lamang ang mga mangingibig sa katotohanan na mga pinagpapatay na iyon sa lalawigan ng Kivu ang nagpakita ng matibay na pananampalataya. Halimbawa, nariyan si Bingimeza Bunene, isang matanda nang sister. Dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki, si Malala Ramazani at Akilimali Walugaba, ang kabilang sa mga pinaslang sa Pangi. Ang lalong masama, mga matatanda sa tribo ang humikayat sa kaniyang asawang lalaki na sumama sa mga pumatay sa kaniyang pamangkin, si Amisi Melende. Nang ang dalawang anak na lalaki ng sister na ito at ang kaniyang pamangkin ay paslangin, siya’y itinakwil ng kaniyang buong pamilya, pati na ng kaniyang asawa. Gayumpaman, inaliw siya ng mga salita ng salmista: “Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayunma’y dadamputin ako ni Jehova.” (Awit 27:10) Ang kaniyang mga kapatid sa pananampalataya ang tumanggap at umaliw sa kaniya at pinaalalahanan siya tungkol sa kamangha-manghang pag-asa sa pagkabuhay-muli.

Ang asawa ng sister na ito, si Ramazani Musombwa, ay nabilanggo dahilan sa pagkasangkot niya sa kamatayan ng kaniyang pamangkin, subalit nang bandang huli ay nakalaya rin siya. Pagkatapos, inamin niya na siya ay humanga sa tibay ng loob ng kaniyang asawa at sa pag-ibig na ipinakita sa kaniya ng kaniyang mga kapuwa Saksi at sa naulilang mga manugang niya. Ngayon ang nasabing lalaki ay totoong nagsisisi at kaniyang sinasamahan ang kaniyang asawa sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Dahilan sa lubusang pagbabago ng lalaking ito, siya’y dumaranas ng maraming mga insulto at paglibak ngunit disidido siya na maglingkod kay Jehova mula ngayon.

Lahat ng mga iba pang naulilang mga asawang babae ay itinakwil ng kani-kanilang pamilya dahilan sa pagkatakot sa kamay ni Kimbilikiti. Lahat ng mga babaing ito ay nanindigang matatag at tumangging talikdan ang kanilang pananampalataya kay Jehova. Sila’y kinalinga ng kanilang mga kapananampalataya at natutupad sa kanila ang sinabi ni Jesus: “Walang sinumang nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita, na hindi tatanggap ng tig-iisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kalakip ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.”​—Marcos 10:29, 30.

Nanaig ang Pananampalataya at Katotohanan

Sa ngayon, balik na sa dati ang kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa Pangi. Lahat ng mga naulila at mga taong interesado na napilitang tumakas sa mga ibang nayon at mga bayan ay nagsibalik na sa kani-kanilang tahanan. Minsan pang ang mga Saksi ay nangangaral ng pabalita ng Kaharian doon, nang may panibagong sigasig at determinasyon. Sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaanan, sila’y katulad ng ‘mga kapatid na may tiwala dahilan sa mga tanikala ni Pablo at sila’y lalong nagkaroon ng tibay ng loob na salitain nang walang takot ang salita ng Diyos.’​—Filipos 1:14.

Mangyari pa, nakalulungkot ang pagkapatay sa walong tapat na mga lalaking Kristiyano sa Kongregasyon ng Pangi. Subalit isang ministrong payunir ang naglilingkod ngayon bilang punong tagapangasiwa, at ang mga lingkod ni Jehova roon sa kalagitnaang iyon ng Aprika ay may pagtitiwala sa pag-ibig sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, gaya ng ipinahahayag ng mga salita ni Pablo: “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo? Ang kapighatian ba o ang kahapisan o ang pag-uusig o ang gutom o ang kahubaran o ang panganib o ang tabak ba? . . . Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga lubusang mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umiibig.”​—Roma 8:35-39.

Subalit, bakit nga ipahihintulot ni Jehova ang pagpatay sa mga tapat na Saksing ito? Sa kasalukuyang marahas na daigdig na ito, maraming mga pangyayari na doo’y iniligtas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod. Sa paggawa ng gayon, ipinakikita niya kung papaano kaniyang maitatawid sila sa “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21; Isaias 26:20) Subalit, tulad ng sinabi ni Jesus sa Juan 16:1-3, baka may mga pagkakataon na kaniyang ipinahintulot sa mga mananalansang na kanilang aktuwal na patayin ang sinuman sa mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang pananatiling tapat sa ganiyang mga situwasyon, gaya ng ginawa ng ating tapat na mga kapatid sa lalawigan ng Kivu, ay nagsisilbing patotoo at katunayan na ang mga lingkod ng Diyos ay disidido na manatiling tapat hanggang kamatayan.​—Job 27:5; Kawikaan 27:11.

Nagugunita pa natin ang malaking pagpapatotoo na ibinunga pagkamatay noong unang siglo ng martir na si Esteban. (Gawa 8:1-8) Kaya baka dahil sa nangyaring pagpatay na iyon marami sa mga taong nasa tribo ng Rega at ang mga iba pa sa Zaire at saanman ay matamang mag-iisip tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya. Anong ligaya ng mga Saksi ni Jehova na sila’y makatulong sa gayong tapat-pusong mga tao upang ang mga ito ay makalaya buhat sa pagkatakot at pamahiin na kaugnay ng relihiyon ng Kimbilikiti! At anong laking kalayaan ang tatamasahin ng lahat ng tumatanggap sa kahanga-hangang katotohanan ng Diyos!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share