Paglutas sa Hiwaga ng Kimbilikiti
KIMBILIKITI ang relihiyon ng tribong Rega sa lalawigang Kivu, na naroon sa kalagitnaang-silangan ng Zaire. Ang mga lalaki ng tribong Rega ay nangangaso sa mga gubat, ang mga babae naman ay nangingisda sa mga ilog, at ang mga pami-pamilya ay nagtatanim. Subalit ang buhay ng lahat ng mga ito ay lubusang nasusupil ng Kimbilikiti, ang dakilang espiritu ng tribo na kailangang lubusang sundin nila. At kinakailangang ingatan nila nang buong higpit ang lahat ng lihim na may kinalaman sa pagsamba sa kaniya, sapagkat ang pagsisiwalat ng anuman sa mga lihim na ito ay pinarurusahan ng agad-agad na kamatayan. Sa katunayan, ang sinumang tututol sa pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya buhat sa kamay ng Kimbilikiti ay agad-agad ding pinapatay.
Papaano nga nag-umpisa ang relihiyong ito? Bilang sagot, kailangang suriin natin ang nakalipas.
Ang Pasimula ng Hiwaga
Sang-ayon sa alamat, sa pasimula ng kasaysayan ng tribong ito isang lalaki ang may tatlong anak na lalaki. Si Katima Rega, ang panganay, ay isang pangit na unano, na anupat napakapangit kung kaya’t hindi siya nakapag-asawa. Subalit ang isip niya ay totoong matalas at napakahusay ang kaniyang kakayahang gumuniguni. Siya’y mahilig kumain hanggang sa pagkabundat. Upang makakuha siya ng pagkain nang hindi nagtatrabaho, umimbento siya ng tulad-plautang mga instrumentong kawayan na pinagmumulan ng mga kakatwang tunog pagka hinipan. Kumuha rin siya ng kapirasong kahoy at kinortehan ng korteng-bangka at tinalian ng pisi sa isang dulo. Pagka ito’y mabilis na pinaikot mo sa itaas ng iyong ulo, ang maririnig mo’y isang malakas at nakapangingilabot na gumagaralgal na tunog.
Ayon sa alamat, sa kaniyang dalawang pamangkin unang sinubok ng imbentor na ito ang kaniyang pakanang iyon, at kinumbinse sila na ang tunog ay nanggaling sa isang espiritu at sa ganoo’y tinakot sila upang magnakaw ng pagkain at tabako buhat sa kaniyang dalawang kapatid at pagkatapos ay ibigay ito sa kaniya. Upang siya’y lalong makinabang, nagkubli siya sa mga puno at hinintay na ang mga babae ay makahuli ng isda at mailagay ito sa kanilang basket. Pagkatapos ay pinatunog niya ang kaniyang mga instrumento, kaya’t ang mga babae ay nagsibalik sa nayon na nangingilabot, at kanilang naiwanan ang kanilang húling isda.
Sa una, hindi pinaniwalaan ang mga balita ng nahihintakutang mga babae. Subalit nang mangyari iyon nang paulit-ulit at ang mga taganayon ay wala nang isdang makain, ang mga lalaki ay nanubok at kanilang pinagsalikupan ang “demonyo-hayop,” at wala silang nahuli kundi si Katima Rega. Ibig ng iba na patayin siya sa mismong sandaling iyon, subalit ang iba ay nag-isip na ang kaniyang ginawa ay totoong mautak at nagkaisa sila na kilalanin “ang tinig” bilang espiritu ng kanilang tribo. Kailangang pakaingatan ito bilang isang lihim at maging isang hiwaga sa lahat ng mga tagalabas. Bawat miyembro ng tribo ay kailangang sumunod sa lahat ng utos, mga instruksiyon, at mga tagubilin buhat sa “tinig,” ang espiritu ng gubat. Subalit ano ang dapat itawag dito? Lahat ay sumang-ayon nang isang mautak na matanda ng tribo ang nagmungkahi ng “Kimbilikiti.”
Kaya ganiyan nagkaroon ng relihiyon ang tribong Rega. Ang buong balangkas na mga alituntunin, mga kinaugalian, at mga pamahiin ay nakatayo sa palibot ng payak na pasimulang iyan. Nang sumapit ang panahon, tatlo pang ibang di nakikitang “mga espiritu” ang napadagdag bilang mga kasama ni Kimbilikiti. Si Kabile, na itinuturing kung minsan na kaniyang kapatid na babae at kung minsan naman ay kaniyang asawa, ay isang napakaganda at pambihirang babae. Lahat ng mga lalaki na tumutuntong na sa hustong edad ay ipinagpapalagay na makahimalang natutuli sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kaniya! Si Twamba, isang nakababatang kapatid na lalaki ni Kimbilikiti, ay mayroon daw taglay na pagkalaki-laking lakas na anupat siya’y nakalilikha ng mga bagyo, kaniyang naigigiba ang mga bahay, at iba pa. Ang kaniyang “tinig” ay naririnig sa pamamagitan ng pagpapatunog sa piraso ng kahoy na korteng-bangka! Ang ikatlong espiritu ay si Sabikangwa, o Mukungambulu. Siya’y isa pang nakababatang kapatid ni Kimbilikiti at nagsisilbing kaniyang mensahero.
Lihim na Ritwal sa Pagmimiyembro
Sa nakikitang dako naman, si Kimbilikiti ay kinakatawan ng isang herarkiya ng matataas na saserdote (ang matalinong si Bami). Isa sa kanila, tinatawag na Mukuli, ang nangunguna sa mga ritwal ng pagtutuli. Si Kitumpu, isa pang mataas na saserdote, ay nagsisilbing doktor at siya ang aktuwal na nagtutuli sa mga lalaki. Ang ikatlo, si Kilezi, ang nag-aalaga sa bagong katutuling mga batang lalaki. Ang gumaganap naman ng pagka-tagapamagitan sa kampo ng ritwal at ng ordinaryong mga taganayon ay ang Bikundi, isang grupo ng mga tinanggap na bilang mga miyembro.
Ang ritwal sa pagmimiyembro (tinatawag na Lutende) ay isinasagawa sa kaloob-looban ng gubat, ang ipinagpapalagay na tirahang-dako ni Kimbilikiti. Lihim na lihim ang mga ritwal na ito, at sinumang babae (hayop o tao man) na naliligaw doon ay agad-agad sinasakmal at pinapatay! Kung araw ng ritwal, nagdaraos ng mga kapistahan sa iba’t ibang nayon, at patu-patuloy hanggang sa umaga ang mga laro at pagsasayawan. Ito’y ginagawa upang subukin ang itatagal ng mga kabataang lalaki na tatanggapin bilang miyembro. Pagkatapos, sila’y nakikinig sa kasaysayan ni Kimbilikiti, kasali na ang lahat ng mga alamat na natipon sa buong lumipas na panahon. Ang mga kabataang lalaking ito ay pinapaniniwala na si Kimbilikiti at ang kaniyang kapatid at asawa pa na si Kabile ay talagang mga nilikha. Ang mga batang ito ay pinagsasabihan na maghanda sa pakikipagpunyagi kay Kabile, at pagkatapos ay makikipagtalik sila sa kaniya at matutuli sa kahima-himalang paraan. Kung ang sinuman sa kanila ay hindi makalampas sa dalawang pagsubok na ito, si Kabile ay magagalit at irireklamo sila kay Kimbilikiti, at ang sinumang hindi nakalampas na iyon ay uutasin na!
Subalit, minsang sila’y nasa gubat na, walang isa man sa mga bagay na sinabi sa kanila ang nasasaksihan nila. Sa halip, ang tatlong matataas na saserdote (si Mukuli, si Kitumpu, at si Kilezi) ay nagpapang-agaw at nagsusunggaban upang maisagawa ang pagtutuli. Iyan, ayon sa kanila, ang pakikipagpunyagi kay Kabile! Kung ang sugat ng isang batang tinuli ay hindi gagaling bago dumating ang takdang panahon para sa pagbabalik niya sa nayon, siya ay sinasakal hanggang sa malagutan ng hininga, sapagkat ang gayong kalagayan ay sisira sa pagkakilala sa alamat tungkol sa kahima-himalang pagtutuli pagkatapos na ang isa’y makipagtalik sa maganda at mahiwagang si Kabile.
Bagamat ganiyan na lang ang mataas na turing kay Kabile, sa mga oras ng seremonya ang mga batang lalaki ay tinuturuan ng malalaswang pagmumura na may kinalaman sa sekso upang gamitin nila laban sa mga babae, kasali na ang kanilang sariling mga ina at mga kapatid na babae. Pagka ang mga bagong miyembrong ito ay nagsibalik na sa kani-kanilang nayon, ang mga babae ay sapilitang pinahaharap sa kanila nang halos hubo’t-hubad at lumalakad na nangakaluhod at nagsisipagsayaw sa harap nila at sa ganoo’y humahantad sa kanila upang pagwikaan nila ng masasama.
Samantalang idinaraos ang ritwal, ang Bikundi (yaong mga dumaan na sa ritwal na ito) ay nagpupunta sa mga nayon at pilit na nanghihingi ng pagkain o anumang ari-arian. Ang mga pami-pamilya ay napipilitang magbigay ng anuman na hihingin para kay Kimbilikiti kasali na rito yaong mga nasa malalayo nang kampamento na pinagdarausan ng ritwal. Ang mga kalye ay sinasarhan at ang mga dumaraan doon ay obligado na magbayad ng anumang hingin ng mga sumasamba kay Kimbilikiti. Sa ganito naitataguyod ang orihinal na layunin ng “tinig”—ang pagkuha ng pagkain nang hindi pinaghihirapan iyon.
Kung gayon, ano nga bang talaga si Kimbilikiti? Ito’y isang panggagantso na ginagamitan ng mga ilang piraso ng kawayan! Para itaguyod ito ay gumawa ng isang sistema ng pananakot at ang kinakasangkapan nila ay ang pagkatakot sa kamatayan. (Hebreo 2:14, 15) Ang mga iba pang kinakasangkapan ay pamahiin, kasakiman, at kalaswaan. At lahat na ito ay pinamamalagi sa tulong ng isang herarkiya ng matataas na saserdote. Subalit papaano nga ito may kaugnayan sa pag-uusig na dinaranas ng mga Saksi ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 6]
“Plauta” ni Kimbilikiti
[Larawan sa pahina 7]
Mga tapat na Saksi sa lugar ng Pangi