Naglilingkod Bilang mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan
“Anong kahali-halina sa mga bundok ang mga paa niyaong . . . naghahayag ng kapayapaan.”—ISAIAS 52:7.
1, 2. (a) Gaya ng inihula sa Isaias 52:7, anong mabuting balita ang dapat na ipahayag? (b) Ano ang naging kahulugan ng makahulang mga salita ni Isaias sa kalagayan ng sinaunang Israel?
MAY mabuting balita na dapat ipahayag! Iyon ay balita ng kapayapaan—tunay na kapayapaan. Iyon ay mensahe ng kaligtasan na may kinalaman sa Kaharian ng Diyos. Noong unang panahon ay sumulat si propeta Isaias tungkol doon, at naingatan ang kaniyang mga salita para sa atin sa Isaias 52:7, na kababasahan natin: “Anong kahali-halina sa mga bundok ang mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’ ”
2 Kinasihan ni Jehova ang kaniyang propetang si Isaias upang isulat ang mensaheng iyan sa kapakinabangan ng sinaunang Israel at sa kapakinabangan natin sa ngayon. Ano ang kahulugan nito? Nang isulat ni Isaias ang mga salitang iyon, maaaring dinala na ng mga taga-Asirya ang hilagang kaharian ng Israel tungo sa pagkatapon. Sa dakong huli, ang mga naninirahan sa timugang kaharian ng Juda ay dadalhin bilang mga tapon sa Babilonya. Iyon ang mga araw ng paghihinagpis at kaligaligan sa bansa dahil sa hindi naging masunurin ang bayan kay Jehova at sa gayo’y walang pakikipagpayapaan sa Diyos. Gaya ng sinabi sa kanila ni Jehova, ang kanilang makasalanang paggawi ay nagiging sanhi ng agwat sa pagitan nila at ng kanilang Diyos. (Isaias 42:24; 59:2-4) Gayunman, sa pamamagitan ni Isaias ay inihula ni Jehova na sa takdang panahon ang mga pintuang daan ng Babilonya ay mabubuksan. Makalalaya ang bayan ng Diyos upang makabalik sa kanilang lupaing tinubuan, upang doon muling itayo ang templo ni Jehova. Isasauli ang Sion, at muling isasagawa sa Jerusalem ang pagsamba sa tunay na Diyos.—Isaias 44:28; 52:1, 2.
3. Paanong ang pangako tungkol sa pagsasauli sa Israel ay isa ring hula tungkol sa kapayapaan?
3 Isa ring hula ng kapayapaan ang pangakong ito ng kaligtasan. Ang pagkakabalik sa lupaing ibinigay ni Jehova sa mga Israelita ay magiging katunayan ng awa ng Diyos at ng kanilang pagsisisi. Ipakikita nito na sila’y may pakikipagpayapaan sa Diyos.—Isaias 14:1; 48:17, 18.
“Ang Iyong Diyos Ay Naging Hari!”
4. (a) Sa anong diwa masasabi na noong 537 B.C.E. si ‘Jehova ay naging hari’? (b) Paano minaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay sa kapakinabangan ng kaniyang bayan nang sumunod na mga taon?
4 Nang isagawa ni Jehova ang pagliligtas na ito noong 537 B.C.E., angkop na ipahayag sa Sion: “Ang iyong Diyos ay naging hari!” Totoo, si Jehova ang “Haring walang-hanggan.” (Apocalipsis 15:3) Subalit ang pagliligtas na ito sa kaniyang bayan ay isa pang pagtatanghal ng kaniyang soberanya. Sa isang pambihirang paraan, itinanghal nito ang kahigitan ng kaniyang kapangyarihan sa ibabaw ng pinakamakapangyarihang imperyo ng tao hanggang sa panahong iyon. (Jeremias 51:56, 57) Bunga ng pagkilos ng espiritu ni Jehova, nasugpo ang iba pang sabuwatan laban sa kaniyang bayan. (Esther 9:24, 25) Paulit-ulit na nakialam si Jehova sa iba’t ibang paraan upang pangyarihin na ang mga hari ng Medo-Persia ay makipagtulungan sa pagsasakatuparan ng kaniyang soberanong kalooban. (Zacarias 4:6) Ang kamangha-manghang mga pangyayaring naganap noon ay isinulat para sa atin sa mga aklat ng Bibliya na Ezra, Nehemias, Esther, Hagai, at Zacarias. At tunay ngang nakapagpapatibay ng pananampalataya na repasuhin ang mga ito!
5. Anong makahulugang mga pangyayari ang itinuturo ng Isaias 52:13–53:12?
5 Gayunman, ang naganap noong 537 B.C.E. at pagkatapos ay pasimula lamang. Karaka-raka kasunod ng hula sa kabanata 52 tungkol sa pagsasauli, sumulat si Isaias tungkol sa pagparito ng Mesiyas. (Isaias 52:13–53:12) Sa pamamagitan ng Mesiyas, na napatunayang si Jesu-Kristo, maglalaan si Jehova ng mensahe ng kaligtasan at kapayapaan na higit na makahulugan kaysa sa naganap noong 537 B.C.E.
Ang Pinakadakilang Mensahero ng Kapayapaan ni Jehova
6. Sino ang pinakadakilang mensahero ng kapayapaan ni Jehova, at anong atas ang ikinapit niya sa sarili?
6 Si Jesu-Kristo ang pinakadakilang mensahero ng kapayapaan ni Jehova. Siya ang Salita ng Diyos, ang personal na Tagapagsalita ni Jehova. (Juan 1:14) Kasuwato nito, sa isang panahon pagkatapos na mabautismuhan sa Ilog Jordan, si Jesus ay tumayo sa sinagoga sa Nazaret at bumasa nang malakas mula sa Isaias kabanata 61 tungkol sa kaniyang atas. Niliwanag ng atas na iyon na ang ipangangaral niya bilang sugo ay may kinalaman sa “pagpapalaya” at “pagpapanumbalik,” gayundin sa pagkakataon na makamit ang pagsang-ayon ni Jehova. Subalit, higit pa ang ginawa ni Jesus kaysa sa paghahayag lamang ng mensahe ng kapayapaan. Isinugo rin siya ng Diyos upang maglaan ng saligan para sa walang-hanggang kapayapaan.—Lucas 4:16-21.
7. Anong mga bunga buhat sa pakikipagpayapaan sa Diyos ang naging posible sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
7 Nang isilang si Jesus, nagpakita ang mga anghel sa mga pastol malapit sa Betlehem, anupat pinupuri ang Diyos at sinasabi: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” (Lucas 2:8, 13, 14) Oo, magkakaroon ng kapayapaan para sa mga pinagpakitaan ng Diyos ng kabutihang-loob dahil sa nanampalataya sila sa kaniyang paglalaan sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Ano ang ibig sabihin nito? Mangangahulugan ito na bagaman ang mga tao ay isinilang na makasalanan, maaari nilang makamit ang malinis na katayuan sa Diyos, ang isang sinang-ayunang kaugnayan sa kaniya. (Roma 5:1) Maaari nilang tamasahin ang kahinahunan, ang kapayapaan, na hindi posible sa ibang paraan. Sa panahong itinakda ng Diyos, magkakaroon ng pagpapalaya buhat sa lahat ng epekto ng kasalanang minana kay Adan, kasali na ang sakit at kamatayan. Hindi na mabubulag o mabibingi o mapipilay ang mga tao. Tuluyan nang mapapawi ang nakasisiphayong kahinaan at nakapanlulumong mga sakit sa isip. Magiging posible na tamasahin ang buhay sa kasakdalan magpakailanman.—Isaias 33:24; Mateo 9:35; Juan 3:16.
8. Kanino iniaalok ang maka-Diyos na kapayapaan?
8 Kanino inaalok ang maka-Diyos na kapayapaan? Inaalok iyon sa lahat ng sumasampalataya kay Jesu-Kristo. Isinulat ni apostol Pablo na ‘minabuti ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na ipagkasundong muli sa kaniyang sarili ang lahat ng iba pang mga bagay sa paggawa ng kapayapaan sa pamamagitan ng dugo na itinigis ni Jesus sa pahirapang tulos.’ Sinabi pa ng apostol na sa pagkakasundong muli na ito ay kasangkot ang “mga bagay sa mga langit”—samakatuwid nga, yaong mga makakasamang tagapagmana ni Kristo sa langit. Kasama rin doon ang “mga bagay sa ibabaw ng lupa”—samakatuwid nga, yaong mga pagkakalooban ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupang ito kapag ito’y lubusan nang naging Paraiso. (Colosas 1:19, 20) Dahil sa pagkakapit sa kanilang sarili ng halaga ng hain ni Jesus at dahil sa kanilang taos-pusong pagsunod sa Diyos, lahat ng ito ay magtatamasa ng matalik na pakikipagkaibigan sa Diyos.—Ihambing ang Santiago 2:22, 23.
9. (a) Ang pakikipagpayapaan sa Diyos ay may epekto sa anong iba pang pagsasamahan? (b) Sa layuning magdulot ng namamalaging kapayapaan sa lahat ng dako, anong awtoridad ang ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang Anak?
9 Tunay namang napakahalaga ang gayong pakikipagpayapaan sa Diyos! Kung walang pakikipagpayapaan sa Diyos, walang namamalagi o makabuluhang kapayapaan sa iba pang pagsasamahan. Ang pakikipagpayapaan kay Jehova ang siyang saligan para sa tunay na kapayapaan sa lupa. (Isaias 57:19-21) Angkop naman, si Jesu-Kristo ang Prinsipe ng Kapayapaan. (Isaias 9:6) Sa isang ito na sa pamamagitan niya’y maipagkakasundong muli ang mga tao sa Diyos, ipinagkatiwala rin ni Jehova ang awtoridad na mamahala. (Daniel 7:13, 14) At hinggil sa mga bunga ng malaprinsipeng pamamahala ni Jesus sa sangkatauhan, nangangako si Jehova: “Ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:7; Awit 72:7.
10. Paano nagpakita si Jesus ng halimbawa sa paghahayag ng mensahe ng kapayapaan ng Diyos?
10 Kailangan ng lahat ng tao ang mensahe ng kapayapaan ng Diyos. Personal na nagpakita ng masigasig na halimbawa si Jesus sa pangangaral nito. Ginawa niya iyon sa lugar ng templo sa Jerusalem, sa tabi ng bundok, sa daan, sa isang babaing Samaritana sa tabi ng balon, at sa tahanan ng mga tao. Saanman may mga tao, nangaral si Jesus tungkol sa kapayapaan at sa Kaharian ng Diyos.—Mateo 4:18, 19; 5:1, 2; 9:9; 26:55; Marcos 6:34; Lucas 19:1-10; Juan 4:5-26.
Sinanay Upang Lumakad sa Yapak ni Kristo
11. Para sa anong gawain sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad?
11 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang mensahe ng kapayapaan ng Diyos. Kung paanong si Jesus ang “saksing tapat at totoo” para kay Jehova, kinilala nila na mayroon din silang pananagutan na magpatotoo. (Apocalipsis 3:14; Isaias 43:10-12) Bumaling sila kay Kristo bilang kanilang Lider.
12. Paano ipinakita ni Pablo ang kahalagahan ng gawaing pangangaral?
12 Nangatuwiran si apostol Pablo hinggil sa kahalagahan ng gawaing pangangaral, anupat sinabi: “Sinasabi ng Kasulatan: ‘Walang sinumang naglalagak ng kaniyang pananampalataya sa kaniya ang mabibigo.’ ” Samakatuwid nga, walang sinumang nananampalataya kay Jesu-Kristo bilang Punong Ahente ni Jehova ng kaligtasan ang mabibigo. At hindi hadlang ang lahing pinagmulan ng isa, sapagkat sinabi pa ni Pablo: “Walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, sapagkat may iisang Panginoon sa lahat, na mayaman sa lahat niyaong tumatawag sa kaniya. Sapagkat ‘ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ ” (Roma 10:11-13) Subalit paano malalaman ng mga tao ang tungkol sa pagkakataong iyan?
13. Ano ang kailangan upang marinig ng mga tao ang mabuting balita, at paano tumugon ang unang-siglong mga Kristiyano sa pangangailangang iyan?
13 Tinalakay ni Pablo ang pangangailangang iyan sa pamamagitan ng pagbabangon ng mga tanong na makabubuting pag-isipan ng bawat lingkod ni Jehova. Nagtanong ang apostol: “Paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila napaglagakan ng pananampalataya? Paano naman sila maglalagak ng pananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral? Paano naman sila mangangaral malibang isinugo sila?” (Roma 10:14, 15) Ang rekord ng sinaunang Kristiyanismo ay nagtataglay ng mahusay na patotoo na ang mga lalaki at babae, bata at matanda, ay tumugon sa halimbawang iniwan ni Kristo at ng kaniyang mga apostol. Sila’y naging masisigasig na tagapaghayag ng mabuting balita. Bilang pagtulad kay Jesus, nangaral sila sa mga tao saanman nila matatagpuan ang mga ito. Palibhasa’y hindi nais na may makaligtaan, isinagawa nila ang kanilang ministeryo kapuwa sa madla at sa bahay-bahay.—Gawa 17:17; 20:20.
14. Paano napatunayang totoo na “kahali-halina” “ang mga paa” niyaong naghahayag ng mabuting balita?
14 Mangyari pa, hindi lahat ay may kabaitang tumanggap sa mga Kristiyanong mangangaral. Gayunpaman, napatunayang totoo ang sinipi ni Pablo sa Isaias 52:7. Pagkatapos itanong, ‘Paano sila mangangaral malibang isinugo sila?’ idinagdag niya: “Gaya ng nasusulat: ‘Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ” Hindi natin karaniwang iniisip na ang ating mga paa ay kahali-halina, o maganda. Kaya, ano kaya ang ibig sabihin nito? Ang mga paa ang karaniwan nang nagdadala sa isang tao kapag siya’y lumalabas upang mangaral sa iba. Ang talagang kinakatawan ng gayong mga paa ay ang mismong tao. At makatitiyak tayo na para sa marami na nakarinig ng mabuting balita buhat sa mga apostol at sa mga unang-siglong alagad ni Jesu-Kristo, talaga namang napakagandang tanawin ang mga naunang Kristiyanong ito. (Gawa 16:13-15) Higit pa riyan, sila’y napakahalaga sa paningin ng Diyos.
15, 16. (a) Paano ipinakita ng naunang mga Kristiyano na sila’y tunay na mga mensahero ng kapayapaan? (b) Ano ang makatutulong sa atin na maisagawa ang ating ministeryo sa paraang katulad ng ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano?
15 Ang mga tagasunod ni Jesus ay may mensahe ng kapayapaan, at inihatid nila ito sa isang mapayapang paraan. Ganito ang tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Saanman kayo pumasok sa isang bahay sabihin muna, ‘Nawa’y magkaroon ng kapayapaan ang bahay na ito.’ At kung naroon ang isang kaibigan ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kaniya. Ngunit kung wala, babalik ito sa inyo.” (Lucas 10:5, 6) Ang sha·lohmʹ, o “kapayapaan,” ay isang kinaugaliang pagbati ng mga Judio. Gayunman, higit pa rito ang nasasangkot sa tagubilin ni Jesus. Bilang “mga embahador na humahalili para kay Kristo,” hinimok ng kaniyang pinahirang mga alagad ang mga tao: “Makipagkasundo kayo sa Diyos.” (2 Corinto 5:20) Kasuwato ng tagubilin ni Jesus, nakipag-usap sila sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang magiging kahulugan nito para sa bawat isa sa kanila. Pinagpala yaong mga nakinig; nalugi yaong mga tumanggi sa mensahe.
16 Isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang kanilang ministeryo sa gayunding paraan. Hindi sa kanila ang mabuting balita na dinadala nila sa mga tao; iyon ay sa Isa na nagsugo sa kanila. Inatasan sila na ihatid iyon. Kung tinatanggap iyon ng mga tao, inihahanay nila ang kanilang sarili para sa kamangha-manghang mga pagpapala. Kung tinatanggihan nila iyon, tinatanggihan nila ang pakikipagpayapaan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Lucas 10:16.
Mapayapa sa Isang Maligalig na Sanlibutan
17. Kahit na kapag napaharap sa mapanlibak na mga tao, paano tayo dapat na gumawi, at bakit?
17 Anuman ang tugon ng mga tao, mahalaga na isaisip ng mga lingkod ni Jehova na sila’y mga mensahero ng maka-Diyos na kapayapaan. Ang mga tao sa sanlibutan ay maaaring makipagtalo at magalit sa pamamagitan ng masasakit na salita o panlilibak sa mga nakayayamot sa kanila. Marahil ay ganiyan ang ginagawa noon ng ilan sa atin. Subalit, kung nagsuot na tayo ng bagong personalidad at ngayo’y hindi na tayo bahagi ng sanlibutan, hindi natin tutularan ang kanilang landasin. (Efeso 4:23, 24, 31; Santiago 1:19, 20) Anuman ang ikilos ng iba, ikakapit natin ang payo: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
18. Paano tayo dapat na tumugon kung ang isang opisyal ng bayan ay mahigpit sa atin, at bakit?
18 Kung minsan ay maaaring mapaharap tayo sa mga opisyal ng bayan dahil sa ating ministeryo. Sa paggigiit ng kanilang awtoridad, baka sila’y ‘mahigpit na humingi sa atin’ ng paliwanag kung bakit ginagawa natin ang ilang bagay o kung bakit hindi tayo nakikibahagi sa ilang partikular na gawain. Baka ibig nilang malaman kung bakit natin ipinangangaral ang ating mensahe—na nagbubunyag sa huwad na relihiyon at nagsasabi tungkol sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Pakikilusin tayo ng ating paggalang sa halimbawang ipinakita ni Kristo na maging mahinahon at mapitagan. (1 Pedro 2:23; 3:15) Kadalasan, ang gayong mga opisyal ay ginigipit ng klero o marahil ng mga nakatataas sa kanila. Baka makatulong ang isang mahinahong sagot upang maunawaan nila na ang ating gawain ay hindi banta sa kanila o sa kapayapaan ng komunidad. Ang gayong tugon ay nagbubunga ng espiritu ng paggalang, pagtutulungan, at kapayapaan sa mga tumatanggap nito.—Tito 3:1, 2.
19. Sa anong mga gawain hindi kailanman nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova?
19 Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa buong lupa bilang isang bayan na hindi nakikibahagi sa mga alitan sa daigdig. Hindi sila nasasangkot sa mga alitan sa sanlibutan may kinalaman sa lahi, relihiyon, o sa pulitika. (Juan 17:14) Dahil sa itinuturo sa atin ng Salita ng Diyos na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad,” hindi man lamang sasagi sa ating isip na makibahagi sa hindi pagsunod sa mga utos ng pamahalaan upang magprotesta sa mga patakaran nito. (Roma 13:1) Hindi kailanman sumasali ang mga Saksi ni Jehova sa anumang kilusan na may layuning ibagsak ang isang pamahalaan. Dahil sa mga pamantayang itinakda ni Jehova para sa kaniyang Kristiyanong mga lingkod, talagang hindi sila dapat na makibahagi sa pagbububo ng dugo o anumang uri ng karahasan! Hindi lamang nagsasalita ng tungkol sa kapayapaan ang mga tunay na Kristiyano; namumuhay sila kasuwato ng kanilang ipinangangaral.
20. Kung tungkol sa kapayapaan, ano ang rekord ng Babilonyang Dakila?
20 Ibang-iba sa mga tunay na Kristiyano, yaong kumakatawan sa mga relihiyosong organisasyon sa Sangkakristiyanuhan ay hindi napatunayang mga mensahero ng kapayapaan. Ang mga relihiyon ng Babilonyang Dakila—ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan gayundin ang di-Kristiyanong mga relihiyon—ay nagbigay-katuwiran, sumuporta, at sa aktuwal ay nanguna sa mga digmaan ng mga bansa. Sinulsulan din nila ang pag-uusig at maging ang pagpatay sa tapat na mga lingkod ni Jehova. Kaya naman tungkol sa Babilonyang Dakila, ganito ang ipinahayag ng Apocalipsis 18:24: “Nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.”
21. Paano tumutugon ang maraming tapat-pusong tao kapag nakikita nila ang kaibahan sa paggawi ng bayan ni Jehova at niyaong nagsasagawa ng huwad na relihiyon?
21 Di-tulad ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at ng natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila, ang tunay na relihiyon ay isang positibong puwersa sa pagkakaisa. Sa kaniyang tunay na mga tagasunod, sinabi ni Jesu-Kristo: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Iyan ang pag-ibig na lumalampas sa pambansa, panlipunan, pangkabuhayan, at panlahing mga hangganan na ngayo’y naghahati sa iba pang bahagi ng sangkatauhan. Palibhasa’y nasaksihan ito, milyun-milyong tao sa lupa ang nagsasabi sa pinahirang mga lingkod ni Jehova: “Kami ay sasama sa inyo, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.”—Zacarias 8:23.
22. Paano natin minamalas ang pagpapatotoo na dapat pang gawin?
22 Bilang bayan ni Jehova, labis tayong nagagalak sa mga naisagawa na, subalit hindi pa tapos ang gawain. Pagkatapos maghasik ng binhi at maglinang ng kaniyang bukid, hindi humihinto ang isang magsasaka. Patuloy siyang gumagawa, lalo na sa kasukdulan ng panahon ng pag-aani. Sa panahon ng pag-aani ay kailangan ang patuloy at ibayong pagsisikap. At ngayon higit kailanman ay may mas malaking pag-aani ng mga mananamba ng tunay na Diyos. Ito ang panahon ng pagsasaya. (Isaias 9:3) Totoo, napapaharap tayo sa pagsalansang at kawalang-interes. Bilang mga indibiduwal, baka nakikipagpunyagi tayo sa malubhang karamdaman, maiigting na kalagayan sa pamilya, o kahirapan sa buhay. Subalit ang pag-ibig kay Jehova ay nag-uudyok sa atin na magtiyaga. Kailangang marinig ng mga tao ang mensaheng ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Iyon ay isang mensahe ng kapayapaan. Oo, iyon ang mensahe na ipinangaral ni Jesus mismo—ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Ano ang Iyong Sagot?
◻ Paano natupad ang Isaias 52:7 sa sinaunang Israel?
◻ Paano napatunayang si Jesus ang pinakadakilang mensahero ng kapayapaan?
◻ Paano iniugnay ni apostol Pablo ang Isaias 52:7 sa gawain ng mga Kristiyano?
◻ Ano ang nasasangkot sa pagiging mga mensahero ng kapayapaan sa ating kaarawan?
[Mga larawan sa pahina 13]
Tulad ni Jesus, ang mga Saksi ni Jehova ay mga mensahero ng maka-Diyos na kapayapaan
[Mga larawan sa pahina 15]
Nananatiling mapayapa ang mga Saksi ni Jehova anuman ang tugon ng mga tao sa mensahe ng Kaharian