Kung Papaano Makikilala ang Tunay na mga Ministro ng Diyos
ITO’Y nangyari noong 1948. Dalawang ministro, mga Saksi ni Jehova, ang nagbibiyahe sakay ng isang sira-sirang bus sa isang lubak-lubak na daan, nanggagaling sa isang bayan sa hilagang Espanya patungo sa direksiyon ng mga Bundok ng Pyrenees. Sila’y nagbibiyahe upang dumalaw sa isang ministrong nasa isang ilang na lugar. Nang ang bus ay huminto sa isang lugar na pinakamalapit sa nayon na kinatitirhan ng ministro, kanilang napansin na siya’y naroroon na at naghihintay sa kanila kasama ng kaniyang asno. Ngunit kanila ring napansin sa karatig-pook ang isang pambihirang grupo—apat na sandatahang Guwardiya Sibil at isang pari! Samantalang ang mga ministro’y paakyat sa matarik na landas na patungo sa nayon, isa sa mga Guwardiya ang nagbunot ng kaniyang rebolber at sumigaw, “Manos arriba!” (Taas ang mga kamay!) Ang mga panauhin ay inaresto. Bakit? Sinabi pala ng pari sa mga Guwardiya na ang mga panauhin ay mga terorista—isang pusakal na kasinungalingan! Kaya naman, lahat ng tatlong ministro ay ipiniit.
Ano ba ang pinatutunayan nito? Na hindi lahat ng nag-aangking pari o mga ministro ay mga tunay na ministro ng Diyos. Sa katunayan, malimit na mayroong malaking pagkakaiba ang tunay at ang di-tunay na mga ministro. Ano ba ang mga pangunahing kahilingan para sa mga tunay na ministro?
Ang mga Kahilingan Para sa Tunay na mga Ministro
Ang pangunahing kahulugan ng “magministro” ay “magsagawa ng pagtulong o paglilingkod.” Ang tunay na mga ministrong Kristiyano ay kailangang may matatag na paniwala na ang Bibliya ay siyang kinasihang Salita ng Diyos. (Juan 17:17) Gayunman, ang pangunahing kahilingang iyan ay hindi sapat. Sila’y kailangan ding may mabuting kaalaman at kaunawaan sa Bibliya. Subalit hindi nila kailangang gamitin ang kaalamang iyan nang may kaimbutan—para sa kanilang sariling kapakinabangan lamang. Sila’y dapat ding masigasig na mga tagapangaral ng Ebanghelyo—ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos at ng pag-asa sa buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso.—Juan 17:3; Awit 37:11, 29.
Siyanga pala, yamang ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian hindi lamang sa Espanya kundi sa buong daigdig kaya naman ito’y katuparan ng inihula ni Jesus para sa panahon ng katapusan ng balakyot na matandang sistemang ito ng mga bagay. Sinabi niya: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14, 33, 34.
Ang isa pang pangunahing kahilingan sa mga tunay na ministro ay na, gaya ng sinabi ni Jesus, dapat silang “hindi bahagi ng sanlibutan”; samakatuwid, sila’y dapat lumayo sa pulitika. (Juan 15:19) Sila’y dapat din na maging totoong mapagpakumbaba, mapagmahal, at mabait, laging handa na tumulong sa mga taong karapatdapat tulungan.—1 Corinto 13:1, 4; 1 Pedro 5:6.
Ito ay isang napakamaselang bagay. Ang pagkakilala sa kung sino ang tunay at ang di-tunay na mga ministro ay kinasasaligan ng buhay at kamatayan. Ganiyang kaselan iyan! Sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, si Jesus ay nagbabala: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa, datapuwat sa loob ay mga lobong maninila.”—Mateo 7:15.
Gayunman, ang tunay na mga ministro ng Diyos ay hindi lamang may mga gawain at nakaatang na mga kahilingan na dapat gampanan kundi sila’y mayroon ding maraming pribilehiyo. Sa katunayan, bilang isang grupo, sila ang may pinakamaraming pribilehiyo, ang pinakamatagumpay, at pinakamaligayang grupo sa lupa ngayon, gaya ng makikita ninyo sa susunod na artikulo.