Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Inaalalayan ni Jehova ang Kaniyang Tapat na mga Lingkod
SINABI ni Jesus: “Ang alipin ay hindi dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Subalit ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay binibigyan ng kasiguruhan na kaniyang aalalayan sila. (Awit 18:2; Nahum 1:7) Sa isang bansa sa Aprika na kung saan ang mapayapang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hinihigpitang totoo, inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa gitna ng mga pambubugbog at mga pag-aresto, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na ulat:
“Isang tagapangasiwa ng sirkito at apat na lokal na mga kapatid ang walang katuwirang inaresto at ikinulong sa isang munting silid na karaniwang pinagdadalhan sa ligaw na mga asong nangahuli,” ang sabi ng report. “Sila’y ikinulong doon nang may 123 araw na nakasuot lamang ng kanilang panloob na mga damit at sila’y hindi man lamang pinayagang pumunta sa kasilyas.” Isang miyembro ng Parliamento ang nakabalita tungkol sa di-makataong mga kalagayan at nagprotesta, at sa wakas, pagkalipas ng 123 araw, ang mga kapatid ay pinalaya. Ang tapat na mga kapatid na ito ay inalalayan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.
Isa pang karanasan buhat sa bansa ring ito ang nagpapakita ng mabuting epekto ng ating pangangaral. Ganito ang ulat: “Sa isang nayon, ang mga tao’y napabantog dahil sa karahasan at paghihimagsik. Subalit, pagkatapos na makapangaral doon ang mga Saksi ni Jehova, marami ang gumalang sa lokal na mga maykapangyarihan at nagsimulang nakibahagi sa lingguhang pampamayanang gawain sa mga kalye.” Isang lokal na pinuno ang naghangad na malaman ang dahilan sa pagbabagong ito sa saloobin ng mga mamamayan at sa kaniya’y sinabi: “Ang dahilan ay ang turo ng ‘pastor’ ng mga Saksi ni Jehova.” “Isang araw ako’y inanyayahan ng pinunong ito sa kaniyang bahay,” ang sabi ng Saksi, “at hinimok niya ako na ipagpatuloy ang mabuting gawaing ito. Ako’y niregaluhan niya ng isang malaking manok upang kainin naming mag-anak.” Sa isa pang pagkakataon, ang alkalde sa lugar na iyon ay dumalaw sa kapatid, at siya naman ay inanyayahan ng kapatid at nagbigay-patotoo sa kaniya. Ang alkalde ay “humingi ng ilang mga magasin at ang sabi, ‘Hindi namin inaakalang kayo’y gumagawa ng anumang pinsala. Patuloy na kayo’y umapila. Sa amin ay walang utos na arestuhin kayo. Inaakala kong malapit nang pakialaman ng Estado ang inyong problema.’”
Isang espesyal payunir ang sumulat: “Pagkatapos na akusahan ng kalihim ng partido pulitikal, ang lokal na pinuno ay nag-utos na ako’y arestuhin at ikulong sa isang marungis na seldang dinumhan ng ihi at dumi ng mga hayop. Limang araw na ako’y inilagay sa kadilimang ito. Nang ako’y papunta pa lamang doon, nanalangin ako kay Jehova at nagunita ko ang Awit 50:15. Ang mga guwardiya roon ay naawa sa akin at hindi nila inilapat nang husto ang pintuan upang ako’y makalanghap ng kaunting sariwang hangin. Pagkaraan ng limang araw sa piitang ito, ako’y dinaan sa pagsubok nang kanilang bigyan ako ng isang kambing upang dalhin sa lokal na pinuno, at walang guwardiya na nagbabantay sa akin. Palibhasa’y hindi ako tumakas, ako’y binigyang-kalayaan araw-araw mula ika-3:00 n.h. hanggang ika-7:00 n.g. Maaari akong makisama sa mga kapatid, at kami’y nangangaral nang magkakasama. Kahit na ako’y nagkasakit sa mahirap na panahong ito at inasahan ng aking mga kaaway na ako’y mamamatay, kailanman ay hindi ako pinabayaan ni Jehova. Ang karanasang ito ay lalong nagpalapit sa akin kay Jehova, at natitiyak ko na kahit ang pag-uusig ay hindi kailanman maghihiwalay sa akin sa bayan ni Jehova.”—Ihambing ang Roma 8:35-39.
Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova kung papaano inaalalayan sila ng Diyos sa mga panahon ng kahirapan. Kanila ring pinahahalagahan yaong nagpapakita ng kabaitan sa kanila samantalang ginagawa nila ang pinakamahalagang nagliligtas-buhay na gawaing ito ng pangangaral ng mabuting balita. Hindi nalilimutan ni Jehova ang gayung kabaitan.—Mateo 25:40.