Ang Pagpapasakop sa Diyos—Bakit at Nino?
“Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.”—JEREMIAS 10:23.
1. Anong mga anyo ng kasarinlan ang pinahahalagahan ng marami?
ISA sa pinakatanyag na dokumento ay ang Deklarasyon ng Kasarinlan, na sa pamamagitan nito 13 kolonyang Britano sa Hilagang Amerika noong ika-18 siglo ang nagdeklara ng kanilang kasarinlan buhat sa kanilang inang bansa, ang Britanya. Ibig nila ng kalayaan, at ang kasarinlan buhat sa kapangyarihan ng banyaga at ang kalayaan ay magkasama. Ang kasarinlang pampulitika at pangkabuhayan ay maaaring maging isang malaking kapakinabangan. Noong kamakailan ang ilan sa mga bansa sa Silangang Europa ay kumilos tungo sa kasarinlang makapulitika. Gayunman, kailangang aminin na sa mga bansang iyon ang gayong kasarinlan ay may dalang maraming malulubhang suliranin.
2, 3. (a) Anong anyo ng kasarinlan ang hindi kanais-nais? (b) Papaanong sa pasimula pa lamang ay buong tinding niliwanag ang bagay na ito?
2 Bagaman kanais-nais ang sari-saring anyo ng kasarinlan, may isang anyo ng kasarinlan na hindi kanais-nais. Ano iyon? Ang kasarinlan buhat sa Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova. Iyan ay hindi isang pagpapala kundi isang sumpa. Bakit? Sapagkat kailanman ay hindi nilayon na kumilos ang tao na hiwalay sa kaniyang Maylikha, gaya ng angkop na ipinakikita ng mga salita ni propeta Jeremias na sinipi sa itaas. Sa ibang pananalita, ang tao ay nilayon na pasakop sa kaniyang Maylikha. Ang pagpapasakop sa ating Manlilikha ay nangangahulugan ng pagiging masunurin sa kaniya.
3 Ang bagay na iyan ay buong tinding niliwanag sa unang mag-asawa ng utos sa kanila ni Jehova na nasusulat sa Genesis 2:16, 17: “Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.” Dahil sa pagtangging pasakop sa kaniyang Maylikha ang idinulot nito kay Adan at sa lahat ng kaniyang supling ay kasalanan, pagdurusa, at kamatayan.—Genesis 3:19; Roma 5:12.
4, 5. (a) Ano ang naging resulta ng pagtanggi ng mga tao na pasakop sa Diyos? (b) Anong batas moral ang hindi maiiwasan?
4 Ang pagtanggi ng mga tao na pasakop sa Diyos ay kamangmangan at gayundin paglabag sa batas moral. Sa sanlibutan ang resulta nito ay malaganap na katampalasanan, krimen, karahasan, at seksuwal na imoralidad lakip na ang mga bunga nito na mga sakit na naililipat ng pagtatalik. Bukod dito, hindi ba ang kasalukuyang salot ng mga krimen ng kabataan ay sa kalakhang bahagi likha ng pagtanggi ng mga kabataan na pasakop kay Jehova, gayundin sa kanilang mga magulang at sa mga batas ng bansa? Ang espiritung ito ng pagsasarili ay makikita sa kakatwa at nanlilimahid na paraan ng pananamit ng maraming tao at sa malaswang mga salita na kanilang ginagamit.
5 Subalit hindi maiiwasan ninuman ang di-nababagong batas moral ng Manlilikha: “Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman.”—Galacia 6:7, 8.
6, 7. Ano ba ang ugat na pinagmumulan ng pagtangging pasakop, gaya ng makikita sa anong mga halimbawa?
6 Ano ba ang ugat na pinagmumulan ng pagtangging ito na pasakop? Sa simpleng pangungusap, iyon ay pag-iimbot at pagmamataas. Iyan ang dahilan kung bakit si Eva, ang unang babae, ay napadaya sa ahas at kumain ng ibinawal na bungang-kahoy. Kung siya ay naging mababang-loob at mapagpakumbaba, ang tukso na tumulad sa Diyos—na nagpapasiya sa kaniyang sarili kung ano ang mabuti at masama—ay hindi sana nakaakit sa kaniya. At kung siya ay hindi naging mapag-imbot, di sana’y hindi siya nagnasa ng isang bagay na tahasang ipinagbawal ng kaniyang Maylikha, ang Diyos na Jehova.—Genesis 2:16, 17.
7 Hindi nagtagal pagkatapos na magkasala sina Adan at Eva, ang pagmamataas at pag-iimbot ang humila kay Cain na paslangin ang kaniyang kapatid na si Abel. Gayundin, ang pag-iimbot ang nagtulak sa ibang mga anghel na kumilos nang makasarili, nilisan ang kanilang dating katayuan at nagkatawang-tao upang magpakasawa sa mga pita ng laman. Ang pagmamataas at pag-iimbot ang nag-udyok kay Nimrod at naging kaugalian na ng karamihan ng makasanlibutang mga tagapamahala sapol ng kaniyang panahon.—Genesis 3:6, 7; 4:6-8; 1 Juan 3:12; Judas 6.
Kung Bakit Kailangang Tayo ay Magpasakop sa Diyos na Jehova
8-11. Ano ang apat na matitinding dahilan upang tayo’y pasakop sa ating Maylikha?
8 Bakit tayo kailangang magpasakop sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova? Una sa lahat dahilan sa siya ang Pansansinukob na Soberano. Siya ang may karapatang humawak ng lahat ng awtoridad. Siya ang ating Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari. (Isaias 33:22) Totoo ang pagkasulat tungkol sa kaniya: “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.”—Hebreo 4:13.
9 Isa pa, yamang ang ating Maylikha ay makapangyarihan-sa-lahat, walang sinumang magtatagumpay ng pagsalansang sa kaniya; walang sinuman na makapagwawalang-bahala sa kanilang obligasyon na pasakop sa Kaniya. Sa malaon at madali, yaong mga tumatanggi ay pupuksain tulad ni Faraon noong sinaunang panahon at ni Satanas na Diyablo pagdating ng takdang panahon ng Diyos.—Awit 136:1, 11-15; Apocalipsis 11:17; 20:10, 14.
10 Ang pagpapasakop ay obligasyon ng lahat ng matalinong nilalang sapagkat sila’y umiiral ukol sa layuning maglingkod sa kanilang Maylikha. Ang Apocalipsis 4:11 ay nagsasabi: “Karapat-dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahilan sa iyong kalooban kung kaya sila ay umiral at nangalalang.” Siya ang Dakilang Magpapalayok, at pinangyayari niya na ang mga taong sisidlan ay magsilbi sa kaniyang layunin.—Isaias 29:16; 64:8.
11 Huwag nating kalilimutan ang bagay na ang ating Maylikha ay sakdal-dunong, kaya batid niya kung ano ang pinakamagaling para sa atin. (Roma 11:33) Ang kaniyang mga batas ay ‘ukol sa ating ikabubuti.’ (Deuteronomio 10:12, 13) Higit sa lahat, “ang Diyos ay pag-ibig,” kaya wala siyang nais kundi ang pinakamagaling para sa atin. Anong daming matitinding dahilan upang tayo’y pasakop sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova!—1 Juan 4:8.
Si Jesu-Kristo, ang Sakdal na Halimbawa ng Pagpapasakop sa Diyos
12, 13. (a) Papaano nagpakita si Jesu-Kristo ng pagpapasakop sa Diyos? (b) Anong mga salita ni Jesus ang nagpapakita ng kaniyang saloobing mapagpasakop?
12 Tiyak, ang bugtong na Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, ang nagbibigay sa atin ng sakdal na halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos. Ito’y binanggit ni apostol Pablo sa Filipos 2:6-8: “[Si Jesus], bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya pinag-isipang mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ng kaluwalhatian ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya ay nasa anyong tao na, siya ay nagpakababa [pa rin] at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.” Nang narito sa lupa, paulit-ulit na sinabi ni Jesus na wala siyang ginawang anuman sa ganang sarili niya; hindi siya kumilos ng kaniyang sarili, kundi laging nagpapasakop sa kaniyang Ama sa langit.
13 Ating mababasa sa Juan 5:19, 30: “Sinabi sa kanila ni Jesus: ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi yaon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng bagay na Kaniyang ginagawa, ay ito rin ang ginagawa ng Anak sa ganoon ding paraan. Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili; humahatol ako ayon sa aking narinig; at ang paghatol ko ay matuwid, sapagkat pinaghahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.’ ” Gayundin, paulit-ulit na siya’y nanalangin noong gabing ipagkakanulo siya: “Huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.”—Mateo 26:39, 42, 44; tingnan din ang Juan 7:28; 8:28, 42.
Sinaunang mga Halimbawa ng Pagpapasakop sa Diyos
14. Sa anu-anong paraan ipinakita ni Noe ang pagpapasakop sa Diyos?
14 Kabilang sa sinaunang mga halimbawa ng mga taong nagpasakop sa Diyos ay si Noe. Kaniyang ipinakita ang kaniyang pagpapasakop sa tatlong paraan. Una, sa pamamagitan ng pagiging isang taong matuwid, walang kapintasan sa gitna ng mga tao noong kaniyang kapanahunan, lumakad na kaalinsabay ng tunay na Diyos. (Genesis 6:9) Ikalawa, sa pamamagitan ng pagtatayo ng daong. Kaniyang “ginawa iyon ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Gayon nga ang kaniyang ginawa.” (Genesis 6:22) Ikatlo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng babala ng napipintong Delubyo bilang “isang mangangaral ng katuwiran.”—2 Pedro 2:5.
15, 16. (a) Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Abraham kung tungkol sa pagpapasakop sa Diyos? (b) Papaano nagpakita si Sara ng pagpapasakop?
15 Si Abraham ay isa pang litaw na halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos. Siya’y nagpakita ng pagpapasakop sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Diyos: “Umalis ka sa iyong lupain.” (Genesis 12:1) Iyan ay nangangahulugan na iiwanan niya ang kaniyang maalwang pamumuhay sa Ur (hindi isang karaniwang siyudad, gaya ng ipinakita ng mga tuklas ng mga arkeologo) upang mamuhay na palipat-lipat sa isang lupaing banyaga sa loob ng sandaang taon. Si Abraham ay lalong higit na nagpakita ng pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pagtatagumpay sa malaking pagsubok na pagiging handang ihandog ang kaniyang anak na si Isaac.—Genesis 22:1-12.
16 Ang asawa ni Abraham na si Sara ay nagbibigay sa atin ng isa pang mainam na halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos. Ang pagpapalipat-lipat sa isang naiibang lupain ay tiyak na nagdala ng maraming kahirapan, ngunit saanma’y wala tayong nababasa na siya’y nagreklamo. Siya ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos sa dalawang pagkakataon nang sa harap ng paganong mga pinunò ay sinabi ni Abraham na siya’y kaniyang kapatid na babae. Sa parehong pagkakataon si Sara ay nakipagtulungan, bagaman dahil doon siya ay muntik nang maging isa sa maraming asawa ng mga pinunong pagano. Isang nagpapatotoo sa kaniyang maka-Diyos na pagpapasakop ay ang kaniyang paraan ng pagtukoy ng kaniyang sarili sa kaniyang asawa, si Abraham, bilang “aking panginoon,” nagpapakita na iyon ang tunay na saloobin ng kaniyang puso.—Genesis 12:11-20; 18:12; 20:2-18; 1 Pedro 3:6.
17. Bakit masasabing si Isaac ay nagpakita ng pagpapasakop sa Diyos?
17 Huwag nating kaligtaan ang halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos na ipinakita ng anak ni Abraham na si Isaac. Ayon sa tradisyong Judio si Isaac ay mga 25 taóng gulang nang iniutos ni Jehova sa kaniyang ama, si Abraham, na ihandog siya bilang isang hain. Kung ginusto lamang ni Isaac, madali niyang madaraig ang kaniyang ama, na isandaang taon ang tanda kaysa kaniya. Subalit hindi gayon. Bagaman nagtaka si Isaac dahil sa hindi siya nakakita ng hayop na ihahain, siya’y maamong pumayag sa kaniyang ama na ilagay siya sa dambana at pagkatapos ay iginapos ang kaniyang kamay at paa upang mahadlangan o mapigil ang anumang paglalaban kung sakaling ginamit ang pangkatay na kutsilyo.—Genesis 22:7-9.
18. Papaano nagpakita si Moises ng ulirang halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos?
18 Makalipas ang mga taon, si Moises ay nagpakita ng mabuting halimbawa para sa atin kung tungkol sa pagpapasakop sa Diyos. Tunay na ipinakikita iyan ng pagkatukoy na siya ang “totoong pinakamaamo sa lahat ng mga lalaking nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Ang kaniyang masunuring pagganap sa mga utos ni Jehova sa loob ng 40 taon sa iláng, bagaman siya’y naging tagapangasiwa ng isang bayang mapaghimagsik na may bilang na dalawa o tatlong milyong mamamayan, ay nagpapatotoo rin sa kaniyang pagpapasakop sa Diyos. Kaya sinasabi ng ulat na “iyon ang ginawa ni Moises ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ni Jehova. Gayon ang ginawa niya.”—Exodo 40:16.
19. Sa pamamagitan ng anong mga pananalita ipinakita ni Job ang kaniyang pagpapasakop kay Jehova?
19 Si Job ay isa pang mahalagang tauhan na nagpakita para sa atin ng isang napakainam na halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos. Pagkatapos na pahintulutan ni Jehova si Satanas na lipulin ang lahat ng ari-arian ni Job, patayin ang kaniyang mga anak, at pagkatapos ay pangyarihing dapuan siya ng “masamang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa puyo ng kaniyang ulo,” sinabi sa kaniya ng asawa ni Job: “Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” Gayumpaman, si Job ay nagpakita ng kaniyang pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniya: “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na mga babae. Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng tunay na Diyos at hindi tayo tatanggap din ng masama?” (Job 2:7-10) Ipinakikita ang ganiyan ding kaisipan ng kaniyang mga salitang nasusulat sa Job 13:15: “Kahit ako’y patayin niya, hindi ba ako maghihintay?” Sa katunayan, bagaman si Job ay lubhang nag-aalala tungkol sa kaniyang sariling pagkamatuwid, huwag nating kalilimutan na sa wakas sinabi ni Jehova sa isa sa kaniyang pinagpapalagay na mang-aaliw: “Ang aking poot ay nag-aalab laban sa iyo at sa iyong dalawang kasama, sapagkat kayong mga lalaki ay hindi nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, di-gaya ng aking lingkod na si Job.” Walang alinlangan, si Job ay nagsisilbing isang mainam na halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos.—Job 42:7.
20. Sa anu-anong paraan ipinakita ni David ang pagpapasakop sa Diyos?
20 Bilang isa pang halimbawa sa Kasulatang Hebreo, nariyan si David. Nang tinugis ni Haring Saul si David tulad sa isang hayop, si David ay nagkaroon ng dalawang pagkakataon na tapusin na ang kaniyang suliranin sa pamamagitan ng pagpaslang kay Saul. Subalit, dahil sa pagpapasakop ni David sa Diyos ay hindi gayon ang inisip niyang gawin. Ang kaniyang mga salita ay nasusulat sa 1 Samuel 24:6: “Hindi ko maiisip, sa ganang akin, ayon sa pangmalas ni Jehova, na gagawin ko ang bagay na ito sa aking panginoon, ang pinahiran ni Jehova, na iunat ko laban sa kaniya ng aking kamay, sapagkat siya ang pinahiran ni Jehova.” (Tingnan din ang 1 Samuel 26:9-11.) Gayundin kaniyang ipinakita ang kaniyang pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng saway pagka siya’y nagkakamali o nagkakasala.—2 Samuel 12:13; 24:17; 1 Cronica 15:13.
Ang Halimbawa ni Pablo ng Pagpapasakop
21-23. Sa anong iba’t ibang pagkakataon ipinakita ni apostol Pablo ang pagpapasakop sa Diyos?
21 Sa Kasulatang Griego Kristiyano, tayo ay may litaw na halimbawa kay apostol Pablo ng pagpapasakop sa Diyos. Kaniyang tinularan ang kaniyang Panginoon, si Jesu-Kristo, sa bagay na ito gaya ng ginawa niya sa lahat ng iba pang mga pitak ng kaniyang ministeryong apostoliko. (1 Corinto 11:1) Bagaman siya ay ginamit ng Diyos na Jehova nang lalong higit kaysa kaninuman sa ibang mga apostol, si Pablo ay hindi kailanman kumilos nang makasarili. Sinasabi sa atin ni Lucas na nang bumangon ang tanong na kung kailangang tuliin ang mga nakumberteng Gentil, “isinaayos nila [ng mga kapatid sa Antioquia] na si Pablo at si Bernabe at ang iba pa sa kanila ay pumaroon sa mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem tungkol sa suliraning ito.”—Gawa 15:2.
22 Tungkol sa pagmimisyonero ni Pablo, sinasabi sa atin sa Galacia 2:9: “Nang kanilang makita ang di-sana-nararapat na awa na ipinagkaloob sa akin, ang kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe ni Santiago at ni Cephas at ni Juan, sila na inaaring mga haligi, upang kami ay pumaroon sa mga bansa, ngunit sila ay sa mga tuli.” Imbes na kumilos nang makasarili, si Pablo ay humingi ng patnubay.
23 Sa katulad na paraan, sa huling pagkakataon na si Pablo ay nasa Jerusalem, kaniyang tinanggap ang payo na ibinigay ng matatanda roon may kaugnayan sa pagpunta sa templo at pagsunod sa kaayusan ng Kautusan upang makita ng lahat na siya’y hindi isang apostata kung tungkol sa Kautusan ni Moises. Yamang ang kaniyang paggawa ng gayon ay waring natapos nang hindi mabuti dahil sa nagbangon ng gulo laban sa kaniya ang mga mang-uumog, isa bang pagkakamali ang kaniyang pagpapasakop sa gayong matatanda? Tiyak na hindi, gaya ng pinatutunayan ng mababasa natin sa Gawa 23:11: “Nang sumunod na gabi ay lumapit sa kaniya ang Panginoon at sinabi: ‘Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung papaano ang lubusang pagpapatotoo mo tungkol sa akin sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.’ ”
24. Ano pang mga pitak ng pagpapasakop ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
24 Tunay, ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng matitibay na dahilan upang tayo’y magpasakop at ng kapuna-punang mga halimbawa niyaong mga nagpakita ng gayong pagpapasakop. Sa susunod na artikulo, ating isasaalang-alang ang sari-saring pitak na kung saan makapagpapasakop tayo sa Diyos na Jehova, ang mga pantulong sa paggawa natin ng gayon, at ang mga gantimpala na resulta.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong anyo ng kasarinlan ang hindi kanais-nais?
◻ Ano ang ugat na pinagmumulan ng pagtangging pasakop?
◻ Sa anong mga kadahilanan kailangang pasakop tayo kay Jehova?
◻ Anong maiinam na halimbawa ang ibinibigay ng Kasulatan tungkol sa pagpapasakop sa Diyos?
[Larawan sa pahina 10]
Si Nimrod, ang unang tagapamahala pagkatapos ng baha na naghimagsik sa pagpapasakop sa Diyos
[Larawan sa pahina 13]
Si Noe, walang kapintasang halimbawa ng pagpapasakop sa Diyos.—Genesis 6:14, 22