Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 9/15 p. 28-31
  • Magtiyaga sa Pagpapayunir

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magtiyaga sa Pagpapayunir
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtustos sa Gastos
  • Pagtanggap ng Pana-panahong Trabaho
  • Ang Pagkamasakitin at ang Pagkasira ng Loob
  • Mahalin Mo ang Iyong Pribilehiyo sa Paglilingkuran
  • Ang mga Pagpapala sa Ministeryong Pagpapayunir
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Paglilingkurang Payunir—Ito ba’y Para sa Inyo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • Pagtangkilik sa mga Payunir
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1992
  • Ang mga Payunir ay Nagkakaloob at Tumatanggap ng mga Pagpapala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 9/15 p. 28-31

Magtiyaga sa Pagpapayunir

MGA 4,500,000 na Saksi ni Jehova ang naghahayag ng mabuting balita sa buong daigdig. Kabilang sa kanila ang mahigit 600,000 payunir, o buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian. Yaong mga kabilang sa napakalaking hukbong ito ng mga payunir ay nasa edad na bago sumapit sa pagkatin-edyer hanggang sa mga retirado na nasa kanilang edad na 90 taon pataas. Sila’y may sari-saring kasaysayan at mga kalagayan sa buhay.

Walang alinlangan, lahat ng buong-panahong mga mangangaral na ito ay ibig magtagumpay sa ministeryo ng pagpapayunir. Marami ang naghahangad na gawing ito ang kanilang habang-buhay na karera. Ang ilan ay hindi makagawa niyaon bunga ng ilang kadahilanan. Subalit, ang iba ay nakapagpatuloy ng pagpapayunir sa kabila ng mga suliranin sa pananalapi, pagkamasasakitin, pagkasira ng loob, at iba pang suliranin. Kaya papaano mapagtatagumpayan ng buong-panahong mga mangangaral ang gayong mga suliranin at makapanatili pa ring nagtitiyaga sa pagpapayunir?

Pagtustos sa Gastos

Sa pangkalahatan, ang mga payunir ay may sekular na trabaho upang matustusan ang kanilang mga gastusin, gaya ng ginawa ni apostol Pablo. (1 Tesalonica 2:9) Sa maraming panig ng daigdig, sila’y napapaharap sa patuloy na tumataas na halaga ng pagkain, damit, tahanan, at transportasyon. Kalimitan ay mahirap makakuha ng pana-panahong trabahong sekular na kailangan nila. Kung mayroon man, ang gayong mga trabaho ay kadalasan nag-aalok lamang ng pinakamababang sahod, walang mga benepisyo ng seguro para sa kalusugan.

Kung ating ‘uunahin muna ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran,’ tayo’y magkakaroon ng pananampalataya na paglalaanan ni Jehova ang ating materyal na mga pangangailangan. Kung gayon, pagka dumaranas ng kagipitan sa salapi, ang mga payunir ay kailangang ‘hindi nababahala tungkol sa kinabukasan.’ (Mateo 6:25-34) Samantalang sila’y taimtim na nagsisikap na malutas ang gayong mga problema, ang matibay na pananampalataya sa Diyos na Jehova ay tutulong sa kanila upang huwag labis na mabalisa.

Pagka ang isang tao ay napaharap sa kakapusan sa pananalapi, marahil ay maaaring bawasan ang mga gastusin. Pagka gumawa ng ilang pagbabago sa badyet, baka maaari nang matustusan ang mga pangangailangan, hindi ang mga bagay na panluho lamang. Upang mabawasan ang mga gastos, ang ilang payunir ay nakikisama sa ibang Kristiyano sa pag-upa sa isang apartment. Sa pagtulong upang makapagpayunir ang kanilang mga anak, kung minsan ang mga magulang ay naglalaan ng libreng tirahan o nagpapabayad ng maliit lamang na upa. Ang iba ay tumutulong sa mga payunir sa mga gastos sa pagkain o transportasyon. Subalit hindi nais ng mga payunir na maging pabigat sa iba, sapagkat sila’y may maka-Kasulatang tungkulin na suportahan ang kanilang sarili.​—2 Tesalonica 3:10-12.

Maaaring mabawasan ang mga gastos sa transportasyon kung makikihati sa mga ibang payunir sa mga gastusin. Kung dalawang payunir ang may sariling kotse, sila’y maaaring magkasamang mangaral sa iisang lugar, na ginagamit ang isang kotse at sa gayo’y naiiwasan ang gastusin para sa dalawang sasakyan. Ang mga payunir na walang sariling kotse ay baka maaaring sumama sa mga mayroon at makihati sa gastos sa transportasyon. Ang mga gastos sa paglalakbay ay maaari pa ring mapaliit kung gagawa sa malalapit na teritoryo na maaaring marating nang naglalakad lamang. Sa maraming bansa ang mga payunir ay gumagamit ng matipid na pampublikong transportasyon.

Kabilang sa mga nagtagumpay sa kanilang mga suliranin sa pananalapi at nagtiyaga sa buong-panahong paglilingkod ay sina Newton Cantwell at ang kaniyang maybahay. Kanilang ipinagbili ang kanilang bukid at nagsimulang magpayunir kasama ang anim sa pito nilang anak noong 1932, sa panahon ng Great Depression. “Hindi nagtagal at nagasta namin ang lahat ng aming pinagbilhan sa aming bukid​—ang karamihan niyaon ay naibayad sa doktor,” ang isinulat ni Brother Cantwell. “Naaalaala pa namin na nang kami’y lumipat sa ikalawang atas sa amin, ang pera namin ay sapat lamang na paunang bayad sa upa para sa dalawang linggo, limang dolyar ang natira. Gayunpaman, batid namin na kami’y paglalaanan ni Jehova habang kami’y buong sigasig na naglilingkod. . . . Natuto kaming magtipid sa sari-saring paraan. Halimbawa, sa paglipat namin sa isang bagong teritoryo, kakausapin ko ang ilan sa mga may-ari ng gasolinahan at ipaliliwanag na kami’y may tatlong kotseng sinasakyan araw-araw sa aming gawaing Kristiyano. Kadalasan ay nakabibili kami ng gasolina sa halagang mas mababa. Ang aming mga anak na lalaki ay natutong kumumpuni ng aming mga kotse, na nakatipid nang malaki sa gastos sa pagpapakumpuni ng kotse.” Sa ganoon matagumpay na hinarap ng pamilyang Cantwell ang mga hamon sa pananalapi at nagtiyaga sa buong-panahong paglilingkuran. Si Brother Cantwell ay payunir pa rin nang siya’y mamatay sa edad na 103.

Pagtanggap ng Pana-panahong Trabaho

Maraming payunir ang sumusuporta sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagtanggap ng pana-panahong trabaho. Upang matustusan ang kaniyang sarili sa ministeryo sa Corinto, si Pablo ay nagtrabaho bilang isang manggagawa ng tolda kasama ang kaniyang mga kapananampalatayang sina Aquila at Priscila. (Gawa 18:1-11) Sa ngayon, ang espirituwal na mga kapatid ay kalimitan masayang nag-aalok sa mga payunir ng pana-panahong trabahong sekular. Ang ibang mga payunir ay tumatanggap ng gayong trabaho sa pamamagitan ng mga ahensiya sa pag-empleyo na nag-aalok ng pansamantalang mga trabaho. Kailangan ang pananampalataya sa Diyos, at gayundin ang taimtim na panalangin na tayo’y patnubayan niya sa mga pagpapasiya tungkol sa pagtatrabaho.​—Kawikaan 15:29.

“Pagkatapos na magtamo ng malaking kalakasan buhat sa may kalakip-panalanging pagsasaalang-alang ng mga bagay,” ang sabi ng isang payunir, “ipinaalam ko sa aking superbisor na ang aking gawaing ministeryal ay isang seryosong personal na pananagutan at na hindi ko matatanggap ang buong-panahong puwesto. Nang sumunod na Miyerkules, ako’y tinanong kung tatanggapin ko ang trabaho kung ito’y pana-panahon lamang. May kagalakang tinanggap ko iyon.” Huwag hamakin ang bisa ng panalangin, at lakipan ng gawa ang inyong mga panalangin.

Makabubuti sa mga payunir na sabihin sa posibleng maging amo nila na ang kanilang layunin sa paghanap ng pana-panahong trabaho ay upang matustusan ang kanilang sarili sa ministeryo. Maaari nilang banggitin ang mga araw na maaari silang magtrabaho at ang bilang ng mga oras sa loob ng isang linggo na maaari nilang gamitin sa pagtatrabaho. May magkapatid na babae na naghati sa isang buong-panahong trabaho sa isang kompanya ng mga abugado, na pumayag na bawat isa sa kanila ay magtrabaho ng dalawa at kalahating araw bawat sanlinggo. Ito ay nakatustos sa kanilang pagpapayunir hanggang sa sila’y mag-aral na sa Watchtower Bible School of Gilead at tumanggap ng atas misyonero.

Sari-saring uri ng trabahong sinasang-ayunan ng Kasulatan ang maaaring masumpungan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kapananampalataya at sa iba pa o sa pamamagitan ng pagkonsulta sa mga anunsiyo sa pahayagan. Makatutulong ang pagpapakumbaba, sapagkat sa pamamagitan nito ay maiiwasan ng mga payunir ang pagiging totoong pihikan tungkol sa uri ng trabaho na kanilang papasukan. (Ihambing ang Santiago 4:10.) Upang makapagpatuloy sa pagpapayunir baka sila’y kailangang tumanggap ng sekular na trabaho na itinuturing ng ilang tao na mababa o hamak. Kung tinanggap ang gayong gawain ngunit isang naiiba ang hinahangad, sa wakas ay baka posible na mabago ang trabaho.

Ang Pagkamasakitin at ang Pagkasira ng Loob

Ang ilan ay kailangang huminto sa kanilang pagpapayunir dahilan sa malubhang mga suliranin ng kalusugan. Gayunman, kung ang mga payunir ay hindi padalus-dalos sa bagay na ito, baka mapatunayan nila na ang isang sakit ay maaaring pagalingin o ang kalusugan ay maaaring bumuti nang husto upang sila’y makapagpatuloy ng pagpapayunir. Marami ang nakapagpapayunir sa kabila ng mga suliranin sa kalusugan dahilan sa sila’y nagpapagamot, nagpapatuloy sa pagkain na angkop sa kanila, at namamahinga at nag-eehersisyo nang husto. Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagmasid sa isang sister na payunir na pinahihirapan ng rayuma kung kaya siya’y nangangailangan na tulungan upang siya’y makalakad sa bahay-bahay sa ministeryo. (Gawa 20:20) Gayunman, siya at ang kaniyang asawang lalaki ay nagdaraos ng 33 pantahanang pag-aaral sa Bibliya at nakatulong sa 83 katao upang tumanggap sa katotohanan ng Diyos. Bumuti ang kaniyang kalusugan pagsapit ng panahon, at siya’y nag-aral sa Pioneer Service School makalipas ang 11 taon.

Ang pagkasira ng loob ay maaaring maging dahilan upang ang ilan ay huminto sa pagpapayunir. (Kawikaan 24:10) Isang payunir ang nagsabi sa isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Ako po’y hihinto na sa pagpapayunir. . . . Ako’y may mga utang na dapat bayaran.” Siya’y nangangailangan ng salamin sa mata na nagkakahalaga ng 20 dolyar. “Ikaw ba’y hihinto sa pagpapayunir dahilan sa kailangan mo ang 20 dolyar?” ang tanong ng tagapangasiwa. Iminungkahi na ang payunir ay magtrabaho nang isang araw sa lokal na taniman ng kape upang kumita ng 20 dolyar, bilhin ang salamin, at magpatuloy ng pagpapayunir. Nahayag sa patuloy pang pakikipag-usap na ang pangunahing suliranin ay ang pagkasira ng loob dahil sa magastos na pagpapakumpuni ng kotse. Inirekomenda na upang mabawasan ang gastos ng payunir siya ay magkotse bawat araw hanggang sa layong ilang milya lamang sa halip na magbiyahe nang malayo. Siya’y pinayuhan din na alagaan ang kaniyang espirituwalidad. Ikinapit ng payunir ang payo at makalipas ang anim na buwan ay tumanggap siya ng paanyaya na mag-aral sa Gilead School. Pagkatapos ng pag-aaral siya ay naatasan na maglingkod sa isang bansang banyaga at naglingkod doon nang may katapatan sa loob ng maraming taon hanggang sa kaniyang kamatayan. Oo, dakilang mga pagpapala ang kalimitang resulta kung tayo’y hindi padadala sa pagkasira ng loob kundi isasaisip na sumasaatin si Jehova.

Mahalin Mo ang Iyong Pribilehiyo sa Paglilingkuran

Sa kabila ng mga pagsubok, tulad sa mga kaso ng pangangailangan at mga panahon na walang makain, minalas ni Pablo na isang kayamanang dapat pakamahalin ang kaniyang ministeryo. (2 Corinto 4:7; 6:3-6) Sa harap ng kahirapan at pag-uusig sa ngayon, marami sa mga lingkod ni Jehova sa Aprika, Asia, Silangang Europa, at saanman ay nanatiling nanghahawakan sa kanilang pribilehiyo ng pagpapayunir. Kung gayon, pagka napaharap sa mga pagsubok, gawin ang lahat ng pagsisikap upang makapagtiyaga sa pribilehiyong ito ng paglilingkuran, sa ikapupuri ni Jehova.

Karamihan ng payunir ay nakapasok sa buong-panahong pangangaral dahil ginawa nilang simple ang kanilang istilo ng pamumuhay. Tulad ni Pablo, tinanggihan nila ang materyalistikong mga pang-akit at pinasulong ang pagkakontento kung mayroon nang “pagkain at pananamit.” Upang makapagtiyaga sa pagpapayunir, kailangang sila’y manatiling kontento na sa kinakailangang mga bagay. (1 Timoteo 6:8) Kagalakan ang resulta kung mamahalin natin ang ating bigay-Diyos na mga pribilehiyo, na pinahahalagahan ang mga ito nang higit kaysa materyal na mga ari-arian.

Bilang halimbawa: Si Anton Koerber ay nagkapribilehiyo na kumatawan sa mga kapakanan ng Kaharian sa mga opisyal ng gobyerno sa Washington, D.C. Siya’y naglingkod bilang isang payunir sa loob ng ilang panahon at naging isang tagapangasiwa ng sirkito noong dekada ng 1950. Minsan ay lumapit sa kaniya ang ilan sa kaniyang dating mga kasamahan sa negosyo taglay ang isang mungkahi na magpapangyari sa kaniya na siya’y tumubo ng isang milyong dolyar para sa kaniyang sarili. Subalit, upang mangyari iyon, kakailanganin na lahat ng kaniyang panahon ay gugulin niya sa negosyo sa loob ng mga isang taon. Pagkatapos manalangin ukol sa patnubay at espiritu ng matinong pag-iisip, sinabi niya: “Imposible na huminto ako sa aking kahanga-hangang mga pribilehiyo ng paglilingkod dito kay Jehova kahit na lamang sa loob ng isang taon, hindi, kahit kapalit ang lahat ng salapi sa sanlibutan. Ang paglilingkod sa aking mga kapatid dito sa Washington ay higit na mahalaga sa akin, at dito ay batid ko na taglay ko ang pagpapala ni Jehova. Walang alinlangan na kikita ako ng isang milyong dolyar, subalit sa katapusan ng taon sa ganiyang uri ng buhay, ano ang makakatulad ng aking espirituwalidad, o kahit ng aking kalusugan?” Kaya tinanggihan niya ang alok. Ang pagmamahal sa kanilang mga pribilehiyo ay tumutulong sa marami na magtiyaga sa pagpapayunir.

Anong dakilang mga pagpapala ang tinatamasa ng mga payunir! Isang pagpapala na gumugol ng maraming oras sa pagsasalita tungkol sa maluwalhating pagkahari ni Jehova. (Awit 145:11-13) Dahilan sa paggugol ng napakaraming oras sa ministeryo, taglay ng mga payunir ang pagpapala ng pagdadala ng espirituwal na kaaliwan sa mga dukha at sa mga naaapi, maysakit o naulila, at iba pang lubhang nalulumbay at nangangailangan ng isang tiyak na pag-asa. Kung gayon, pagka ipinahihintulot ng mga kalagayan na tayo’y lumahok sa buong-panahong pangangaral, tayo nga ay magtatamasa ng maraming pagpapala. ‘Ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman.’ (Kawikaan 10:22) At dahil sa kaniyang tulong at pagpapala kung kaya maraming mga tagapagbalita ng Kaharian ang may kagalakang nagtitiyaga sa pagpapayunir.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share