Pagtangkilik sa mga Payunir
1 Kilala ang bayan ng Diyos sa pagiging masigasig sa pakikibahagi sa ministeryo. Bagaman hindi lahat ay makapagpapayunir, dapat nating pagsikapang mapasigla ang espiritu ng pagpapayunir. Tayo’y nagagalak na marami ang nakakapasok sa paglilingkod bilang payunir.
2 Ang pagiging isang payunir at pananatili dito ay isang mabigat na pananagutan. Binabalikat ng mga payunir ang malaking bahagi ng pangangaral at pagtuturo. Nangangailangan ito ng malaking pagsisikap at sakripisyo. Papaano masusuportahan at mapasisigla ng iba pa ang masisigasig na mga pambuong panahong lingkod na ito?
3 Ano ang Maaaring Gawin: Ang mga payunir ay nangangailangan ng suporta ng mga matatanda. Malaking pampatibay-loob kapag ang mga matatanda ay gumagawang kasama ng mga payunir. Sinisikap ng maraming matanda na gumawang kasama ng bawat payunir sa kongregasyon minsan man lamang sa isang taon. Gayundin, nanaisin ng mga matatanda na tiyaking may sapat na teritoryo para sa grupo. Ang karagdagang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay maaaring maisaayos sa hapon at gabi upang makatugon sa eskedyul ng mga payunir. Ito’y lalo nang kailangan sa mga buwang marami ang nag-aauxiliary payunir.—Isa. 40:11.
4 Ang mga ministeryal na lingkod ay nasa mainam na kalagayan upang tulungan ang mga payunir sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanila sa ministeryo at sa pamamagitan ng masikap na pagtataguyod sa mga kaayusan ng kongregasyon. Ang mga payunir na babae ay nagpapahalaga sa pangunguna ng mga kapatid na lalaki sa pag-oorganisa sa mga grupo para sa paglilingkod sa larangan. Dapat na tiyakin ng mga humahawak sa literatura at magasin na may sapat na suplay ng mga ito.
5 Makatutulong ang Bawat Isa: Makatutulong ang mga mamamahayag sa pamamagitan ng malimit na paggawa kasama ng mga payunir. Natutuwa ang mga payunir sa pagsama at pagsuporta ng mga mamamahayag. Marahil ay maisasaayos ninyong gumawang kasama ng mga payunir nang minsan o makalawa sa isang buwan. Maaari ding ibahagi ang materyal na mga bagay sa mga payunir, at ang ganitong pagbibigay ay lubos nilang pinahahalagahan.—Fil. 4:14-19.
6 Ang mga pamilya ay malaki ang magagawa upang tulungan ang mga payunir na miyembro ng sambahayan. Kadalasan, ang mga gawaing bahay ay maaaring isaayos upang ang isa o higit pang miyembro ng pamilya ay makapagpayunir. Ang isang kapatid na babae na may tatlong anak ay nagtatrabaho ng dalawang araw sa isang linggo. Ang kaniyang mga anak na lalake ay tumutulong sa pamamagitan ng pamamalengke at pagtatrabaho sa tahanan. Ang anak na babae ay naglilinis at nagluluto. Mula ng kaniyang graduwasyon, siya’y nagpasimula na ring magpayunir, na kahalili ng kaniyang ina sa mga gawain. Ang ganitong pagtutulungan sa loob ng pamilya ay nagpapangyaring marami ang nakapagpayunir at nakapagdudulot ng mga pagpapala sa sambahayan.
7 Ang masisipag na payunir ay nagsisilbing isang pagpapala sa kongregasyon sa maraming paraan. Ang kanilang sigasig at halimbawa ay nagpapatibay sa marami para sa higit pang paglilingkod. Tunay, nanaisin nating gawin ang makakaya upang suportahan sila. Ang gayong nagkakaisang pagsisikap ay nagdudulot ng kagalakan sa lahat at nagbubunga ng papuri kay Jehova.