Mahalaga ba Kung Papaano Ka Sumasamba?
ANG munting bayan sa Aprika ay mistulang nasa hurno dahil sa napakatinding init ng araw kung katanghaliang-tapat. Mula sa isang karatig na libis ay maririnig ang tunog ng tambol, awitan, at masayang palakpakan. Subalit ito ay hindi isang sosyal na kasayahan. Ito ay kinagisnang pagsamba ng mga Aprikano. Gayunman, ang mga tunog ay nakikipagpaligsahan sa ingay ng mga tinig na nanggagaling sa isang karatig na simbahan ng mga karismatiko. Nagsasagawa roon ng kahima-himalang “mga pagpapagaling” at pagsasalita ng mga wika ang mga mananambang walang-kahulilip ang kaligayahan. Sa kabilang dulo ng bayan ay naroon ang isa pang uri ng pagsamba. Ang matunog na tinig ng isang muezzin ay nananawagan sa mga kapuwa Muslim na mananamba upang manalangin.
Oo, ang relihiyosong debosyon sa sari-saring anyo ay makikita sa maraming lunsod at mga bayan ng Aprika. Sa loob ng mga salinlahi ang mga Aprikano ay kontento nang sumunod sa kanilang sariling relihiyosong mga tradisyon. Subalit dumating ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, kasunod ang mga hukbo ng iba’t ibang bansa sa Europa, at buong-lupit na nagtangkang “gawing Kristiyano” ang lahat—pati na ang kanilang mga pangalan.
Ang resulta? Isang uri ng relihiyon na doo’y magkahalo ang kinagisnang mga paniwalang Aprikano at mga gawain sa inangkat na mga relihiyosong pananampalataya. Hanggang sa araw na ito maraming mananambang “Kristiyano” ang gumagamit ng kinagisnang mga galing at mga anting-anting. Gayunpaman, maling-mali ang pagpapakilala ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa tunay na Kristiyanismo, at sila’y nag-iwan ng pamanang hinanakit. Sa kalakhang bahagi, sila ang may pananagutan sa saradong kaisipan tungkol sa Bibliya na umiiral sa gitna ng ilang Aprikano sa ngayon.
Gayunpaman, maraming anyo ng “Kristiyanismo” ang malaganap na sinusunod pa rin. Noong nakaraang mga taon naging popular ang karismatikong mga grupong relihiyoso; dumami ang mga simbahan na nagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinaliwanag ng isang kolumnista sa pahayagan ang pang-akit ng mga simbahang ito sa pagsasabing ‘ang Aprikanong idea ng relihiyon ay pangunahin nang utilitarian. Sa kaisipang Aprikano, ang relihiyon ay kailangang makapagdulot ng tuwirang materyal na kasiyahan sa buhay ng tao. Samakatuwid, sa Aprikano na naniniwalang ang espirituwal na media ay kinakailangan sa halos lahat ng bagay, ang modus operandi ng espirituwal [o nagpapagaling] na mga simbahan ay kasuwato ng mga hinihiling ng kaniyang paraan ng buhay.’ Subalit, nakalulungkot, maraming simbahang karismatiko ang maliwanag na itinayo upang makalikom ng salapi.
Sa ngayon, may mahigit na 6,000 sektang relihiyoso sa Aprika. Marahil ay inaakala mong lahat ng relihiyon at mga sektang ito ang may hawak ng susi sa kaligtasan. Subalit ang mahalagang tanong ay, Ano ang nadarama ng Diyos?
Makalulugod ba sa Diyos ang Kahit Anong Relihiyon?
Tunay, tayo’y hindi hahayaang walang patnubay sa bagay na ito ng Maylikha ng sansinukob. (Amos 3:7; Gawa 17:26, 27) At sapat-sapat ang ebidensiya na masusumpungan ang banal na patnubay sa Bibliya. Hindi, ang Bibliya ay hindi aklat ng mga puti, gaya ng tawag dito ng ilan. Sa katunayan, walang tao—itim o puti—ang maaaring bigyan ng kredito ukol dito. “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” sabi ng 2 Timoteo 3:16. Ang makatotohanan, simpleng mga turo ng Bibliya, ang pagkaantigo nito, ang pagkaligtas nito sa kabila ng balakyot na mga pag-atake rito, ang di-nagkabisalang mga hula nito at ang di-mapantayang sirkulasyon nito sa buong globo—ang mga ito ay malinaw na patotoo na kinasihan ito ng Diyos.
Ano ba ang itinuturo sa atin ng aklat? Unang-una, sinasabi nito sa atin na may isa lamang “Diyos na totoo.” (Juan 17:3) Kung gayon, papaano mangyayaring ang katotohanan ay nasa lahat ng relihiyon? Hindi ba ang mga grupong relihiyoso ay nagkakasalungatan sa isa’t isa kung tungkol sa sino at ano ang Diyos? Ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay may binanggit na “dalisay at tunay na relihiyon.” (Santiago 1:27, Today’s English Version) Kung kinakailangang makilala ang tunay na relihiyon, tiyak na mayroon ding di-tunay o huwad na relihiyon. Pinabubulaanan nito ang idea na lahat ng relihiyon ay iba’t ibang paraan lamang ng paglapit sa Diyos.
Ang mga Pamantayan ng Maylikha sa Pagsamba
Ano ba ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos? Itinuturo sa atin ng Bibliya na ang tunay na pagsamba ay nagmumula sa tumpak na kaalaman. Sinabi minsan ng dakilang propetang si Jesu-Kristo sa isang babaing Samaritana: “Inyong sinasamba kung ano ang hindi ninyo nalalaman.” (Juan 4:22) Ganiyan ka rin kaya? Naturuan ka ba na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay may personal na pangalan, na ito’y Jehova? (Awit 83:18) Alam mo ba kung ano ang kaniyang mga layunin para sa tao at sa lupa? (Mateo 6:9, 10; Efeso 1:9, 10; 3:11) Ang relihiyon mo ba ay nag-aalok sa iyo ng isang makatotohanang pag-asa ng isang lalong mabuting kinabukasan? At kung itinuturing mong ikaw ay isang Kristiyano, maipaliliwanag mo ba ang iyong paniniwala buhat sa Kasulatan, o ang mga ito ba ay isa lamang pamana sa iyo na hindi mo talagang nasuri?
Kung mapatunayan mong kulang ka ng tumpak na kaalaman, makakamit mo iyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Inaasahan ng Diyos na Jehova na ang tunay na mga sumasamba sa kaniya ay may sapat na kaalaman sa itinuturo ng Sagradong Aklat na iyan. Bukod diyan, inaasahan niya na ikakapit nila iyon sa kanilang buhay. Ang ating saloobin ay dapat na makatulad ng sa salmista na nagsabi: “Ang salita mo’y ilawan sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Hanggang saan ka tinulungan ng iyong relihiyon upang makaalam at makaunawa ng Bibliya?
Ang isa pang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba ay ang pananampalataya kay Jesu-Kristo, hindi lamang bilang isang dakilang propeta kundi ang bugtong na Anak ng Diyos. Malinaw na sinasabi ng Kasulatan na si Jesus “ang Punong Ahente ng buhay.” (Gawa 3:15; 4:12) Marami ang nag-aangking may pananampalataya kay Jesus, subalit gaano katunay ang kanilang pananampalataya? Ang tunay na pananampalataya kay Kristo ay humihiling ng pagsunod sa kaniyang mga tagubilin. Ang Diyos mismo ang nagpasigla na gawin ito nang sabihin niya: “Ito ang aking Anak, ang iniibig; makinig kayo sa kaniya.” (Marcos 9:7) Ang tunay na mga mananamba kung gayon ay nagsusumikap na lumakad nang buong ingat hangga’t maaari sa pagsunod sa mga yapak ni Jesus. (1 Pedro 2:21) Ang isang paraan nila sa paggawa nito ay sa pamamagitan ng paglahok sa pangmadlang pangangaral na kaniyang sinimulan. (Mateo 4:17; 10:5-7) Ang iyo bang relihiyon ay nagpapatibay-loob sa iyo na magkaroon ng personal na bahagi sa gawaing ito?
Ang pag-ibig ay isa ring kahilingan ng tunay na pagsamba. Tinutukoy ang Diyos na Jehova bilang ang mismong pinakauliran ng pag-ibig, at sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila’y makikilala sa pamamagitan ng pag-ibig na kanilang ipinakita sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35; 1 Juan 4:8) Kung isasaalang-alang ang milyun-milyong tao ngayon na nag-aangking mga Kristiyano, hindi ba ang sanlibutan ay halos babad na babad na sa pag-ibig? Subalit, ang totoo, ang ating daigdig ay isang lugar na walang bahagya mang pag-ibig. Ang mga digmaan ay kumitil ng angaw-angaw na buhay sa siglong ito lamang. Patuloy na dumarami ang krimen at karahasan. Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Kung lahat ay kasapi sa aking relihiyon, ang daigdig kaya ay magiging isang dako na punung-puno ng pagmamahal?’
Sa wakas, ipinakikita ng Bibliya na ang tunay na mga mananamba ay kailangang patuloy na humiwalay sa sanlibutan na hindi nakakakilala sa Diyos. Nang ibukod ng Diyos ang sinaunang bansang Israel upang maging tagapag-ingat ng tunay na pagsamba, pinaalalahanan niya ang kaniyang bayan na iwasan ang matalik na pakikipag-ugnayan sa masasamang bansa na nakapalibot sa kanila. (Deuteronomio 7:1-6) Sa Juan 17:16, si Kristo Jesus ay nagsabi rin tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” Ang tunay na mga sumasamba sa Diyos ay walang bahagi sa pulitika, imoralidad, sakim na komersiyalismo, o sa anumang mga pilosopiyang lumalapastangan sa Diyos. (Juan 18:36; 1 Juan 2:15-17) Sinusunod nila ang utos na nasa Roma 12:2: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.” Hinihimok ka ba ng iyong relihiyon na gawin iyan?
Maaaring Makamit ang Tulong
Oo, talagang mahalaga sa Diyos ang paraan ng iyong pagsamba. Para sa kaniya, mayroon lamang isang tunay na relihiyon. (Efeso 4:4-6) Ang ating maikling pagtalakay ay sumaklaw sa ilang pangunahing punto sa turo ng Bibliya. Bakit hindi pagsikapang matuto ng higit pa?
Ano man ang iyong kinalakhang relihiyon, matutulungan ka ng mga Saksi ni Jehova sa bagay na ito. Sila’y kilala sa buong daigdig dahil sa kanilang puspusang pagtuturo ng Bibliya. Sila’y nakatalaga sa pagtulong sa mga tao ng lahat ng lahi at pinagmulang relihiyon na magkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa Bibliya. (Kawikaan 2:1-6) Sila’y naglalathala ng literatura sa Bibliya na mainam ang pagkasaliksik.a Sa katunayan, sila’y maaari pang pumaroon sa iyong tahanan nang walang-bayad upang personal na turuan ka ng Bibliya. Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang sa kasalukuyan ay nakikinabang sa programang ito ng pagtuturo ng Bibliya. Bakit hindi mo gawin iyan? Oo, mahalaga na gawin mo iyan sapagkat talagang mahalaga kung papaano ka sumasamba.
[Talababa]
a Isa sa gayong publikasyon ay ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, inilathala noong 1990 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Maraming tao ang nagpapahalaga sa matalino at paham na pagtalakay nito sa mga pangunahing relihiyon sa daigdig.
[Larawan sa pahina 5]
Maling-mali ang pagpapakilala ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa tunay na Kristiyanismo
[Larawan sa pahina 5]
Maraming simbahang karismatiko ang maliwanag na itinayo upang makalikom ng salapi
[Larawan sa pahina 6]
Ang pananampalataya kay Jesus ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba
[Larawan sa pahina 7]
Milyun-milyon ang tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova upang magtamo ng tumpak na kaalaman sa pamamagitan ng libreng pantahanang pag-aaral ng Bibliya