Maligaya sa Isang Di-Maligayang Sanlibutan
“SA KASUKDULAN nito, ito ang siglo ni Satanas,” ang pambungad ng isang editoryal sa The New York Times ng Enero 26, 1995. “Wala pang panahon na ang mga tao’y nagpakita ng gayon na lamang katinding pagkahilig, at pagnanais, sa pagkitil ng milyun-milyong kapuwa dahil sa lahi, relihiyon o uri.”
Ang ika-50 anibersaryo ng pagpapalaya sa mga inosenteng biktima na nabilanggo sa mga patayang kampo ng mga Nazi ang nag-udyok sa gayong editoryal tulad ng nabanggit na. Gayunman, nagaganap pa rin ang gayunding uri ng makahayop na pagpaslang sa ilang bahagi ng Aprika at Silangang Europa.
Ang mga lansakang pamamaslang, paglipol ng lahi, pagpapatayan ng mga tribo—anuman ang tawag sa mga ito—ay nagbubunga ng matinding dalamhati. Subalit, sa gitna ng gayong karahasan ay pumapailanlang ang malalakas na tinig ng kagalakan. Halimbawa, gunitain natin ang Alemanya noong dekada ng 1930.
Pagsapit ng Abril ng 1935, ipinagkait ni Hitler at ng kaniyang partidong Nazi sa mga Saksi ni Jehova ang lahat ng trabaho sa gobyerno. Ang mga Saksi ay inaresto rin, ibinilanggo, at dinala sa mga kampong piitan dahil sila’y nanatiling neutral bilang mga Kristiyano. (Juan 17:16) Nang bandang katapusan ng Agosto ng 1936, inaresto nang maramihan ang mga Saksi ni Jehova. Libu-libo sa kanila ang dinala sa mga kampong piitan, kung saan nanatili ang karamihan sa kanila hanggang 1945 kung sila ma’y nakaligtas. Ngunit papaano tumugon ang mga Saksi sa di-makataong pagtrato sa kanila sa mga kampo? Bagaman waring nakapagtataka, napanatili nila ang kanilang kagalakan sa kabila ng kanilang di-maligayang kapaligiran.
“Isang Bato sa Putikan”
Kinapanayam ng Britanong istoryador na si Christine King ang isang Katolikong babae na nasa kampo. “Ginamit niya ang isang pananalitang hindi ko kailanman malilimutan,” sabi ni Dr. King. “Detalyado niyang ikinuwento ang mga kakilabutan sa buhay, ang kasuklam-suklam na mga kalagayang kinasadlakan niya. At sinabi niyang kilala niya ang mga Saksi, at ang mga Saksing iyon ay isang bato sa putikan. Tulad ng isang matatag na dako sa lusak na iyon. Sinabi niya na sila lamang ang hindi lumulura kapag dumaraan ang mga guwardiya. Sila lamang ang mga taong humarap sa lahat ng ito hindi sa pamamagitan ng poot kundi sa pamamagitan ng pag-ibig at pag-asa at ng pagkadama ng isang layunin.”
Ano ang nagpangyari sa mga Saksi ni Jehova na maging ‘mga bato sa putikan’? Ang di-matitinag na pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Kaya naman, nabigo ang mga pagsisikap ni Hitler na supilin ang kanilang Kristiyanong pag-ibig at kagalakan.
Pakinggan habang nagbabalik-tanaw ang dalawang nakaligtas sa kampo limang dekada pagkaraang mapagtagumpayan nila ang pagsubok na ito sa kanilang pananampalataya. Ganito ang sabi ng isa: “Nag-uumapaw ang aking kagalakan sa pagkaalam na ako’y nagkaroon ng pambihirang pribilehiyo na patunayan ang aking pag-ibig at pagtanaw ng utang-na-loob kay Jehova sa ilalim ng pinakamatitinding kalagayan. Walang pumilit sa akin na gawin ito! Sa halip, ang mga nagtangkang pumilit sa amin ay ang aming mga kaaway na nagbanta upang sundin namin si Hitler nang higit kaysa sa Diyos—ngunit hindi nagtagumpay! Hindi lamang ako maligaya sa ngayon kundi, dahil sa isang mabuting budhi, maligaya ako kahit na nasa likod ng mga pader ng bilangguan.”—Maria Hombach, 94 na taóng gulang.
Isa pang Saksi ang nagsabi: “Ginugunita ko nang may pasasalamat at kagalakan ang mga araw ng aking pagkabilanggo. Ang mga taon na ginugol sa ilalim ni Hitler sa mga bilangguan at mga kampong piitan ay mahihirap at punô ng pagsubok. Ngunit hindi ko nanaising malibre mula sa mga iyon, sapagkat iyon ay nagturo sa akin na lubusang magtiwala kay Jehova.”—Johannes Neubacher, 91 taóng gulang.
“Ang lubusang pagtitiwala kay Jehova”—iyan ang lihim ng kagalakan na naranasan ng mga Saksi ni Jehova. Sa gayon, sila ay maliligaya, bagaman napalilibutan ng isang di-maligayang sanlibutan. Ang kanilang kagalakan ay kitang-kita sa “Maliligayang Tagapuri” na Pandistritong Kombensiyon sa mga nakaraang buwan. Repasuhin natin sandali ang maliligayang pagtitipong ito.
[Larawan sa pahina 4]
Maria Hombach