Talaga nga Kayang Maaari Mong Ibigin ang Diyos?
“WALANG tao ang maaaring makakita sa akin at mabuhay pa,” sabi ng Diyos. (Exodo 33:20) Karagdagan pa, mula noong panahon ng Bibliya ay walang ebidensiya na may taong tuwirang nakikipagtalastasan sa kaniya. Wari bang mahirap—imposible pa nga—na magkaroon ng matimyas na pagmamahal para sa isa na hindi mo kailanman tuwirang nakita o narinig? Talaga nga kayang posible na magkaroon ng maibiging kaugnayan sa Maylalang ng sansinukob?
Hindi dapat mag-alinlangan na posible ang isang mainit at personal na kaugnayan sa Diyos. Sa Deuteronomio 6:5, mababasa natin ang utos sa bansang Israel: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong matinding puwersa mo.” Nang maglaon ay muling ipinahayag ni Jesu-Kristo ang kautusang ito sa kaniyang mga tagasunod at sinabi pa: “Ito ang pinakadakila at unang kautusan.” (Mateo 22:37, 38) Papayuhan kaya tayo ng Bibliya na ibigin ang Diyos kung hindi naman posible ang gayong kaugnayan?
Ngunit inaasahan ba ni Jehova na iibigin natin siya dahil lamang sa iniuutos niya iyon? Hindi. Nilalang ng Diyos ang unang taong mag-asawa taglay ang kakayahang ibigin siya. Hindi pinilit sina Adan at Eva sa isang maibiging kaugnayan sa kanilang Maylalang. Sa halip, inilagay sila ng Diyos sa huwarang mga kalagayan na doo’y lilinangin nila ang matimyas na pagmamahal sa kaniya. May pagpipilian sila—ang lalong mapalapit sa Diyos o ang lumayo sa kaniya.
Pinili nina Adan at Eva na magrebelde. (Genesis 2:16, 17; 3:6, 7) Gayunman, ang kanilang mga inapo ay magkakaroon ng potensiyal na maglinang ng maibiging kaugnayan sa Maylalang.
Paglakad na Kasama ng Tunay na Diyos
Halimbawa, sa Bibliya, si Abraham ay binabanggit na “kaibigan” ng Diyos. (Santiago 2:23) Subalit tiyak na hindi lamang si Abraham ang nagtamasa ng matalik na kaugnayan sa Diyos. Bumabanggit ang Bibliya ng maraming iba pang di-sakdal na mga tao na nagpamalas ng taimtim na pagmamahal kay Jehova at “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.”—Genesis 5:24; 6:9; Job 29:4; Awit 25:14; Kawikaan 3:32.
Ang mga lingkod ng Diyos noon ay hindi isinilang na may pag-ibig at pagmamahal sa Diyos. Kinailangang linangin nila iyon. Paano? Sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya sa kaniyang personal na pangalan, na Jehova. (Exodo 3:13-15; 6:2, 3) Sa pamamagitan ng pagkabatid tungkol sa kaniyang pag-iral at pagka-Diyos. (Hebreo 11:6) Sa pamamagitan ng malimit na pagbubulay-bulay sa kaniyang maibiging mga gawa. (Awit 63:6) Sa pamamagitan ng pagpapahayag sa Diyos sa panalangin ng kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang pag-iisip. (Awit 39:12) Sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa kaniyang kabutihan. (Zacarias 9:17) Sa pamamagitan ng paglilinang ng kapaki-pakinabang na pagkatakot na makagawa ng di-kalugud-lugod sa kaniya.—Kawikaan 16:6.
Maaari ka bang maging kaibigan ng Diyos at lumakad na kasama niya? Totoo, hindi mo maaaring makita ang Diyos o marinig ang kaniyang tinig. Gayunpaman, inaanyayahan ka ni Jehova na maging ‘panauhin sa kaniyang tolda,’ maging kaniyang kaibigan. (Awit 15:1-5) Sa gayon, posible para sa iyo na ibigin ang Diyos. Ngunit paano ka magkakaroon ng isang matalik at mapagmahal na kaugnayan sa kaniya?