Natatandaan Mo Ba?
Napahalagahan mo bang basahin ang kamakailang mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
◻ Ang mga salita ba ni Jesus na, “Kung patatawarin ninyo ang mga kasalanan ng sinumang mga tao, ang mga iyon ay napatawad na,” ay nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay makapagpapatawad ng mga kasalanan? (Juan 20:23)
Walang maka-Kasulatang saligan para sa pagsasabi na ang mga Kristiyano sa pangkalahatan, o maging ang hinirang na matatanda sa kongregasyon, ay may banal na awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan. Ang konteksto ng mga salita ni Jesus ay waring nagpapakita na pinagkalooban ang mga apostol sa pamamagitan ng pagkilos ng espiritu ng isang pantanging awtoridad na magpatawad o magpanatili ng mga kasalanan. (Tingnan ang Gawa 5:1-11; 2 Corinto 12:12.)—4/15, pahina 28.
◻ Ano ang kapansin-pansin tungkol sa salin ni J. J. Stewart Perowne sa aklat ng mga Awit, na unang inilathala noong 1864?
Sa kaniyang salin ay sinikap ni Perowne na sunding “maingat ang anyo ng Hebreo, kapuwa sa idyoma at sa balangkas ng mga sugnay.” Sa paggawa ng gayon ay sinang-ayunan niya ang pagsasauli ng banal na pangalan sa anyong “Jehovah.”—4/15, pahina 31.
◻ Anong tuntunin ang inilaan ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod hinggil sa kanilang pakikitungo sa mga pamahalaan ng sanlibutan?
Sinabi ni Jesus: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Sinabi rin niya: “Kung may isa sa ilalim ng awtoridad na pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Dito ay inilalarawan ni Jesus ang simulain ng kusang pagpapasakop sa lehitimong mga kahilingan, maging sa mga ugnayan ng mga tao o sa mga kahilingan ng pamahalaan na kasuwato ng batas ng Diyos. (Lucas 6:27-31; Juan 17:14, 15)—5/1, pahina 12.
◻ Ano ang kahulugan ng ‘paglakad sa katotohanan’? (Awit 86:11)
Kasali rito ang pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos at paglilingkod sa kaniya nang may katapatan at kataimtiman. (Awit 25:4, 5; Juan 4:23, 24)—5/15, pahina 18.
◻ Ano ang naisakatuparan ng pagsusugo ni Jehova kay Jonas sa Nineve?
Nang maganap ang mga pangyayari, ipinakita ng pangangaral ni Jonas sa Nineve ang pagkakaiba sa pagitan ng nagsising mga taga-Nineve at ng matitigas-ulong Israelita, na talaga namang walang pananampalataya at pagpapakumbaba. (Ihambing ang Deuteronomio 9:6, 13; Jonas 3:4-10.)—5/15, pahina 28.
◻ Sino ang Serpiyente at sino “ang babae” na tinukoy sa Genesis 3:15?
Ang Serpiyente ay hindi ang hamak na ahas kundi ang isa na gumamit dito, si Satanas na Diyablo. (Apocalipsis 12:9) “Ang babae” ay hindi si Eva kundi ang makalangit na organisasyon ni Jehova, ang ina ng kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga lingkod sa lupa. (Galacia 4:26)—6/1, pahina 9.
◻ Paano makalalabas sa Babilonyang Dakila at makasusumpong ng kaligtasan ang isang tao? (Apocalipsis 18:4)
Kailangang lubusan niyang ihiwalay ang kaniyang sarili sa mga organisasyon ng huwad na relihiyon at gayundin sa kanilang mga kaugalian at saloobing ipinamamalas, at pagkatapos ay dapat siyang manganlong sa loob ng teokratikong organisasyon ni Jehova. (Efeso 5:7-11)—6/1, pahina 18.
◻ Bakit ang agila ay madalas banggitin sa Kasulatan?
Ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang mga katangian ng agila upang sumagisag sa mga bagay tulad ng karunungan, banal na proteksiyon, at pagiging matulin.—6/15, pahina 8.
◻ Ang mga lingkod ba ng Diyos sa ngayon na may makalupang pag-asa ay may taglay na espiritu ng Diyos na gaya ng taglay ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu?
Sa diwa, ang sagot ay oo. Maaaring makamit ng dalawang uri ang parehong sukat ng espiritu ng Diyos, at ang kaalaman at unawa ay parehong makakamit ng dalawa, taglay ang parehong pagkakataon para tanggapin ito.—6/15, pahina 31.
◻ Bakit kapaki-pakinabang para sa atin sa ngayon na suriin ang sagradong paglilingkod ng mga saserdote ng Israel sa templo sa Jerusalem?
Sa paggawa ng gayon ay mapahahalagahan natin nang higit ang maawaing kaayusan na sa pamamagitan nito ay naipagkakasundo sa Diyos ang makasalanang sangkatauhan sa ngayon. (Hebreo 10:1-7)—7/1, pahina 8.
◻ Paanong ang ikalawang templo na itinayo sa Jerusalem ay naging mas maluwalhati kaysa sa isa na itinayo ni Solomon?
Mas tumagal ang ikalawang templo nang 164 na taon kaysa sa templo ni Solomon. Mas maraming mananamba buhat sa mas maraming lupain ang nagdagsaan sa mga looban nito. Higit na mahalaga, nakamit ng ikalawang templong ito ang dakilang karangalan na sa mga looban nito ay nagturo ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo.—7/1, pahina 12, 13.
◻ Kailan itinatag ng Diyos ang kaniyang espirituwal na templo?
Ito ay noong 29 C.E. nang ipakita ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon sa panalangin ni Jesus nang mabautismuhan. (Mateo 3:16, 17) Ang pagsang-ayon ng Diyos sa paghaharap ng katawan ni Jesus bilang hain ay nangangahulugan na, sa espirituwal na diwa, ginagamit na ang isang altar na mas dakila kaysa sa naroroon sa templo sa Jerusalem.—7/1, pahina 14, 15.
◻ Bakit tayo dapat na maging mapagpatawad?
Ang pagpapatawad sa isang nagkasala na humingi ng tawad ay kailangang-kailangan kung ibig nating mapanatili ang Kristiyanong pagkakaisa. Ang galit at pagkikimkim ng sama ng loob ay magnanakaw ng ating kapayapaan ng isip. Kung hindi tayo mapagpatawad, nariyan ang panganib na balang araw ay hindi na patatawarin ni Jehova ang ating mga kasalanan. (Mateo 6:14, 15)—7/15, pahina 18.
◻ Paano magiging banal ang mga Israelita?
Ang kabanalan ay posible lamang sa pamamagitan ng kanilang pagtataglay ng malapit na kaugnayan kay Jehova, ang banal na Diyos, at sa kanilang dalisay na pagsamba sa kaniya. Kailangan nila ang tumpak na kaalaman sa “Pinakabanal na Isa” upang makasamba sa kaniya sa kabanalan, sa pisikal at espirituwal na kalinisan. (Kawikaan 2:1-6; 9:10)—8/1, pahina 11.