Magiging Tapat Ka Ba Tulad ni Elias?
“Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” —MALAKIAS 4:5.
1. Anong krisis ang naganap pagkaraan ng 500 taon ng paninirahan ng Israel sa Lupang Pangako?
“ISANG lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:7, 8) Ito ang ibinigay ng Diyos na Jehova sa mga Israelita pagkatapos na palayain sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto noong ika-16 na siglo B.C.E. Ngunit narito! Limang siglo ang nakalipas, at ngayon ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay dumaranas ng matinding taggutom. Mahirap makasumpong ng anumang luntiang damo. Nagkakamatay ang mga hayop, at hindi pumatak ang ulan sa loob ng tatlo at kalahating taon. (1 Hari 18:5; Lucas 4:25) Ano ang dahilan ng kalamidad na ito?
2. Ano ang sanhi ng krisis sa bansang Israel?
2 Apostasya ang sanhi ng krisis na ito. Bilang paglabag sa Batas ng Diyos, nagpakasal si Haring Ahab sa Canaanitang prinsesang si Jezebel at hinayaang ipakilala nito sa Israel ang pagsamba kay Baal. Masahol pa, nagtayo siya ng templo para sa huwad na diyos na ito sa Samaria, ang kabiserang lunsod. Aba, nahikayat ang mga Israelita na maniwalang ang pagsamba kay Baal ay magdudulot sa kanila ng saganang ani! Subalit gaya ng babala ni Jehova, sila ngayon ay nanganganib na ‘malipol sa kanilang mabuting lupain.’—Deuteronomio 7:3, 4; 11:16, 17; 1 Hari 16:30-33.
Isang Madulang Pagsubok sa Pagka-Diyos
3. Paano nagtuon ng pansin si propeta Elias sa tunay na suliranin ng Israel?
3 Nang magsimula ang taggutom, sinabi ni Elias na tapat na propeta ng Diyos kay Haring Ahab: “Buháy si Jehova na Diyos ng Israel na sa kaniyang harapan ay nakatayo ako, hindi magkakaroon sa mga taóng ito ng hamog ni ng ulan man, malibang ayon sa utos ng aking salita!” (1 Hari 17:1) Pagkatapos maranasan ang kakila-kilabot na katotohanan ng kapahayagang ito, sinisi ng hari si Elias sa pagdadala ng sumpa sa Israel. Subalit sumagot si Elias na si Ahab at ang kaniyang sambahayan ang dapat sisihin dahil sa kanilang apostasya bilang mga mananamba ni Baal. Upang lutasin ang usapin, hinimok ng propeta ni Jehova si Haring Ahab na tipunin ang buong Israel sa Bundok Carmel pati na ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ng sagradong poste. Nagtipon doon si Ahab at ang kaniyang mga sakop, marahil ay umaasang ang pagkakataong iyon ang siyang tatapos sa tagtuyot. Ngunit nagtuon ng pansin si Elias sa mas mahalagang usapin. “Hanggang kailan,” tanong niya, “kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.” Hindi alam ng mga Israelita kung ano ang sasabihin.—1 Hari 18:18-21.
4. Upang lutasin ang usapin tungkol sa pagka-Diyos, ano ang iminungkahi ni Elias?
4 Maraming taon nang sinisikap ng mga Israelita na pagsamahin ang pagsamba kay Jehova at ang pagsamba kay Baal. Upang lutasin ang usapin tungkol sa pagka-Diyos, nagmungkahi ngayon si Elias ng isang paligsahan. Maghahanda siya ng isang guyang toro upang ihain, at ang isa pa ay ihahanda ng mga propeta ni Baal. Pagkatapos ay sinabi ni Elias: “Tumawag kayo sa pangalan ng inyong diyos, at ako naman ay tatawag sa pangalan ni Jehova; at mangyayari na ang tunay na Diyos na sasagot sa pamamagitan ng apoy ay siyang tunay na Diyos.” (1 Hari 18:23, 24) Gunigunihin ang apoy na lumalabas mula sa langit bilang sagot sa isang panalangin!
5. Paano inilantad ang kawalang-saysay ng pagsamba kay Baal?
5 Hiniling ni Elias sa mga propeta ni Baal na magsimula na. Naghanda sila ng isang toro upang ihain at inilagay iyon sa ibabaw ng altar. Pagkatapos ay umika-ika sila sa palibot ng altar, habang nananalangin: “O Baal, sagutin mo kami!” Nagpatuloy ito “mula umaga hanggang tanghali.” “Sumigaw kayo sa sukdulan ng inyong tinig,” ang pagtuya ni Elias. Maaaring si Baal ay abala sa isang mahalagang bagay, o “baka siya ay natutulog at kinakailangang gumising!” Di-nagtagal at nagkagulo ang mga propeta ni Baal. Narito! Hinihiwa nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga sundang, at umaagos ang dugo mula sa kanilang mga sugat. At talaga namang napakaingay habang ang 450 ay pawang humihiyaw nang ubod-lakas! Ngunit walang kasagutan.—1 Hari 18:26-29.
6. Anong paghahanda ang ginawa ni Elias para sa pagsubok sa pagka-Diyos?
6 Pagkakataon naman ngayon ni Elias. Kaniyang itinayong-muli ang altar ni Jehova, humukay ng isang trinsera sa palibot nito at inihanda ang hain. Sumunod ay pinabuhusan niya ng tubig ang kahoy at ang hain. Labindalawang malalaking banga ng tubig ang ibinuhos sa ibabaw ng altar hanggang ang trinsera mismo ay mapuno. Gunigunihin ang pananabik habang nananalangin si Elias: “O Jehova, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Israel, ngayon ay ipakilala mo na ikaw ay Diyos sa Israel at ako ang iyong lingkod at na ginawa ko ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng iyong salita. Sagutin mo ako, O Jehova, sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw, Jehova, ang tunay na Diyos at ikaw ang nagpanumbalik ng kanilang puso.”—1 Hari 18:30-37.
7, 8. (a) Paano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Elias? (b) Ano ang naisakatuparan ng mga pangyayari sa Bundok Carmel?
7 Bilang sagot sa panalangin ni Elias, ‘ang apoy ni Jehova ay bumulusok mula sa langit at inubos ang kaniyang handog, ang kahoy, ang mga bato, at ang alabok, at hinimod ang tubig sa trinsera.’ Isinubsob ng mga tao ang kanilang mukha at nagsabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” (1 Hari 18:38, 39) Kumilos ngayon nang walang pag-aatubili si Elias. Iniutos niya: “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal! Huwag ninyong patakasin ang kahit isa man sa kanila!” Pagkatapos na sila’y mapaslang sa libis ng Kison, nagdilim ang langit. Sa wakas, bumuhos ang ulan na siyang tumapos sa tagtuyot!—1 Hari 18:40-45; ihambing ang Deuteronomio 13:1-5.
8 Tunay na isang dakilang araw! Nagtagumpay si Jehova sa pambihirang pagsubok na ito sa pagka-Diyos. Isa pa, ang pangyayaring ito ang naging sanhi ng pagbabalik-loob ng maraming Israelita sa Diyos. Sa ganito at sa iba pang paraan, napatunayang tapat si Elias bilang isang propeta, at personal na gumanap siya ng isang makahulang papel.
Darating Pa Lamang ba “si Elias na Propeta”?
9. Ano ang inihula sa Malakias 4:5, 6?
9 Nang maglaon, inihula ng Diyos sa pamamagitan ni Malakias: “Narito! Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. At kaniyang pagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; upang ako’y huwag pumariyan at aktuwal na saktan ang lupa sa pagtatalaga nito sa pagkapuksa.” (Malakias 4:5, 6) Nabuhay si Elias nang mga 500 taon bago bigkasin ang mga salitang ito. Yamang ito ay isang hula, inaasam ng mga Judio noong unang siglo C.E. ang pagdating ni Elias upang matupad iyon.—Mateo 17:10.
10. Sino ang inihulang Elias, at paano natin nalalaman?
10 Sino, kung gayon, ang Elias na ito na darating? Isiniwalat ang pagkakakilanlan sa kaniya nang sabihin ni Jesu-Kristo: “Mula noong mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon ang kaharian ng mga langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga pasulong na nagpupunyagi. Sapagkat ang lahat, ang mga Propeta at ang Batas, ay humula hanggang kay Juan; at kung ibig ninyong tanggapin ito, Siya mismo ang ‘Elias na itinalagang dumating.’ ” Oo, si Juan na Tagapagbautismo ang inihulang katumbas ni Elias. (Mateo 11:12-14; Marcos 9:11-13) Sinabi ng isang anghel sa ama ni Juan, si Zacarias, na si Juan ay magtataglay ng “espiritu at kapangyarihan ni Elias” at ‘ihahanda para kay Jehova ang isang nahahandang bayan.’ (Lucas 1:17) Ang pagbabautismo ni Juan ay pangmadlang sagisag ng pagsisisi ng indibiduwal sa kaniyang mga kasalanan laban sa Batas, na dapat umakay sa mga Judio kay Kristo. (Lucas 3:3-6; Galacia 3:24) Kaya ang gawain ni Juan ay ‘naghanda ng isang nahahandang bayan para kay Jehova.’
11. Noong Pentecostes, ano ang sinabi ni Pedro tungkol sa “araw ni Jehova,” at kailan ito naganap?
11 Ang gawain ni Juan na Tagapagbautismo bilang si “Elias” ay nagpakita na malapit na ang “araw ni Jehova.” Ipinahiwatig din ni apostol Pedro ang pagkanalalapit ng araw na iyan na kikilos ang Diyos laban sa kaniyang mga kaaway at ililigtas ang kaniyang bayan. Tinukoy niya na ang makahimalang mga pangyayari noong Pentecostes ng 33 C.E. ay isang katuparan ng hula ni Joel tungkol sa pagbubuhos ng espiritu ng Diyos. Ipinakita ni Pedro na ito ay mangyayari bago “ang dakila at maningning na araw ni Jehova.” (Gawa 2:16-21; Joel 2:28-32) Noong 70 C.E. ay tinupad ni Jehova ang kaniyang Salita sa pamamagitan ng pagpapangyaring isagawa ng mga hukbong Romano ang hatol ng Diyos laban sa bansa na nagtakwil sa kaniyang Anak.—Daniel 9:24-27; Juan 19:15.
12. (a) Ano ang sinabi nina Pablo at Pedro tungkol sa dumarating na “araw ni Jehova”? (b) Bakit may isang bagay na tiyak na mangyayari gaya ng inilalarawan ng gawain ni Elias?
12 Subalit marami pang mangyayari pagkalipas ng 70 C.E. Iniugnay ni apostol Pablo ang isang dumarating na “araw ni Jehova” sa pagkanaririto ni Jesu-Kristo. Bukod dito, bumanggit si apostol Pedro tungkol sa araw na iyon may kaugnayan sa panghinaharap na “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Tesalonica 2:1, 2; 2 Pedro 3:10-13) Tandaan na si Juan na Tagapagbautismo ay gumanap ng gawaing tulad niyaong kay Elias bago dumating ang “araw ni Jehova” noong 70 C.E. Ang lahat ng ito ay nagpapakita na mayroon pang magaganap gaya ng inilalarawan ng gawain na ginampanan ni Elias. Ano iyon?
Taglay Nila ang Espiritu ni Elias
13, 14. (a) Ano ang pagkakatulad ng mga gawain ni Elias at niyaong pinahirang mga Kristiyano sa kasalukuyang panahon? (b) Ano ang ginawa ng mga apostata ng Sangkakristiyanuhan?
13 Ang gawain ni Elias ay hindi lamang katulad ng mga gawain ni Juan na Tagapagbautismo kundi katulad din niyaong sa mga pinahirang Kristiyano sa mapanganib na panahong ito na hahantong sa dumarating na “araw ni Jehova.” (2 Timoteo 3:1-5) Taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, sila’y matapat na mga tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba. At talaga namang kinailangan ito! Pagkamatay ng mga apostol ni Kristo, bumangon ang apostasya mula sa tunay na Kristiyanismo, kung paanong lumaganap sa Israel ang pagsamba kay Baal noong panahon ni Elias. (2 Pedro 2:1) Sinimulang paghaluin ng nag-aangking mga Kristiyano ang Kristiyanismo at ang mga doktrina at gawain ng huwad na relihiyon. Halimbawa, tinanggap nila ang pagano at di-maka-Kasulatang turo na ang tao ay may imortal na kaluluwa. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Huminto ang mga apostata ng Sangkakristiyanuhan sa paggamit ng pangalan ng tanging tunay na Diyos, si Jehova. Sa halip, sumasamba sila sa isang Trinidad. Sinunod din nila ang tulad-Baal na gawaing pagyukod sa mga imahen ni Jesus at ng kaniyang ina, si Maria. (Roma 1:23; 1 Juan 5:21) Ngunit hindi lamang iyan.
14 Mula noong ika-19 na siglo, ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay nagsimulang magpahayag ng pag-aalinlangan sa maraming bahagi ng Bibliya. Halimbawa, kanilang tinanggihan ang ulat ng Genesis tungkol sa paglalang at pinuri ang teoriya ng ebolusyon, anupat tinagurian itong “siyentipiko.” Tuwiran itong salungat sa mga turo ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol. (Mateo 19:4, 5; 1 Corinto 15:47) Gayunman, tulad ni Jesus at ng kaniyang mga naunang tagasunod, itinataguyod ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ngayon ang salaysay ng Bibliya tungkol sa paglalang.—Genesis 1:27.
15, 16. Ibang-iba sa Sangkakristiyanuhan, sino ang nagtatamasa ng regular na suplay ng espirituwal na pagkain, at sa anong paraan?
15 Habang sumasapit na ang sanlibutan “sa panahon ng kawakasan,” ang Sangkakristiyanuhan ay sinasaklot ng isang espirituwal na taggutom. (Daniel 12:4; Amos 8:11, 12) Ngunit ang munting grupo ng pinahirang mga Kristiyano ay nagtatamasa ng regular na suplay ng bigay-Diyos na espirituwal na pagkain “sa tamang panahon,” gaya ng pagtiyak ni Jehova na si Elias ay napakain noong taggutom nang kaniyang panahon. (Mateo 24:45; 1 Hari 17:6, 13-16) Dating kilala bilang International Bible Students, nang bandang huli ay tinanggap ng tapat na mga lingkod na ito ng Diyos ang maka-Kasulatang pangalan na mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10.
16 Namuhay si Elias ayon sa kaniyang pangalan, na nangangahulugang “Ang Aking Diyos Ay si Jehova.” Bilang opisyal na magasin ng mga lingkod ni Jehova sa lupa, Ang Bantayan ay laging gumagamit ng pangalan ng Diyos. Sa katunayan, ang pangalawang isyu nito (Agosto 1879) ay nagpahayag ng pagtitiwala na si Jehova ang siyang tagapagtaguyod ng magasin. Ibinubunyag ng magasing ito at ng iba pang publikasyon ng Samahang Watch Tower ang di-maka-Kasulatang mga turo ng Sangkakristiyanuhan at ng natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, samantalang itinataguyod ang katotohanan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.—2 Timoteo 3:16, 17; Apocalipsis 18:1-5.
Tapat sa Ilalim ng Pagsubok
17, 18. Paano tumugon si Jezebel sa pagpaslang sa mga propeta ni Baal, ngunit paano natulungan si Elias?
17 Ang reaksiyon ng klero sa pagbubunyag ay katulad niyaong kay Jezebel nang malaman nito na pinatay ni Elias ang mga propeta ni Baal. Pinadalhan niya ng mensahe ang tapat na propeta ni Jehova, anupat sumumpang ipapapatay siya. Hindi ito biru-birong banta, sapagkat ipinapatay na ni Jezebel ang marami sa mga propeta ng Diyos. Dahil sa takot, tumakas si Elias patungong timog-kanluran sa Beer-sheba. Iniwan doon ang kaniyang tagapaglingkod, nagpatuloy siya sa banda pa roon, patungo sa ilang, anupat nanalanging mamatay na sana siya. Subalit hindi pinabayaan ni Jehova ang kaniyang propeta. Nagpakita ang isang anghel kay Elias upang ihanda siya sa mahabang paglalakbay patungong Bundok Horeb. Sa gayo’y tumanggap siya ng panustos para sa 40-araw na paglalakbay na umabot sa mahigit na 300 kilometro. Sa Horeb ay nagsalita sa kaniya ang Diyos pagkatapos ng isang kagila-gilalas na pagtatanghal ng kapangyarihan sa pamamagitan ng isang malakas na hangin, isang lindol, at isang apoy. Wala si Jehova sa mga kapahayagang ito. Ang mga ito ay kapahayagan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Pagkatapos ay nagsalita si Jehova sa kaniyang propeta. Gunigunihin kung paano napatibay si Elias ng ganitong karanasan. (1 Hari 19:1-12) Paano kung tayo, tulad ni Elias, ay medyo natatakot kapag pinagbabantaan ng mga kaaway ng tunay na pagsamba? Ang kaniyang karanasan ay dapat tumulong sa atin na matantong hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan.—1 Samuel 12:22.
18 Niliwanag ng Diyos na may gagawin pa si Elias bilang isang propeta. Isa pa, bagaman iniisip ni Elias na siya na lamang ang natitirang sumasamba sa tunay na Diyos sa Israel, ipinakita sa kaniya ni Jehova na 7,000 ang hindi yumukod kay Baal. Nang magkagayo’y pinabalik ng Diyos si Elias sa kaniyang atas. (1 Hari 19:13-18) Tulad ni Elias, baka tugisin tayo ng mga kaaway ng tunay na pagsamba. Baka maging tudlaan tayo ng matinding pag-uusig, gaya ng inihula ni Jesus. (Juan 15:17-20) Kung minsan, baka mangamba tayo. Subalit maaari tayong maging tulad ni Elias, na tumanggap ng katiyakan mula sa Diyos at pagkatapos ay buong-katapatang nanatili sa paglilingkod kay Jehova.
19. Ano ang naranasan ng mga pinahirang Kristiyano noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I?
19 Dahil sa matinding pag-uusig noong Digmaang Pandaigdig I, ang ilang pinahirang Kristiyano ay napadaig sa takot at huminto sa pangangaral. Nagkamali sila sa pag-aakalang tapos na ang kanilang gawain sa lupa. Subalit hindi sila itinakwil ng Diyos. Sa halip, buong-kaawaang inalalayan niya sila, kung paanong pinaglaanan niya ng pagkain si Elias. Tulad ni Elias, ang tapat na mga pinahiran ay tumanggap ng pagtutuwid ng Diyos at nanumbalik sa gawain. Ang kanilang mga mata ay nabuksan sa dakilang pribilehiyo ng pangangaral ng mensahe ng Kaharian.
20. Sa ngayon, anong pribilehiyo ang ipinagkaloob sa mga tapat tulad ni Elias?
20 Sa kaniyang hula tungkol sa kaniyang pagkanaririto, binalangkas ni Jesus ang pambuong-globong gawain na tatapusin bago ang wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14) Sa ngayon, ang gawaing ito ay tinutupad ng pinahirang mga Kristiyano at ng kanilang milyun-milyong kasamahan na umaasang mabuhay sa isang paraisong lupa. Ang pagsasagawa ng pangangaral ng Kaharian hanggang sa matapos ito ay isang pribilehiyo na ipinagkaloob lamang sa mga tapat tulad ni Elias.
Maging Tapat Tulad ni Elias
21, 22. (a) Anong gawain ang pinangungunahan ngayon ng mga pinahirang Kristiyano? (b) Ang gawaing pangangaral ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng anong tulong, at bakit ito kailangan?
21 Taglay ang sigasig tulad niyaong kay Elias, binabalikat ng munting nalabi ng tunay na pinahirang mga Kristiyano ang kanilang pananagutan na pangalagaan ang mga kapakanan sa lupa ng nakaluklok na Hari, si Jesu-Kristo. (Mateo 24:47) At sa loob ng mahigit na 60 taon na ngayon, ginagamit ng Diyos ang mga pinahirang ito upang pangunahan ang paggawa ng mga alagad sa mga tao na kaniyang binigyan ng kamangha-manghang pag-asa na walang-hanggang buhay sa paraisong lupa. (Mateo 28:19, 20) Laking pasasalamat ng milyun-milyong ito na ang kakaunting nalabing mga pinahiran ay masigasig at buong-katapatang gumaganap ng kanilang mga responsibilidad!
22 Ang pangangaral na ito ng Kaharian ay isinasagawa ng mga taong di-sakdal at tanging sa pamamagitan lamang ng lakas na ibinibigay ni Jehova sa mga may-pananalanging umaasa sa kaniya. “Si Elias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin,” sabi ng alagad na si Santiago nang binabanggit ang halimbawa ng propeta sa pananalangin upang ipakita ang puwersa ng panalangin ng isang taong matuwid. (Santiago 5:16-18) Si Elias ay hindi laging humuhula o gumagawa ng mga himala. Mayroon siyang damdamin at mga kahinaan ng tao tulad ng taglay natin, ngunit naglingkod siya sa Diyos nang buong-katapatan. Yamang taglay rin naman natin ang tulong ng Diyos at pinalalakas niya tayo, maaari tayong maging tapat tulad ni Elias.
23. Bakit may mabuti tayong dahilan upang maging tapat at positibo?
23 May mabuti tayong dahilan upang maging tapat at positibo. Tandaan na si Juan na Tagapagbautismo ay gumanap ng isang gawaing tulad kay Elias bago sumapit ang “araw ni Jehova” noong 70 C.E. Taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, ang mga pinahirang Kristiyano ay nagsasagawa ng katulad na bigay-Diyos na gawain sa buong lupa. Malinaw na pinatutunayan nito na malapit na ang dakilang “araw ni Jehova.”
Paano Ka Tutugon?
◻ Paano napatunayan sa Bundok Carmel ang pagka-Diyos ni Jehova?
◻ Sino ang ‘Elias na darating,’ at ano ang ginawa niya?
◻ Paano ipinakita ng mga pinahirang Kristiyano sa kasalukuyang panahon na taglay nila ang espiritu ni Elias?
◻ Bakit posible para sa atin na maging tapat tulad ni Elias?
[Kahon sa pahina 15]
Sa Aling Langit Umakyat si Elias?
“NANGYARI, habang [sina Elias at Eliseo] ay naglalakad, nagsasalita habang sila ay naglalakad, aba, narito! isang maapoy na karong pandigma at mga maapoy na kabayo, at ang mga iyon ay gumawa ng paghihiwalay sa pagitan nilang dalawa; at si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng buhawi.”—2 Hari 2:11.
Ano ang kahulugan ng salitang “langit” sa situwasyong ito? Ang termino ay kumakapit kung minsan sa espirituwal na tahanang dako ng Diyos at ng kaniyang mga anak na anghel. (Mateo 6:9; 18:10) Ang “langit” ay maaari ring lumarawan sa pisikal na sansinukob. (Deuteronomio 4:19) At ginagamit ng Bibliya ang salitang ito upang tumukoy sa pinakamalapit na papawirin ng lupa, kung saan lumilipad ang mga ibon at humihihip ang hangin.—Awit 78:26; Mateo 6:26.
Alin sa mga langit na ito ang inakyat ni Elias? Maliwanag, inilipat siya sa papawirin ng lupa at inilagay sa ibang bahagi ng globo. Nasa lupa pa rin si Elias pagkaraan ng mga taon, sapagkat sumulat siya ng isang liham kay Haring Jehoram ng Juda. (2 Cronica 21:1, 12-15) Na si Elias ay hindi umakyat sa espirituwal na tirahan ng Diyos na Jehova ay tiniyak nang dakong huli ni Jesu-Kristo, na nagpahayag: “Walang tao na umakyat sa langit kundi siya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao,” samakatuwid nga, si Jesus mismo. (Juan 3:13) Ang daan tungo sa makalangit na buhay ay unang nabuksan sa di-sakdal na mga tao pagkamatay, pagkabuhay-muli, at pag-akyat sa langit ni Jesu-Kristo.—Juan 14:2, 3; Hebreo 9:24; 10:19, 20.