Pagkakaisa sa Daigdig—Paano Mangyayari Ito?
TULAD ng isang halos babagsak nang gusali na lubhang sinira ng walang-malasakit na mga naninirahan dito, isang bagay lamang ang angkop sa kasalukuyang sistema sa daigdig—ang wasakin at palitan ito. Ito ay hindi lamang isang pangmalas ng mga humuhula ng kapahamakan. Ayon sa Bibliya, ito ang tanging makatotohanang pangmalas. Bakit?
Ang mga pundasyon ng kasalukuyang kaayusan sa daigdig ay di-ligtas. Ang buong kayarian ay inaanay at binubukbok na. Kinakalawang na ang balangkas na bakal. Ang mga suhay na dingding ay mahina na. Lumulundo na ang bubong. Tumatagas na ang mga tubo ng tubig. May depekto at mapanganib ang sistema ng kuryente. Ang mga nakatira ay palagi na lamang nag-aaway at sadyang naninira sa buong gusali. Ang buong gusali at ang kapaligiran nito ay puno ng peste at maaaring makamatay o makapinsala.
“Nagsasayaw sa Bingit ng Libingan”
Dahil sa walang-humpay na alitang pulitikal, kasakiman, pananalakay, at malalim-ang-pagkakaugat na mga hidwaan sa pagitan ng mga tribo at lipi, “ang buong lahi ng tao ay,” gaya ng sabi ni Gwynne Dyer, “nagsasayaw sa bingit ng libingan.” Sa buong daigdig, ang determinadong mga minorya—mga grupong nanggigipit, mga nakikipaglaban para sa kalayaan, mga sindikato, internasyonal na mga terorista, at iba pa—ay nagtataguyod ng kanilang mapag-imbot na mga plano at kung gugustuhin ay waring may kakayahang biguin ang anumang posibilidad para sa kapayapaan sa daigdig. Tulad ng magugulong nakatira, magagawa nilang maging miserable ang buhay para sa kaninuman.
Subalit ayon sa maraming komentarista, ang mga sumasalungat na grupo o nanggugulong mga indibiduwal ay hindi nag-iisa sa paghadlang sa pagkakaisa sa daigdig. Ang pinakamalaking hadlang ay ang bansang-estado mismo. Ang mapagsariling mga bansa, sabi ng manunulat tungkol sa pakikipagdigma na si S. B. Payne, Jr., ay umiiral sa “isang kalagayan ng internasyonal na anarkiya.” Ginagawa nila ang anumang pinakamainam na magsisilbi sa kapakanan ng kanilang bansa, nang hindi inaalintana ang iba. Bunga nito, sa buong kasaysayan ay “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
Totoo, ang ilang pambansang pamahalaan ay medyo nagtagumpay sa paglaban sa kawalang-katarungan at paniniil sa loob ng kanilang nasasakupang teritoryo at, sa isang banda, sa pang-internasyonal na lawak. Sila ay nakapagtatag ng isang antas ng internasyonal na pagkakaisa sa pana-panahon. Ngunit kahit nagkaisa ang ilan upang labanan ang isang bansang sumasalakay, malimit na nariyan ang suspetsa na sila’y kumilos dahil sa pansariling kapakanan sa halip na dahil sa tunay na kagandahang-loob. Ang totoo, walang malawak at namamalaging solusyon ang mga pamahalaan ng tao sa pandaigdig na kaguluhan. Sinabi ni Gwynne Dyer: “Ang ideya na lahat ng bansa sa daigdig ay magsasama-sama upang hadlangan o parusahan ang pananalakay ng isang mapagsariling bansa ay mainam kung simulain ang pag-uusapan, ngunit sino ang titiyak kung sino ang mananalakay, at sino ang mananagot sa salapi at buhay na maaaring kailanganin upang mapatigil siya?”
Sabihin pa, ang pananalakay ng isang bansa laban sa iba pa ay posible lamang kapag ang karamihan sa mga mamamayan nito ay hindi tutol sa pagsalakay na iyon. Paulit-ulit na ipinakikita ng kasaysayan na hindi lamang sa isang “mapagsariling bansa” sinusuportahan ng mga mamamayan ang kanilang mga lider, tama man o mali. Sa katunayan, ganito ang ginagawa ng karamihan sa naninirahan sa lupa. Sila’y parang mga bulag na sumunod sa “mga kasinungalingan, panghihikayat sa emosyon at propaganda,” gaya ng pagtukoy rito ng magasing Time, mula sa hanay ng pulitikal at relihiyosong mga lider.
Pinapag-alab ng nasyonalismo ang damdamin ng mga taong dapat sana’y makatuwiran at madamayin at inudyukan silang gumawa ng karumal-dumal na mga krimen laban sa mga lalaki, babae, at mga bata ng ibang bansa. Halimbawa, tungkol sa Digmaang Pandaigdig I, ganito ang komento ng istoryador na si J. M. Roberts: “Ang isa sa mga kabalighuan ng 1914 ay na sa bawat bansa ay maraming tao, mula sa lahat ng partido, paniniwala at angkan, ang waring, nakapagtataka, kusa at maligayang nagtungo sa digmaan.” Natuto ba ng leksiyon ang mga tao mula noon? Hindi! Ang kahayupan ng “bulag na nasyonalismo,” gaya ng tawag dito ng peryodistang si Rod Usher, ay patuloy na sumisira sa anumang pagkakataon para sa pagkakaisa sa daigdig.
Kumikilos ang mga Puwersa Mula sa Labas
Subalit may isang mas malaking hadlang sa pagkakaisa sa daigdig. Isinisiwalat ng Bibliya na may kumikilos na mga puwersa mula sa labas. Ang mga ito ay ipinakilala bilang si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga kampon, ang mga demonyo. Ayon sa Bibliya, si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay [na bumulag sa] isipan ng mga di-mananampalataya,” upang ang “maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo” ay hindi makatagos sa kanila.—2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:9.
Mangyari pa, hindi nito pinalalaya ang mga indibiduwal mula sa pananagutan hinggil sa kanila mismong ikinikilos o landasin. Ngunit ipinaliliwanag nito kung bakit ang mga pamahalaan ng tao ay hindi kailanman makapagtatag ng isang tunay na nagkakaisang daigdig. Hangga’t patuloy na umiiral si Satanas na Diyablo, iimpluwensiyahan niya ang mga lalaki at babae na maglinang ng tinatawag ng Bibliya na “mga gawa ng laman,” kasali na ang ‘mga awayan, alitan, mga pagtatalo, at mga pagkakabaha-bahagi.’—Galacia 5:19-21.
Pandaigdig na Pamahalaan
Ano, kung gayon, ang solusyon? Mga pitong daan taon na ang nakalipas, ang sagot ay itinuro ng bantog na Italyanong makata at pilosopo na si Dante. Ikinatuwiran niya na tanging pandaigdig na pamahalaan lamang ang makatitiyak ng kapayapaan at pagkakaisa ng sangkatauhan. Para sa maraming tao ang pag-asa ng anumang anyo ng pandaigdig na pamahalaan ay isa lamang guniguni, hindi isang bagay na dapat paglagakan ng tunay na pagtitiwala. “Ang pandaigdig na pamahalaan,” sabi ng nabanggit na awtor na si Payne, “ay imposible sa yugtong ito ng kasaysayan.” Bakit? Sapagkat anumang matagumpay na pandaigdig na pamahalaan ay kailangang gumarantiya sa dalawang bagay na waring lubusang hindi kaya ng tao, samakatuwid nga na “wawakasan ng isang pandaigdig na pamahalaan ang digmaan at na ang isang pandaigdig na pamahalaan ay hindi magiging isang pangglobong kalupitan.”
Tiyak na walang anumang pamahalaan ng tao ang makagagawa nito. Gayunman, ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo ang may kakayahan at siyang makapag-aalis ng digmaan. (Awit 46:9, 10; Mateo 6:10) Sa katunayan, ililigpit nito ang lahat ng tagapagsulsol ng digmaan. Ipinakita ni propeta Daniel na sa katapusan ng itinakdang panahon ng Diyos para mamahala ang tao sa lupa, ang pamamahala ng tao ay “mapatutunayang nababahagi” tulad ng “bakal na inihalo sa mamasa-masang luwad.” (Daniel 2:41-43) Ito ay hahantong sa pagkakawatak-watak sa pulitika at di-maiiwasang alitan. Gayunman, sinabi ni Daniel na “dudurugin at wawasakin [ng Kaharian ng Diyos] ang lahat ng [makabansa at nababahaging] mga kahariang ito,” o mga pamahalaan, anupat hahalinhan ang mga ito ng kaniyang matagal nang hinihintay na Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo.—Daniel 2:44.
Walang kabuluhan na lumikha ng isang angkop na kapaligiran para sa mga tao kung ang lupa ay patuloy na titirhan ng mapagsamantalang mga tao na patuloy na gagawing miserable ang buhay para sa iba. Gayunman, “ang mga manggagawa ng masama ay puputulin.” (Awit 37:1, 2, 9, 38; Kawikaan 2:22) Kaya naman, ililigpit ni Kristo ang lahat ng sadyang tumatanggi sa mga pamantayan ng Diyos o sumusuporta sa magugulong awtoridad sa sanlibutan. Pupuksain niya ang lahat ng sumisira sa planetang ito. Nangangako ang Diyos na ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
Hindi ito magiging isang uri ng pangglobong kalupitan. Si Jesu-Kristo ay kikilos “alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran” kapag pinagbukud-bukod niya ang mabubuti at masasama. (Awit 45:3, 4; Mateo 25:31-33) Hindi rin naman ito basta negatibo at mapangwasak, anupat isang pang-aabuso sa kapangyarihan. Hindi! Hindi ito parang isang magandang lumang gusali na wawasakin ng isang sakim na developer ng mga ari-ariang lupa. Ito ay mas magiging gaya ng pagwasak sa isang nabubulok at giba-gibang gusali upang magbigay-daan sa isang kanais-nais at malinis na kapaligiran.
Ngunit kumusta naman ang mga puwersa mula sa labas na siyang sanhi ng gayong pagkakabaha-bahagi noong nakaraan? Magiging malaya kaya ang mga ito na pumasok sa bagong sistemang ito upang simulan na naman ng mga naninirahan dito ang pangwawasak, anupat nakikipaglaban sa kanilang kasamang naninirahan at ginagawang miserable ang buhay para sa lahat? Tiyak na hindi. Ang pagpapalayas at pag-aayos na ito ay pangwakas at lubusan. “Ang kabagabagan ay hindi babangon sa ikalawang pagkakataon.”—Nahum 1:9.
Itinulad ng Bibliya ang pangwakas na paglipol kay Satanas sa pagsunog ng basura. Sinasabi nito na “ang Diyablo na nagliligaw sa [mga naninirahan sa lupa] ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre.” (Apocalipsis 20:10) Tunay ngang isang mabisang paglalarawan! Gunigunihin, pagpuksa na itinulad hindi lamang sa isang maliit na insinirador na may limitadong kakayahan lamang kundi sa isang buong lawa ng apoy, anupat nilalamon at pinapawi ang lahat ng bagay na masama at marumi. Wala ni isa, ni tao man o demonyo, ang papayagang magpatuloy na gumawa ng mga bagay na magsasapanganib sa kaayusan ng sansinukob, na lumalabag sa mga pamantayan ng Diyos sa tama at mali, o nagpapahirap sa kanilang kapuwa tao. Mawawala na ang lahat ng sumisira sa pagkakaisa!—Awit 21:9-11; Zefanias 1:18; 3:8.
Isang Nagkakaisang Bayan Mula sa Lahat ng Bansa
Ang mga makaliligtas sa malawakang paglilinis na ito ay bubuo ng “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Hindi sila mababahagi dahil sa pagkakaiba ng mga bansa at tribo. Matututo na silang mamuhay nang magkasama sa kapayapaan. (Isaias 2:2-4) Ang lalo pang kahanga-hanga, makakasama nila ang dating mga naninirahan sa planeta na patitirahing muli sa nilinis na lupa sa pamamagitan ng kamangha-manghang paglalaan ng pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Nais ba ninyong mabuhay sa gayong sanlibutan? Tanging yaong mga nakatutugon lamang sa mga kahilingan ng Diyos ang mabubuhay roon, at ang kaniyang mga kahilingan ay malinaw na nakasaad sa Bibliya. (Juan 17:3; Gawa 2:38-42) Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kayong matutuhan ang hinihiling ng Diyos upang makaasa kayong magtamasa ng buhay magpakailanman sa isang tunay na nagkakaisang sanlibutan.
[Larawan sa pahina 7]
Ang pamahalaan sa mga kamay ni Jesu-Kristo ang gagarantiya ng isang nagkakaisang sanlibutan