Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Mabisang Paggamit ng mga Magasin
1 Ang Bantayan at Gumising! ay mga kapakipakinabang na pantulong upang tayo’y magkaroon ng higit na kabatiran sa mahahalagang bagay. Dahilan dito, kailangan nating basahin kaagad ang ating personal na kopya. Sa paggawa nito, magiging pamilyar tayo sa materyal ng mga artikulo at mabibigyan-pansin natin ang mga punto na maaaring doo’y interesado ang mga tao sa ating teritoryo.
2 Karaniwan na kapag tayo ay nag-aalok ng mga magasin, pinakamabuti nang itampok sa maikli ang isa lamang punto sa isang isyu. Kapag maraming artikulo ang nasasangkot, maaaring itawag ng pansin ang pinaka-paksa nito. O maaaring itampok ang isang praktikal na punto sa pana-panahon sa pamamagitan ng aktuwal na pagbasa ng pangungusap sa artikulong itinatampok.
3 Yamang ang Oktubre ay buwan para sa suskripsiyon na pantangi nating itatampok ang Gumising!, ang Samahan ay naglaan ng mga artikulo na nakatatawag-pansin sa mga tao sa ating teritoryo. Bagaman ang Gumising! ay partikular na idinidiin, gayunman may pantanging artikulo sa Ang Bantayan na maaaring gamitin sa larangan. Sa maraming kaso nanaisin ninyong mag-alok ng suskripsiyon sa dalawang magasin sa ₱120.00 sa Oktubre.
4 Kapag nag-aalok ng Oktubre 8 ng Gumising!, walang alinlangan na masusumpungan ninyo na ang halos lahat ay magiging interesado sa mga artikulong tumatalakay sa AIDS. Ang tema ay “AIDS—Isang Pangglobong Sakuna? Paano Mo Mapangangalagaan ang Iyong Sarili?” Ang ilan sa mga artikulo sa isyung ito ay “Bakit Lubhang Lumaganap ang AIDS?” at “Kung Paano Iiwasan ang AIDS.” Sa pag-aalok ng isyung ito maaari ninyong sabihin: “Magandang umaga po. Taglay ko ang pinakabagong labas ng magasing Gumising! na tumatalakay sa isang paksa na may pambuong daigdig na interes, ang AIDS. Yamang ito’y mabilis na lumaganap sa buong daigdig, tayong lahat ay maaaring maapektuhan nito sa paano’t paano man. Kaya natitiyak kong kayo’y magiging interesadong basahin ang pinakabagong labas na ito.”
5 Ang Oktubre 22 ng Gumising! ay tumatalakay may kinalaman sa diborsiyo at pangangalaga sa bata at maaaring magdulot ng interes lalo na sa mga tagapayo ng pamilya at mga abogado, at sa mga nababahala sa pagguho ng mga pamilya ngayon.
6 Ang dalawang isyu ng Ang Bantayan ng Oktubre ay tumatalakay sa tanda na ibinigay ni Jesus hinggil sa mga huling araw. Ang isyu ng Oktubre 1 ay may temang, “Ang Tanda—Nakita Mo ba Ito?” at ang isyu ng Oktubre 15 ay nagtatampok sa “ ‘Ang Tanda’—Patotoo na ang Bagong Sanlibutan ay Malapit na?” Sa pagtalakay sa mga isyung ito sa larangan, maaari ninyong sabihin: “Ang karamihang tao ay sasang-ayon na tayo ay nabubuhay sa mapanganib na panahon, at marami ang nag-iisip kung ito ay katuparan ng tanda ng mga huling araw na ibinigay ni Jesus nang siya’y nasa lupa. May kabatiran ba kayo sa tandang ito? Ang pinakabagong labas ng Ang Bantayan ay tumatalakay sa bagay na ito nang lubusan at tumutulong sa atin na makita kung ano ang kahulugan ng tandang ito at kung papaano natin maiiwasan ang kapahamakan sa pamamagitan ng pagsunod dito.”
7 Ang pagkakaroon ng lubusang kabatiran sa impormasyong masusumpungan sa mga magasin ay magpapangyaring maiharap natin ang mga ito nang mabisa. Maging positibo tayo sa pag-aalok ng mga suskripsiyon sa lahat ng masusumpungan natin sa Oktubre upang ang iba pa ay maaaring magkaroon ng pagkakataong makinabang mula sa maiinam na mga artikulong ito. Marahil ang mga taong ito ay magtatamo ng pagpapahalaga sa Ang Bantayan at Gumising! at magkakaroon ng “pagnanais sa gatas na walang daya na ukol sa salita.”—1 Ped. 2:2.