Dagiti Ang mga Kapakanan ba ng Kaharian ay Nauuna sa Inyong Buhay?
1 Handa si Jesus na ibigay ang kaniyang buhay para sa Kaharian ng Diyos. Kahit nang siya’y nakabayubay sa tulos kaniyang itinanghal ang Kaharian ng Diyos bilang pag-asa ng sangkatauhan, na nagsasabi sa manggagawa ng masama: “Kakasamahin kita sa Paraiso.”—Luk. 23:43.
2 Maiintindihan natin kung bakit minalas ni Jesus ang Kaharian bilang napakahalaga. Siya ay sinugo mula sa langit “upang bigyang patotoo ang katotohanan” tungkol sa Kaharian. Ano ang maaaring magdala ng higit na kagalakan kaysa pagsasagawa ng kalooban ni Jehova na baguhin ang lupa tungo sa pagiging isang Paraiso?
PAGTAYA SA MAGUGUGOL
3 Ang pagsunod sa halimbawa ni Jesus sa pag-una sa mga kapakanan ng Kaharian ay hindi madali. Ipinaliwanag ni Jesus na siya’y naparito “upang maglagay ng apoy sa lupa” at na magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga sambahayan hinggil sa isyu ng Kaharian.—Luk. 12:49-53.
4 Ang pagtulad kay Jesus ay nangangahulugang pagdadala ng “tulos ng pahirapan” at sa lahat na kaugnay nito. Ang ‘pagtaya sa magugugol’ ay nangangahulugan na ang isang tao ay kailangang handa na “tumanggi” sa kaniyang materyal na ariarian kung ang mga ito ay nakakahadlang sa kaniyang paglilingkuran sa Diyos. (Luk. 14:27, 28, 33) Subali’t gaya ng ipinakita ni Jesus, ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay sulit sa anumang magugugol.—Mat. 13:44-46.
HUWAG KAYONG MANGABALISA
5 Makabubuting itanong sa ating sarili kung ang mga kapakanan ng Kaharian ay nauuna sa ating buhay. Sinabi ni Jesus: “Sinuma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon . . . Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan. . . . Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin, kahit na sa inyong katawan kung ano ang inyong daramtin.” (Mat. 6:24, 25) Tayo ba ay may sapat na pananampalataya sa payo ni Jesus na unahin muna ang Kaharian, na nagtitiwala na ang lahat ng iba pang bagay ay idaragdag? O, tayo ba ay ‘nangababalisa sa ating pamumuhay’?
6 Madalas ba kayong hindi nakadadalo ng mga pulong o nakapaglilingkod dahilan sa trabaho? Ang ilang mga kapatid ay tumatanggi sa mga trabahong matataas ang suweldo dahilan sa ang pasok nila ay makakasagabal sa kanilang mga teokratikong gawain. Nasusumpungan ng marami na ang mga nagpapatrabaho ay nagbibigay ng kaluwagan sa mga manggagawang maaasahan at may pagkukusa. (Col. 3:23, 24) Ang kongregasyon ay napatitibay sa mabuting paraan kapag ang mga matatanda, ministeryal na lingkod at mga payunir ay nagbibigay ng mabuting halimbawa sa bagay na ito.
MAGPLANO NA NGAYON
7 Ang ilan sa inyong mga kabataan ay malapit ng makatapos ng pag-aaral. Kayo ba ay gumagawa na ng plano ngayon para sa isang teokratikong kinabukasan? Ang ilan ay maaaring nagbabalak na magtrabaho sa maikling panahon at pagkatapos ay magpayunir. Bakit aalisin ang pagkakataon na magkaroon ng lubusang bahagi sa paglilingkod sa Kaharian dahilan sa pagsisikap na magtipon ng mga materyal na pag-aari? Bakit hindi unahin muna ang mga bagay na nauuna? Kung ang Kaharian ang una sa inyong buhay, kung gayon bakit hindi muna magpayunir? Kapag ang sekular na trabaho ang nauna, may panganib na ang inyong puso ay malugmok sa mga kabalisahan na sumisira sa pagpapayunir.—Mat. 6:26; Luk. 21:34.
8 Ang pagkarahuyo sa mga materyal na kapakinabangan ay nauuwi sa malalaking utang, na humihiling ng lalong malaking kita. Gaano kabuti na magtiwala kay Jehova na nakakaalam sa ating mga pangangailangan at nangangakong maglalaan nito. Kung ating uunahin ang mga kapakanan ng Kaharian, ang ating buhay ay magkakaroon ng tunay na layunin, napapalakas ng pag-asa ukol sa walang hanggang mga pagpapala sa hinaharap.—Mat. 6:32; 1 Tim. 6:18, 19.