Patuloy na Unahin ang mga Kapakanan ng Kaharian
1 Kay inam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus kung papaano niya inuna ang Kaharian sa kaniyang buhay! (Mat. 6:33) Nang siya’y nililitis sa harapan ni Pilato, siya’y nanatiling matatag. (Juan 18:35, 37) Oo, kahit noong siya’y mamamatay na sa pagkakabayubay sa tulos, kaniyang idiniin ang pag-asa sa Kaharian, na sinasabi sa manggagawa ng masama: “Kakasamahin kita sa Paraiso.”—Luc. 23:43.
PAGTAYA SA MAGUGUGOL
2 Bakit minalas ni Jesus na napakahalaga ng Kaharian? Sapagka’t kaniyang nalalaman na pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos na maganap ang kalooban ng Diyos sa lupa kagaya sa langit.
3 Ang pagtulad kay Jesus bilang tagapagtaguyod sa Kaharian ng Diyos ay naglalakip sa pagdadala ng “tulos ng pahirapan” at sa lahat ng mga kaakibat nito. Ang ‘pagtaya sa magugugol’ ay nangangahulugan na kailangan tayong maging handa sa pagsasabing “paalam” sa materyal na ariarian kung ang mga ito ay humahadlang sa ating paglilingkod sa Diyos. (Luc. 14:27, 28, 33) Ang pagtatamo ng walang hanggang buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay karapatdapat anuman ang magugol.—Mat. 13:44-46.
HUWAG MABALISA
4 Ang paglipas ng 19 na siglo ay hindi nag-alis sa pangangailangang patuloy na unahin ang mga kapakanan ng Kaharian sa ating buhay. Si Jesus ay nagpaliwanag: “Sinoma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon . . . Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan. . . . Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay kung ano baga ang inyong kakanin o kung ano ang inyong iinumin, kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.” (Mat. 6:24, 25) Tayo ba’y nababalisa sa ating mga kaluluwa? O tayo ba’y may sapat na pananampalataya upang hanapin muna ang Kaharian, na nagtitiwala na idaragdag ang lahat ng ibang mga bagay na ito?
5 Hindi tinanggap ng ilang mga kapatid ang mga trabahong may malalaking suweldo dahilan sa ang eskedyul sa trabaho ay hahadlang sa mga gawaing teokratiko. Ang iba ay nagbago ng kanilang pinapasukan nang ito’y sumalungat sa mga simulain ng Bibliya. Ang ilang pinapasukan ay naging mapagbigay sa mga kapatid sapagka’t sila’y may pagkukusa, maaasahang mga manggagawa. (Col. 3:23, 24) Tunay, ang kongregasyon ay napatitibay kapag ang mga matatanda, mga ministeryal na lingkod, at mga payunir ay nagbibigay ng mabuting halimbawa sa paghanap muna sa Kaharian.
MAGPLANO NGAYON
6 Di matatagalan at ang ilan sa inyo mga kabataan ay titigil na sa pag-aaral. Gumagawa ba kayo ng plano para sa isang teokratikong karera? Gusto ba ninyong magtrabaho muna nang buong panahon bago kayo magpayunir? Kapuripuri na kayo’y nagpaplanong magpayunir sa hinaharap. Subali’t kung ang Kaharian ay tunay na nauuna sa inyong buhay, bakit hindi muna magpayunir? Kapag ang sekular na trabaho ang nagiging pangunahin, may panganib na malugmok ang inyong puso sa kabalisahan na makasisira sa plano ninyong magpayunir.—Mat. 6:27, 34; Luc. 21:34.
7 Sa halip na mapadala sa panghihikayat ng sanlibutan, gaano kabuti na magtiwala kay Jehova, na nakababatid sa ating mga pangangailangan at nangako na ipagkakaloob ang mga iyon! Sa pamamagitan ng patuloy na pag-una sa mga kapakanan ng Kaharian, ang ating buhay ay magkakaroon ng tunay na layunin.—Mat. 6:32; 1 Tim. 6:17-19.