Patuloy na Magtulungan sa Isa’t Isa
1 Ang apostol Pablo ay sumulat, “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay magpaalipin kayo sa isa’t isa.” (Gal. 5:13) Ang pananalitang ito ay nagpapakita sa espiritu na kailangang gumabay sa ating kaugnayan sa iba, kapuwa sa loob at labas ng Kristiyanong kongregasyon. Ang ating pagmamalasakit sa iba ay nagpapangyari na tayo ay tumulong sa mga baguhan at sa mga mahihina. Ang ating maibiging personal na interes ay umaabot maging doon sa nasa ating kongregasyon na nangangailangan ng pantanging tulong. Nawa ang ating espiritu ay maging gaya ng kay Pablo habang ‘ang lahat nating gawain ay isinasakatuparan sa pag-ibig.’—1 Cor. 16:14; Fil. 2:4.
ISANG ANGKOP NA PANAHON
2 Dahilan sa mabilis na pagsulong na nagaganap ngayon tayo ay tinatawagan na “gumawa ng mabuti sa lahat, lalong lalo na sa kasambahay sa pananampalataya.” (Gal. 6:10) Kung kayo ay isang auxiliary o regular payunir, maaari bang anyayahan ninyo ang iba na gumawang kasama ninyo? Ang inyong maibigin at paulit-ulit na paanyaya ay makatutulong sa kanila na magkaroon ng higit na palagiang pakikibahagi sa paglilingkuran.
3 Nais din nating matulungan ang ating mga tinuturuan sa Bibliya na sumama sa atin sa paglilingkod sa larangan kapag kuwalipikado na sila. Kakailanganing ipakita natin sa kanila kung papaano isinasagawa ang gawain. Ang mga pagsasanay ay tunay na nakatutulong sa pagsasagawa nito. Tulungan silang maghanda ng isang payak na presentasyon. Tulongan ang iyong estudiyante sa Bibliya na pumili ng mga angkop na punto mula sa kasalukuyang magasin na magagamit nila sa presentasyon sa bahay-bahay. Insayuhing magkasama ang presentasyon. Ang pagtulong ninyo sa kanila na maghanda para sa paglilingkuran sa larangan ay walang alinlangang magdudulot ng mabubuting balita.
4 Napapansin ba ninyo na may ilang kapatid na laging hindi nakadadalo? Ano ang magagawa upang tulungan sila? Marahil ang isang maikling pagdalaw ay makapagpapatibay. Ibahagi sa kanila ang mga kapanapanabik na punto mula sa isang pagtitipon o ang mabubuting karanasang narinig ninyo. Ipabatid sa taong iyon na pinananabikan ninyo ang pakikipagsamahan niya. Matutulungan ba ninyo siyang dumalo sa pulong nang palagian?
5 Ang mga kalagayan ay maaaring lumitaw na kakailanganin nating maging walang lubay sa pagtulong sa mga nangangailangan ng pantanging tulong dahilan sa kanilang kalagayan. Ang walang panghihimagod na pagsisikap ay lalo nang kailangan kapag tumutulong doon sa mga matatanda na o matagal nang may sakit. Ang matanda o may sakit at marahil ang ibang miyembro ng pamilya ay nangangailangan ng pampatibay-loob. Ang palagiang pagdalaw ay magpapasigla sa kanilang espiritu at tutulong sa kanilang pagtitiis. Ang isang palakaibigang ngiti at ilang salita ng pampatibay-loob ay magbibigay katiyakan sa ating mga kapatid na tayo ay nagmamalasakit. (Kaw. 25:11) Maaaring may pangangailangan na maghanda ng pagkain, suguin nila o gumawa ng gawaing-bahay upang tulungan ang mga pamilya na nasa ganitong kalagayan, upang maipagpatuloy nila ang kanilang pang-araw-araw na gawain at magkaroon ng regular na bahagi sa gawaing pagpapatotoo.
6 Sikaping maunawaan ang pangangailangan ng iba at kumilos alinsunod doon. (1 Juan 3:16-18) Ang inyong konduktor sa pag-aaral ng aklat ay kadalasang kilala yaong mga naatasan sa kaniyang grupo, kaya sumangguni sa kaniya. Ang walang pag-iimbot na pag-ibig sa kapatid ay maaaring magpakilos sa ‘bawa’t isa sa atin na pagkalooban ang kaniyang kapuwa ng mabuti ukol sa kaniyang ikatitibay.’ (Roma 15:1, 2) Habang sinisikap natin na pangalagaan ‘yaong sariling atin’ ano man ang kalagayan natin, tayo ay napatitibay at napalalakas ng ating pag-asa, na nalalamang si Jehova ay nagmamalasakit sa atin at pagpapalain tayo habang patuloy nating tinutulungan ang isa’t isa.—1 Tim. 5:8; 1 Ped. 5:6, 7.