“Gumawa ng Mabuti sa Lahat”
1 Ikinagagalak nating makita ang maraming mga baguhan na dumadagsa sa kongregasyon. (Isa. 60:8) Ang isang bagay na nakakaakit sa kanila ay ang pag-ibig na nakikita sa bayan ni Jehova. (Juan 13:34, 35) Hindi ba’t ang karamihan sa atin ay lubusang natawagang pansin ng init at pagiging palakaibigan na ating naranasan noong una tayong pumasok sa Kingdom Hall? Dahilan sa personal nating naranasan ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng Kristiyanong kongregasyon, tayo ay napakilos na “gumawa ng mabuti sa lahat” sa pamamagitan ng pagtulong at pagpapasigla sa iba.—Gal. 6:10.
TULUNGAN ANG IBA NA SUMULONG
2 Kapag may nakikita tayo sa pulong sa unang pagkakataon, sinisikap ba natin na makilala siya? Hindi natin dapat na madamang ang mga matatanda at ministeryal na lingkod lamang ang may pananagutan dito. Personal din nating pananagutan ito. (Roma 15:7; ihambing ang Galacia 5:14 at Santiago 2:8.) Kapag ang marami sa kongregasyon ay tumatanggap sa mga baguhan, nakatatawag-pansin sa kanila ang naipamamalas na pag-ibig Kristiyano. Ang gayong init at pagiging palakaibigan ay nagpapasigla sa patuloy na pagpasok ng mga tulad-tupa tungo sa kongregasyon.—Tingnan ang Isaias 60:5, 11.
3 Sa buwang ito, maraming baguhan ang dadalo sa pagdiriwang ng Memoryal, at ang mga ito ay nangangailangan ng tulong upang sumulong sa espirituwal. Kung may nalalaman kayong dumalo sa Memoryal subali’t hindi pa nag-aaral sa kasalukuyan, bakit hindi pasimulan ang isang pag-aaral? Himukin siyang dumalo sa mga pulong at aluking samahan siya patungo sa Kingdom Hall. Pasiglahin siyang gumawa ng personal na pag-aaral, at habang siya’y sumusulong sa kaalaman at pagpapahalaga, tulungan siyang maghanda ng komento sa mga pulong.—Roma 15:1, 2.
4 Ang mga baguhan din na kasama ng kongregasyon ay mga “kasambahay natin sa pananampalataya” at nangangailangan ng ating tulong at pampatibay-loob. (Gal. 6:10) Maging ang mga maliliit na anak ay nalulugod kapag binibigyan ng atensiyon ng mga nakatatanda. Ang mga bata na wala sa katotohanan ang mga magulang ay lalo nang nangangailangan ng ating pampatibay-loob.—Sant. 1:27.
PASIGLAHIN ANG PAGPAPAYUNIR
5 Yaong mga nagsisikap na mabuti sa ministeryo, lakip na ang mga payunir, ay nakikinabang nang malaki kapag ipinahahayag natin ang pagpapahalaga sa kanilang mainam na halimbawa at personal na mga pagsasakripisyo.
6 Kapag naisasaayos ng mga matatanda at ministeryal na lingkod ang kanilang kalagayan upang makapag-auxiliary payunir sa mga pantanging buwan o kaya’y maging mga regular payunir, ang mga kapakinabangan ay tinatamasa ng buong kongregasyon. (2 Cor. 9:2) Kung kayo ay isang matanda o ministeryal na lingkod, maaari bang gumawa ng mga pagbabago sa inyong eskedyul upang kayo ay makapag-auxiliary payunir sa Mayo, na may limang dulo ng sanlinggo? Kung gayon, mararanasan ninyo ang maraming pagpapala at magpapangyaring kayo ay “gumawa ng mabuti sa lahat.” Habang hinahanap natin ang mga paraan upang tulungan at patibayin ang iba, idaragdag ni Jehova ang kaniyang pagpapala.