May Kagalakang Pasulungin ang Ating Papuri kay Jehova
1 Tunay na naranasan natin ang pinakatampok na taon sa kasaysayan ng bayan ni Jehova sa 1985 taon ng paglilingkod. Marami sa atin ay nakabahagi sa gawaing auxiliary payunir at marami ay nagpatala bilang mga regular payunir. Papaano pa natin mapasusulong ang ating paglilingkod sa Kaharian sa bagong 1986 taon ng paglilingkod? Papaano natin mapalalawak ang ating mga pagkakataon sa paglilingkod sa mga hinaharap na araw?
SA PAARALAN
2 Ano naman ang tungkol sa inyo mga kabataan na nasa paaralan pa? Ang inyo bang mga guro at mga kamag-aral ay nakikilala kayo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova? Sinasamantala ba ninyo ang pagkakataon na magpatotoo sa kanila? Kung hindi pa, nanaisin ninyong ipabatid ito sa kanila sa pag-aaral ninyo sa taong ito.
3 Sa pagsapit ng mga makasanlibutang kapistahan, ang ilan ay magnanais makaalam kung bakit kayo ay hindi nakikisali sa pagdiriwang. Samantalahin ang kanilang pagkamausisa at magpatotoo sa kanila. May pagkakataong kayo ay hihilingang magbigay ng ulat sa klase at maaari ninyong ilakip ang materyal mula sa mga lathalain ng Samahan. Nakatanggap na ba ang inyong mga guro ng School brochure? Gamitin ang aklat na Kabataan sa pagbibigay ng patotoo, o ibahagi sa iba ang piniling mga artikulo mula sa Bantayan at Gumising! Marami sa ating mga kapatid ang unang nakaalam ng katotohanan mula sa kanilang mga kamag-aral na mga Saksi. Ang paaralan ay tunay na isang mabungang larangan para mapasulong ang inyong paglilingkuran sa Kaharian sa mga dumarating na buwan.
MAGING ISANG AUXILIARY PAYUNIR
4 Sa panahon ng inyong bakasyon, marami sa inyo ang nagkapribilehiyo na makabahagi sa gawaing auxiliary payunir. Ang ilan ay nakabahagi sa loob ng tatlong buwan ng Marso, Abril at Mayo. Naisaalang-alang na ba ninyong muli na gawin ito sa Nobyembre at Disyembre? Ang Nobyembre ay may limang Sabado, samantalang ang Disyembre ay may limang Linggo lakip na ang ilang panahong walang eskuwela dahilan sa pista opisyal. Bakit hindi gumawa ng mga plano ngayon para mag-auxiliary payunir sa susunod na ilang mga buwan? Ang mga matatanda ay magagalak na magbigay sa inyo ng aplikasyon.
5 Kayo man ay bata o matanda, tayong lahat ay maaaring magbigay ng konsiderasyon sa pagpapasulong ng ating papuri kay Jehova sa iba’t ibang paraan. Walang alinlangang ito ay mangangahulugan na “bilhin” ang panahon mula sa ibang gawain. Hindi lamang ito magbibigay sa atin ng malaking kagalakan, kundi magsisilbing proteksiyon sa atin sa “balakyot” na mga araw na ito, yamang mas kakaunting panahon ang ating magagamit para sa makasanlibutang gawain. (Efe. 5:15, 16) Bilang mga Kristiyano, samantalahin natin ang kaayaayang mga pagkakataon upang pasulungin ang ating paglilingkuran sa Kaharian.