Pagbibigay ng Atensiyon sa mga Matatanda at Masasakitin
1 Nakapagpapatibay na sa gitna natin ay maraming matatandang kapatid na lalaki at babae na naging tapat sa paglilingkod sa Kaharian sa maraming mga taon. Ang kanilang puting buhok ay tunay na putong ng kagandahan at ang kanilang pagkanaririto ay kabutihan para sa kongregasyon.—Kaw. 16:31.
2 Habang nakikinabang sa kanilang espirituwal na mga kaloob, dapat din nating ingatan sa kaisipan na ang pagtanda ay nagdadala ng mga suliranin sa iba’t ibang paraah. (Ecles. 12:1-5) Tayo ba ay alisto sa personal na pangangailangan ng ating mga matatandang kapatid, at tayo ba ay nagbibigay sa kanila ng maibiging tulong?—Juan 13:34, 35.
3 May panahon na ang kailangan nila ay ang makakasama upang malunasan ang pamamanglaw, subali’t sila ay kadalasang nangangailangan ng tulong may kaugnayan sa sasakyan, pamimili ng kailangan, o gawain sa bahay. Ang iba sa kongregasyon kahit na hindi pa matatanda ay maaaring mangailangan din ng gayong tulong palibhasa’y masasakitin.
PAPAANO TAYO MAKATUTULONG?
4 Ang pangunahing pananagutan sa pagtulong sa mga matatanda at masasakitin ay nasa mga miyembro ng pamilya at iba pang mga kamag-anak. Gayumpaman, ang mga kapatid sa espirituwal ay dapat na magpakita ng pagkabahala at pagiging handang tumulong. Ang paglalaan ng sasakyan patungo sa mga pulong ay isang paraan upang magbigay ng tulong. Mayroon bang nangangailangan ng tulong upang makadalo sa pagdiriwang ng Memoryal sa Marso 24? Ang isa pang paraan upang tumulong ay ang pag-aanyaya sa mga matatanda sa isang pagkain o sa isang Kristiyanong pagsasamasama.
5 Kapag gumagawa ng mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan, isinasaalang-alang ba ninyo ang mga matatanda? Maaaring pumili kayo ng isang teritoryo na hindi naman masyadong malayo sa kanilang tahanan upang sila ay magkaroon ng bahagi. Ang pagsasama sa mga matatanda sa mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya ay maaaring magsilbing isang pampatibay-loob sa mga maybahay.
6 Yaong mga hindi nakadadalo nang palagian sa mga pulong ay nananabik sa pakikipagsamahan ng mga kapatid. Maaari bang gumawa ng kaayusem upang maibahagi sa kanila ang mga tampok na bahagi ng pulong? Pahahalagahan din nila na makatanggap ng pinakabagong mga publikasyon.
7 Ang maipabatid lamang na tayo’y may pagmamalasakit ay malaki ang nagagawa. Ang isang maikling pagdalaw o pagtawag sa telepono sa isang lagi na lamang nasa tahanan ay nakapagpapasigla ng espiritu. Ipakita nawa nating lahat ang pag-ibig “sa gawa at sa katotohanan.” (1 Juan 3:18) Pagpalain nawa ni Jehova ang ating pagsisikap na matulungan ang matatapat nating mga matatanda at mga masasakitin.