Pagpapasimula ng mga Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya
1 Isang kasiyasiyang karanasan para sa mga tunay na Kristiyano ang magturo sa iba ng katotohanan sa pamamagitan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Subalit, maaaring ito’y hindi nararanasan ng ilan dahilan sa pagkadamang hindi nila kayang magsimula at magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Maraming mga mamamahayag at payunir ang nakadama rin nito noong una. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova at pagkakapit ng mga mungkahi mula sa Ating Ministeryo sa Kaharian, kanilang natutuhan ang pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Maaari ding magkaroon kayo ng gayong tunguhin.
2 Paggamit ng Tuwirang Pamamaraan at ng mga Tract: Ang isa sa pinakamadaling paraan sa pagsisimula ng isang pag-aaral ay sa pamamagitan ng tuwirang pamamaraan. Ang kailangan lamang ng ilang mga tao ay ang malugod na paanyayang mag-aral ng Bibliya. Maaari itong gawin sa pamamagitan lamang ng pagtatanong sa maybahay: “Nais ba ninyong magkaroon ng personal na pantahanang pag-aaral sa Bibliya at mapasulong ang inyong kaalaman sa Bibliya at sa layunin ng Diyos sa lupa?” O maaari ninyong sabihin sa maybahay na malulugod kayong itanghal ang paraan kung papaano isinasagawa ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Isipin ang inyong kagalakan na makasumpong ng isang tatanggap nito!
3 Ang isa pang paraan upang mapasimulan ang pag-aaral sa Bibliya ay sa pamamagitan ng paggamit ng isa sa ating mga tract. Papaano mapasisimulan ang isang pag-aaral sa tract? Sa pamamagitan lamang ng pagbibigay sa maybahay ng isang tract na pupukaw ng kaniyang interes. Pagkatapos, anyayahan ang maybahay na basahin ang unang parapo kasama ninyo. Tingnan ang mga kasulatang binanggit, at talakayin kung papaano kumakapit ang mga ito sa materyal. Sa unang pagdalaw, maaari ninyong isaalang-alang ang isa o dalawang parapo. Habang napapahalagahan ng maybahay ang kaniyang natututuhan, maaari ninyong dagdagan ang panahon ng inyong pag-uusap.
4 Paggamit Lamang ng Bibliya: Kung minsan ang isang tao ay sang-ayong pag-usapan ang Bibliya subalit nag-aatubiling tumanggap ng isang pormal na pag-aaral o gumamit ng isa sa ating mga publikasyon. Maaari pa rin ninyong mapasimulan at maidaos ang isang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng paghahanda ng kapanapanabik na pagtalakay sa Kasulatan mula sa aklat na Mabuhay Magpakailanman at aklat na Nangangatuwiran subalit gumagamit lamang ng Bibliya kapag dumadalaw sa mga taong interesado. Ang gayong pagtalakay ay maaaring tumagal ng 15 hanggang 20 minuto, depende sa kalagayan. Kung gagawin ito nang regular taglay ang isang pasulong na paraan ng pagtuturo ng mga katotohanan ng Bibliya, kayo ay nakapagsisimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, at ito’y maaari ninyong iulat. Kapag sumapit ang angkop na panahon, iharap ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, at idaos ang isang pormal na pag-aaral dito.
5 Bilang karagdagan sa paghanap ng mga pagkakataon sa ministeryo sa larangan, pinagsikapan na ba ninyong makapagsimula ng pag-aaral sa Bibliya sa mga kapitbahay, sa mga kasamahan, o sa mga miyembro ng pamilya? Matagal na ba iyon? Sinubukan ba ninyo itong muli kamakailan lamang? Kung hindi umobra ang isang paraan, sinubukan ba ninyo ang iba pa?
6 Maaari kayong maging matagumpay sa pagsisimula ng mga pag-aaral kung inyong ikakapit ang ibinigay na mga mungkahi, at magtitiwala kay Jehova para sa kaniyang pagpapala. Mapasulong nawa ninyo ang inyong kagalakan sa pagpapasimula at pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.