Ang Regular Payunir na Paglilingkuran—Isang Paanyayang Aakay sa Higit na Kaligayahan
1 Papaano kayo tumutugon sa paanyayang makibahagi sa gawain na magdudulot ng kaluguran at kasiyahan? Malamang na ito taglay ang pagpapahalaga at pananabik. Ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang taimtim na paanyaya ukol sa namamalaging kaligayahan at kaginhawahan. Sinabi niya: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin, . . . at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.” Ang pamatok na ito ng pagiging alagad na Kristiyano ay naglalakip sa pag-aanyaya sa iba pa na makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Ang regular payunir na paglilingkuran ay isang napakainam na paraan sa pagpapasulong sa inyong bahagi sa gawaing ito at sa kaligayahan at kaginhawahang idudulot nito.—Mat. 11:28-30; 28:19, 20.
2 Mula noong 1979 taon ng paglilingkod, ang aberids na regular payunir sa Pilipinas ay sumulong ng 164 na porsiyento! Mula sa aberids na 3,639 na mga regular payunir noong 1979 tayo ay sumulong tungo sa aberids na 9,610 noong taon ng paglilingkod 1986. Noong Oktubre, 1986, ang peak na 11,516 mga regular payunir ang nag-ulat. Anong mensahe ang ipinakikita ng lumalaking pulutong na ito ng mga pambuong panahong manggagawa? Na ang sumusulong na bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay nakakasumpong ng kaligayahan at kasiyahan sa puspusang paggamit ng sarili sa paglilingkod kay Jehova. Ang kanilang kasiglahan ay nagpakilos sa iba pa upang kanilang taimtim na pag-aralan kung maaari din nilang ayusin ang kanilang kalagayan upang maging mga regular payunir. May pananalangin ba ninyong isinasaalang-alang ang posibilidad na ito?
SINO ANG MAKAPAGPAPAYUNIR?
3 Ang isang kabataang kapatid na lalake na pumasok sa regular payunir na paglilingkuran sa kaniyang huling taon sa mataas na paaralan ay nag-ulat: “Hindi ako kailanman naging maligaya kagaya nito sa aking buong buhay.” Pagkatapos magpasimulang magpayunir noong nakaraang Setyembre, isang ina na may dalawang maliliit na anak ang nagkomento: “Ako’y mas maligaya ngayon kaysa kailanman.” Pagkatapos mamatay ang kaniyang asawa, isang kapatid na babae ang sumulat: ‘Taimtim kong pinasisigla ang sinumang maaaring magpayunir. Ito’y maglalapit lamang sa inyo kay Jehova at sa inyong kongregasyon.’ Gaano kaligaya ang mga indibiduwal na ito na sila’y tumugon sa paanyayang pumasok sa regular payunir na paglilingkuran!
4 Maaari nating kumbinsihin kaagad ang ating sarili na hindi tayo makapagpapayunir. Subali’t taglay ang may pananalanging pagsisikap, maaari nating makita kung ang ating mga kalagayan ay magpapahintulot sa atin na pumasok sa ranggo ng mga regular payunir. Ang isang kapatid na babae na ngayon ay may kagalakang naglilingkuran bilang isang regular payunir ay umamin na nang timbangin niya ang kaniyang dahilan sa hindi pagiging regular payunir kung ihahambing sa mga dahilan kung bakit kailangan ito, naging maliwanag na kailangang kunin niya ang paglilingkuran bilang payunir. Napagtagumpayan niya ang kaniyang pag-aatubili at pinahintulutan niya ang kaniyang pananampalataya at pag-ibig kay Jehova na mamayani.—Tingnan ang Eclesiastes 11:4.
5 Malapit na ba kayong magretiro, o kayo ba’y retirado na? Kung ipinahihintulot ng inyong kalusugan at kalagayan na maging isang regular payunir, ang inyong buhay ay magkakaroon ng karagdagang kahulugan at layunin. Naririyan din ang mga mag-asawa na wala pa ngayong pananagutang magpalaki ng mga anak. Kung ganito ang inyong kalagayan, maaari ba ninyong mapasulong ang inyong kaligayahan sa pamamagitan ng pagpasok sa regular payunir na paglilingkuran?
6 Yaong mga nagpapayunir bago nagpasimulang magkaroon ng pamilya ay magkakaroon ng bentaha sa dakong huli na makapagsalita mula sa kanilang karanasan kapag nagpapasigla sa kanilang mga anak na isaalang-alang ang pagpapayunir bilang tunguhing dapat na pagsikapan. Ang ilan ay patuloy na nakapagpapayunir samantalang nagtataguyod sa kanilang pamilya. (Kaw. 22:6) Mahigit sa 30 porsiyento ng lahat ng mga regular payunir sa Pilipinas ay may asawa, at ang marami sa kanila ay may mga anak subali’t naisaayos nila ang kanilang kalagayan upang magpayunir. Tunay na isang positibong espirituwal na kapaligiran ang pinangyayari nito sa tahanan!
7 Mga 70 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga payunir sa Pilipinas ay walang asawa. Ang marami sa mga ito ay walang pampamilyang pananagutan at kinilala ang mainam na pagkakataon sa harap nila upang pasayahin ang puso ni Jehova samantalang pinalalaki ang kanilang sariling kaligayahan sa pamamagitan ng paglilingkod bilang mga regular payunir.
8 Maaari malapit na kayong makatapos sa inyong sekular na edukasyon. Ano ang inyong gagawin pagkatapos ng graduwasyon? Nagpayo si Jesus na ingatang ‘payak ang mata,’ na hindi pinahihintulutan ang materyal na bagay at pisikal na kaalwanan na maging malalaking bagay sa buhay. Nalalaman ng isang mabuting mananakbo ang karunungan ng pag-aalis ng anumang bagay na magpapabigat sa kaniya at makakahadlang sa kaniyang pagtakbo ukol sa isang matagumpay na karera. Gayundin, ang inyong pagkakataon na maging matagumpay sa pagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova at pag-iwas na mapasangkot sa sanlibutan ay lalaki kapag kayo ay nananatiling abala sa paglilingkuran kay Jehova. Ang pagpapayunir ay nagpapatibay sa inyong debosyon at nagbibigay sa inyo ng pampasigla upang lubusang maging okupado sa espirituwal na mga bagay. Kaya, kung ang inyong kalagayan ay nagpapahintulot, hindi ba’t dapat ninyong madama ang pananagutang maging isang regular payunir?—Mat. 6:12; 1 Cor. 15:58; 1 Tim. 6:7, 8.
9 Ang ating kaligayahan ngayon at sa walang hanggang kinabukasan ay nagmumula sa pagsasagawa ng kalooban ni Jehova. Ginawang maliwanag ito ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang sinabi at isinakatuparan. (Juan 4:34; Heb. 12:2) Kapag tayo ay abala sa pag-aanyaya sa iba na “kumuha ng walang bayad ng tubig ng buhay” kung gayon ang ating buhay ay magiging higit na kasiyasiya. Maaari ba ninyong mapasulong ang inyong kaligayahan sa pamamagitan ng pagtugon sa paanyayang ito na maging isang regular payunir?—Apoc. 22:17; Kaw. 11:25.