Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Bawa’t Isa
1 Samantalang nangangaral si Jesu-Kristo ipinakita niya ang marubdob na interes upang abutin ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. (Mar. 6:34; Juan 4:7, 40, 41) Nanaisin din nating abutin ang pinakamaraming tao hangga’t maaari habang magagawa natin. Ang buhay ay nakataya—ang sa kanila at ang sa atin. (1 Tim. 4:16) Nanaisin nating tulungan ang iba na makilala si Jehova upang sila din ay tumawag sa kaniyang pangalan at maligtas.—Gawa 2:21.
2 Ang karaniwang suliranin na napapaharap sa marami sa atin ay ang paghanap sa mga wala sa kanilang tahanan sa ating unang pagdalaw. Sinikap na ba ninyong dumalaw muli sa araw ding iyon? Marami ang nagtagumpay sa paggawa ng gayon. O subukang dumalaw sa ibang araw. Yaong mga laging wala sa tahanan ay maaaring maabot sa pamamagitan ng isang sulat. Sa paggawa sa mga teritoryo sa lunsod, pagsikapang kausapin ang mga nasusumpungan ninyo sa mga daanan ng maliliit na apartment o sa mga bangketa. Kung kailangan ninyong gawing maikli lamang ang inyong pakikipag-usap, masusumpungan ninyong kapakipakinabang na magharap ng kahit na isa man lamang sa apat na mga tracts: Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya, Ano ang Paniwala ng mga Saksi ni Jehova?, Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan, at Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?
GAWAIN SA LANSANGAN AT SA MGA TINDAHAN
3 Ang pakikibahagi sa gawain sa lansangan ay makatutulong sa inyo upang maabot ang mga indibiduwal na karaniwan ng wala sa tahanan kapag tayo ay dumadalaw. Kapag lumalapit sa mga tao, kapakipakinabang na maging palakaibigan at tuwiran habang sinisikap ninyong pasimulan ang isang usapan. Ang paghaharap ng isang maikli, tuwirang tanong ay makatutulong sa inyo upang pumukaw ng interes. Malamang na masumpungan ninyong madali lamang lumapit sa mga hindi masyadong nagmamadali. Ang ilan ay naging matagumpay sa pamamagitan ng paglakad ng ilang hakbang kasabay ng tao habang inihaharap nila sa maikli ang mga magasin. Kapag siksikan sa kalye, nasumpungan ng ilan na praktikal na makipag-usap doon sa nasa gawing tabi ng karamihan. Ang paggawa sa mga tindahan ay makatutulong sa inyo na abutin ang mga may-ari at mga manggagawa na karaniwang hindi nasusumpungan kapag tayo ay dumadalaw sa kanilang tahanan. Subuking dumalaw sa panahong iilan lamang ang namimili sa tindahan.
4 Kapag nasa gawain sa lansangan at sa mga tindahan, hindi kayo dapat na makadamang mga magasin lamang ang maaaring iharap. Ang mga aklat at mga brochure ay maaari ring ialok. Pinasisimulan ng isang matagumpay na mamamahayag ang pag-uusap sa pagtatanong ng, “Nakita na ba ninyo ang aming pinakabagong aklat?” Ang iba naman ay nagsasabi lamang ng, “Mayroon akong nais na ipakita sa inyo.”
5 Papaanong malilinang pa nang higit ang mga nasumpungang interes sa kalye at mga tindahan? Marami ang nagtagumpay sa pamamagitan ng pagtatanong sa tirahan ng mga interesado upang makausap pa sila nang higit sa isang mas kombiniyenteng panahon. Kung masumpungan ninyong sila’y hindi nakatira sa inyong teritoryo, maaaring ibigay ang direksiyon sa angkop na kongregasyon. Ang punong tagapangasiwa ng inyong kongregasyon ay magagalak na tumulong sa inyo sa bagay na ito.
6 Kalooban ni Jehova na ang lahat ay mabigyan ng pagkakataon na makarinig sa katotohanan. “Ang nauuhaw ay pumarito; at ang may ibig ay kumuha na walang bayad ng tubig ng buhay.” (Apoc. 22:17) Kapag tayo ay gumagawa ng taimtim na pagsisikap na masumpungan ang lahat ng mga tao, ipinakikita natin na ang iba ay ating iniibig din gaya ni Jehova.—Juan 3:16.