Paghanap sa mga Interesado sa Pamamagitan ng Mabisang Pangangaral sa Lansangan
1 Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na hanapin ang mga karapatdapat na makinig sa mabuting balita ng Kaharian. (Mat. 10:11) Gayunman, sa maraming lugar sa ngayon, nagiging higit at higit na mahirap na masumpungan ang mga tao sa kanilang tahanan. Kaya, ano ang maaaring gawin upang abutin ang mga karapatdapat na ito?
2 Ang pangangaral sa lansangan ay maaaring maging isang mabisang paraan upang masumpungan ang mga tao na hindi matagpuan sa pagbabahay-bahay. Maaari nating gawin ang pangangaral sa lansangan sa mga hintayan ng bus, sa tabi ng natatanurang mga gusali, sa mga parke, at sa iba pang mga lugar na maraming tao sa araw-araw.
3 Kapag nababanggit ang pangangaral sa lansangan, nagkakaroon ng pangamba ang ilan. Maaaring sila’y nag-aatubiling makibahagi sa gawaing iyon dahilan sa sila’y nahihiya o nangangambang itaboy ng tao. Ang ganitong pagkabalisa ay kadalasang walang saligan. Yaong mga may karanasan sa ganitong gawain ay nag-ulat na hindi ito mahirap kung ihahambing sa pangangaral sa bahay-bahay. Sa katunayan, nasumpungan nilang ang karamihan sa mga tao ay higit na nakikipag-usap kaysa pag tayo’y kumakatok sa kanilang pintuan. Kaya kung ‘tataglayin natin ang katapangan,’ maaari tayong mamangha sa tatamuhing mabubuting resulta.—1 Tes. 2:2.
4 Papaano maaaring gawing higit na mabisa ang pangangaral sa lansangan? Mahalagang maghandang mabuti. Basahin ang mga magasin nang patiuna, piliin ang isa o dalawang mga litaw na punto na sa palagay ninyo’y makakaakit sa mga tao. Angkop lamang ang 30 segundong presentasyon. Piliin ang lugar na palagiang dinaraanan ng maraming tao. Bagaman mas mabuting may kalapit na ibang mamamahayag, kadalasang mas mainam na gumawang magkahiwalay. Ang mga mamamahayag na nakatayong magkakasama ay maaaring mahikayat na makipag-usap sa isa’t isa at hindi na tuloy mapansin ang mga maaaring makinig sa pabalita ng Kaharian.
5 Ang basta pagtayo sa isang lugar at pagpapakita ng mga magasin ay hindi kasing buti ng paglapit sa indibiduwal. Maging maibigin at palakaibigan habang sinisikap ninyo na pasimulan ang isang pag-uusap. Sa ilang kaso, maaaring kailanganing lumakad ng ilang hakbang kasabay ng isang tao habang nakikipag-usap sa kaniya. Kung siya’y tumugon, ialok ang mga magasin. Kung tinanggihan ang mga magasin, maaari kayong mag-alok ng tract.
6 Kalimitang mainam na maghanda ng isang maikling tanong o pangungusap na lilikha ng interes. Kung may interes, sikaping makuha ang pangalan at direksiyon ng tao, at marahil ang numero ng telepono upang masubaybayan ninyo ang interes. Maaari ninyong sabihin: “Kung nais ninyong matuto nang higit pa, kasiyahan kong dalawin kayo o magsaayos na dalawin kayo ng ibang Saksi.”
7 Isang matanda na nangangaral sa lansangan ang lumapit sa isang babae at nalamang hindi pa siya kailanman nakakausap ng mga Saksi sa kaniyang tahanan. Kumuha siya ng isang aklat at sumang-ayong dalawin ng isang kapatid na babae sa kaniyang tahanan sa isang kombiniyenteng panahon. Marami pang mga karapatdapat ang tiyak na masusumpungan at matutulungan kung tayo’y mahusay sa pangangaral sa lansangan.—Gawa 17:17.