Tulungan ang mga Dumadalo sa Pulong
1 Ipinahayag ni David ang taus-pusong pagnanais nang sabihin niya: “Sa mga kapisanan ay pupurihin ko si Jehova.” (Awit 26:12) Ipinakilala ni David ang mga kapisanan bilang mga mananamba ni Jehova. Tayo ba’y may gayon ding taus-pusong pagnanais? Maaari nating ipakita ito sa pamamagitan ng palagiang pagdalo sa mga pulong at pagpapasigla rin sa iba na gawin ang gayon.—Heb. 10:24, 25.
2 Malamang na sa inyong kongregasyon ay may mga indibiduwal na dumadalo sa mga pulong subali’t hindi pa mga mamamahayag ng mabuting balita. Ang pinakahuling bilang ng mga dumadalo sa pulong sa bansang ito ay nagpapakita na mahigit pa sa 15,000 ang dumadalo sa pahayag pangmadla kung ihahambing sa kaugnay na mga mamamahayag. Ano ang magagawa natin upang ang mga ito ay maging kuwalipikado na makibahagi sa ministeryo? Ang ilan ay mga anak ng mga Saksi ni Jehova, subali’t ang karamihan ay mga bagong interesado. Makatutulong ba tayo sa kanila? Ang ilan ay mga taong hindi pa nag-aaral. Habang kayo ay nakikipag-usap sa kanila sa mga pulong, masusumpungan ninyo ang ilan ay maliligayahang kayo ay magdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa kanila.
3 Ang pag-ibig ng mga kapatid para sa mga baguhan ay hindi nakakaila. Gaya ng sinabi ng isang kabataang lalake pagkatapos ng una niyang pakikipagpulong: “Ako ay namangha na magkakakilala ang bawa’t isa at ang bulwagan ay puno ng kasiglahan dahilan sa palakaibigang usapan.” Ito ang naging dahilan upang siya’y patuloy na dumalo.
MGA PARAAN UPANG MAKATULONG
4 Ang ating pag-ibig sa iba ay maipamamalas sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila bago at pagkatapos ng mga pulong. Ang gayong malalim na interes ay ipinakita ni Pablo sa Roma kabanata 16, na doo’y nagpadala siya ng mga pagbati sa mga indibiduwal, na nagpapakita na sila’y lubos niyang nakikilala at siya’y nagmamalasakit sa kanila. (Roma 16:1-16) Ang kaniyang mga komento ay nagpapakita na naglaan siya ng panahon at interes na makilala sila. Nauunawaan niya ang kanilang mga suliranin anupa’t siya’y makatutulong sa kanila sa espirituwal. Ang pagdating nang maaga sa mga pagpupulong ay naglalaan ng mainam na pagkakataon upang higit na makilala ang iba pa at mapasigla sila. Bakit hindi pagsikapang dumating ng 15 hanggang 20 minuto bago magpasimula ang pulong at manatili nang ilang sandali pagkatapos nito upang kayo ay higit na makabahagi sa pagpapasigla sa iba.
5 Mapasisigla natin ang mga baguhang dumadalo sa pulong sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila kung papaano maghahanda para sa mga pulong, magbibigay ng mga komento at sasali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro kapag sila’y kuwalipikado na. Ang ilang praktikal na mungkahi sa baguhan ay malaking tulong sa pagpapasigla sa kaniya na gawin ito.—Tingnan ang Giya sa Paaralan, mga araling 4, 7, at 18.
6 Bilang isang bahagi ng mga nagkakatipong pulutong ni Jehova, tayo ay sumusulong sa espirituwal, at ito’y nagbubunga ng lalong matibay na buklod ng pagkakaisa. (Gal. 6:10) Kung gayon, magpatuloy tayo sa maibiging pagsisikap na tulungan ang mga baguhan na purihin at parangalan si Jehova.